South Boys #3: Serial Charmer

By JFstories

4.2M 246K 151K

She may be beautiful, but she is aware that she's quite the airhead and is pretty dense. As such, Vivi masks... More

Prologue
Chapter 1
Chapter 2
Chapter 3
Chapter 4
Chapter 5
Chapter 6
Chapter 8
Chapter 9
Chapter 10
Chapter 11
Chapter 12
Chapter 13
Chapter 14
Chapter 15
Chapter 16
Chapter 17
Chapter 18
Chapter 19
Chapter 20
Chapter 21
Chapter 22
Chapter 23
Chapter 24
Chapter 25
Chapter 26
Chapter 27
Chapter 28
Chapter 29
Chapter 30
Chapter 31
Chapter 32
Chapter 33
Chapter 34
Chapter 35
Chapter 36
Chapter 37
Chapter 38
Chapter 39
Chapter 40
Chapter 41
Chapter 42
Chapter 43
Chapter 44
Chapter 45
Chapter 46
Chapter 47
Chapter 48
Chapter 49
Chapter 50
Chapter 51
Chapter 52
Chapter 53
Chapter 54
Chapter 55
Chapter 56
Chapter 57
Chapter 58
Chapter 59
Chapter 60
The Final Chapter
Epilogue
V.I.

Chapter 7

70.3K 3.6K 2.3K
By JFstories

AKO, PAPAKIALAMAN NI ISAIAH? PAANO?


Palaisipan sa akin at naguguluhan pa rin ako. Dahil doon ay hindi na naman tuloy ako nakatulog nang maayos. Mabuti na lang at maaga akong nagising dahil sa pagtatalo nina mommy at daddy kaya hindi ako late na pumasok ngayon.


Pag-akyat ko sa hagdan ng building ng Grade 11 ay napahinto ako sa paghakbang. Nakatambay si Isaiah roon kasama ang tropa niya. Naghaharutan sila. Napatigil sila nang mapatingin sa akin ang tropa niya na si Asher. Siniko siya nito para ipaalam ang presensiya ko.


Nang lumingon sa akin si Isaiah ay nabura ang pagakakangisi niya at agad na lumamlam ang kanyang mga mata.


Nang magtama ang aming paningin ni Isaiah ay akma siyang ngingiti sa akin nang pasimple akong nag-iwas ng tingin. Sa gilid ng aking mga mata ay nakita ko ang pagkagulat niya.


Nagpatuloy ako sa paglalakad na ang ekspresyon ng mukha ay normal lang. Nang dumaan ako sa harapan nila ay abot-abot ang pagpapanggap ko na walang pakialam.


"Isaiah, ini-snub ka!" tukso sa kanya na nabosesan kong si Miko. "Shot puno!"


Gusto ko nang makalayo pero marahan ang aking paglalakad. Kahit nagmamadali ay dapat mahinhin pa rin at hindi mawawalan ng poise. Ang kaso, sa dami ng pagkakataon ay tila nang-aasar na ngayon pa umatake ang pagiging lampa ko. Kahit wala namang nakaharang sa daan ay napatid ako!


Namilog na lang ang aking mga mata dahil alam ko na hindi ko na mapipigilan ang nakatakda. At ang sumunod nga na pangyayari ay ang paglagapak ko sa sahig nang padapa.


"Isaiah, gago!" sigaw ni Miko. "Nadapa bebe mo!"


"Damputin mo agad, Isaiah! Pwede pa 'yan, wala pang 5 seconds!"


Ang palad ko ay at noo ay parehong nakalapat sa sahig habang ako ay nakadapa. Kahit hindi ako tumingin sa paligid ay alam ko na maraming nakakita. Hiyang-hiya ako. Hindi ko alam ang gagawin. Ipinapanalangin ko na sana maglaho na lang ako.


May pares ng kulay white na Nike sneakers na huminto sa harapan ko. Kahit hindi ko tingalain ay alam ko na agad kung sino. "Ayos ka lang?"


Inabot niya ang kamay niya sa akin pero hindi ko iyon tinanggap. Mainit ang pisngi sa hiya na mag-isa ako na nag sikap umahon mula sa pagkakadapa. Tinulungan niya ako sa pamamagitan ng paghawak sa aking siko pero tinabig ko siya. Wala naman siyang sinabi pero ramdam ko na nakatingin siya sa aking mukha.


Patayo na ako nang matapakan ko ang aking palda kaya muli akong napaluhod. Ang mga nakakita ay hindi napigilan ang pagtawa. Gusto ko nang maiyak sa kahihiyan pero nagpigil ako.


Itinukod ko ang aking palad sa sahig saka ako tumayo at nang ma-stretched ang aking binti ay nakaramdam ako ng hapdi. Nagitla ako sa isiping nasugatan ang aking mga tuhod.


Gumewang ako at akmang mapapaluhod ulit kung hindi lang may matigas na brasong pumigil sa bewang ko. Para akong nakuryente dahil doon. Napaangat ang aking mukha at nakita ko ang seryosong mukha ni Isaiah.


Ang kaseryosohan niya at tila naramdaman ng mga tao sa paligid. Nawala na ang mga tumatawa. Ang mga nagdadaan at mga nakatambay ay nag-iwas na sa akin ng tingin. Para akong invisible na hindi nakikita ng mga ito. 


Maski ang tropahan ni Isaiah na kanina'y nang-aasar ay tahimik na rin. Patay-malisya na sina Asher at Miko na ni hindi na tumitingin sa amin.


Seryoso ang mukha ni Isaiah, hindi siya nakasimangot, hindi rin nakangiti. Hindi niya pa rin binibitiwan ang bewang ko hanggang sa makatayo na ako nang diretso.


"Nasaan ang masakit?" tanong niya sa mababang tono.


Umiling ako bilang sagot sa kanya.


Binitiwan niya na ako sa bewang pero lumipat ang pagkakahawak ng mainit na kamay niya sa aking pulso. Nagtataka ang aking mga mata sa kanya pero hindi niya iyon pinansin.


Inalalayan niya ako na maglakad. Nanliliit ako sa hiya kaya yumuko na lang ako. Kahit gusto kong sabihin sa kanya na iwan niya na ako dahil kaya ko na, wala namang salita na lumalabas sa bibig ko. Tila ba nalulon ko na sa hiya ang aking dila.


Nang humakbang si Isaiah ay humakbang na rin ako. Marahan ang mga hakbang niya na para bang kaunting pagkakamali lang ay mangungudngod ako sa lapag. Akala mo ay isa akong pilay na inaalalayan niyang maglakad.


Ang isang kamay ni Isaiah ay naramdaman ko na magaang humawak sa aking balikat. Napapitlag ako sa gulat, bagaman kataka-taka na hindi ako nagtangka na umiwas at manulak.


Narinig ko siyang nagsalita. Dahil halos akbay-akbay niya na ako ay nakadikit na aking mukha sa kanyang makinis na leeg. Naramdaman ko ang mainit at mabango niyang hininga ng naghahalong amoy Coke na softdrinks at candy na ang flavor ay mint.


"Masakit pa?"


Hindi ko makuhang sagutin ang tanong niya dahil ang mag nadadaanan naming estudyante ay grabe makatingin.


"Sila na?"


Nadaanan din namin ang dati kong kaklase at kaibigan na si Rosethel. Nagkorteng bilog ang bibig nito sa pagkakanganga at tumalim sa akin ang mga mata.


Dadaan sa room nina Isaiah bago makarating sa room ko. Ang mga kaklase niya ay napasipol nang makita kami.


Akala ko ay bibitiwan na ako ni Isaiah pagdating sa room ko pero hindi niya ako binitiwan. Hanggang sa loob ay inihatid niya ako. Hanggang sa makaupo ako sa aking upuan ay hindi niya pa rin ako iniwan.


Nakiusyoso ang karamihan kung bakit pumasok dito si Isaiah samantalang hindi naman niya ito room. Nagsimula na rin kaming tuksuhin ng mga kaklase ko. 


May bumabati sa kanya ng 'Hi, Isaiah!' Kilalang-kilala talaga siya kahit sa ibang room. 

Nakaupo ako at nakayuko habang si Isaiah ay nasa harapan ko. "Vi, 'wag ka nang lalabas, ha?"


Sa akin niya iyon sinasabi at ang aking ulo ay tila may sariling buhay na tumango. Nang lumabas na siya ng room ay kusang humabol ng tingin sa kanya ang mga mata ko.


Hindi ko na tanda kung ilang sandali ako na nakatulala sa pinto na nilabasan ni Isaiah. Kung hindi pa tumunog ang bell ay hindi pa ako mahihimasmasan.


Umayos ako sa pagkakaupo at napakislot nang muli kong maramdaman ang hapdi sa aking tuhod. Dahan-dahan kong itinaas ang laylayan ng aking palda. Napalunok ako pagkakita na dalawang tuhod ko ang may sugat. Ang una ko agad inalala ay ang makita ito sa bahay namin.


Kapag nalaman ni mommy na nagkaroon ako ng gasgas sa balat ay tiyak na malulungkot ito. Baka maiyak pa si mommy at ma-depress ng ilang araw.


Pero si daddy pinaka-inaalala ko, tiyak na magagalit iyon at tatadtarin ako ng sermon. Malamang na mapaparusahan pa ako. Puwedeng alisan ako ng WiFi o mas malala, ilang araw ako na pagbawalang gumamit ng cellphone.


Pinakiramdaman ko ang sarili. Hindi lang palad at tuhod ang mahapdi sa akin, pati noo ko na tumama sa aking pagkakadapa kanina sa semento. I-ch-check ko sana gamit ang salamin nang biglang magsigawan ang aking mga kaklase sa pinto.


"Gago, diyan na si ma'am!"


Nagpasukan na ang mga kaklase ko kasunod ng teacher namin na si Mrs. Saria. Nakalimutan ko na tuloy ang paghahanap ng salamin.


Bago magsimula ang klase ay nag-ungulan ang mga kaklase ko. Ang mga lalaki ay napapairit pa at ang mga babae ay akala mo kinikiliti kung makangiti. Nagtataka naman ako kung ano ang nangyayari.


Ang teacher namin ay nagtataka rin kaya sinundan nito ng tingin ang tinitingnan ng lahat.


Napasunod din ako ng tingin sa may pinto. Napanganga na lang ako nang makita kung ano ang dahilan kung bakit nagkakaganoon ang aking mga kaklase. Nasa pinto ng room namin ngayon si Isaiah at kausap niya na si Mrs. Saria.


Nang maglakad na paalis si Isaiah ay lumingon pa siya sa bintana. Nang magtama ang aming paningin ay matamis na ngumiti siya akin. 


Ang teacher namin na si Mrs. Saria ay tinawag ako. Paglapit ko ay isang brown paper bag ang inabot nito sa akin. "Pinabibigay ni Isaiah Gideon."


Muli ay ang panunukso ng mga kaklase ko habang ako ay pinamumulahan ng mukha rito.


"Ayeee! Lakas naman!"


"Uy, Vivi! Kayo ba ni Isaiah?" tanong ng kaharap ko sa upuan pagbalik ko.


Kahit ang nasa likuran ko ay kinakalabit ako. "Uy, kayo ni Isaiah? Kailan pa? Bagay kayo, beh!"


"Hala! Crush ko si Isaiah, gagi! Papakamatay na ako!"


Ang mga kalalakihan sa room ay nakikiasar din. Ang iba sa kanila ay makikitaan sa mukha ng pananaghili. "Kaya pala ang ilap, Isaiah pala ang nais."


"Akala ko si Elias Angelo na taga higher section BF niya?" bulungan na naririnig ko.


"Hindi yata, ses. May pag-asa pa tayo kay Elias Angelo."


Ang inga-ingay sa room at halos lahat ay nililingon ako.


"Quiet!" sigaw ni Mrs. Saria pero may mahihinang panunukso pa ring natira.


Nang wala na sa akin ang atensyon ng mga kaklase ko ay tiningnan ko ang laman ng paper bag na pabigay ni Isaiah. Namangha ako nang makita ang nasa loob ay isang maliit na box ng band aid at sachet ng sterilized cotton pad.


Nang magpasulat ang teacher namin at naging busy na ang mga kaklase ko ay saka ko nilinis ang aking sugat. Hindi naman pala gaanong malaki at papasang gasgas lang, gayunpaman ay halata pa rin kung pakatitingnan.


Umabante sa pagkakaupo ang katabi ko sa upuan na si Charles Felix Columna. Tinakpan ako ng lalaki dahil nakalilis ang palda ko hanggang tuhod.


Nang malagyan ko na ng bad aid ang mga gasgas ay umayos ako sa pagkakaupo. "Thank you," mahina kong pasasalamat.


Tumango si Charles at umayos na rin sa pagkakaupo. Sa lahat ng mga naging kaklase kong lalaki, si Charles lang ang hindi nagpakita ng interes sa akin kaya naman hindi ako naiilang makatabi siya sa upuan.


Sa pag-ayos ko ng upo ay napatingin ako sa phone ni Charles na nasa armchair. Ang wallpaper niya ay isang nakangiting babae na pamilyar ang mukha. Parang nakita ko na rin ang photo sa newsfeed ko. Nang mapansin niya kung saan ako nakatingin ay dinampot niya ang phone at iniharap sa akin.


May pagmamalaki sa boses ni Charles nang magsalita, "GF ko."


Sa pagkakatitig ko sa photo ay natiyak ko na kung sino ito, dati kong kaklase at isa sa mga kaibigan ni Isaiah, si Carlyn Marie Tamayo. At tama ako, nakita ko na ang photo na ito sa FB. Profile photo na gamit mismo ng babae.


Tumango-tango ako at hindi nagsalita. Kaya pala kahit may mga babae na nagpapansin kay Charles sa room namin ay hindi niya pinapansin. May girlfriend na pala siya.


Pagkatapos ng pangalawang subject ay nag-ring ang bell para sa last break. Naglabasan ang mga kaklase ko. Maging si Charles ay tumayo sa upuan at mukhang pupuntahan ang girlfriend.


Sumandal ako sa sandalan ng kinauupuan at bumuntong-hininga. Ayaw kong lumabas kahit pa nauuhaw ako. Nahihiya ako na maglakad sa hallway dahil malamang na may nakakatanda sa pagkadapa ko kanina.


Ayaw ko ring lumabas dahil para makapunta sa hagdan ay kailangang dumaan sa room nina Isaiah. Nahihiya ako na makita siya o ang mga tropa niya. 


Kanya-kanyang ginagawa ang mga natirang kaklase ko sa room nang mapatingin sila sa may pinto. Kumabog sa kaba ang dibdib ko nang magsimula na naman ang panunukso ng mga ito sa akin.


Kaya pala, papasok si Isaiah sa pinto. Nakapamulsa sa suot na pants ang kanang kamay niya habang ang kaliwa ay may bitbit na supot na may lamang burger at mineral water. Nagdoble ang kabog ng dibdib ko nang magsimula siyang humakbang palapit sa akin.


"Uuuyyyy....!" chorus ang mga kaklase ko sa panunukso.


"Isaiah, nadadayo ka, ah!" nakatawang pang-aasar sa kanya ng tumpok ng mga kalalakihan sa room.


Nakipag-fist bump siya sa mga ito at tamang tango lang sa mga malalayo sa kanya. Ang mga babae na nagpapansin sa kanya ay nginitian lang naman niya. 


Nang nasa harapan ko na si Isaiah ay inilapag niya sa armchair ko ang dapa niyang supot. "Meryenda."


Nakatingin lang ako at hindi malaman ang sasabihin.


Ang mga kaklase ko naman ay tuloy pa rin sa pang-aasar at panunukso. Ang mga babae ay kinikilig na naghahampasan at meron ding hindi masaya na kung makatingin ay akala mo may kasalanan ako sa kanila.


"Tama na," saway ni Isaiah sa mga ito.


Hindi naman siya galit, simple lang ang pananaway niya. Hindi rin malakas pero sapat para marinig. Kakatwa dahil nanahimik naman ang mga kaklase ko. Iyong iba ay bulungan na lang ang ginawa at simpleng hampasan sa isa't isa dahil sa kilig.


Wala sa loob na napatingala ako kay Isaiah. Gusto ko lang naman makita ang ekspresyon niya sa mga oras na ito, kaya lang ay sakto na nagbalik siya ng tingin sa akin. Nagtama ang aming paningin.


Nakangiti siya na agad nabura nang may mapansin sa akin na kung ano. "Hoy!" nabibiglang bulalas niya na maangas pero may kakakapaan ng pag-aalala.


Napayuko ako agad. Naalala ko na hindi ko pa pala na-ch-check ang aking noo. Hindi pa ako nakakapag-retouch mula kanina.


Naupo si Isaiah sa bakanteng upuan na katabi ng kinauupuan ko. "Patingin," masuyong sabi niya na halos pabulong.


Hindi ako lumingon sa kanya kaya hinawakan niya ang aking baba. Maingat niya ako iniharap sa kanya. Hindi na tuloy ako nakaiwas na maghinang muli ang aming mga mata.


Ang lapit-lapit ni Isaiah kaya kitang-kita ko ang malambing na pagkakangiti niya. "Bakit ka ba nahihiya?"


Napalunok ako dahil pati ang boses niya ay parang nanduduyan sa lambing. Bakit ba niya ito ginagawa? Hindi niya ba alam na naliligalig ako dahil sa pag-akto niya nang ganito?!


"Tsk. May bukol ka sa noo."


Hinawi niya ang ilang hibla ng aking buhok na tumatabing sa mukha ko. Hinawakan niya ulit ang baba ko at pinakatitigan ang bukol na sinasabi niya.


"May tira ka pang band aid kanina?"


Nang mapatingin siya sa gilid ko ay nakita niya ang paper bag na ipinabigay niya kanina. Nagkalkal siya roon at inilabas ang box ng band aid. Kumuha rin siya ng tirang sterilized cotton pad.


Tila ako naging bato na hindi makakilos ng marahan niyang punasan ang noo ko. Hanggang sa malagyan niya ng band aid ang maliit na bukol ay hindi pa rin ako makagalaw.


"Ganda pa rin," bulong niya habang nakatitig sa akin.


Ang mga mata ko nanlalaki sa kanya dahil hindi ko naman mapilit ang aking bibig na magsalita.


"Okay na ba tuhod mo?"


Tumango ako.


"May sugat?"


Tumango ako.


"Nilinis mo na ba ng sterilized cotton?"


Tumango ako.


"Nilagyan mo na ba ng band aid?"


Tumango ako.


"Hindi na ba talaga masakit at makakalakad ka ba nang maayos mamaya?"


Tumango ako.


"Sigurado ka ba? Ayos ka na talaga?"


Tumango ako.


"Pwede na ba akong manligaw sa 'yo?"


Tumango ako.


Natigilan ako nang marinig ang mahinang tawa ni Isaiah. Napanganga ako nang mapagtanto ang aking pagtango sa tanong niya.


"Wala nang bawian," nakangisi ang mapula niyang mga labi nang silipin ang mukha ko. "Pag binawi mo, may lalabas na tren at pari diyan sa bukol mo."


Bumukas-sara ang aking bibig na walang salitang lumabas maski isa.


"Vi, chill. Ako lang 'to. Iyong patay na patay sa 'yo."


Matapos iligpit ang paper bag ay kinalkal niya namang sumunod ang supot. Inabot niya sa akin ang burger na ayaw ko pa sanang tanggapin. Kinuha niya ang kamay ko at doon ipinatong iyon.


"Meryenda para di ka na lumabas."


Nang tumayo na siya at magpaalam na aalis ay nakapagtataka na nakaramdam ako ng pananamlay. Nakapamula nang lumabas si Isaiah sa room namin habang ako ay nakahabol ng tingin sa kanya.


Ipinilig ko ang aking ulo pagkuwan. Ano ang ibig sabihin ng nangyari ngayon? Ang alam na ng lahat ay kami na, habang ang totoo ay nabibigla pa rin ako na napapayag ako ni Isaiah na manligaw.


Napatitig ako sa iniwan niyang burger sa aking kamay. Tila ba bigla ako roong natakaman. Sinimulan ko nang kainin ang burger at ang mineral water din na binili niya ang aking ininom na tubig. Nang mabusog na ay isang matipid na ngiti ang gumuhit sa aking mga labi.


Pagtunog ng bell sa uwian ay inilabas ko agad ang aking pouch na kinalalagyan ng mga pampaganda. Ugali ko ang mag-retouch bago lumabas ng room, break time man, P.E., o uwian. Nakasanayan ko lang talaga na dapat ay presentable ang aking itsura.


Sa mga nagdaang araw ay normal na pag-aayos lang. Mabilis natatapos. Ngayon ay namamangha ako sa sarili dahil nakailang ulit akong nagsuklay, naglagay ng lip gloss, at nagwisik ng pabango.


Hindi ako makuntento. Ang aking pakiramdam ay may kulang pa. Gusto kong pang iangat ang pilik-mata ko gamit ang eyelash curler, kaya lang ay taas na taas na ito. Ano pa ba ang kulang? Ayaw ko namang maglagay ng glittered eyeshadow.


Napatda ako sa salamin. Ano ba itong nangyayari sa akin? Bakit bigla akong naging conscious sa aking itsura? Bakit hindi ako mapakali?


"Vi, di ka pa uuwi?" tanong ng kaklase ko na kasali sa cleaners. "Iuusod sana namin mga upuan sa harapan."


"S-sorry," nahihiyang sabi ko. Nagmamadali akong tumayo kaya nagkandalaglag tuloy sa sahig ang mga cosmetics ko. Natataranta na pinagpupulot ko naman iyon.


Natatawa namana ng mga cleaners kong kaklase. "In love si Viviane Chanel!"


Hiyang-hiya ako na lumabas ng room. Nagmamadali ang mga paa ko lalo nang maparaan na ako sa pinto ng room nina Isaiah.


May mga nakatambay sa labas na nakatingin sa akin. Nakangiti ang iba pero ang dalawa sa may bandang bintana ay matalim sa akin ang mga mata. Ang isa sa mga ito ay hindi ko kilala, may braces ito na peke sa ngipin.


Ang kasama nito ang kilala ko na si Carlyn Marie Tamayo. Ito ang girlfriend ng katabi ko sa upuan na si Charles. Kaibigan din ito ni Isaiah. Magbabawi na sana ako ng tingin nang taasan ako nito ng kilay.


Ang kasama nito na may suot na pekeng braces ay malakas ang boses na nagsalita. "Maganda ka pa rin diyan, Car!"


Nakayuko na nagmamadali akong maglakad. Nakahinga na ako nang makalampas. Wala si Isaiah at dapat ay masaya ako, kaya lang bakit parang ang nararamdaman ko ay kabaliktaran?


Nagtatalo ang isip ko nang biglang may humablot sa bag ko. Kumabog agad ang aking dibdib na tila nanabik. Isang lalaki ang awtomatiko kong naisip... si Isaiah. 


Ang kaso, sa aking pagtingala ay bumagsak ang balikat ko dahil ang nakangiting mukha ng kababata kong si Eli ang aking nakita. Nakangiti siya sa akin. Isinukbit niya ang bag ko sa balikat niya. "Lumilipad na naman isip mo."


"Akina ang bag ko..." maliit ang boses ko na kakakapaan ng pagkadismaya.


"Hayaan mo na." Nakangiti pa rin siya na sumabay sa paglalakad sa akin.


Habang naglalakad kami ay sumisimple ang aking paningin sa paligid. Sa may labas ng gate ko na nakita ang hinahanap. Naroon si Isaiah kasama ang dalawang tropa niya na sina Asher at Miko ulit.


Si Miko ay nag-v-vape habang may nakatingin sa screen ng hawak na phone sa kaliwang kamay. Si Asher naman ay kausap si Isaiah. Nauulinigan ko ang topic nila na tungkol sa isang online game.


Ang aking paghakbang ay hindi ko namalayang bumabagal na pala. Ang paligid ay tila naging mabagal din. Parang sa pelikula na slow motion maski ang pagsasalita ni Isaiah at paggalaw ng mahahaba niyang pilik-mata.


Naglabas siya ng panyo mula sa bulsa ng suot na slacks uniform. Pinunasan niya ang pawis niya sa kanyang makinis na leeg. Para naman akong nae-engkanto na nakasunod ng tingin sa kanya.


"Vivi!" Tapik ni Eli sa noo ko ang gumising sa aking diwa.


"Aray!" Nadali niya ang bukol ko.


Nagulat naman siya na ngayon lang napansin ang band aid sa aking noo. Tumigil siya sa paglalakad para lang harapin at usisain ang mukha ko. "Hala, anong nangyari sa 'yo?!"


"Wala. Bukol lang. Nauntog lang," pabalewalang sabi ko. Gusto ko na magpatuloy sa paglalakad pero ang kulit ni Eli. Hinawakan niya pa ang magkabilang pisngi ko para maiharap lang ako sa kanya.


"Nauntog ka saan?" Pinakatitigan niya ang noo ko. "Ano bang nangyari, Vi? 'Yan lang ba ang bukol mo? Baka meron ka pang iba sa ulo?!" puno ng pag-aalala ang boses niya habang sinusuri ako.


"Okay nga lang, Eli..." Nahinto ako sa pagsasalita nang mapatingin kina Isaiah at makitang nakatingin na pala siya sa akin.


Umawang ang mga labi ko nang makita ang seryosong ekspresyon ni Isaiah. Natabig ko tuloy bigla ang pagkakahawak ni Eli sa aking mukha.


Hindi ko alam kung bakit bigla akong kinabahan sa ibang paraan. Para ba akong may ginawang kasalanan kahit wala naman.


"E-Eli, w-wag mo na akong hawakan... t-tara na..."


Nagtataka naman si Eli sa pagbabago ng mood ko. 


Nang magsimula akong maglakad nang nakayuko ay sumunod na rin sa akin si Eli. Tinatanong pa rin ako kung ano ang nangyari sa akin pero hindi na ako sumasagot hanggang sa makarating kami sa paradahan ng tricycle papuntang Buenavista.


"Siguradong magagalit ang parents mo, Vivi," ani Eli nang pa-biyahe na kami.


Hindi ako umiimik at inakala ni Eli na natatakot lang ako. Nagpresinta siya na akuin ang sisi, na kunwari'y naitulak niya ako. Hindi kasi magagalit sa kanya si daddy dahil malaki ang utang namin sa mama at papa niya.


Tahimik pa rin ako nang maghiwalay na kami ni Eli. Siya ay nag-aalala pa rin sa akin. Binilinan niya ako na i-text siya kung ano man ang mangyari.


Pagpasok sa bahay namin ay may kainuman si daddy kaya hindi ako gaanong napansin nito. Hindi ako lumapit para magmano dahil ang bilin ni daddy ay wag lalapit kapag may ibang lalaki.


Nasa hagdanan na ako nang marinig ang sinasabi ng kainuman niya. "Ang ganda pala talaga ng anak mo. Kamukhang-kamukha ng asawa mo."


"Oo. 18 na 'yan ngayong buwan. Muse palagi iyan sa eskwela. Kinukuha rin parati na reyna rito kapag may Sta. Cruzan."


"Baka naman puwede mag-muse 'yan sa liga sa bakasyon?" tanong ng kainuman ni daddy.


"Ay, pass, pare. Hindi ko pinapayagan mag-muse sa liga ang dalaga ko. 'Di ko trip mga ganyang pageant. Siguro kung UAAP, baka puwede pa."


"Ang selan mo naman, pre. E sa public lang naman nag-aaral 'yang anak mo."


Nahinto ako sa paghakbang sa hagdan. Naghanap ang mga mata ko sa paligid ng sala. Hinahanap ko si mommy dahil natatakot ako na baka mapikon si daddy at mapaaway ito sa kainuman.


"Baliktad ka, Robert," ani pa ng kainuman ni daddy. "Dapat ang anak mong lalaki ang sa public mo pinag-aral para matutong dumiskarte sa buhay. 'Tapos ang anak mo dapat na babae ang sa private para ma-pamper doon at hindi maligawan ng mga anak-pawis sa public school."


Wala pa ring kibo si daddy kaya nagsisimula nang tumindi ang takot ko. Kilala ko ito, pikunin ito lalo kapag nakainom.


"Naniniwala ako na kung nasaan ka, doon ka makakakuha ng magiging syota mo. Kaya 'yang dalaga mo, dahil nasa public 'yan, expect mo na ngayon pa lang na tagaroon din ang magiging syota niyan."


"Hindi nagpapaligaw ang anak ko," mahina bagamat mariing sabi ni daddy.


"Paano mo naman masasabi? Malamang di lang 'yan nagsasabi sa 'yo pero meron nang pumoporma riyan sa school. Magugulat ka na lang, buntis na 'yang anak mo—"


Hindi na natuloy ang sinasabi nito dahil nagkagulo na sa ibaba. "Tangina mo, hindi magpapaligaw at hindi mabubuntis ang anak ko, gago!" 


Nagkalabugan ang mga gamit at paglingon ko ay binabanatan na ni daddy ang kainuman. Napatili ako sa takot at pagpa-panic.


Mabuti na lang at pumasok sa pinto ang kararating lang na si Kuya Vien. Umawat agad ang kuya ko. Nang makita ako nito ay sinigawan ako. "Vi, umakyat ka sa kuwarto mo! 'Wag kang lalabas! Dalian mo!"


Urong-sulong pa ako pero sa huli ay sumunod na rin. Takot na takot ako sa kuwarto habang naghihintay na humupa ang tensyon sa sala. Nang dumating na si mommy ay natapos na rin ang kaguluhan at umuwi na ang kainuman ni daddy.


Nakatulong ang sigalot nang nagdaang gabi para maitago ko ang bukol ko sa noo at sugat sa tuhod. Hindi kami naghapunan dahil badtrip si daddy kaya hindi ko na kinailangang lumabas. Hinatiran lang ako ni Kuya Vien sa kuwarto ng prutas.


Kinaumagahan naman ay walang almusal dahil hindi lumabas ng kuwarto sina mommy at daddy. Mukhang magdamag silang nagtalo. Malamang din na hindi talaga bababa si mommy dahil may pasa na naman ito.


Si Kuya Vien naman ay naunang pumasok sa akin dahil may kailangang asikasuhin sa school nito. Walang aberya na nakapasok ako. Nagmamadali ako kaya hindi ko na nahintay pa si Eli. Nauna na akong makarating sa school.


Dahil napaaga ang pasok ay wala pang gaanong estudyante. Ngayon lang ako napaaga nang ganito.


Sa hagdan ay wala akong kasabay. Mag-isa lang akong umakyat. Nang nasa pangalawang hagdan na ay muntik akong mapatili nang makita ang matangkad na lalaking nakasandal sa barandilya. Si Isaiah!


Namilog ang mga mata ko pagkakita sa kanya. Complete uniform na sana siya dahil nakasuot siya ngayon ng polo, kaya lang ay sneakers pa rin ang suot niya sa paahan. Magulo ang kanyang buhok na tila pagkaligo ay ang mahahabang daliri niya lang ang ginamit na panuklay. Gayunpaman, ang guwapo-guwapo niya at ang linis-linis tingnan.


Nakatingin din siya sa akin at alam na paakyat ako. Nako-conscious ako sa mga tingin niya kaya iniba ko ang direksyon ng tinitingnan. Nagpatay-malisya ako kahit pa ang totoo ay hindi na normal ang pagtahip ng aking dibdib.


Bawat hakbang ko ay nagdadasal ako na sana naman wag akong madapa. Nang dumaan ako sa harapan niya ay nalanghap ko ang mabangong amoy ng sabong pampaligo na ginamit niya, Safeguard Eucalyptus Green. Ang presko, ang sarap sa ilong.


Ang shampoo niya ay parang Dove for men. Alam ko dahil ganoon din ang gamit na shampoo ni Kuya Vien. Banayad lang ang amoy lalo na ang men's cologne na gamit niya. Parang CK.


Papalampas na ako sa kanya nang sabayan niya ako sa paglalakad. "Vi."


Patay-malisya pa rin ako pero napahinto na sa paglalakad dahil humarang na siya mismo sa daraanan. 


Yumuko siya para lang silipin ang aking mukha. "Good morning."


"G-good morning..."


Mahina siyang tumawa. Iyong tawang masuyo, malambing. "First day."


"Ha?" Nagtatakang napatitig ako sa mga mata niya na tila nakangiti rin sa akin.


Ipinakita niya sa akin ang screen ng phone niya. Nasa may calendar iyon at naka-mark ang araw ngayon. "First day, Vi. Unang araw ng panliligaw ko sa 'yo."


Napanganga ako.


"Gusto kong sabihin na wala kang dapat alalahanin. Hindi ako nagmamadali at kaya kong magtiyaga sa paghihintay sa 'yo."


Nakatanga pa rin ako sa kanya at hindi makapagsalita. Ang nakangiti at malambing na mukha ni Isaiah ay nagbago. Ang mga ngiti niya ay napalis at ang ekpresyon niya ay biglang sumeryoso.


Humakbang siya palapit sa akin hanggang sa masukol niya ako sa kanto. "Pero gusto ko ring malaman mo... seloso ako."


JF

Continue Reading

You'll Also Like

23.2M 591K 39
"I'm not harmless as you think I am." - Santi Montemayor Old title: ILY, Master Magbabantay, magtatanggol at magiging sandalan niya lang dapat ang la...
851K 39.3K 32
At age seven, Nina was adopted by a mysterious man she called 'daddy'. Surprisingly, 'daddy' is young billionaire Lion Foresteir, who adopted her at...
3.7K 138 62
Shaniya Montez, 26, isang dalagang may trauma na sa mga lalaki kaya naman takot makipagrelasyon. Isang breadwinner at nanggaling sa mapang-abusong pa...
4.2M 246K 64
She may be beautiful, but she is aware that she's quite the airhead and is pretty dense. As such, Vivi masks her weaknesses behind a snobby and haugh...