South Boys #3: Serial Charmer

By JFstories

4.2M 246K 151K

She may be beautiful, but she is aware that she's quite the airhead and is pretty dense. As such, Vivi masks... More

Prologue
Chapter 1
Chapter 2
Chapter 3
Chapter 4
Chapter 5
Chapter 6
Chapter 7
Chapter 8
Chapter 9
Chapter 10
Chapter 11
Chapter 12
Chapter 13
Chapter 14
Chapter 15
Chapter 17
Chapter 18
Chapter 19
Chapter 20
Chapter 21
Chapter 22
Chapter 23
Chapter 24
Chapter 25
Chapter 26
Chapter 27
Chapter 28
Chapter 29
Chapter 30
Chapter 31
Chapter 32
Chapter 33
Chapter 34
Chapter 35
Chapter 36
Chapter 37
Chapter 38
Chapter 39
Chapter 40
Chapter 41
Chapter 42
Chapter 43
Chapter 44
Chapter 45
Chapter 46
Chapter 47
Chapter 48
Chapter 49
Chapter 50
Chapter 51
Chapter 52
Chapter 53
Chapter 54
Chapter 55
Chapter 56
Chapter 57
Chapter 58
Chapter 59
Chapter 60
The Final Chapter
Epilogue
V.I.

Chapter 16

41.3K 2.6K 898
By JFstories

"SABIHIN MO NA LANG NA AYAW MO NA TALAGA. HINDI MO NA AKO KAILANGANG IPAGTULAKAN SA IBA."


Nang marinig na ang pag-start at pag-alis ng motor niya ay doon na tumulo ang mga luha ko. Sa pangalawang pagkakataon, sinaktan ko na naman siya. Ni hindi ko siya maipaglaban at ngayo'y ipinagtabuyan ko pa.


Hinayaan ko ang sarili na na ilang minuto na tahimik na umiyak habang nakatitig sa gate na nilabasan niya, saka nagpunas ng luha.


Paglingon ko sa bahay ay naroon sa bintana nakasilip si Daddy. Kahit madilim doon ay nakikita ko ang kanyang pagkakangisi.


"Mabuti naman nadispatsa mo na iyong tarantadong iyon!"


Pagbalik ko sa loob ay nakatingin sa akin sina Kuya Vien at Mommy. Si Daddy naman ay naka-de quatro sa sofa habang iiling-iling na nagbibitiw ng mga mabibigat na salita.


"Iniligtas lang kita sa katangahan mo. Iyong itsura na iyon ng lalaking iyon, puro mukha at porma lang, pero hindi gagawa ng matino at lolokohin ka lang!"


Yumuko lang ako at hindi kumibo. Ang mga paa ko ay papunta sa hagdan. Gusto ko nang bumalik sa kuwarto para hindi na marinig pa ang mga sinasabi ni Daddy. Pero tinawag ako nito.


"Hoy, Vivi! Alam mo ba na noong pumunta ako sa bahay ng lalaking iyon, nakaharap ko ang mga magulang niya. Iyong tatay na balik-bayan, duwag. Iyong nanay naman, akala mo kung sino kung magsalita at ipagtanggol ang anak niya, e halata namang kunsintidora!"


Nagtagis ang mga ngipin ko at kumuyom ang aking kamao dahil sa kahihiyan. Nang mapatingin ako kay Mommy ay sinenyasan ako nito na magtuloy na lang na umakyat sa hagdan at bumalik sa kuwarto.


"Subukan mo lang makipagbalikan o kahit makipag-usap lang sa tarantadong ex mo, hindi ko patatahimikin ang pamilya niyon! At ikaw, huhubaran kita riyan sa kalsada para maalis ang kati mo!"


Tiniis ko na lang ang mga humabol pa sa aking salita ni Daddy dahil wala naman talaga akong magagawa. Hindi ko kayang lumaban. Hangga't nasa poder niya ako, hangga't pinapakain niya ako at pinag-aaral, kahit pa nasa tamang edad na ako ay nasa ilalim pa rin ako ng batas niya.


Pagpasok sa kuwarto ay nagtalukbong na ako ng kumot. Naiisip ko ang mga banta ni Daddy kanina sa sala. Nakakagulat na mas inaalala ko pa ang panggugulo ni Daddy sa mga magulang ni Isaiah kaysa ang hubaran ako ni Daddy sa kalsada.


Mas takot ako na masaktan si Isaiah kaysa mapahiya ako. Mas inaalala ko siya. Isa lang ang dahilan, totoong mahal ko na siya. Sa lahat ng pagtatiyaga niya sa akin, totoo na natutunan ko na siyang mahalin. Ipinagpatuloy ko ang pag-iyak para sa unang pagkabigo ng puso ko.


Ang katapusan ng first love ko...



PAGPASOK sa sumunod na araw ay hindi na ako pinapansin ni Daddy. Nag-abot siya ng baon kay Kuya Vien pero wala para sa akin. Tinanggap ko na lang ang lunchbox na bigay ni Mommy. Ang laman ng baunan ay hiniwang pipino at isang pirasong itlog.


Bago sumakay sa jeep ay sinimplehan ako ng abot ni Kuya Vien ng fifty pesos. Hindi ko na natanggihan dahil naisuksok niya na iyon sa bulsa ko. Nag-aalala ako dahil alam ko na iyon na lang din ang pera niya dahil walang raket ngayon si Daddy. Kababayad lang din namin ng mga utang sa kalapit naming grocery.


Pagbaba ng jeep sa Brgy. Pinagtipunan ay sakto na paliko ang motor ni Isaiah papasok sa street ng school namin. Honda Click na naghahalong kulay orange at black. Nauuna siya kaya hindi niya ako napansin. Nakasuot siya ng helmet kaya hindi ko makita ang reaksyon at itsura niya.


Parang lason na naalala ko ang banta ni Daddy kagabi.Nakakagulat lang talaga na ako na sobrang self-conscious, mahiyain at ilag sa mga tao ay ayos lang na mahubaran sa kalsada. Ayos lang ako na mapahiya kaysa mapahamak si Isaiah. 


Ngayon lang ako nakaramdam ng ganitong tapang para sa taong gusto kong protektahan.


Nakahabol ako ng tingin ngayon kay Isaiah. Tumigil ako sa may tindahan sa kanto nang mag-park na siya. Pasimple akong nakatanaw dahil hindi ko naman siya puwedeng lapitan.


Pagka-park niya sa motor ay naghubad siya ng helmet at nagwilig ng ulo. Sinuklay niya ang malambot na buhok gamit ang kanyang mahahabang daliri. Pagbaba niya ay ibinulsa niya ang susi. Nakamasid ako sa buong sandali.


Kumusta kaya siya matapos ang kagabi?


May dumaang owner sa harapan ko. Ang nagmamaneho ay nakasuot ng uniform ng LPU Dasma. Sa passenger ay bumaba ang kaibigan niyang si Asher. Nagpaalam ito sa driver na nakatatandang kuya yata nito dahil kamukha, pagkatapos ay lumapit na kay Isaiah.


Nag-fist bump sina Isaiah at Asher sa isa't isa, pagkuwa'y sabay na tinungo ang gate. Saka lang ako nagpatuloy sa paglalakad. Tahimik akong nakasunod sa likuran nila.


Ang mga nadadaanan nilang babaeng estudyante ay tinatawag sila.


"Good morning, Asher!"


"Hi, Isaiah!"


Gumaganti ng simpleng tango si Asher sa mga babaeng bumabati. Si Isaiah naman ay ni hindi lumilingon.


"Isaiah, pa-accept naman sa FB!"


"Oy, may GF na 'yan si Isaiah Gideon," saway ng isa sa mga kasama ng nakasalubong nila sa tapat ng faculty.


Hinintay ko ang reaksyon ni Isaiah sa sinabi ng babae pero hindi siya nagsalita. Kaswal lang na nagpatuloy siya sa paglalakad kasama si Asher.


May humarang sa kanila na grupo ng mga babaeng Grade 10. Ang isa ay naglabas ng cellphone. Si Isaiah ay walang pakialam na nagpatuloy sa paglalakad. Si Asher ang na-corner. Hindi ito makaalis kaya ito na ang tumanggap ng cellphone.


"Taena, Isaiah!" sigaw ni Asher pero ni hindi na niya ito nilingon. Kakamot-kamot na lang ito ng ulo.


Walang alam si Isaiah na nasa likod niya ako. Mga limang dipa ang layo sa kanya. Nakasunod pa rin ako sa kanya at maingat na pinagmamasdan siya. Humihinto ako kapag humihinto siya at nagpapatuloy kapag nagpapatuloy siya.


Hanggang makarating sa building namin sa Grade 11 ay nasa likod niya pa rin ako. Naroon na si Miko na nag-v-vape sa may likod ng hagdan. Nang makita siya ay sabay silang umakyat. Hinintay ko silang makapasok sa room nila bago ako dumaan.


Dere-deretso ang mga lakad ko. Hindi na ako nagtangka na lumingon. Sa peripheral vision ko ay sumulyap si Isaiah sa akin mula sa bintana. May mainit na lumukob sa puso ko na agad ding nawala nang magbawi rin siya ng tingin, na para bang wala siyang nakita.



FIRST BREAK, second break hanggang third break ay hindi ako lumabas para lang hindi kami magkasalubong. Kinain ko lang ang baon kong pipino at nilagang itlog maghapon.


Sa uwian ay hinintay ko na makalabas na ang lahat bago ako tumayo. Kaunti na lang halos ang mga estudyante nang maglakad ako patungo sa gate. Bagaman hindi ko na inaasahan na maabutan pa si Isaiah, inaamin ko na gusto ko pa rin pala siyang makita.


Iyon nga lang, wala na ang motor niya sa kinapaparadahan nito... Nakauwi na siya kanina pa.



MABUTI na rin siguro na hindi kami magkita. Nasasaktan lang kasi ako kapag nakikita ko siya. Mas inagahan ko ang pasok sa sumunod na araw. Kaya lang paakyat ako sa hagdan nang makita ang mga nakatambay sa itaas. Bakit ang aga rin nila ngayon?


Naroon si Isaiah sa itaas ng hagdan kasama ang tropa niya. May pinag-uusapan sila. Kahit pakiramdam ko'y naninigas ang aking mga binti ay humakbang pa rin ako. Malapit na ako sa huling baitang nang mapatingin sa akin si Isaiah.


Ang paninigas ng aking mga binti ay tumulay sa buong katawan ko nang magkatitigan kaming dalawa. Hindi malamig ang mga mata niya at hindi rin galit. Walang kahit anong makikita roon. Wala kahit anong emosyon. At mas masakit iyon.


Yuyuko na ako nang siya na ang maunang mag-iwas ng paningin sa akin. Nagpatuloy siya sa kaswal na pakikipag-usap kina Miko at Asher na para bang hindi niya ako nakita.


Sa pagkaka-sideview ng kanyang mukha ay natuon ang aking mga mata sa matangos niyang ilong, may nakita akong maliit na sugat sa mataas na bridge niyon. Maging ang gilid ng mapula niyang mga labi ay may pasa. Ang paghakbang ko ay hindi na natuloy. Hindi ko namalayang nakatitig na lang ako sa kanya.


Hindi ko mapigilang mag-alala. Bakit may mga bangas siya? Anong nangyari sa kanya? Napaaway ba siya? Saan? Kailan?


Si Asher ay napatingin din sa akin. Tumaas ang isa sa makakapal na kilay ng lalaki. Nagtataka yata dahil bakit hanggang ngayon ay naririto pa rin ako. Nababangga na ako ng mga nagdaraang estudyante dahil nakaharang ako sa daan, pero hindi pa rin ako natitinag sa kinatatayuan.


Naramdaman naman ni Isaiah ang mga titig ko kaya muli siyang napalingon sa akin. Hindi ko alam kung imahinasyon ko lang ba na parang sandaling lumamlam ang mga mata niya pagkakita na narito pa rin ako.


"Una na ko sa room," narinig kong sabi niya kina Asher at Miko. Tinapik sa balikat ang kanyang tropa saka siya nakapamulsa sa suot na school pants na lumakad para umalis.


Nakahabol pa rin ako ng tingin sa kanya hanggang sa mawala na siya sa paningin ko. Nang matauhan ay napapahiyang napatingin ako sa naiwan niyang mga kaibigan. Nakatingin sa akin ang mga ito.


"Curious ka?" tanong sa akin ni Miko. Alam ko na ang tinutukoy niya ay iyong bangas ni Isaiah.


Si Asher na nakapamulsa sa suot na school pants habang nakasandal sa pader ay nginitian ako. "Napa-rambol lang kami nang slight kagabi. Naagrabyado kasi si Carlyn. Kilala mo iyon, iyong babaeng tropa namin."


Saka ko lang napansin na pati silang dalawa ni Miko ay may mga bangas din. Si Asher ay may band aid sa gilid ng sentido habang putok naman ang gilid ng mga labi ni Miko.


"Wag mong alalahanin si Papi Isaiah," ani Asher. "Matigas bungo niyon, di iyon agad tumutumba. Sanay iyon sa bakbakan. Saka iyong mga bangas niya, malayo sa bituka."


Nahihiyang tumango ako. "S-sige, alis na ako..."


Pagdaan ko sa room nina Isaiah ay hinayaan ko ang sarili na lingunin siya. Nasa upuan niya na siya sa may bandang likuran. Busy siya sa hawak na cellphone. Sana talaga ay totoong okay lang siya. Kahit pa kasi gaano kasimple o kalala ang away na kinasangkutan ng tropa niya kahapon, imposible na hindi pa rin siya nasaktan.


Bago pa ako mag-alis ng paningin sa kanya ay napatingin na siya sa gawi ko. Nahuli niya ako. Mas nakakatawa ako kung magpapanggap ako at iiwas ng tingin, pinangatawanan ko na lang at simpleng tinanguan siya.


Tumaas ang isa sa makakapal na kilay niya. Parang sampal iyon na sinasabing hindi ko kailangang maging kaswal sa kanya dahil bago naging kami ay hindi naman kami naging magkaibigan na dalawa. Napayuko ako at pumunta na sa room ko.



GOOD MOOD SI DADDY PAG-UWI.


May pera ito kaya masaya. Napadalhan ng tita ko mula sa Autralia. Pinaglalakad na ng papel dahil kukunin na ito para doon na magtrabaho. Ang kaso, ang pang-asikaso ng mga papel ay ibinili muna nito ng second hand na sasakyan dahil hindi na talaga naayos ang luma naming owner.


Malambing si Daddy kay Mommy. Inorderan nito ang asawa ng maraming make up sa online at pang-grocery. Inabutan din si Kuya Vien ng dagdag allowance. Ako ay tiningnan lang ni Daddy at sinimangutan.



SA KUWARTO KO. Kaysa makasama si Daddy sa sala ay dito na lang ako naglagi. Tiniis ko na lang ang pagkalam ng aking tiyan sa gutom. 


Iniisip ko rin si Isaiah kung kumusta ba siya. Masakit kaya ang mga bangas niya? Nasaan kaya siya ngayon? Sino ang kasama niya? Ano ang ginagawa niya?


Nakaupo ako sa kama at nakatingin sa photo na aking isinend sa messenger. Ito iyong photo na wallpaper ni Isaiah. Iyong in-edit niya na may dalawang graffiti letters na: V and I.


Walang alam si Isaiah na basta ko iyon isinend sa akin noong kami pa. Binura ko lang agad ang photo message matapos i-send dahil nahihiya ako sa kanya. Ito pa rin kaya ang wallpaper niya hanggang ngayon? Malamang hindi na.


Nakatulala ako sa phone nang may mahinang kumatok sa pinto ng aking kuwarto. Bumukas iyon at pumasok si Kuya Vien. Naka-pajama na siya na kulay puti at t-shirt na grey. Magulo ang buhok niya na halatang kaliligo lang at hindi pa nakakasuklay.


Naupo siya sa gilid ng kama ko. "Kumain ka ba kanina?"


Umiling ako. "Ayoko na ng pipino..." Pipino na naman kasi iyong hinanda ni Mommy sa akin kaninang hapunan dahil wala na naman kaming pera. Hindi pa nakakabili ulit ng ibang gulay. Ubos na rin itlog at manok na stock.


May inabot siya sa akin mula sa bulsa niya. Namilog ang mga mata ko nang makita ang yuping Jollibee burger yum. "Pasalubong ko 'to sa 'yo. Sorry napisa nga lang."


"Saan galing ito?" Agad kong binuksan ang burger at sinakmal ng kagat. Miss ko na kasi ito saka gutom ako. Ginutom ako lalo dahil sa lungkot.


Lumikot ang mga mata niya. "Bigay ng friend ko."


Friend? Iyong babae ba na palagi niyang kausap sa phone ang tinutukoy niyang friend?


Habang kumakain ako ay nakatingin lang siya sa akin. Nasa mga mata niya ang awa at lungkot. "Sorry, Vi."


"Bakit ka nag-so-sorry?" 


Nang maubos ko ang burger ay tumayo ako. May kinuha akong plastic mula sa aking closet. Ang plastic na pinaka-iingatan ko na wag makikita nina Daddy. Ini-lock ko muna ang pinto bago binalikan si Kuya Vien. Inilabas ko sa ibabaw ng kama ang lahat ng laman ng plastic. 


Napanganga siya nang makita ang maraming chocolate. Toblerone, Kisses at Cadbury. Ang mga ito ay galing kay Isaiah noong pumunta ako sa bahay nila. "Kuya, kumuha ka kahit ilan. Bigyan mo rin iyong friend mo na nagbigay sa 'yo ng burger."


Nanlaki ang mga mata ni Kuya Vien sa mga chocolates. "Saan galing lahat 'yan?!"


Sa halip na sumagot ay maliit na ngumiti lang ako. Hindi na rin siya nag-usisa pa dahil alam niya na kung kanino galing.


Kumuha ako ng Cadbury at binalatan. Basta ko na lang iyong nginabngab. Sunod-sunod ang kagat. Umiiwas ako sa chocolates pero sa pagkakataong ito ay wala akong pakialam. Kakain ako dahil gusto ko at dahil gutom ako.


Nakatingin lang si Kuya Vien. Kain lang ako nang kain kahit hindi ko na malasahan ang chocolates. Ang pait sa aking dibdib ay umabot na yata sa panlasa ko. Napayuko ako at nabitiwan ang nangangalahating Cadbury.


Hinayaan ako ni Kuya Vien. Mayamaya ay naramdaman ko ang maingat na paghawak niya sa aking ulo. "Vi, mabait ba siya?"


"S-sino?" maang-maangan ko kahit kilala ko na ang tinutukoy niya.


"Iyong Isaiah."


Tumingala ako at mainit ang gilid ng mga mata na ngumiti sa kanya. "Oo, kuya. Mabait siya..."


Hindi na siya nagsalita. Walang matinding pag-uusisa, panghuhusga at paninisi ako na narinig mula sa kanya. Isa lang ang ibig sabihin, may tiwala siya sa akin.


Mabait naman talaga si Isaiah. Mabait ito hindi lang sa akin kundi pati sa mga kaibigan at mga magulang nito. Maloko pero magalang. Mukha lang walang paki pero mapagmahal sa kaibigan.


Si Isaiah ay makulit lang pero mabait. Maangas ang dating pero ang totoo ay malambing. Mababa palagi ang boses kapag kausap ako, ginagawa nito ang lahat para iparamdam sa akin na hindi ako dapat mag-alala kapag magkasama kaming dalawa, at kahit ang dami kong katangahan, hindi ito naiinis o nagagalit.


Naramdaman ko ang maingat na pagdampi ng mga daliri ni Kuya Vien sa aking pisngi. Pumatak na pala ang luha ko nang hindi ko nalalaman.


Ngumiti si Kuya Vien sa akin. "Vi, naniniwala ako na mabait siya dahil sinabi mo."


Napahikbi na ako at hindi na napigilan ang pag-iyak sa harapan niya. "Kuya, mabait talaga si Isaiah. Mabait din ang mga kaibigan niya at mga magulang niya. Kuya, mababait sila... Pero Hindi ko na sila puwedeng makasama... Bawal ko na silang makausap, kuya," iyak ko na hindi na nahiya sa kapatid. Ang bigat-bigat ng loob ko. "Kuya, hindi ko na sila puwedeng makasama kasi bawal na. Kuya, bawal na dahil magagalit si Daddy!"


Niyakap ako ni Kuya Vien. "Tahan na..." basag ang boses na alo niya sa akin.


"Ang sabi ni Daddy, kapag hindi raw ako nakipaghiwalay kay Isaiah at kapag nakipagusap ulit ako, manggugulo siya. Sabi niya, sasaktan niya ulit ako. Pag sinaktan niya ako, masasaktan na naman din pati kayo ni Mommy. Kuya, kaya sinaktan ko na lang si Isaiah." Napahagulhol na ako.


Ibinuhos ko ang lahat ng aking hinanakit. Lahat ng mabigat sa dibdib ko.


"Bakit kailangang ganoon, kuya? Wala naman kaming ginagawang masama ni Isaiah, ah? Bakit kailangang ganoon?"


"Tahan na, Vi. Tahan na..." Panay ang hagod lang ni Kuya Vien sa likod ko pero nararamdaman ko ang panginginig niya at pagtitimpi ng galit. Naririnig ko ang mahihinang panaka-nakang pagtatagis ng mga ngipin.


"Bakit walang tiwala si Daddy, kuya? Hindi naman ako masamang anak, ginagawa ko naman ang lahat. Kung gusto niya na wag akong mag-boyfriend dahil nag-aaral pa, naiintindihan ko naman. Pero bakit kailangan niya pa akong saktan? Bakit kailangan niya pa akong pagbantaan? Kuya, masama ba akong anak?"


"Hindi, Vi. Ikaw ang pinakamabait at pinakamasunuring anak." Tinuyo ni Kuya Vien ang mga luha sa aking pisngi gamit ang kumot na dinampot niya sa gilid ng kamang kinauupuan. Kahit may luha na rin sa mga mata niya ay ngumiti siya. "Hindi ka masamang anak, nagkataon lang na malas tayo sa magulang."


Napamaang ako kay Kuya Vien. Iyon ang unang beses na nagsalita siya ng ganoon tungkol sa mga magulang namin.


"Sorry, Vi, dahil wala pa akong magawa sa ngayon para pagaanin ang sitwasyon. Pero onting hintay pa. Onting hintay pa kayo ni Mommy, magiging maayos din ang lahat."


Tumango ako at nagpunas na rin ng luha. "Kuya, kung hindi nangyari ang lahat ng ito, wala naman akong balak itago si Isaiah pati sa 'yo. Gusto ko rin siyang makilala mo. Gusto ko na makilala mo siya."


Muli siyang ngumiti at hinaplos ng palad ang pisngi ko. "Malay mo."


Lumabi ako at umiling. "W-wala na, kuya. Galit siya sa akin. Mas galit siya sa akin ngayon kaysa noong una na paghihiwalay namin. Ang sama-sama ko kasi sa kanya kaya dapat lang talaga na magalit siya sa akin."


"Walang magagalit sa 'yo, Vi." Ginulo niya ang buhok ko. "Walang puwedeng magalit sa 'yo dahil mabait ka. Hindi ka masama. Sigurado akong alam niya iyon." Tiningnan niya ang mukha ko. "O saka ang cute-cute kaya ng baby ko na 'yan, sinong kayang magalit sa ganyan, ha?"


Napangiti na ako. "Kuya, naman..."


"Totoo naman, ah." Ngumisi siya at pinisil ang ilong ko. "Sinong magagalit sa mukhang anghel na Vivi ko? Saka ang bait-bait mo kaya. Kung hindi alam ni Isaiah kung gaano ka kabait, bahala na siya sa buhay niya."


Nakangiti na nagluha na naman ang mga mata ko. Yumakap ako sa kanya. "Kuya, thank you."


Hinagkan niya ako sa noo. "Matulog ka na, Vi. Dadalhin ko na iyong ibang chocolates, ah?" Mahina akong natawa kahit naiiyak. Ipinadala ko na sa kanya ang halos lahat ng chocolates. Nagtira lang ako ng tag-iisa.


Tag-iisang chocolates na itatago ko na lang. Itatago ko dahil wala na akong balak kainin pa...


Nahiga na ako sa kama habang hawak ang tag iisang pirasong Toblerone, Cadbury at Kisses. Itatabi ko muna ang mga iyon ngayong gabi. Nakahiga ako nang umilaw ang notification ng phone na nasa kama rin. Nakalimutan ko pala na patayin ang WiFi.


May bagong message request sa messenger. Ang profile photo ay edited photo ng isang babae na naka-shades habang naka-dirty finger. May green font sa ilalim na: Bh0Z_MaLditAh27


Ang pangalan ng account ay Yllen Nayabgnaldam. Nakilala ko agad ito kahit baliktad ang pangalan. Si Nelly Rose Madlangbayan ito. Iyong isang tropang babae nina Isaiah. Nag-drop na ito at wala na sa school dahil buntis.


Nagulat ako sa biglang pag-contact nito sa akin gayung alam kong ayaw nito sa akin. Ang gulat ko ay napalitan ng ibang pakiramdam nang buksan ko na ang message niya.


Yllen: Eow, Vivi! Hehe inform Lang kta, gurl. Si Isaiah at Carlyn na!


JF

Continue Reading

You'll Also Like

23.2M 591K 39
"I'm not harmless as you think I am." - Santi Montemayor Old title: ILY, Master Magbabantay, magtatanggol at magiging sandalan niya lang dapat ang la...
316K 8.5K 30
Boss Series #2 TREVOR: Her Boss' Broken Heart And Broken Leg Trevor felt like crap when his fiancee decided to broke off their upcoming wedding becau...
11M 274K 47
X10 Series: Dustin Lloyd Jimenez Side story of Accidentally Inlove With A Gangster. [[Story of Chloe and Dustin of X10]] Who will fall inlove easily...