The Mafia Boss' Only Princess

By Kuya_Soju

12K 500 62

[PREVIEW ONLY] Grizelda was once a sweet and loving girl. But she turned into a cold and heartless woman when... More

Introduction
CHAPTER 01
CHAPTER 02
CHAPTER 04
CHAPTER 05
CHAPTER 06
CHAPTER 07
CHAPTER 08
CHAPTER 09
CHAPTER 10
CHAPTER 11
Published Book
PUBLISHED BOOK

CHAPTER 03

573 43 5
By Kuya_Soju




MASAYA Si Conan ng araw na iyon. Paano ay papunta sila ng kaniyang mama sa mall. Ang sabi nito, bibili sila ng damit ni Lola Marie dahil sa kaarawan na nito sa susunod na linggo. Ang lola niya kasi ay masaya na basta merong bagong bestida na magagamit kapag ito ay sumisimba tuwing Linggo.

"Conan, huwag kang magtuturo sa mall, ha. Sakto lang ang perang dala ko para sa damit ni nanay. Pero 'wag kang mag-alala kasi ibibili naman kita ng ice cream pagkatapos nating makabili ng damit." Paalala ng mama ni Conan bago sila umalis ng bahay.

"Opo, mama. Saka hindi rin po ako magkukulit!" tugon ni Conan.

Sumakay silang dalawa ng jeep.

Habang nasa jeep ay iniisip na niya kung anong laruan ang ipapabili sa kaniyang mama pagdating sa mall. 'Yong robot siguro. Meron no'n 'yong kalaro niya at palagi siyang iniinggit kaya magpapabili siya no'n para hindi na siya mainggit.

Pagdating nila sa mall ay sumakay sila sa escalator. Kinarga siya ng kaniyang ina kasi baka raw maipit ang sapatos niya sa gilid ng escalator. Six years old pa lang kasi siya kaya kayang-kaya pa siyang buhatin ng mama niya.

Pumunta na sila sa bilihan ng mga damit. May napili ang mama niya na isang bulaklakin na bestida. Tinanong pa siya nito kung maganda ba. Sabi niya, oo. Magugustuhan iyon ni Lola Marie.

"Ice cream na tayo, 'ma!" Hila ni Conan sa palda ng ina nang mabayaran na nito ang damit.

"Oo. Sandali at mahubaran ako sa ginagawa mo!" Hinawakan nito ang palda sa takot na mahila niya iyon pababa.

Ibinili na si Conan ng ice cream ng kaniyang ina. Umupo muna sila sa pabilog na upuan na nasa loob ng mall. Nasa tapat lang nila iyong bilihan ng mga laruan. Hindi niya inaalis ang mata sa robot na nakikita niya sa tindahan habang unti-unti niyang dinidilaan ang ice cream na hawak.

Maya maya ay napatingin siya sa kaniyang mama. Nahuli niya itong nakatingin at nakangiti sa kaniya kahit parang pagod ang hitsura. "Bakit hindi ka bumili ng ice cream mo, mama?" tanong ni Conan.

"Wala na tayong pera, Conan. 'Di ba, sabi ko ay sakto lang ang perang dala ko. Saka makita lang kitang masaya sa ice cream ay masaya na rin ako."

Kahit bata pa siya ay nakaramdam siya ng konsensiya sa sinabi ng kaniya mama. Kaya naisip niya na hindi pala muna siya magpapabili ng robot. Saka na kapag sumahod na ulit ang mama niya sa paglalabada at pagpaplantsa nito kina Ate Diana.

"'Ma, ang sarap nitong ice cream. Chocolate. Tikman mo!" Inilapit ni Conan ang ice cream sa bibig ng kaniyang ina.

"Naku, huwag na. Alam ko na ang lasa ng chocolate." Tanggi nito sabay iwas ng mukha nito sa ice cream.

"Eh. Kahit na. Tikim ka lang. Kaunti." Pilit niya.

Parang nag-aalinlangan pang dinilaan ng kaniya mama nang kaunti ang ice cream. Napangiti siya nang malaki.

"Ang sarap nga!" Pakli nito. "Pero ubusin mo na iyan dito sa loob at kapag sa labas mo iyan kinain ay mabilis na matutunaw dahil sa mainit."

Tumango na lang si Conan at inubos niya na ang ice cream. Tumayo na silang dalawa para umuwi na. Baka kasi kung ano na ang nangyari kay Lola Marie dahil wala itong kasama sa bahay.

Paglabas ng mall ay naglakad na sila sa sakayan ng jeep. Pumila na sila kahit wala pang jeep na bumabyahe pauwi sa lugar na kanilang uuwian.

Hanggang sa may napansin si Conan na mga nagtatakbuhan na tao sa kung saan. May mga sumisigaw pa. Takot na takot ang lahat. Binuhat siya ng kaniyang mama at mahigpit na niyakap. Naramdaman niya ang takot nito.

"Anong nangyayari, mama?" Inosente niyang tanong.

"Hindi ko alam. P-pero dapat na siguro tayong—"

"Papatayin ko kayong lahaaat!!!" Mula sa kung saan ay may isang lalaki na sumigaw.

Isang nag-aamok na lalaki ang humahabol sa mga tao kaya pala nagkakagulo. May dala itong baril. Huminto ang lalaki malapit sa terminal ng jeep at napatingin ito sa mga taong nakapila.

"M-mama, takbo na tayo," sabi ni Conan. Takot na rin siya sa kaniyang nakikita.

Pero hindi makagalaw ang kaniyang ina. Natulala ito nang tumakbo papunta ang lalaki sa mga nakapila. Lahat ay nagtakbuhan na pero tanging sila lang ang hindi.

"Ikaw! Nakita mo ba ang asawa ko?! Sumama siya sa lalaki niya! Sabihin mo kung nasaan ang asawa ko!" sigaw ng lalaki sa ina ni Conan. Tinutukan pa nito ng baril ang mukha ng kaniyang ina.

Nanginig ang mama niya sa takot. Nagsimula nang umiyak si Conan nang malakas.

"H-huwag mo kaming sasaktan. M-maawa ka!" Pakiusap ng kaniyang ina.

"Sabihin mo kung nasaan ang asawa ko!"

"M-maawa ka! Maawa ka!"

"Ayaw mong sabihin talaga! Mabuti pang patayin na lang kita!"

Tumalikod ang mama niya sa lalaki. Tatakbo na sana ito pero bigla itong nadapa. Nabitawan siya nito. Napasubsob si Conan sa lupa at dumagan ang katawan ng ina niya sa kaniya. Ang kasunod niyang narinig ay ang tatlong magkakasunod na putok ng baril. At ang huling bala ay naramdaman niyang bumabon sa likod ng kaniyang ulo...


-----ooo-----


KASALUKUYAN...

Tinabig ni Conan ang kamay ng kaibigang si Boyet dahil kanina pa nito kinukutkot iyong isang parte ng likod ng ulo niya. "Ano ba, Boyet? Ginawa mo nang laruan iyang peklat ko sa ulo!" asik niya.

"Wala lang, p're. Ang sarap lang paglaruan ng peklat mo sa ulo. Medyo palubog kasi. It reminds me of something..." Mahilig talaga mag-English si Boyet kahit minsan ay mali na. Mabagal itong magsalita. Parang palaging tinatamad na inaantok. Parang palaging "high". Tapos ang laki pa ng mata nito na malamlam. Payat ang katawan nito at kulot ang buhok.

Totoo ang sinabi ni Boyet. Medyo palubog kasi ang peklat na iniwan ng bala ng baril na bumaon sa ulo niya. Nakuha niya iyon nang pinagbabaril ang nanay niya ng isang lalaki habang nakadagan ito sa ibabaw niya. Tumagos ang bala sa katawan ng ina niya at naglagos iyon sa likod ng kaniyang ulo.

Ang sabi ni Lola Marie ay natanggal na rin noon ang bala sa ulo niya. Iyon nga lang, nagkaroon siya ng palubog na peklat sa pinagbaunan no'ng bala. Pero ayos lang kasi makapal naman ang buhok niya kaya natatakpan iyon. Loko lang talaga si Boyet kasi alam nito ang tungkol sa peklat niyang iyon kaya kapag bored ito ay pinaglalaruan nito iyon.

Speaking of Boyet. Matagal na silang magkakilala. Naging magkaklase sila noong Grade 12. Tapos dahil hindi na kayang mag-college ay tumigil na rin silang dalawa. Naghanap sila ng trabaho pero dahil sa kalokohan nila ay hindi sila nagtatagal sa mga trabaho na kanilang pinasukan. Palagi silang nasisisante.

Hanggang sa nakaisip siya ng kakaibang paraan upang kumita ng pera. Na-inspire kasi siya sa isang anime noon na isang sikat na magnanakaw. At iyon na nga ang gagawin nila ni Boyet kaya sila nasa labas ng simbahan. Sunday. Maraming tao na nagsisimba at nagdadasal. Sakto para sa "raket" nila.

"Mag-concentrate ka na lang diyan kesa itong ulo ko nilalaro mo. Maghanap ka ng pwedeng maging biktima," sabi ni Conan kay Boyet.

Pormang-porma siya. Nakasuot siya ng slacks, black shoes at amerikana.

Tenkyu sa sponsor ko—Chabeng's Ukay Ukay! May pagmamalaking sambit ni Conan sa sarili. Mukha tuloy siyang kagalang-galang. Meron din siyang dalang white folder na may mga lumang test papers na hiningi niya sa kapitbahay nilang bata na isang Grade 1 student.

"Pare, 'ayon!" Turo ni Boyet sa isang matandang babae na palabas ng simbahan.

Tinapik niya ito sa balikat. Sign iyon na magtatrabaho na sila.

Malalaki ang hakbang ni Conan papunta doon sa matandang babae. Dumako ang mata niya sa bitbit nitong handbag. Mamahalin. Branded. Original. Yayamanin. Jackpot!

"Good morning, madam!" Masiglang salubong niya sa matandang babae.

"Ay! Kabayo ka!" Muntik pa yatang atakihin sa puso si lola.

"Ako po si Brother Jessie at ako po ay mula pa sa simbahan sa Ilocos—"

"Ilocos what? Sur? Norte?"

Natigilan siya sandali. May ganoon pala ang Ilocos? Hindi niya alam. Absent yata siya nang ituro iyon sa kanila sa school. "Ah. Ilocos lang po." Kakamot-kamot sa likod ng ulo niyang sagot.

"Eh?" Napangiwi si lola.

"Nandito po ako sa inyong harapan at ipinadala ako ng Diyos dahil naramdaman ko na kayo ay merong mabuting puso ngunit kayo ay merong pinagdadaanan."

"Parang lahat naman yata ng tao may pinagdadaanan."

Aba at marunong sumagot si lola.

"Oo nga po pero iba ang inyong pinagdadaanan. Halika po sa gilid. Dito tayo at baka madaanan tayo ng mga tao." Maingat niyang hinawakan sa kamay si lola at dinala niya ito sa gilid ng simbahan.

Ipiniksi ng lola ang kamay nito na hawak niya. "Huwag mo nga akong hinahawakan! Baka mamaya ay madevelop ako sa iyo!" Galit itong umirap.

Hmm. May asim pa! Mukhang wala nang asawa si lola kaya nakakapagsalita ng ganoon! Sabi ng utak ni Conan.

"Lola, ituring ninyo ako na inyong apo—"

"Ayoko! Ang gwapo-gwapo mo tapos aapuhin kita? No!" Matigas itong umiling. "Teka, ano ba ang agenda mo sa akin at kinakausap mo ako? Sino ka nga ulit?"

"Brother Jessi, 'la. Nandito ako upang kayo ay ipag-pray over upang ang inyong mga problema sa buhay ay mawala bago kayo mawala rito sa mundong ibabaw!"

"Aba'y bastos ka, a! 'Yang bunganga mo! Parang sinasabi mo na malapit na akong mamatay—"

Hindi na hinayaang makatapos ni Conan sa pagsasalita iyong matanda. Inilagay niya ang isa niyang kamay sa ibabaw ng mukha nito at nagkunwari siyang ipinagdadasal ito. "Panginoon! Sumasamo ako sa Iyo upang alisin Mo ang anumang problema ng lolang ito. Huwag Mo po siyang papabayaan at sana sa kaniyang pagtulog mamayang gabi ay magising pa siya kinabukasan ng umaga! Amen!"

Naiinis na inalis ng lola ang kamay niya na nasa mukha nito. "Pwe! Gwapo ka pero ang alat ng kamay mo!" reklamo ng matanda.

Pinabait niya ang mukha. "Naipagdasal ko na po kayo, lola. Hihingi lang po sana ako ng kaunting pera para sa pagpapagawa ng aming simbahan sa Ilocos. Tutal naman po ay naipagdasal ko ang inyong mga problema. Nandito po sa aking folder ang listahan ng mga taong tumulong. Ilalagay ko rin po ang inyong pangalan rito upang maiukit sa isang bahagi ng aming simbahan," sabi pa ni Conan.

"Aba! Totoo ba iyan? Mailalagay sa dingding ng simbahan ang pangalan ko?"

"Opo, lola. Bago mailagay sa lapida ay sa dingding muna ng aming simbahan."

"Aba, maganda iyan. Saan nga ulit sa Ilocos ang simbahan ninyo at nang mabisita ko."

"Basta, bandang gitna lang po ng Ilocos."

"Gitna ng ano—"

"'Yong pera para po sa simbahan." Putol niya sa pag-apela nito. Baka magtanong pa ito ng kung anong tungkol sa Ilocos. Wala na talaga siyang maisasagot.

Binuksan ng matanda ang bag nitong dala at may inilabas na mahabang wallet. Pati iyon ay branded at original. Mayaman talaga si lola. Siguro ay nasa five thousand ang ibibigay nito sa kaniya. Minsan, mahusay din talaga kumilatis si Boyet, e. May pakinabang din kahit paano.

"O, 'eto." Isang papel na pera ang inabot ng lola.

Napangiwi siya nang tanggapin ang pera. "One hundred pesos?!" Hindi makapaniwalang bulalas ni Conan. "Ito lang?"

"Ang sabi mo ay kaunting pera. Marami na nga iyan kasi ang kaunti ay piso o kaya limang piso."

Mukha itong mayaman pero ganoon lang ang ibinigay?

Nagtama ang mata nila ni Boyet na nasa likuran lang ng matanda. Siguro ay nasa tatlong metro ang layo ng kaniyang kaibigan. Alam na ni Boyet kapag tumingin siya rito. Ibig sabihin ay kailangan niya ng back up. Sa mga ganoong pagkakataon na pumapasok si Boyet sa eksena.

Nagmamadaling lumapit si Boyet bago pa makaalis iyong matanda. Hinawakan siya ni Boyet sa kamay at lumuhod sa kaniyang harapan. "Brother Jessie! Maraming salamat sa pagdarasal mo para sa akin! Ngayon ay nakakalakad at nakakakita na ako. Tunay ang iyong mga salita!" Umiyak pa ito pero walang luha.

Anak ng—Iyan na ba ang todo ng akting mo Boyet?! Turan ng utak ni Conan habang pinanlalakihan ng mata ang kaibigan.

"Walang anuman, kapatid... Tumayo ka." Inalalayan niya ito sa pagtayo.

"Bilang pasasalamat at upang mailagay ang pangalan ko sa dingding ng simbahan ninyo sa Ilo-Ilo—"

"Ilocos." Mabilis niyang pagtatama. Naroon pa rin kasi si lola. Baka makahalata ito na hindi totoo ang pinagsasabi niya kanina.

"Ilocos pala," ani Boyet. "Bibigyan pa kita ng maraming pera!"

Mula sa bulsa na pantalon ni Boyet at naglabas ito ng isang bungkos ng pera. Nasa dalawang pulgada ang kapal no'n. Pero ang totoo ay ang nasa unahang one thousand na papel lamang ang totoo roon. Lahat ng nasa ilalim ng totoong pera ay mga papel na ginupit lang.

"Naku! Maraming salamat. Ikaw ay pagpapalain pa ng ating Diyos! Napakalaking tulong nito. Ipagdadasal ko na sana ay malaki rin ang maibalik sa iyong biyaya. Kaya ang mga taong mapagdamot kahit merong pera ay hindi pagpapalain at maliit lamang ang pangalan sa dingding ng aming simbahan sa Ilocos!" Sinadyang lakasan ni Conan ang boese upang marinig ng matanda.

Umalis na si Boyet pagkatapos. Sana ay epektib ang ginawa nilang drama.

Nakita ni Conan na nakokonsensiya na si lola base sa reaksiyon ng mukha nito. Iyon na ang sign para tumalikod na siya. Pagkatalikod niya ay pinigilan siya ng lola. Hinawakan pa nito ang isa niyang kamay.

"Sandali! O, 'eto pa! Idagdag mo sa bigay ko para sa simbahan ninyo! Baka hindi magkatotoo ang dasal mo sa akin, e. Scary!" May mga papel na pera na isiniksik ang matanda sa kaniyang kamay.

Limang one thousand na papel tapos may isang five hundred. Nagningning ang mata ni Conan. Malaki na rin iyon para sa isang tao.

Humarap ulit siya kay lola. "Maraming salamat sa inyo, lola. Ano nga pala ang pangalan ninyo para ilalagay ko sa aking listahan?" Binuklat niya ang dalang folder matapos na maibulsa ang perang natanggap niya mula sa matanda. Naglabas din siya ng ballpen para kunwari ay isusulat niya na ang pangalan ni lola.

"Inocencia Marites."

"Okay po." Kung anu-ano lang ang isinulat ni Conan sa papel na nasa loob ng folder. "Maraming salamat po sa perang ibinigay ninyo para sa aming simbahan, Lola Pacencia. Ako po ay mauuna na."

"Inocencia kasi!" Pagtatama nito na may kasamang pag-irap.

"Oo nga po. Inocencia nga po. Uuna na ako at ako ay mahaba pa ang biyahe pabalik ng Ilocos." Bago pa tuluyan na makahalata ang matanda na hindi talaga siya mula sa simbahan ay tumalikod na siya at naglakad palayo.

Nagkita sila ni Boyet sa likod ng simbahan upang paghatian ang perang nakuha nila doon sa matanda. Dahil sa siya ang mas nagtrabaho at sabit lang naman si Boyet sa "trabaho" niya na iyon ay wanpayb ang ibinigay niya sa kaibigan. Para sa kagaya nilang mahirap ay malaking halaga na iyon.

"Wala bang dagdag? Kung hindi dahil sa akin ay hindi magbibigay ng malaki 'yon si lola!" Himutok ni Boyet.

"Ikaw talaga! 'Eto! Sa iyo na itong one hundred na unang binigay ni lola. Saka ka na bumawi sa akin. Alam mo naman na birthday ni lola sa susunod na linggo. Pinaghahandaan ko iyon at noong isang taon ay wala akong regalo sa kaniya. Wala rin kaming handa."

Pagkatanggap ni Boyet ng isandaan ay nagpaalam na ito sa kaniya. Uuwi na raw ito sa kanila at wala pang bigas ang pamilya nito. Very good na iyon para kay Conan. Atleast, sa maganda dinadala ni Boyet ang perang kinikita nila at hindi sa kung saan-saan kahit hindi sa maganda nila iyon nakuha.

Ganito ang trabaho ni Conan. Kung trabaho nga bang matatawag ang panloloko ng ibang tao para magkaroon ng pera. Nagpapanggap siya na kung anu-ano depende sa taong lolokohin niya. Kagaya kanina, ang target niya ay matatanda na palasimba kaya nagpanggap siya na nangangalap ng pera para sa pagpapagawa ng simbahan. Kung minsan naman ay nagpapanggap siyang mayaman na tagapag-mana tapos makikipaglandian siya sa mayayamang matrona para hindi maghinala ang mga ito na pera lang ang habol niya. Hindi nga lang siya nagko-commit sa mga ganoon kasi alam niya na may kapalit na kapag ganoon. Okay na siya sa isang gabing date basta may pera siyang makukuha.

Basta lahat ng panloloko sa kapwa para magkapera ay ginagawa ni Conan. Sabi nga ni Boyet, con artist ang tawag sa kaniya. Ewan niya kung tama ang sinabi nito kasi duda din talaga siya sa English ng mokong na iyon.

Iyon na lang kasi ang alam niyang paraan upang kumita ng pera. May maintenance na gamot na kasi si Lola Marie. Tapos sobrang tanda na nito. Gusto niya rin naman na bago ito mawala ay maibigay niya ang lahat ng gusto at pangangailangan nito. Gusto niyang maging masaya ito bago kunin sa kaniya ni Lord. Ayaw na niya maulit pa 'yong nangyari sa mama niya na nawala nang hindi man lang nakaranas ng ginhawa sa buhay. Ang bagay na iyon ay pinagsisisihan niya hanggang sa kasalukuyan.

Isa pa sa dahilan kung bakit niya gustong kumita ng malaking pera ay dahil sa nag-iipon siya ng pera upang pamasahe papunta sa Davao dahil merong nakapagsabi sa kaniya na naroon ang tatay niya na matagal na niyang hinahanap at gustong makita...

Continue Reading

You'll Also Like

2.3M 67.8K 75
NOTE: The King's trilogy is still unpolished. Please forgive me for being too lazy to edit this work of mine and please accept my gratitude for readi...
1.2M 17.8K 62
[Highest Ranking Achieved:#13 in Teen Fiction] Paano kung ang isang babaeng nagmahal ng tapat ay ginamit lang. Paano kung ang tanga ay matuto. Paano...
1.5M 19.4K 81
All Rights Reserved. 2012 Property of: DLuckyone
143K 3.2K 60
Aliyah Jane Lee was a transferee student with her friends. They choose to live with each other and one day they see theirselves fighting with boys, w...