Dear My Youth

By jaem-ii

992 51 62

Living in an endless loop of languishing every day, Isabella Roxas reminisced her youth in desperation to fee... More

Dedication
Epigraph
Prologue
Chapter 1
Chapter 2
Chapter 3
Chapter 4
Chapter 5
Chapter 7
Chapter 8
Chapter 9
Chapter 10
Chapter 11
Chapter 12
Chapter 13
Chapter 14
Chapter 15

Chapter 6

19 2 1
By jaem-ii

Dear My Youth
Jac Fernandez

Nagkaroon nang maliit na pagpupulong sa hallway matapos kong makalabas ng female restroom. Nakita ko ang bulungan ng mga estudyante sa paligid; mukhang metro kasi ang narating nang napakalakas kong sigaw kahit pa nakasarado ang pintuan.

"Sinaniban ata 'yan."

"Totoo palang may multo d'yan sa CR. Sabi ko na, e. Matagal na raw 'yon, may babae daw na umiiyak sa pinakadulong cubicle."

"Okay lang ba s'ya? Tumawag na kaya tayo ng teacher?"

"Gaga, pari na ang kailangan n'yan."

Gusto kong irapan silang lahat dahil sa mga sinasabi nila. Alam ko naman na hindi tamang sumigaw sa CR at magmukhang nasisiraan ng bait, pero kung sila ang nasa sitwasyon ko, paniguradong iyon na lang din ang magagawa nila.

Pinakalma ako nina Jorge at Sienna. Mabuti na lang ay hindi na sila nakisabay sa katanungan katulad ng ibang estudyante, bagkus ay inilabas na lang nila ako mula sa restroom at inalalayan paalis ng building. Ayoko rin na magpabigat sa kanila kaya sinubukan kong magmukhang okay lang ako kahit pa na hindi. Nanatili na lang akong walang imik hanggang sa makalabas kami ng school gate at naginhawaan ang pakiramdam ko dahil hindi ako nakakulong sa limitadong espasyo ng school building na iyon kung saan maraming mga mata ang nagmamatyag sa akin.

Napatigil ako sa paglalakad ng may maalala ako. Kailangan kong puntahan ang tambayan namin at hanapin ang bulaklak para bumalik ako sa kasalukuyan. Mali ang hiniling ko dahil hindi ako nag-iisip nang maayos noong mga oras na iyon.

Ngunit mukhang huli na at malayong pabalikin pa ako ng dalawa kong kasama na nag-iisa lalo na sa inaakto ko.

"Ummm...hindi mo ba sasagutin?" biglang tanong ni Sienna. Bukod sa boses n'ya ay may narinig din akong tono o musika na paulit-ulit.

Napataas ang isay kilay ko sa tanong nito. "Ang ano?"

"'Yong cellphone mo?"

Para hindi n'ya ako paghinalaan na wala ako sa sarili ay kinapkap ko ang bulsa ng palda ko para hanapin ang bagay na tinutukoy n'ya. Nang maramdaman na wala iyon doon ay nagsimula ko itong hanapin sa backpack ko.

Bakas ang panginginig sa mga kamay ko habang hinahanap kung saang parte ba ng bag ko isinuksok iyon. Parang hindi kasi nauubusan ng bulsa ang bag na 'to. Mabuti na lang ay nahagilap ko mula sa isang notebook na doon pala naka-ipit ang kanina pa nag-iingay na cellphone ko.

Nang matagumpay ko 'tong makuha at maisara ang bag ko ay nagpatuloy na akong naglakad habang nakatingin sa screen. Shit, hindi nga pala touchscreen 'to kun'di isang flip phone na napakaliit ng screen. Ang tagal ko nang hindi nakahawak nito kaya may kaunting pagkamangha akong nararamdaman, na naging pampalubag-loob sa nangyayari.

Tumambad si Mama sa caller ID, pero dahil sa pagkalito kung ano ba ang pipindutin ko ay hindi ko nasagot ang tawag. Sinubukan kong tawagin siya pabalik na kumonsumo ng buong atensyon ko at dahilan din nang pagkawala ng malay ko sa paligid.

Habang tumitipa ay aksidente akong bumangga sa taong naglalakad papunta naman sa kasalungat ko na direksyon.

"Ah!" ang naging tugon ko kasunod nang pagsinghap.

Sa lakas ng pagkabangga namin sa isa't isa ay nabitawan ko ang cellphone ko sa konkretong sahig; nasipa ito ng iba pang mga dumadaang tao hanggang sa mapunta ito sa gitna ng kalsada.

Humakbang na ako para habulin ito at masalba para hindi na matapakan o magulungan ng iba't ibang sasakyang dumaraan, ngunit may humablot sa kamay ko at pinigilan ako nang patawid na sana ako.

Nagitla na lang din ako dahil hindi ko napansin na may humarurot pa lang motor na muntik na akong mahagip.

"Sa'n ka pupunta, hmm?"

Nauna kong tignan ang mahigpit na hawak ng kamay nito, bago sa mga nagtatanong n'yang mga mata na halata ang pagkabahala. Kagaya nga sa litrato, naka-gel palagi ang buhok n'ya. Sa pagkakaalala ko ay parte s'ya ng basketball team ng eskwela—malaking ebidensya nito ang suot-suot n'yang dilaw na wristband.

Kahit mga high school pa lang kami, iba na talaga ang katangkaran ni Loren sa amin lahat. Kaya kapag tumatabi kami sa kan'ya, maliban na lang kay Kyo, ay nagmumukha kaming lahat na maliit.

"Mahirap ba kung ipakiusap ko sa'yo na tumingin ka sa dinaraanan mo?" sermon nito ngunit para hindi gaanong maging seryoso ay hinaluan n'ya ng ngiti.

Napailing ako at iniwas ang mga mata rito. "S-sorry."

""Yong cellphone ko." Humabol ang mga tingin ko sa cellphone ko na saktong nagulungan ng dumaang kotse at panigurado ay wala ng pag-asang bumukas pa muli. Lalakad na 'kong muli para man lang pulutin iyon pero nauna na si Loren para gawin iyon.

"Okay ka lang ba, Isay?" tanong ni Sienna na kanina ko pa naririnig.

Sasagot na dapat ako ngunit may pumutol nito. Mula sa tabi ko ay ang isang lalaki na may itim na pinta ang mga daliri, may hikaw ito at singsing na suot-suot, at kapansin-pansin din ang hawak-hawak n'yang PSP.

Si Kyohan.

Kung wala siguro s'yang suot-suot na uniporme ng Hanan Academy ay mapagkakamalan s'yang naligaw sa lugar na 'to dahil imbis na magmukha s'yang estudyante, mukha s'yang tambay sa mga gilid-gilid.

"Sorry, hindi ko sinasadya," paumanhin nito sa diretsong tono na kahit katiting na emosyon ay wala akong mahanap. Inaantok din ang mga mata n'ya na mabilis n'yang ibinalik sa PSP; naglakad na ito paalis at sinundan namin s'yang tatlo nila Jorge ng tingin.

"'Yon na 'yon? Akala ata n'ya astig s'ya," ani Loren na bumalik dala-dala ang cellphone ko. Bakas sa mukha n'ya na talagang wala na itong pag-asa.

"Bakit? Akala mo ba luluhod s'ya kay Isay para humingi ng sorry?" biro ni Jorge.

Habang naglolokohan sila ay dismayado ko namang binuklat ang cellphone ko at nakumpirma na nahati ito sa dalawa at nagpakita ang durog na screen.

"Oops."

"Ayaw mo no'n, dalawa na ang cellphone mo? 'Yong isa screen lang, 'yong isa naman keypad lang," pangloloko na naman ni Jorge at tumawa nang kita ang ngala-ngala n'ya.

At dahil natandaan ko na isa na muli akong bata, pumasok sa isip ko ang nakakatakot na kalagayan: lagot ako kina Mama at Papa. Sa tinagal ng panahon, ngayon ko na lang naalala kung paano matakot ng sobra sa kanila.

"Hindi ba kaklase natin 'yon? 'Yong transferee galing daw ng kabilang school lang?" pag-iiba naman ni Sienna ng usapan.

"Ah, oo, tanda ko na. Pagkatapos n'ya kasing magpakilala, biglang hindi ko na s'ya nakita. Siya si..." pag-alala ni Jorge sa pangalan nito.

"Si Kyohan," ang sagot ko naman.

Malinaw lang sa alaala ko na mailap si Kyo noong una; mahirap s'yang kaibiganin para sa iba dahil mas gusto n'ya ang presensya ng tanging sarili n'ya, takot din ang iba sa kan'ya dahil sa porma n'ya na laging naka-itim, pero sa huli ay naging parte s'ya ng barkada namin na s'yang bumuo sa huling miyembro.

"Loko 'yon, ah?" ang pahabol naman ni Loren na nakatuon din ang tingin sa lalaking patuloy nang lumalayo.

Napatingin naman ako sa kan'ya, nakakapanibago dahil sa lima saming magbabarkda, sila ang pinaka malapit sa isa't isa. Noong una, hindi talaga sila magkasundo at madalas silang mag-away. Magkasalungat kasi ang ugali nila kaya naman kinailangan maghintay ng kaunting panahon upang maging okay sila.

Bumaba ang guhit ng mga labi ko nang madatnan ang sinapit ng cellphone ko. Inilagay ko na lang ito sa loob ulit ng bag ko at hinarap sila.

"Tara na," aya ko sa kanila at nauna nang maglakad.

Sa aming lahat, walang magkakapitbahay. Pare-pareho kami na sa iibang direksyon daraan; may isa lang kaming common point kung saan doon kami naghihiwalay palagi–sa convenience store.

Kaya nang makarating kami roon ay kumaway na si Sienna at sinabing, "Mauna na 'ko."

"Ako rin," sunod naman ni Loren.

Nahuling sumagot si Jorge at lumapit. "Kaya mo ba talagang umuwi nang mag-isa?" pabulong na tanong nito.

Tumango ako, ngumiti, at tinapik ang balikat nito. "Oo naman, ako pa," kampante kong sagot. Kahit kailan talaga ay hindi pa rin s'ya nagbabago.

"Sigurado ka, ha," aniya at iginawi ang hintuturo at hinlalaki n'ya sa mata n'ya pagkatapos ay sa mata ko na nagsasabing binabantayan n'ya 'ko. Napatawa naman ako rito kahit na malakas pa rin ang pakiramdam ng bumabagabag sa loob ko.

"Bye," paalam ko sa kanila na may kasabay na pagkaway.

Tuluyan na kaming naghiwalay kung saan liliko ako sa katabing kanto ng convenience store, habang si Sienna at Loren ay diretso lang ang daan, at si Jorge naman pasakay na ng tricycle. Nagtago ako sa kanto habang nakasilip kung nakaalis o nakalayo na ba sila. Kaya nang mawala na ang mga pigura nila sa paningin ko ay kumaripas na ako ng takbo pabalik ng eskwela.

Kailangan kong hilingin na bumalik sa kasalukuyan. Hindi ako p'wede na mamuhay bilang 15 years old na Isay lalo na't wala ako sa sarili noong hiniling ko iyon, at higit pa sa lahat—masisira ko ang kinakaharap sa mga magiging kilos ko.

Mabuti na lang ay hindi naman kalayuan ang eskwela ay nakarating agad ako rito.

"Sa'n ka pupunta, bata?" sita sa akin ng guard. Nakaupo ito sa istasyon n'ya kaya lalong naging halata ang bilogan na tiyan n'ya na nagpahapit sa uniporme n'ya.

"May kukuhain lang po ako pabalik, manong. Sandali lang po talaga," pakiusap ko rito.

Pumalatak ito. "Hindi na p'wede. Bukas na lang tutal may pasok naman kayo kinabukasan," tanggi nito.

Kung ang Isay 'to ng nakaraan, siguro ay nasindak na s'ya, pero dahil iba ang Isay ngayon at desperado na ako, hindi ako magpapasindak. Lumipas ang ilang segundo at napa-isip ako kung ano'ng gagawin kong palusot, sakto naman na may dumaang estudyante na may suot-suot din na basketball wristband katulad ng kay Loren.

"Sige na, manong, kailangan 'to ni Coach bukas, e," pagsisinungaling ko.

"Bakit? Isa ka ba sa manlalaro?" masungit na tanong n'ya na may bahagyang pagtaas ng tono.

Pinigilan ko lang ang sarili ko na mapairap at pinanatili ang diretsong mukha. "Hindi ho, pero ako po ang manager ng basketball team. Kaya sige na, manong, ten minutes lang," pilit ko na may kasamang pagsalop ng mga palad.

Muli, pumalatak ito. "Tsk tsk...o sige, pero bilisan mo. Oorasan kita, bawat segundo." Ipinakita pa nito ang relos na suot-suot n'ya.

"Salamat po!" halos pasigaw kong sabi at lumakad na papasok. Nang hindi na nakatuon ang pansin sa'kin ni manong guard ay tumakbo na 'ko kung saan ang tambayan namin.

Nang magpakita na ang Forbidden Building ay para akong nanlamig, dito ako nahinto sa paglalakad para habulin ang hininga ko. Muli ay bumalik ang kaba sa'kin lalo na nang umihip ang malamig na hangin na nagpagalaw sa mga puno sa paligid.

Kinailangan kong paalalahanan ang sarili ko na dapat ko 'tong gawin. Huminga ako nang malalim at diniretso ang tingin; iginawi ko ang mga yapak ko sa likuran ng building at doon ay nagpakita sa'kin muli ang mga punong kahoy na nakaporma pabilog bilang upuan, at ang mga puno ng Banaba. Ito ang lugar kung saan nangyari ang lahat.

Tila bumalik ang naramdaman ko ng gabing 'yon: ang malakas na hampas ng hangin, ang bulaklak, hiling, pagkahilo, pagkawala sa sarili, at ang boses na paulit-ulit na tumatawag ng palayaw ko na walang ibang nagmamay-ari kundi si Sienna.

Lumapit ako sa mga punong kahoy at inalis ang pagkakasakbit ng bag ko sa braso ko para ilapag iyon at hindi makasagabal sa'kin. Malabo kasi ang alaala ko kung saang parte ko ba nakuha ang bulaklak na iyon, pero dahil naman siguro sa kulay nito ay lilitaw ito agad sa paningin ko.

Nagsimula akong maghanap sa lupain kung saan nakatayo ang puno ng Banaba dahil dito lang naman posible na tumubo ito. Inabot ako ng ilang minuto, ngunit kahit isang piraso ay wala akong mahanap. Sa paligid ng punong kahoy kung saan kami nagpupulong ay hinanap ko rin ito, at sigurado naman akong hindi malabo ang mga mata ko, subalit wala talaga akong mahanap.

Ipinuwesto ko ang pares ng mga kamay ko sa magkabilang sentido dala ng pagkalito at taranta. Inulit ko ang proseso kung saan ako nagsimulang maghanap hanggang sa napansin ko na nagdidilim na ang langit at kung magtatagal ako ay paniguradong hahanapin na ako ng guwardiya dahil sa tagal ng nilagi ko.

Napaupo ako sa lupain kahit alam kong hindi ito malinis, bumilis ang paghinga ko dala ng kawalan ng pag-asa. Bakit wala akong mahanap? Bakit hindi ko makita ang mga bulaklak? Paano ako makakabalik? Ano na ang gagawin ko?

Sunod-sunod na mga tanong ang dumaan sa isip ko na hindi nakakatulong sa nararamdaman ko. Gusto kong sumigaw at magwala, subalit kahit gawin ko iyon ay walang silbi dahil nakapako ako sa sitwasyon na ito.

"Bakit? Bakit!?" sigaw ko sa hangin.

Kumapit ang isang palad ko sa dibdib dala ng pagbuhos ng luha dala ng bigat ng emosyon. Sa tagal-tagal ko nang hindi umiiyak ay nanibago ako sa inaakto ko. Napakagat ako ng labi, mahigpit at masakit, hanggang sa matikman ko ang dugo na nagpahilo sa'kin.

Sana panaginip na lang lahat ng ito. Sana magising na ako.

❋❋❋

Continue Reading

You'll Also Like

555K 39.9K 9
Beneath a broken mask lies the truth behind the façade, and while masks can conceal pain, they cannot mend wounds. In the end, no mask was worth the...
46.2M 1.4M 55
Blake Vitale was a mess. Alam niyang para siyang bomba na malapit nang sumabog. He can even hear the ticking of the clock in his head, the time bomb...
143K 9K 26
"You're mine Pinky. Makipaghiwalay ka man sa akin ngayon pero sa akin pa rin ang balik mo.." -- Cedric Dalawang taon ng hiwalay si Pinky sa kanyang e...
1.1M 29.7K 44
It was one fine morning at Konsehal Casimiro Zaragoza's office-nang may dumating na isang babae at ipinapaako sa kaniya ang anak nito. Pero paano ni...