South Boys #3: Serial Charmer

By JFstories

4.7M 256K 155K

She may be beautiful, but she is aware that she's quite the airhead and is pretty dense. As such, Vivi masks... More

Prologue
Chapter 1
Chapter 3
Chapter 4
Chapter 5
Chapter 6
Chapter 7
Chapter 8
Chapter 9
Chapter 10
Chapter 11
Chapter 12
Chapter 13
Chapter 14
Chapter 15
Chapter 16
Chapter 17
Chapter 18
Chapter 19
Chapter 20
Chapter 21
Chapter 22
Chapter 23
Chapter 24
Chapter 25
Chapter 26
Chapter 27
Chapter 28
Chapter 29
Chapter 30
Chapter 31
Chapter 32
Chapter 33
Chapter 34
Chapter 35
Chapter 36
Chapter 37
Chapter 38
Chapter 39
Chapter 40
Chapter 41
Chapter 42
Chapter 43
Chapter 44
Chapter 45
Chapter 46
Chapter 47
Chapter 48
Chapter 49
Chapter 50
Chapter 51
Chapter 52
Chapter 53
Chapter 54
Chapter 55
Chapter 56
Chapter 57
Chapter 58
Chapter 59
Chapter 60
The Final Chapter
Epilogue
V.I.

Chapter 2

99.4K 5.4K 4.5K
By JFstories

"SLOW KA."


Umusod pa si Isaiah at yumuko para mas makita ang reaksyon sa aking mukha.


"Napakatagal na pero ngayon mo lang ako napansin. Ngayon ka lang naguwapuhan sa akin."


Napakurap-kurap ako nang lampasan na ako ni Isaiah. Ha? Naguwapuhan sa kanya? Ngayon ko lang na-realize na naguguwapuhan nga talaga ako sa kanya. Pero bakit? Dapat ay kina Daddy, Kuya Vien, at Eli lang ako maguguwapuhan. Wala dapat ibang lalaki na pwedeng kumuha sa atensyon ko—


"Contamina," tawag ng next subject teacher dahil nakatulala pa rin ako sa may pinto.


"S-sorry po, Ma'am..." mahinang sabi ko at pumasok na sa loob.


Pagkaupo ko ay kinalabit ako ng aking katabi sa kanan na si Rosethel Torres. "Vi, lamang ako sa 'yo ng one point sa exam kanina. 12 ako."


Tiningnan ko lang siya at hindi sinagot kahit tango.


Ngingiti-ngiti pa rin si Rosethel. Proud na proud talaga siya sa tuwing nauungusan niya ako sa kahit anong bagay.


Si Rosethel Torres ay isa sa mga kaibigan ko mula Grade 7. Hindi ko na matandaan kung paano ko siya naging kaibigan gayung bihira ko naman siyang kausapin. Maganda siya, palaayos, at madalas na muse rin. Kaya lang kapag magka-klase kami ay nauuwi siya sa posisyon na 'Secretary'.


"Nag-pm pala sa akin si Doralyn. May hair roller daw siyang dala. Magkulot tayo mamayang break," yaya niya sa akin.


Hindi lang si Rosethel ang kaibigan ko. Hindi ko na rin maalala kung kailan nangyari pero sina Doralyn Poblete at Paula Epiritu ay mga kaibigan din. Kami nga lang nina Rosethel at Paula ang magkaklase ngayon dahil napunta sa kabilang section si Doralyn. Pinupuntahan lang kami nito tuwing break.


"Ano? 'Wag na tayo kumain sa lunch, ha? Magkulot na lang tayo ng buhok."


Hindi pa rin ako nagsasalita ni tumango sa kanyang pagyaya ni Rosethel, pero sanay na siya na ganito ako. Saka kapag naman may mga plano sila ay wala rin naman akong nagagawa kundi ang sumama sa kanila.


Pagsapit ng lunch break ay lumapit na sa amin si Paula. Dito sa pwesto namin kami magkukulot ng buhok, sa Row 4 at bandang likurang bahagi ng room kung saan hindi gaanong pansinin sa harapan.


Ang hindi namin kaklase ngayong year na si Doralyn ay pumasok sa room na dala ang kikay pouch niya at ang pangkulot ng buhok. Sa aming apat ay ang babae ang bukod-tanging malaman. Chubby siya kaya mahilig siyang mag-contour ng mukha.


Pagkalapit sa amin ay nagsalita si Doralyn. "Hindi ba muna tayo kakain?"


"Pwede ba ang taba mo na, pagkain pa rin ang nasa isip mo!" singhal ni Rosethel sa kanya.


"Kaya nga ang pangit na niyang bruhang 'yan!" sabi naman ni Paula.


Natawa naman si Rosethel habang ako ay hindi man lang napangiti kahit kaunti.


Hindi naman pangit si Doralyn. Ang totoo ay cute siya, pero katulad ng nangyayari parati, tahimik lang ako na nakikinig sa kanila at hindi nakikisali.


Humalukipkip si Paula habang matalim na nakatitig kay Doralyn. "Naku, Dora, ha! Pag chumaka ka pa nang onti bawal ka na sa grupo namin!"


"Truth! Baka mahawa kami sa kapangitan mo! You know, birds of the same feather rocking together."


"Anong rock? Flocking iyon tanga!" Binato ni Paula si Rosethel ng blotting paper.


Napayuko na lang ako dahil pareho silang mali. Birds 'flocking'? Mali iyon dahil dapat ay 'flying'. Di ba birds ang pinag-uusapan nila?


Matapos nilang laitin si Doralyn ay nagsimula na silang magsuklay ng mga buhok nila. Si Doralyn na kanina'y nilalait nila ay sandali lang na-hurt, naka-move na at ngayo'y nagpapahid na ng foundationg sa mukha.


Si Paula na naglalagay ng fake eyelashes sa mata ay sumulyap sa akin. "Vi, may mascara ka?"


Sa halip na sagutin siya ay inilabas ko ang aking pouch na kulay pink. Nandoon ang mga cosmetics ko. Nakikalkal naman agad si Rosethel.


"Hala! Ganito iyong gusto kong bilhin sa SM e!" Nang makita niya ang bago kong glittered lip tint ay tuwang-tuwa siya.


Napasugod naman agad si Doralyn sa pouch ko kahit hindi pa siya tapos mag-foundation sa mukha niya. "Hala, mahal 'yan, ah! Nasa 400 isa niyan sa Watson's!"


Nanulis naman ang nguso ni Paula. "Baka naman fake 'yan?"


"Mommy ko may bili niyan," mahina kong sabi.


"Hay, sana all may supportive na mommy!" nakaismid na komento ni Rosethel. "Mama ko last week galit na galit nang makita na nag-mine ako sa panindang lipstick sa Facebook. Nabuko ako na hindi pang-school project iyong hiningi kong two-hundred!"


Buong lunch time ay nagmi-make up at nagkukulot lang kami ng buhok. Ako ang pinakahuling kinulot nila.


"Dora, ano palang pangalan ng kaklase mong chinito? Iyong pogi?" tanong ni Rosethel kay Doralyn habang kinukulot niya ang buhok ko.


"Wayne Daniel Chung. Dati iyon sa private bago nag-transfer dito. Guwapo niya, ano?"


Nangislap ang mga mata ni Rosethel. "May GF na kaya?iyon"


"Nanliligaw daw iyon sa president ninyo," sabi ni Doralyn.


Umasim ang mukha ni Rosethel dahil sa narinig. "Kay Jillian?!"


Si Jillian Mae Herrera ang president sa room namin. Ang babae rin ang top 1 palagi sa amin. Hindi ito palakaibigan pero mabait naman.


"Mahilig pala sa matalino si Wayne, 'di ka pasado sa kanya, beh!" pang aasar ni Paula kay Rosethel.


Lalong sumama ang timpla ni Rosethel. "Sino namang nagsabi na matalino si Jillian? Masipag lang iyong mag-aral pero hindi iyon matalino!"


Naghagikhikan sina Paula at Doralyn.


"Totoo naman na masipag lang iyon e. Kasi kung totoo matalino siya e di sana wala siya rito sa section 5! Dapat nasa science class siya o kaya ay sa highest section, di ba?"


Napatango-tango naman si Doralyn. "Oo nga! Iyong kuya niya nasa science class e, bakit kaya siya nandito sa section 5?"


Natigil ang paguusap nila nang mula sa pinto ng room namin ang kanilang pinaguusapan— si Jillian Mae Herrera.


"Hi, Pres!" bati sa kanya ni Rosethel.


Nang mapatingin sa amin ang babae ay agad itong ngumiti at malumanay na gumanti ng bati. "Hello..."


Nang makalampas na ito ay nginisihan ako ni Rosethel. "Vi, mas maganda pa rin tayo."


"Oo nga," segunda naman ni Paula. "Maputi lang naman si Jillian saka brown eyes pero truthfully, hindi ako nagagandahan sa kanya."


Napakunot ang noo ko. Bakit sila naiirita kay Jillian samantalang wala naman itong ginagawa sa kanila? Mabait naman iyong tao. Saka hindi totoo na hindi ito maganda. Ang itsura nito ay parang anghel, perpekto kahit saang anggulo.


Gusto ko na sanang sumabat sa usapan nila Paula, Rosethel, at Doralyn, pero hindi ko naman nagawa. Wala akong maisip na tamang sa sabihin kaya nanatili na lang ako na walang kibo sa kinauupuan ko.


Saka natatamad talaga akong magsalita kaya nanalamin na lang muna ako. Habang nananalamin ay napansin ko na parang magulo at hindi pantay-pantay ang pagkakakulot ni Rosethel sa buhok ko.


Tila nabasa naman ni Rosethel ang iniisip ko. "Style 'yan, Vi. Feeling mo naman pinapapangit kita!"


Bumungisngis naman si Doralyn na pati ang ngipin ay may bahid ng lip tint.


Nagpatuloy sila sa pagkukuwentuhan habang tahimik na nakikinig lang naman ako. Marami pa silang ibang babae na nilait maliban kay Jillian.


"Rosethel, si Wayne na ba ang crush mo ngayon?" pagbabalik ni Paula sa unang paksa nila. "'Di ba dati si Isaiah?"


Natigilan ako nang bahagya nang marinig ang pangalan ni Isaiah. 


Lumabi si Rosethel. "Ang daming nagkakagusto kay Isaiah e. Ayaw ko ng maraming kaagaw. Saka di naman namamansin kaya naghanap na ako ng iba."


Maraming nagkakagusto? ulit ko sa isip ko.


"Basta ako forever Arkanghel!" nangangarap na sabi naman ni Doralyn.


Tinuktukan naman siya ni Paula ng suklay sa ulo. "'Di pumapatol si Arkanghel sa biik!"


Natawa naman si Rosethel. "E ikaw, Pau? Di ba kayo nung anak ng teacher? Si Hugo Emmanuel Aguilar?"


Nabura ang ngiti sa mga labi ni Paula.


"Hala! Kayo pa rin ba?" gulat na bulalas ni Doralyn. "E bakit nakita ko si Hugo na may kalaplapang ibang babae noong Sabado sa plaza?!"


Pinangiliran na ng luha si Paula, nahulas tuloy ang eyeliner niya. "Kaya pala 2 days pa lang kami ay nakipag-break na agad sa akin, may iba na pala siya!"


Pumalatak si Rosethel. "Bakit ba kasi di ka marunong kumilatis ng lalaki? Galing ka na kay Miko Pangilinan na manloloko, lumipat ka pa kay Hugo na isa ring manloloko."


Natawa si Doralyn. "Goal niya yata magpaloko sa lahat ng lalaki dito sa school!"


Natawa na rin si Rosethel. "Isunod mo na si Asher James Prudente!"


Nagkakapikunan na sila kaya mabuti na lang at tumunog na ang bell. Nakahinga na ako nang maluwat nang magsimula na ang teacher namin.


Hindi pala nagtuloy-tuloy ang paghinga ko dahil may exam kami sumunod na subject. May surprise quiz. Pakiramdam ko pati buhok ko ay kumulot dahil hirap na hirap ako sa pagsagot.


Math ang subject at ang quiz ay 1-3 lang pero kailangan may solution pa. Naubos tuloy ang lakas ko kaya nang last break ay hinang-hina ako sa upuan ko. Hindi ako nakasama nang lumabas sa room namin sina Rosethel at Paula.


Halos lahat din yata ng classmates namin ay nagsilabasan ng room dahil may away raw sa quadrangle, makikiusyoso ang mga ito.


Inilingap ko ang aking paningin sa paligid ng room namin. Huminto ang aking mga mata sa first row kung saan naroon ang aming class president na si Jillian. Tahimik na nagbabasa ng libro ang babae.


Habang nakatingin sa kanya ay nakaramdam ako ng paghanga. Recess pero nag-aaral pa rin siya kaya siguro ang talino niya.


Naramdaman niya yata ang mga titig ko kaya napalingon siya sa akin. Napakabait talaga ng bukas ng mukha niya. Nang makita ako ay ngumiti siya.


Nag-iwas ako ng tingin at hindi man lang ginanti ang ngiti ni Jillian. Nahihiya ako sa kanya dahil siya ang pinakamatalino sa klase namin habang ako yata ang pinakamahina rito.


Nangalumbaba ako sa ibabaw ng armchair. Nag-iisip-isip dahil kailangan kong i-exercise ang aking utak. Inalala ko ang mga lessons sa maghapon.


Kumuha na rin ako ng notebook para magbasa-basa pero agad ko ring inihinto. Nahihiya ako na baka may makakita sa akin na nag-aaral ako. Baka rin dumating na sina Rosethel at Paula, tiyak na kapag naabutan nila ako na nagbabasa ng lesson ay matatawa sila.


Noong isang beses kasi ay maghapon akong nag-review para sa exam namin. Sineryoso ko talaga ang pag-aaral, pero ang saklap lang dahil sa huli ay bagsak pa rin ang score ko. Isang linggo akong inasar at pinagtawanan niyon ng mga kaibigan ko.


Nang tumunog ang bell ay saktong tumunog ang tiyan ko. Naalala ko na hindi nga pala ako kumain ng lunch dahil nagkulot at nag-make up kami kanina.


Pati ang bibig ay tuyo na yata dahil hindi rin pala ako nakainom ng tubig kahit kaunti. Malungkot akong napayuko habang hinihimas ang aking tiyan. Gutom at uhaw na ako kaya lang parating na ang teacher namin. Bawal nang lumabas.


Nagsimula nang pumasok ang mga kaklase namin. Nakayuko pa rin ako sa kinauupuan habang patuloy sa paghilab ang tiyan ko.


Sa aisle ay nagtutulakan ang mga kaklase ko papunta sa kanya-kanya nilang upuan. Sa gulo nila at dahil na rin sa aking pagkakayuko ay hindi ko napansin ang lalaking palapit sa akin.


Nakayuko ako at nag-iimagine ng pagkain sa isip nang biglang may maglapag ng sandwich at bottle of mineral water sa ibabaw ng armchair ko.


Napakurap-kurap ako dahil baka imagination lang ito. Pero totoo talaga na may pagkain sa harapan ko. Napatingala ako para hanapin kung sino ang naglagay ng mga ito. Ang gulo ng mga kaklase ko na paroo't parito kaya naguluhan lang ako.


Bumalik na ang katabi ko sa kaliwa at sa kanan naman ay Rosethel. Napatingin siya sa pagkaing nasa ibabaw ng armchair ko. "Ngayon ka pa lang kakain?"


Hindi ako sumagot hindi dahil sa hindi talaga ako sumasagot kapag tinatanong, kung hindi dahil sa hindi ko talaga alam ang isasagot sa kanya.


Nakiramdam ako kung sino ang maghahanap ng pagkain kasi baka pagkakamali lang na sa armchair ko nailagay ang mga ito. Lumipas ang ilang segundo ay wala namang naghanap.


Nasa kanya-kanya ng upuan ang mga kaklase ko. Wala namang mukhang nawawalan ng pagkain. Kahit ang katabi ko sa kaliwa ay busy na sa pagse-cellphone at si Rosethel naman sa aking kanan ay nagre-retouch na ng blush on niya.


Napayuko ako sa pagkaing nasa aking harapan. Napalunok ako sa itsura ng mayonnaise ng sandwich na kitang-kita dahil transparent ang plastic na ginamit na pambalot dito.


Nagugutom na talaga ako pero pwede ko ba itong kainin? Saan ba kasi ito galing?


Naka-sealed pa ang sandwich at mineral water kaya natitiyak ko na malinis ang mga ito. Siguro ay bigay ito sa akin ng isa sa may gusto sa akin. Hindi iyon imposible.


Tahimik lang ako pero marami talaga ang nagkakagusto sa akin.


Baka nga bigay ito ng isa sa mga admirers ko. Pero sino kaya sa kanila? Ah, saka ko na iisipin. Gutom na talaga ako. Inuna kong binuksan ang bote ng mineral water. Ang sabi kasi ng mommy ko ay dapat iinom muna ng maraming tubig bago kakain, para daw mabusog na at hindi masyadong marami ang makain.


Nakaka-isang kagat pa lang ako sa sandwich nang pumasok na ang teacher namin sa Social Studies. Napahinto ako sa pagnguya sabay tago ng sandwich sa ilalim ng armchair.


Masungit ang aming 60-year-old teacher ngayon na si Mrs. Satsatin. Ayaw na ayaw nito ang may ibang ginagawa sa upuan habang nagtuturo siya. Sakto namang absent ang nakaupo ngayon sa bandang harapan ko kaya walang takip sa akin. Kitang-kita ako sa unahan.


Nalungkot ako sa isiping hindi ko na mauubos ang sandwich. Gutom na talaga pero wala naman akong magagawa. Ayaw kong mahuli ng teacher na kumakain, ayaw kong mapahiya—


Nahinto ako sa pag-iisip nang may umupo sa bakanteng upuan na nasa aking harapan. Isang lalaki na bukod sa matangkad ay malapad ang balikat kaya naman takip na takip niya ako mula sa unahan.


Kumiling ang aking mukha dahil pamilyar ang makinis at balbon ng lalaki. Maging ang men's cologne na gamit niya ay natatandaan ko na naamoy ko na.


Nag-iisip ako nang hampasin ako ni Rosethel sa braso. Paglingon ko sa babae ay halos mapunit na ang kanyang pisngi sa pagkakangiti.


"Si Isaiah!" impit at pabulong na sabi niya sa akin.


Napakurap ako. Si Isaiah?


"Si Isaiah, nasa harapan mo!" Kulang na lang ay lamukusin ni Rosethel ang manggas ng blouse ko.


Napabalik naman ang aking paningin sa lalaki na nasa harapan. Siya nga si Isaiah. Pero anong ginagawa niya rito sa row namin?


Sumandal si Isaiah sa sandalan ng kinauupuan dahilan para lalo niya akong matakpan. Gusto ko pa sanang isipin kung bakit ba siya nandito pero saka na lang, gutom na kasi ako at gusto kong ituloy muna ang aking pagkain. Tutal natatakpan niya ako ay sasamantalahin ko muna ang pagkakataon.


Yumuko ako at ipinagpatuloy ang pagkain sa sandwich. Nang maubos ko ay uminom agad ako ng tubig. Napangiti ako dahil busog na ako.


Si Rosethel naman ay parang inasinan sa kinauupuan. Panay ang tawag niya kay Isaiah pero hindi naman siya pinapansin ng lalaki.


Pagkatapos magturo ng teacher namin ay inilabas nito ang index card ng section. Nag-ungulan ang mga kaklase namin dahil isa lang ang ibig sabihin, may magaganap na ambush graded recitation!


Kaisa ako ng aking mga kaklase na kinakabahan sa mga oras na ito. Pipi akong nagdasal na wag sanang mabunot ang index card ko.


Ang dami nang tinawag at kakaunti lang ang nakasagot ng tama. Ang mga mali ay hindi pinauupo ni Mrs. Satsatin. Tatayo lang sila hanggang sa makalabas na ang teacher namin.


Si Rosethel ay nataon na madali ang itinanong kaya nasagot niya ng tama. Matapos niyang maupo ulit ay kakaiba ang ngiti niya sa akin.  "Good luck sa 'yo, Vivi!"


Patindi na nang patindi ang kaba ko dahil baka ako na nga ang sumunod na tawagin. Nagbuklat-buklat ako ng notebook at nagbasa-basa. Nagbabaka-sakali ako na may matandaan kahit kaunti para kapag ako naman ang tinanong mamaya.


"Contamina, Viviane Chanel M."


Napaangat ang mukha ko nang marinig ang aking pangalan. Nanginginig ang mga tuhod na tumayo ako. "Y-yes, Ma'am..."


Sinipat ako ng matalas na tingin ni Mrs. Satsatin bago ito nagsalita. "What type of Migration refers to the movement of people who have changed residence within a country?"


Napalunok ako. Nabasa ko iyon kanina pero hindi ko matandaan ang tawag, nasa dulo ng dila ko. Ang pawis ko sa noo ay nagsimula nang tumulo.


Tinaasan ako ng kilay ni Mrs. Satsatin. "So what type of Migration is it?"


Ang mga kaklase ko ay nakatingin lahat sa akin at naghihintay ng aking sasabihin. Naiiyak na ako dahil hindi ko alam ang sagot—


"Internal Migration," mahinang boses na naulinigan ko mula sa aking harapan.


Nanigas ang leeg ko at nauutal na ginaya ito. "I-internal migration..."


Ang magkalapat na mga labi ni Mrs. Satsatin ay napangiti. "Very good, Viviane Chanel!"


Pumalakpak ang mga kaklase ko. Pawisan na napabalik naman ako sa pagkakaupo. Nagsimula nang magtawag ulit sa index card ang teacher namin.


Kinalabit ako ni Rosethel. "Galing mo, ah! Tsamba ka!"


Yumuko lang ako at pasimpleng sumulyap kay Isaiah na nasa aking harapan. Hindi siya lumilingon. Tahimik lang siya na para bang hindi niya ako tinulungan sa recitation kanina.


Hanggang sa sumunod na subject ay nakayuko ako. Puro pasulat lang ang ginawa sa huling teacher namin. May inutusan na maglista ng noisy at ang maililista ay sisingilin ng lima, kaya naman ang tahimik ng buong klase.


Habang nagsusulat ay pasimple ko pa ring pinakikiramdaman si Isaiah. Hindi siya lumilingon sa akin. Parang wala lang talaga. Hanggang sa mag-bell na at nagsitayuan na ang mga kaklase namin.


Nang mag-uwian na ay nauna nang tumayo si Rosethel sa akin. Hindi maganda ang mood niya dahil lantaran siyang ini-snob ni Isaiah. Susubukan na lang daw niya na sumabay at magpa-pansin sa crush niya sa kabilang section na si Wayne Daniel Chung.


Nakatayo na ang mga nasa paligid ko at ang iba ay nakaalis na. Ako na lang ang nakaupo at si Isaiah na hindi ko alam kung bakit hindi pa rin umaalis. Busy siya sa phone niya.


May ka-text o ka-chat ba siya? Hindi ko ugali ang ma-curious sa pinagagagawa ng ibang tao kaya nakapagtataka kung bakit gusto kong malaman kung ano ba ang ginagawa niya.


Nang ibulsa niya na ang phone ay pasimpleng nakasunod pa rin ako ng tingin. Nakaupo pa rin siya sa upuan. Hinagod niya ang kanyang buhok gamit ang mahahaba niyang daliri.


Kandayuko ako nang tumayo na siya. Sa peripheral vision ko ay hinihintay ko siyang sumulyap man lang sa akin, pero walang ganoong nangyari. Dire-diretso siyang naglalakad habang nakapamulsa sa suot na pants.


Nang nasa may pinto na siya ay saka pa lang ako tumayo. Nagsabay-sabay ang mga papauwing estudyante sa corridor kaya masikip ang daan. Madalas ay naghihintay muna ako na umonti muna ang mga dumadaan bago ako lumabas, pero ngayon ay nakikipagsiksikan ako sa kanila.


Naghahalo ang amoy ng mga kasabay ko. Sari-saring amoy, may mabango, at meron ding ang hirap sikmurahin. Kung may amoy baby ay meron ding amoy amag. Meron ding amoy prutas na matamis at amoy amoy patis.


Tiniis ko na lang para makaalis. Habang sumisiksik ay parang may sariling isip ang mga mata ko sa paghahanap sa paligid. Nang aking mapagtanto ang ginagawa ay napatigil sa paghakbang ang mga paa ko.


Sa paghinto ko ay nabangga sa akin ang grupo ng mga kababaihan na naglalakad sa corridor. "Putangina naman neto o, 'di natingin sa daan!" sigaw ng isa sa mga ito.


Napalingon ako sa mga ito. "S-sorry..." mahina kong sabi.


Malalaki silang babae, sunog sa kulay ang kanilang mga buhok, walang suot na necktie, at may mga braces sa ngipin—iyong fake braces.


Ang pinakamalaki sa kanila na tadtad ng hikaw ang tainga at may henna tattoo sa leeg ay sinamaan ako ng tingin. "Hoy, bakit mo binangga ang nakshie ko?!"


Napaatras ako dahil nakakahilo ang amoy niya. Hindi ko sigurado kung matapang na pabango ba iyon o expired na deodorant.


Mabuti at hinila na siya ng mga kasama niya. "Tara na, beh. 'Yaan mo na 'yang tangang tuod na 'yan!"


Bago sila umalis ay binangga pa nila ako sa balikat. Nakayuko lang naman ako at tahimik na pinalampas sila.


May bagong parating na naghaharutang grupo na akmang pabangga na rin sa akin. Malapit na sila nang biglang may humigit sa braso ko.


"Ha?" Napatingala ako sa lalaking humila sa akin. Ang pawisan na makinis niyang leeg at ang nakabukol niyang Adam's apple ang una kong nakita.


Isinandal niya ako sa pader at iniharang ang sariling katawan para hindi ako mabangga ng mga nagdaraang estudyante sa corridor.


Dahil sa nababangga siya ay hindi maiwasang mapapadikit siya sa akin. Pawisan siya pero mabango. Ang banayad na amoy niya ay masarap at nakakakiliti sa ilong, hindi katulad ng ibang estudyante na naamoy ko kanina.


Nang bahagya nang lumuwag ang daan ay humiwalay siya. Nakatingala pa rin ako sa kanya at hinihintay na bumaling sa akin ang paningin niya, at nang mangyari iyon ay nag-init naman ang mukha ko.


Narinig ko na naman ang mahina niyang pagtawa.


Oo alam ko naman na siya si Isaiah. Nakakapagtaka lang dahil kilala ko na ang maangas niyang presensiya at ang mabangong amoy niya. 


Umawang ang mga labi ko nang maalala ang sandwich at mineral water sa armchair ko kanina. Posible bang galing iyon kay Isaiah?


Umupo rin siya sa harapan ko para matakpan ako sa pagkain, tinuruan niya ako na makasagot sa recitation kay Mrs. Satsatin.


Tumaas ang isa sa itim na itim at makakapal niyang kilay dahil tahimik ako habang nakatingin sa kanya. "Baka naman matunaw ako niyan?"


Hindi ko pinansin ang sinabi niya. Yumuko lang ako at kahit nanginginig ang mga labi ay sinikap kong magsalita. Mahinang boses ang kumawala sa akin. "T-thank you..."


Wala akong narinig na sagot mula kay Isaiah. Lumipas na yata ang limang segundo pero tahimik pa rin siya kaya naman pasimple kong sinilip ang kanyang mukha.


Nakatagilid siya sa akin habang hawak ng kanyang malaking kamay ang mga bibig niya. Nagtataka naman na napatingala na ako. "B-bakit? M-masakit ba ang ipin mo?"


Lalo siyang umiwas ng tingin. Narinig ko ang mahina niyang pagmumura na ikipinanlaki ng aking mga mata. Minumura niya ba ako? Galit ba siya sa akin dahil kinain ko iyong pagkain niya kanina?!


Hindi ba talaga para sa akin iyon? Galit ba siya kasi meryenda niya dapat iyon? Nag-panic na ako. Sa takot ko ay hindi nag-iisip na napahawak ako sa kamay niya.


"S-sorry, babayaran ko na lang iyong pagkain mo—"


Napatingin naman siya sa pagkakahawak ko sa kamay niya. Maski ako ay natigilan at parang napapaso na napabitiw rin sa kanya.


"S-sorry..."


Napakurap siya at nang alisin niya ang pagkakatakip ng isa niyang kamay sa kanyang bibig ay saka ko nakita ang buong mukha niya—namumula siya!


"N-namumula ka... M-may sakit ka ba?" tanong ko na may pag-aalala.


Napangiwi siya at napakamot ng pisngi. "'Pag ba namumula kailangan may sakit na? Hindi ba pwedeng kinikilig lang?"


"Ha?" Kumiling ang ulo ko. "Kinikilig ka? S-saan?"


Napaungol siya na parang mauubusan na ng pasensiya. Nang tumingin siya sa akin ay salubong na ang mga kilay niya. "Vi, sa 'yo! Alangan naman dito sa pader! Syempre, sa 'yo! Kinikilig ako sa 'yo!"


Napanganga ako.


Lalo pang nagsalubong ang mga kilay niya. "Itikom mo nga 'yang bibig mo, baka kung anong pumasok diyan."


Napatakip naman ako ng bibig.


Napahilamos siya sa kanyang mukha. "Tangina, 'thank you' lang sinabi mo pero kinikilig na ako. Umuwi ka na nga!"


Nauna na siyang maglakad palabas ng building namin. Nakasunod naman ako sa kanya habang nagtataka pa rin.


Bago makalabas ng building ay bumagal ang lakad ni Isaiah hanggang sa magpantay na kami sa daan. Hindi naman ako umiwas hanggang sa sabay na kaming naglalakad. Nakalimutan ko nang hindi ako sumasabay ng paglalakad sa kahit sinong lalaki maliban sa daddy ko, kuya ko, at kay Eli.


"Vi, in-add kita sa FB. 2 years na, baka naman pwedeng i-accept mo na," narinig kong sabi niya. 


Napalunok ako. Dahil sa mga nagawa niya sa akin ngayong araw na ito ay marahan akong tumango at mahinang sumagot. "S-sige..."


"Sino palang kasabay mo paguwi?" tanong niya habang naglalakad kami.


Hindi ko ugaling sumagot sa mga tanong pero parang kontrolado ni Isaiah ang mga labi ko. Namalayan ko na lang na mahina ko nang sinasagot ang tanong niya. "S-si Eli, kinakapatid ko..." 


"Sige lang."


"Ha?" Nagtatakang napalingon ako sa kanya.


Hindi na nakangiti si Isaiah, wala na rin ang maangas na ekspresyon sa mukha niya. Maski ang boses niya ay patag na at malamig na hindi na katulad ng kanina.


Nang lumingon din siya sa akin ay nakita ko kung gaano na kaseryoso ngayon ang mga mata niya at pakiramdam ko'y malulunod ako.


"'Sabi ko sige lang, sumabay ka sa kanya."


Hindi ko siya maintindihan, higit lalo sa sumunod niyang mga salitang binitiwan.


"Ngayon lang, Vi. Ngayon ka lang pwedeng sumabay sa kanya. Hindi na pwede sa susunod..." Hindi na siya ulit nagsalita pa pagkatapos.


JF

Continue Reading

You'll Also Like

14.2K 450 33
Alani Mireille Tejada feels incomplete even though she has it all already. Beauty. Talent. Wealth. But when she meets Giovanne Zabala, she knows that...
4M 88.2K 58
Evangeline Yu went back to the Philippines only to find out that her house was sold, her sister had ran away with her money and her mother was in com...
128K 9.2K 44
Pagkatapos niyang matuklasan ang panloloko ng kasintahan, tinanggap niya ang trabahong binigay ng ama sa Espanya para makalimot at maka-move on. Sa k...
816K 35.4K 10
She has to die to travel from the past to the future. This is all for the handsome guy with attitude problems whose arrogance is incomparable, yet he...