The Mafia Boss' Only Princess

By Kuya_Soju

12.1K 500 62

[PREVIEW ONLY] Grizelda was once a sweet and loving girl. But she turned into a cold and heartless woman when... More

Introduction
CHAPTER 01
CHAPTER 02
CHAPTER 03
CHAPTER 04
CHAPTER 05
CHAPTER 07
CHAPTER 08
CHAPTER 09
CHAPTER 10
CHAPTER 11
Published Book
PUBLISHED BOOK

CHAPTER 06

447 29 2
By Kuya_Soju




HELL FIGHTING MATCH. Hindi akalain ni Conan na may ganito palang fighting match.

Kahapon ay may nakilala sila ni Boyet na isang mayamang matanda na lalaki na pagbebentahan sana nila ng pekeng gold. Muntik na nila itong mabiktima pero marunong pala itong tumingin ng totoo at pekeng ginto. Akala nga nila ay dadalhin na sila nito sa mga pulis pero nagulat sila nang ito pa ang may in-offer sa kanila na pagkakakitaan.

Para hindi sila nito ipakulong ay kailangan nilang sumama sa matandang lalaki sa fighting match na iyon at pumusta sa isa sa mga maglalaban para kung sakaling matalo ang bet ng lalaki ay mababawi rin ang perang ipupusta nito.

Hindi kasi pwedeng pumusta sa dalawa ang isang tao kaya kailangan nito ang tulong nila ni Boyet. Ang lalaki naman ang magbibigay sa kanila ng pang-pusta kaya um-okay na sila kesa sa maghimas sila ng malamig na rehas.

Nagpakilala lang ito bilang si Mr. Fernandez. Mataba ito at makapal ang bigote at balbas. Wala nang buhok sa unahan ng ulo. Kapag siguro nagsuot ito ng kulay pulang jacket at pants tapos tatawa ng "ho-ho-ho" ay mapagkakamalan itong si Santa Claus.

Bago sila pumasok sa mismong stadium ay pumila muna sila at pumasok sa isang booth kung saan ay doon sila pipili kung kanino ang kanilang pusta at merong parang ATM doon kung saan ilalagay ang isang card. Pagkatapos ay ilalagay na kung magkano ang amount ng kanilang ipupusta.

Dalawang babae ang naglaban. Si Black Lily at Zelda. Sa picture na nakita ni Conan kanina sa monitor ay halatang lamang si Black Lily dahil mas malaki ang katawan nito kesa doon sa Zelda na manipis ang katawan.

Hindi niya alam kung bakit parang may kakaiba siyang naramdaman kay Zelda. Natatakpan ng maskara ang mga mata nito pero sigurado na maganda itong babae. Kay Zelda siya pumusta at nang lumabas siya sa booth ay sinabi niya kina Mr. Fernandez at Boyet kung kanino siya pumusta.

"O, paano ba 'yan, Mr. Fernandez! Bawing-bawi ang pinusta mo dahil sa amin. Baka pwedeng bigyan mo naman kami ng balato!" sabi ni Boyet kay Mr. Fernandez nang matapos na ang fighting match.

Kay Black Lily kasi pumusta sina Boyet at Mr. Fernandez at siya lamang kay Zelda. Nasa labas na sila at sasakay na si Mr. Fernandez sa mamahalin nitong sasakyan.

"Wala na akong ibibigay sa inyong dalawa. Hindi pa ba kayo kuntento sa ibinayad ko sa inyo? Isa pa, iyang kasama mo ay tanga! Imbes na kay Black Lily pumusta ay doon pa sa isa na halatang matatalo!"

"Aba, Mr. Fernandez, ikaw kaya ang may sabi na dapat ay may isa na mag-iiba ng boto." Katwiran ni Conan. "O, sinabi mo iyon. 'Wag mong itatanggi. Kaya deserved namin ang balato o dagdag."

Ngumisi ito. "Baka deserved ninyo ang makulong. Ano? Gusto niya may balato nga kayo pero nakakulong naman kayo?" May himig ng pananakot nitong turan.

Napaatras sila ni Boyet.

"Ah, e... H-hindi na po. Sige, alis na po kayo. Mag-iingat po kayo!" Ngumiti si Conan ng peke at sinaluduhan pa si Mr. Fernandez.

"Lumayo-layo nga kayo sa sasakyan ko at baka madumihan!" asik pa ni Mr. Fernandez at akmang sasapakin pa sila ni Boyet. Saka ito sumakay sa sasakyan at sumibad na ito paalis.

Nagpahabol ng dalawang dirty finger si Boyet sa sasakyan ni Mr. Fernandez. "Pangit mo! Mukha kang Santa Claus na pagod!" sigaw pa nito na talagang ikinatawa niya nang malala.

Naiintindihan ni Conan kung bakit ganoon na lang ang inis ni Boyet kay Mr. Fernandez. Ang laki kasi ng panalo nito dahil sa kanila pero hindi man lang nagbigay ng kahit kaunting balato. Binigyan lang sila ng tig-three thousand pesos. Wala pa nga iyon sa one percent ng napanalunan nitong pera, e.

Kaya iyong ibang mayaman lalong yumayaman kasi masyadong gahaman.

Tinapik niya si Boyet sa balikat. "'Yaan mo na. May karma din ang matandang iyon. Mabuti pa, mag-inom tayo. Matagal-tagal nang hindi nasasayaran ng alak ang lalamunan ko, e!" yaya niya.

"Himala. Ikaw ang nayaya. Akala ko ba ay nagtitipid ka?"

"Minsan lang naman. Tara na! Bago pa magbago ang isip ko! Saka may sasabihin din ako sa iyo na malaking project!" Hinila niya sa leeg si Boyet paalis sa lugar na iyon.

Sumakay na lang sila ni Boyet ng jeep.

Hindi pa rin maalis sa isip niya si Zelda. Malakas talaga ang pakiramdam niya na isang napakagandang babae ang nagtatago sa likod ng maskara nito. Kagaya niya rin kaya ito gipit sa buhay kaya sumali ito sa ganoong kumpetisyon kahit halatang wala itong kalaban-laban?

In-imagine ni Conan ang mukha ni Zelda nang walang suot na maskara at hindi niya naiwasan ang mapangiti nang dahil sa kilig.

Bigla siyang siniko ni Boyet.

"Aray ko naman, p're!" igik ni Conan.

"Bayad natin! Wala akong barya dito. Saka, ano 'yang ngini-ngiti-ngiti mo riyan, ha? Mukha kang timang!"

"Gago!" sabi niya habang kumukuha ng barya sa coin purse na ipinamigay ng isang kandidato noong nakaraan na eleksyon. "O, 'eto. Ibayad mo na!"

Pagkaabot ni Boyet ng bayad sa driver ay binalingan siya nito. "Bakit ka nga nakangiti? Parang inlab lang, a!" tawa nito.

Umusog siya palapit kay Boyet sabay akbay. "Si Zelda kasi—naiisip ko. Parang ang ganda-ganda niya. Sayang, hindi ko siya nakilala."

"Maganda? P're, 'wag kang papabudol sa mga babaeng hindi kita ang buong mukha! Malamang mukhang ipis iyon kaya nakasuot ng maskara!"

Inalis niya ang pagkaka-akbay kay Boyet sabay batok sa kaibigan. "Gago! Hindi lahat! Basta, malakas ang pakiramdam ko—maganda si Zelda. At sana magkita pa ulit kami. Makikipagkilala na talaga ako sa kaniya!" Parang nangangarap niyang sabi.


-----ooo-----


ISANG bucket ng beer at sisig ang inorder ni Conan. Sabi niya kay Boyet, libre na niya. Ayaw niya kasing mabawasan pa ang perang meron ito dahil alam niyang may sakit ang kapatid nito. Sabi niya ay bumawi na lang ito sa susunod.

"O, ano nga pala 'yong malaking project na sinasabi mo?" Tumungga ng beer si Boyet sabay kain ng kaunting sisig.

Sinabi kasi ni Conan kay Boyet kanina na unti-untiin nila iyong sisig dahil wala na siyang budget para umorder ng isa pang pulutan.

Medyo madilim sa bar na kanilang napuntahan. Kilala iyong tambayan at inuman sa lugar nila. May bandang kumakanta sa maliit na stage kaya medyo pasigaw kung magsalita sila ni Boyet para magkarinigan silang dalawa. Disente naman ang naturang bar kahit hindi high class. Saka hindi niya kaya sa high class bar. Wala siyang budget para sa ganoon.

"'Eto na nga. Meron tayong big project na gagawin. Bale, meron tayong kikitain na tao na taong bibili ng ecstacy—"

"Ecstacy?!" Nanlaki ang mata ni Boyet.

Mabilis na tinakpan ni Conan ang bibig ni Boyet gamit ang kamay niya. "Sige! Ipagsigawan mo para may makarinig sa atin! Huwag kang maingay!" saway niya.

"Illegal 'yan, 'di ba?" tanong ni Boyet.

"Bakit? Hindi ba ilegal din ang mga ginagawa nating panloloko sa ibang tao, 'di ba?"

"P-pero kapag ganiyang illegal drugs na, parang ibang usapan na iyan. Mamaya ma-tokhang pa tayo, e!"

"So, ayaw mo?"

Umiling si Boyet. "Ayoko. Pass ako. Saka ikaw, Conan. Huwag mo nang ituloy iyan. Mapanganib masyado. Baka kung ano ang mangyari sa iyo." May tono ng pag-aalala na sabi nito.

"Gago! Walang mangyayari sa akin. Planado ko na ang lahat. Saka meron akong bigating tao na backer dito. Alam niya kasi ang mga ginagawa ko kaya tiwala siya na kaya kong gawin ang big project na 'to. Ano? Ayaw mo ba talaga sumama? Malaki ang kikitain natin dito."

"Ayoko talaga, pare. Takot ako sa ganiyan. Saka sinasabi ko sa iyo na 'wag mo nang ituloy. Ako kinakabahan para sa iyo, e. Gago ka! Kapag tumuloy ka, isusumbong kita sa Lola Marie mo!"

Si Conan naman ang nanlaki ang mga mata. "Hoy! 'Wag mong gagawin iyan! Tarantado ka talaga! Bakit mo ako isusumbong kay lola?!" Sinapak niya si Boyet.

"Para mapalo ka niya! Alam ko na si Lola Marie lang makakapigil sa balak mong iyan, pare. 'Wag ka riyan, Conan. Ako na ang nagsasabi sa iyo. Mapapahamak ka riyan. Do'n na lang tayo sa mga small time budol natin. Pero kapag ganiyang droga na... ekis 'yan! Tandaan mo, twenty-one pa lang tayo. Ayokong madeds agad!" Iiling-iling si Boyet sabay tungga sa alak.

Napaisip siya sa sinabing iyon ni Boyet kaya medyo nagkaroon siya ng pagdadalawang-isip kung itutuloy pa ba iyon o huwag na lang. Alam niya naman na may chance na mapahamak siya sa raket na iyon pero malaki kasi ang ibabayad no'ng taong nag-utos sa kaniya. Nanghihinayang siya sa perang makukuha niya kapag naging matagumpay ang transaction na 'yon. Baka nga kapag natuwa pa sa kaniya iyong nag-utos sa kaniya ay bigyan pa siya ng malaking bonus, e.

Kapag kasi nakuha ni Conan ang perang iyon ay baka iyon na ang maging daan para hindi na siya manloko ng mga tao. Magagamit niya iyon para makapagsimula sila ni Lola Marie. Makakapagtayo sila ng business na pwede nilang pagkunan ng panggastos.

"Hoy! Ano? Tutuloy mo pa?" untag ni Boyet.

Tumingin siya rito. "Hindi na! Takot ko na lang na isumbong mo ako kay Lola Marie!" sagot niya na may kasamang iling.

"Berigud! O, cheers!"

"Cheers!!!" sigaw ni Conan at pinagbunggo nila ang hawak nilang bote ng beer.

TIPSY na si Conan nang lumabas sila ni Boyet sa bar. Naghiwalay na sila dahil meron pa raw itong pupuntahan. Iyong girlfriend niya yata. Magkikita sila. Ang weird nga kasi ala-una na ng madaling araw saka nila naisipan na magkita. Ganoon nga yata talaga kapag inlab. Gagawin ang lahat para sa taong mahal mo basta magkasama lang kayong dalawa.

Naglakad na lang siya pauwi. Hindi naman ganoon kalayo ang bahay nila mula sa bar.

Habang naglalakad ay napapa-smile pa si Conan. E, paano, naalala niya ulit si Zelda. Malakas talaga ang pakiramdam niya na maganda talaga ito. Saka 'yong kutis nito, pang-mayaman. Kung wala siguro ito sa fighting match na iyon ay iisipin niyang anak-mayaman ito o kaya ay tagapagmana ng bilyones ng mayaman nitong daddy.

Malamig ang hangin ng gabing iyon. Binagalan niya ang paglalakad. Nag-isip-isip na rin. Tutuloy ba siya o hindi?

Mas lamang ang kagustuhan ni Conan na tumuloy. Sayang iyong pera. Sobrang sayang. Malaki ang maitutulong no'n sa kanila ni Lola Marie. Baka nga maipagamot pa niya ito kung sakali. Minsan kasi ay panay ang pag-atake ng hika nito. Nahihirapan ang lola niya sa paghinga at kapag ganoon ay nahihirapan na rin siya. Hindi niya kayang nakikita ang lola niya ng ganoon. Napakasakit sa kaniya na wala siyang magawa kundi ang haplusin ang likod nito hanggang sa gumaan ang pakiramdam nito. Nanghihiram lang kasi sila ng nebulizer sa kakilala ng lola niya na nasa kabilang barangay pa.

Pero pwede naman siguro siyang tumuloy doon sa raket na iyon tapos hindi niya sasabihin kay Boyet na tumuloy siya. Ayaw niya rin kasi na isumbong siya nito kay Lola Marie. Magagalit iyon sa kaniya at baka isumpa pa siya nito hanggang sa kabilang buhay. Ayaw niya na mag-iba ang tingin ni Lola Marie sa kaniya. Iyon ngang pambubudol nila ni Boyet ay hindi nito alam, e. Akala nito ay meron siyang legal at matinong trabaho.

Ipinagmamalaki pa nga siya ni Lola Marie sa mga kapitbahay nila. Palagi nitong sinasabi na kahit hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral ay meron pa rin siyang matinong trabaho. Ako raw ang halos gumagastos sa mga pangangailangan nilang dalawa lalo na sa mga gamot ng kaniyang. Napaka swerte raw ni lola akin kahit iisa lang ang apo nito.

Napahinto si Conan sa paglalakad. Napatingin siya sa malayo. Nag-iinit ang mata niya. Alam niyang iiyak siya kaya pinigilan niya agad. Pero hindi siya nagtagumpay. Kasabay ng pagpatak ng mga luha niya ay ang kaniyang paghikbi.

Bigla siyang nakonsensiya sa mga kasinungalingan niya kay Lola Marie. Hindi nito deserve ang pagsinungalingan ng nag-iisa nitong apo. Parang tinatraydor na niya ang taong umaruga sa kaniya simula nang mawala ang kaniyang mga magulang.

Nakakakonsensiya kasi sobrang proud ito sa kaniya. Kung malalaman lang nito ang ginagawa niya para kumita ng pera ay baka itakwil na siya nito habangbuhay.

"Sorry, 'la. Ganito lang ang apo mo, e. 'Di bale, kapag nagkaroon na ako ng maraming pera ay titigil na ako sa hindi magagandang ginagawa ko. Promise!" sabi ni Conan sa pagitan ng pag-iyak.


-----ooo-----


"LOLA, bakit ang aga mong nagising? One-thirty pa lang!"

Nagulat si Conan nang pagpasok niya sa maliit na bahay nila ay nakaupo sa mahabang upuan na gawa sa kawayan si Lola Marie. May isang mug ng kape sa maliit na lamesa sa harapan nito.

Tumayo si lola at nilapitan siya. Bigla siya nitong binatukan. "Anong maagang nagising?! Hindi pa ako natutulog na damuho ka dahil hinihintay kita! Saan ka nagpunta? Bakit hindi ka nagpaalam sa akin?!" sigaw ni Lola Marie.

"Aray ko, lola! Ang tanda niyo na pero ang sakit niyo pa ring—araaay!!!" Hindi na niya natapos ang sasabihin dahil piningot naman siya nito sa tenga.

"Dami mong sinasabi! Sagutin mo ang tanong ko—teka! Amoy alak ka! Saan ka nag-inom na mokong ka?!" anito sabay bitaw sa tenga niya.

"Nagkayayaan lang po kami ni Boyet sa bar na malapit. Hindi naman kami gumastos ng malaki, lola." Kakamot-kamot sa tenga na sagot ni Conan.

"Ay, wala akong pakialam kahit gumastos ka pa ng milyon sa alak! Ang sa akin ay bakit hindi ka nagpaalam sa akin?! Muntik na akong mamatay sa pag-aalala sa iyong damuho ka!" Binatukan ulit siya ni Lola Marie.

Ganiyan talaga si Lola Marie. Karinyo brutal. Mananakit pero mapagmahal. Ganiyan ito kapag sobrang nag-aalala. Pero sa totoo lang ay hindi masakit ang palo, batok, kurot at sapak ni Lola Marie. Umaarte lang siya na masakit para maramdaman ng kaniyang lola na malakas pa rin ito sa kabila ng edad nito.

Niyakap na lang niya si Lola Marie at kiniss ito sa noo. "Sorry na, 'la. Biglaan kasi. Gusto lang namin na mag-happy-happy ni Boyet. Late na rin ako nakapag-out sa trabaho ko kaya hindi na ako umuwi dito sa bahay para magpaalam. E, ayaw mo naman na ibili kita ng cellphone kasi sabi mo nangangain iyon ng tanga!" Ang nakatawa niyang sabi.

"Ako ay hindi mo madadala sa lambing mo, Conan, ha! Inis pa rin ako sa iyo!" Kumawala si Lola Marie sa yakap niya. "Dadalawa na lang tayong magkasama dito sa mundo. Ayokong may mangyaring masama sa iyo kaya ganito ako mag-alala kapag hindi ko alam kung nasaan ka. Sana ay nauunawaan mo ako, Conan!"

Natigilan si Conan. Naisip niya iyong gagawin niyang raket. Bumalik iyong sinabi sa kaniya ni Boyet na baka mapahamak siya kapag itinuloy niya ang bagay na iyon.

Oo nga, 'no? Paano kung may mangyaring masama sa kaniya o kaya ay mamatay siya dahil sa raket na 'yon? Paano na si Lola Marie? Sino na ang mag-aalaga rito? Siya lang ang kamag-anak nito kaya kapag nawala siya ay mag-isa na lang si Lola Marie...

Ano, Conan? Tutuloy ka pa ba? Tanong niya sa sarili.

Oo naman! Tutuloy ako. Sayang iyong pera. Saka hindi ko pa nararamdaman na mamamatay na ako. Iyon na lang din kasi ang nakikita kong paraan para mabigyan si Lola Marie ng maginhawang buhay... Ako na rin ang sumagot sa sarili niyang tanong.

"O, bakit natitigilan ka riyan? Hindi ba't totoo ang aking sinabi?"

Ngumiti siya kay lola. "Naiintindihan kita, lola. Hayaan mo at sa susunod ay magpapaalam ako sa iyo kahit nasa malayo pa akong lugar. Pero alam ko kung anong magpapalamig ng ulo mo." Humugot siya ng tatlong libong piso sa bulsa at itinapat iyon sa mukha ng kaniyang lola.

Nanlaki ang mata ni Lola Marie sa tuwa. "Aba! Kung ganito lang din palagi ay hindi na iinit ang ulo ko sa iyo!" Kinuha agad nito ang pera.

"Sabi ko na nga ba at iyan ang magpapaamo sa iyo!"

"Salamat, pogi kong apo! Sige na, matutulog na ako. Matulog ka na rin! Good night!" Tumalikod na si Lola Marie at pumasok na sa maliit nilang kwarto na ang takip sa pinto ay kurtinang kulay pink.

"Plastik!" Pabiro niyang sigaw kay lola.

Sorry, 'la. Kailangan ko lang iyong gawin para sa iyo...

Continue Reading

You'll Also Like

1.6M 8.1K 12
Second book of His Gangster Girl. 'The heart remembers what the mind forgets' The rest of the story is on dreame! :)
4.3M 121K 110
Nemesis Louie Montero is a class S assassin who was given a mission to marry the mafia boss of a certain organization that would help them rise from...
967K 33.3K 76
I'm a self-confessed bully. Hindi ako kagaya ng mga ibang bullies na nagbabait-baitan pag may teacher o kahit sinong nakakatanda pag andyan. Hindi ak...
3.2M 62.1K 58
Vampire Duology 1 Sa hindi inaasahang pagkakataon makikilala ni Cindy Villacorta ang tatlong bampira na babago sa kanyang buhay. After her mother...