Socorro

By UndeniablyGorgeous

1.1M 70.3K 159K

De Avila Series #1 "Wattys 2022 Grand Prize Winner" Known as the most stubborn and troublemaker daughter of t... More

Kabanata 1: Ibig Kitang Makilala
Kabanata 2: Ang Binata sa La Librería
Kabanata 3: Ang Misteryosong Obra
Kabanata 4: Ang Liham Pag-ibig
Kabanata 5: Ang Tubig sa Ilog
Kabanata 6: Ang Bahaghari, Liwanag, at Araw
Kabanata 7: Tahanan
Kabanata 8: Agos ng Karamihan
Kabanata 10: Ang Mga Liham
Kabanata 11: El Redactor
Kabanata 12: Ang Dahilan at Panahon
Kabanata 13: En La Paz Del Cielo
Kabanata 14: Ang Kasunduan
Kabanata 15: Ang Paglitaw ng Nagkukubli
Kabanata 16: Kahapon at Ngayon
Kabanata 17: Ang Gamu-gamo at Lampara
Kabanata 18: Tres Segundos
Las Cartas
Kabanata 19: Ang Kasinungalingan
Kabanata 20: Ang Laro ng Damdamin
Kabanata 21: Nada Cambiará
Kabanata 22: Ang Kamatayan
Kabanata 23: Sa Hukay ng Balang Araw
Kabanata 24: Palabras Perdidas
Epilogo: Ang Landas ng Huling Pahina
Special Chapter

Kabanata 9: Si Felipe at Paloma

36.9K 2.5K 6.2K
By UndeniablyGorgeous

[Kabanata 9]

Para sa Ginoong laman ng aking isipan,

Sa puso nahihimbing ang himig ng awitin,
Naglalakbay sa isipan bago sambitin,
Ipinapahayag ang mga sailtang naisin,
Umaawit, sumisigaw, ang aking damdamin.

Marahil ay ikaw'y nagugulimihanan kung bakit ka nakatanggap ng ganitong liham. Ako'y naniniwala na hindi dapat pinalalagpas ang pagkakataon. Tulad ng tulang ihinandog ni Felipe kay Paloma nang una niya itong nakilala.

Sa ngayon ay hindi ko muna nais magpakilala. Ako'y umaasa na sa oras na matagpuan mo ang liham na ito ay huwag mo rin sana sayangin ang pagkakataon. Hihintayin ko ang iyong tugon. At kung ibig mo ng kaibigan ay handa akong makinig tulad ni Paloma.

Gumamela

Hindi namalayan ni Cristobal na ilang minuto na niyang tinititigan ang liham habang nakahiga sa kama at inuunan ang kaliwa niyang braso. Umaandap-andap ang liwanag ng lampara sa kaniyang tabi.

Kasalukuyan siyang nakahiga sa kama ni Jacinto. Samantala, si Jacinto ang natutulog sa kaniyang kama dahil ito ang nasa gitna ng tatlong higaan. Habang si Socorro ay mahimbing na natutulog sa dulong kama na walang umuukupa.

Lumingon si Cristobal sa gawi ni Socorro. Nakatalikod ito at nakataklob ng kumot gaya ng utos ni Jacinto dahil kasama nila si Cristobal sa iisang silid. Ang sipi ng tula na ginamit sa liham pag-ibig para sa kaniya ay isa sa mga isinulat ni Palabras.

Aminado si Cristobal na maganda ang pagkakasulat ng liham ngunit hindi niya malaman kung bakit hindi siya interesado sagutin iyon. Nanatili siyang nakatingin kay Socorro, kung ang liham ay nagmula sa Sariaya, iyon ang tirahan ni Socorro.

Ngunit malakas ang kutob ni Cristobal na hindi si Socorro ang nagpadala ng liham pag-ibig dahil sa kilos at pananalita nito ay hindi naman ito nakakaramdam ng pagkailang o anumang pagtingin sa kaniya. Bukod doon ay nagagawa pa nitong kumilos at magsalita nang hindi iniisip ang magiging pagtingin niya na isa sa mga iniingatan ng mga kababaihan sa tuwing kaharap nito ang binatang naiibigan.

Itinupi ni Cristobal nang maayos ang liham at inipit iyon sa isang libro saka pinatay ang sindi ng lampara.

KINABUKASAN, maagang bumangon si Cristobal. Tulad ng dating gawi ay siya ang gumising kay Jacinto na inabot pa ng kalahating oras bago bumangon kung kaya't nagmamadali itong pumila sa palikuran. May apat pang estudyante ang nakapila dahilan upang bumalik na lang siya sa kanilang silid at nagpalit na lamang ng damit.

Sa kabila ng ingay ni Jacinto ay hindi nagising si Socorro. Humihilik pa ito habang nakataklob ng kumot. Nakaharap si Cristobal sa salamin habang naglalagay ng pomada sa buhok. Samantala, halos matumba si Jacinto sa pagsuot ng itim na pantalon dahil sa pagmamadali.

"Pahiram ako ng iyong takdang-aralin," wika ni Jacinto sabay subo ng tinapay na dinampot niya lang sa kusina nang mag-desisyon siya na hindi na siya maliligo dahil mahuhuli na siya sa klase.

"Isinilid ko na sa iyong kuwaderno." Napangiti nang malaki si Jacinto nang malaman na sinagutan na rin ni Cristobal ang kaniyang takdang-aralin. Madalas itong gawin ni Cristobal lalo pa't palaging nanganganib ang marka ni Jacinto.

"Muchas gracias, amigo!" Ngiti ni Jacinto na akmang aakap kay Cristobal ngunit yumuko ito upang kunin ang sapatos at umupo sa dulo ng kama upang isuot iyon.

"Iyong bilisan dahil hindi kita hihintayin," wika ni Cristobal nang hindi tumitingin sa kaniya. Ang totoo ay hindi lang sanay si Cristobal na makatanggap ng lambing at pasasalamat kahit pa ugali ni Jacinto ang yakapin siya sa sobrang natutuwa ito sa ginawa niya.

"Iyo ring hinaan ang iyong boses dahil natutulog pa... ang iyong kapatid." Patuloy ni Cristobal. Hindi niya mawari kung dapat niya pang tawaging binibini si Socorro na para bang hindi sila malapit sa isa't isa o tawagin na lamang niya ito sa pangalan na para bang ganap na magkaibigan na sila.

"Humarap na si Jacinto sa salamin saka mabilis na nagsuklay at naglagay ng pomada sa buhok. "Kailangan ko pa lang mag-iwan ng mensahe sa pilyang 'yan na lapitin ng gulo." Wika ni Jacinto sabay kuha ng pabango ni Cristobal at naglagay siya sa kaniyang damit.

Napatingin muli si Cristobal kay Socorro na hindi nagising sa ingay ni Jacinto. Napatingin siya sa dalawang kuneho na tumatalon-talon sa loob ng silid. Nang matapos niyang maisuot ang sapatos ay kinuha niya ang isang pandesal sa mesa, hinati iyon saka umupo sa sahig at ibinigay sa dalawang kuneho na hindi na mapakali sa gutom.

Tumayo si Cristobal saka lumabas sa silid at nagtungo sa kusina. Naabutan niyang nagkakagulo ang mga estudyante na tulad ni Jacinto ay ngayon lang nagising. Maging si Manang Sita at Emmanuel ay pabalik-balik sa kusina at hapag para handaan ng pagkain ang mga estudyante na kani-kaniyang takbo taas-baba.

Sinalubong ni Cristobal si Emmanuel na may bitbit na tatlong plato na naglalaman ng sinangag, itlog, at tuyo. May dalawang baso rin ng gatas. "Señor, hindi ba't nag-agahan na po kayo?" Tanong ni Emmanuel na nahihilo na sa gulo ng mga estudyante. Ngunit matalas ang kaniyang memorya, natatandaan niya kugn sino ang nakakuha na ng pagkain sa hindi. Si Cristobal ang pinakaunang nagising sa mga estudyante. Mapayapa itong kumakain kanina mag-isa sa hapag.

"Para ito kay Jacinto." Tugon ni Cristobal sabay kuha sa isang plato at baso. Umaasa siya na hindi pa nakakain ni Jacinto ang agahan nito. Wala namang sinabi si Emmanuel senyales na hindi pa nga nakukuha ni Jacinto ang kaniyang pagkain.

Pagdating ni Cristobal sa ikalawang palapag ay nakita niyang tumakbo si Jacinto patungo sa palikuran ng ikalawang palapag, sa kilos at hitsura nito ay mukhang nakaramdam pa ito ng pagtawag ng kalikasan.

Nasingitan ni Jacinto ang tatlong estudyante na nakapila sa palikuran dahil pinagsigawan niya na hindi na niya mapigilan pa. Nakapasok na si Cristobal sa silid nang mapagtanto niya na hindi dapat siya pumasok hangga't wala pa si Jacinto.

Napatigil siya sandali habang hawak ang pagkain at gatas. Patuloy pa rin ang paghilik ni Socorro. Tumikhim si Cristobal upang alisin ang tensyon na nararamdaman. Inilapag niya sa mesa ang plato at baso saka tinakpan iyon ng puting tela. Nabasa niya ang mensahe na isinulat ni Jacinto para sa kapatid na animo'y isang babala. Ipinatong niya sa ibabaw ang papel saka tumingin kay Socorro.

Naalala niya ang liham pag-ibig mula sa Sariaya. Tanging si Socorro lang ang nakilala niyang binibini roon. Ngayon ay wala na siyang ideya kung sino ang nasa likod ng liham.

Kinuha na ni Cristobal ang kaniyang gamit at ang gamit ni Jacinto saka lumabas sa silid. Saktong nakalabas na si Jacinto, ngumiti at humingi siya ng paumanhin sa mga nakapila na pare-parehong dismayado sa halimuyak na iniwan ni Jacinto sa palikuran.

"Paalis ka na?" Gulat na tanong ni Jacinto sa kaibigan nang makitang nakatayo na ito sa labas ng silid. Inabot ni Cristobal kay Jacinto ang dalawang libro na dadalhin nito. "Mahuhuli na tayo sa unang klase." Tugon ni Cristobal na naunang bumaba sa hagdan. Nakaksalubong nila ang ilang nagmamadali umakyat na kakatapos lang kumain.

"Sandali, ako'y mag-aagahan..." Hindi na natapos ni Jacinto ang sasabihin habang nakasunod sa kaibigan. "Doon na lang tayo kumain sa labas." Wika ni Cristobal na diretsong lumabas ng dormitoryo.

"Ako'y mapapagasta pa, kukunin ko lang kay Manang Sita ang aking agahan."

"Ako na ang bahala, may masarap na kainan tayong madaraanan." Saad ni Cristobal na nagpangiti muli kay Jacinto. Humabol siya sa kaibigan at umakbay saka nagsimulang maglahad kung anu-ano ang mga gusto niyang kainin ngayong umaga.

HINDI na naabutan ni Socorro sina Jacinto at Cristobal. Tahimik ang buong dormitoryo habang tumatagos sa maliit na uwang ng bintana ang sinag ng araw. Alas-diyes na ng umaga. Umupo siya sa sahig upang himasin ang dalawang kuneho. Napansin niya na nakakain na ito dahil may piraso ng tinapay sa loob ng kahon.

Tumayo siya at pinagmasdan ang buong silid. Kung naging lalaki lang siya ay nakatitiyak siyang maninirahan din siya sa dormitoryo habang nag-aaral sa Maynila. Hindi niya mabatid kung dapat niya bang ikatuwa o ikalungkot ang pagkakataong iyon. Pangarap niyang makapag-aral tulad ng kaniyang mga lalaking kapatid. Natunghayan niya ang mga ito na abala sa iba't ibang aralin at araw-araw ay may inaabangan na leksyon sa klase.

Napansin ni Socorro ang pagkain at gatas sa mesa. Napangiti siya sa sarili at nagsimulang kumain. Isinantabi niya ang mensahe ni Jacinto matapos mabasa ito. Nagpatuloy siya sa pagkain habang nagsusulat sa kaniyang kuwaderno.

Nagsimula siyang magbilang kung magkano ang gagastusin niya sa pagkuha ng mauupahang silid. Nababatid niya na hindi siya maaaring manatili sa dormitoryo na maglalagay sa kapahamakan kina Jacinto at Cristobal.

Naalala ni Socorro ang sinabi ni Cristobal kagabi, hindi ko nais na magkamali sila ng pag-unawa sa pagtulong ko sa iyo. Iyong nababatid na hindi natin dapat ito ginagawa na tayong dalawa lang.

Sa oras na matuklasan ng lahat na nagtago siya sa silid ng kaniyang kapatid at ng kaibigan nito ay tiyak na maikakasal siya ng maaga kahit pa kasama niya si Jacinto, sa tingin ng mga tao lalo na ng mga matatanda ay hinayaan niyang madungisan ang kaniyang puri sa harap ng isang taong hindi nila kadugo.

Ngunit malaki rin ang pasasalamat niya kay Cristobal gaya ng sinabi ni Jacinto na si Cristobal ang gumawa ng paraan upang mapapayag si Don Epifanio. Napagtanto ni Socorro na hindi pa siya pormal na nakakapagpasalamat kay Cristobal.

Isinulat ni Socorro sa kuwaderno ang salaping ilalaan niya upang bilhan ng regalo si Cristobal bilang pasasalamat. Bukod doon ay bibigyan niya rin ng regalo si Jacinto dahil hindi pa rin siya pinabayaan nito.

Napatigil si Socorro nang mapagtanto na lumaki ang salapi na kailangan niyang ipunin. Binawasan niya ang halaga ng regalo na ibibigay niya sa kapatid saka tumayo at nagsimulang maghalughog sa gamit ni Jacinto. Nababatid niya na kalat din ang salapi nito tulad ng kung paano siya nakakakuha ng mga barya sa silid ni Jacinto sa kanilang tahanan.

Hindi nga nabigo si Socorro, napangiti siya sa sarili nang makakuha ng mga barya sa nakasabit na pantalon ni Jacinto sa likod ng pinto. Bukod doon ay may nakita pa siyang ilang barya sa ilalim ng unan at kama nito.

Ngayon ay hindi na niya kailangan bawasan ang halaga ng regalo na ibibigay niya sa kapatid dahil nakakuha rin siya ng salapi mula rito. Muling umupo si Socorro at masayang ipinagpatuloy ang kaniyang pagkain habang nagsusulat sa kaniyang kuwaderno. Habang patuloy sa paglundag at paglilibot ang dalawang kuneho sa loob ng silid.

MAINGAT na pinupunasan ni Manang Sita ang mesa habang umaawit nang mapatigil siya dahil sa isang pamilyar na boses mula sa pintuan. "Ako'y makakatulog niyan, Manang." Ngiti ng isang matangka na binata na nakasandal sa pintuan habang nakahalukipkip.

Nanlaki ang mga mata ni Manang Sita nang makilala ang binata na siyang inalagaan niya mula pagkasilang nito. Hindi niya akalaing magiging isang ganap na binata at maginoo ito sa paglaki. Matangkad, maganda ang pangangatawan, mestizo, dahil ang kaniyang ama ay isang Kastila at ang ina ay isang Ingles.

Labag man sa kalooban ni Manang Sita ngunit kailangan na niyang lisanin ang paninilbihan sa pamilya Del Rosario nang makapagpundar na ng bahay sa Maynila ang kaniyang anak na ginawa nilang dormitoryo.

"Ambrosio!" Napasigaw sa tuwa si Manang Sita saka sinalubong ang binatang itinuring din niyang anak. Niyakap siya ni Ambrosio na para bang sila ay tunay na mag-ina. "Kaya hindi ko ibig magpakita nang ganito sa inyo ay dahil tumatangis kayo ng ganiyan." Biro ni Ambrosio habang yakap nang mahigpit ang matanda.

"Ni hindi ka man lang nagsabi. Nawa'y nakapaghanda pa ako ng iyong paboritong putahe." Saad ni Manang Sita na bumitaw na sa pagkakayakap saka pinahid ang kaniyang luha sa tuwa. "Ako'y hindi pa nakakapagpalit, amoy usok pa pala ako." Tawa ng matanda na sinabayan ng tawa ni Ambrosio.

Napatigil si Manang Sita nang mapansin ang malaking maleta na nasa tabi ni Ambrosio. Hindi siya nakapagsalita, sumilay ang ngiti sa labi ng binata, "Dito na ako mananatili. Susundan ko talaga kayo, Manang. Ako'y nangunglila sa inyong masarap na luto." Ngiti ni Ambrosio saka kinuha ang kaniyang maleta at tumuloy na sa salas ng dormitoryo.

Sandali niyang inilibot ang paningin. Hindi niya inaasahan na nagawa na itong palakihin ng anak ni Manang Sita. "Anong ibig mong sabihin? Hindi ka na tutuloy sa Europa? Hindi ba't nakatakda kang lumisan ngayong buwan?" Sunod-sunod na tanong ng matanda. Ang akala niya kanina ay dadalaw lang ang dating alaga upang magpaalam.

Inilapag ni Ambrosio ang maleta at sumbrero sa tabi ng aparador na naglalaman ng mga gamit na libangan ng mga estudyante. "Marahil ay sa sunod na taon, Manang. Ibig ko sanang makuha muna ang aking certifico at magsilbi sa Real Audencia ng ilang buwan upang kahit papaano ay may karanasan ako."

Hindi nakapagsalita si Manang Sita, ang totoo ay nararamdaman niyang tila may kakaiba. Na may tinatago ni Ambrosio ang tunay na dahilan kung baki hindi siya natuloy sa pag-aaral sa Europa. Matagal na nitong pangarap na ipagpatuloy ang pag-aaral sa Europa na suportado rin ng kaniyang mga magulang at kapatid. Kung kaya't malaking palaisipan sa kaniya kung bakit hindi natuloy ang matagal na nitong plano.

"Anong sabi ni Don Amorsolo?" Tanong ni Manang Sita, hindi siya makapaniwala na hindi ipagpipilitan ni Don Amorsolo ang pag-aaral ni Ambrosio sa Europa na nababatid niyang pangarap din nito para sa bunsong anak.

"Siya'y sumang-ayon din sa aking ibig mangyari, Manang." Ngiti ni Ambrosio saka hinawakan ang magkabilang-balikat ng matanda. "Bakit tila hindi kayo masaya na mananatili pa ako rito ng ilang buwan?" Natatawang saad ni Ambrosio dahilan upang mapangiti na ang matanda.

"Ako'y hindi lang makapaniwala na naiba ang iyong plano. Huwag mo sabihing kaya ka nanatili ay dahil may binibini kang pinangakuan?" Usisa ng matanda dahilan upang matawa si Ambrosio.

"Kung iyon ang dahilan ay magagalitan niyo ba ako?" Biro ni Ambrosio na nagpakunot sa noo ni Manang Sita. "Aba'y oo, huwag sana maging hadlang ang babaeng iyon sa iyong kinabukasan. Maaari mo naman tuparin ang iyong pangako sa kaniya pagbalik mo mula sa Europa." Pangaral ng matanda. Ang anak niyang lalaki ay hindi niya hinayaan mag-asawa agad dahil ibig niyang makapagpundar muna sila ng sarili nilang pagkakakitaan na makakatulong din sa magiging pamilya nito.

"Huwag kayong mag-alala, Manang. Nasa punto pa lamang kami na kinikilala namin nang mabuti ang isa't isa." Ngiti ni Ambrosio na nagpanatag sa matanda.

"O'siya, maupo ka muna rito. Ikaw ba ay nag-agahan na? Anong ibig mo ring inumin?"

"Tsaa na lang po, Manang. Sabay na lang po tayo mag-tanghalian." Ngiti ng binata na naupo na sa mahabang silya at nagsimulang mamili ng mga dyaryo sa katapat na mesa. Ang mga nasa ilalim ay mga pahayagan noong mga nakaraang araw. Kinuha ni Ambrosio ang nasa ibabaw na dyaryo na siyang pahayag ngayong araw.

"Ibig mo na bang magpahinga sa taas?"

"Maya-maya na lang po Manang dahil baka ako'y makatulog. Kailangan ko pang magtungo sa Letran."

"Lilipat ka ng paaralan?" Tanong ng matanda. Ngumiti at tumango si Ambrosio. Hindi na nagtanong si Manang Sita. Nababatid niyang matagal nang gustong lumipat ng paaralan ni Ambrosio ngunit ibig ng kaniyang ama ay makatapos siya ng abogasya sa parehong unibersidad kung saan siya nagtapos.

Nagtungo na sa kusina si Manang Sita, ngayon ay unti-unti na niyang nauunawaan na marahil ay nagkaroon ng problema si Ambrosio sa dati nitong pinapasukang unibersidad.

Hinubad ni Ambrosio ang kaniyang sapatos saka humiga sa mahabang silya at nagbasa ng dyaryo. Ang pahayagan ay nakasulat sa wikang Kastila na madali rin niyang naunawaan. Laman ng balita ang pagdaan ng malakas na ulan na nagpatigil sa byahe ng mga bapor at barko noong isang araw.

Nabanggit din sa pahayagan ang mga bagong istrukturang pinapatayo ng pamahalaan, ang pagpapaayos ng simbahan, at ang mga opisyal at heneral na nakatanggap ng parangal.

Nasa kalagitnaan siya ng pagbabasa nang maramdaman ang paggalaw ng mahabang silya na kaniyang hinihigaan. Ibinaba ni Ambrosio ang hawak na dyaryo saka bumangon. Nakita niya ang isang itim na kuneho sa sahig na abala sa pag-amoy sa paa ng mesa.

Kinuha niya ang kuneho ngunit laking-gulat niya nang biglang may kamay na lumabas mula sa ilalim ng silya na nagtangkang kumuha rin sa kuneho ngunit mabilis ding nawala ang kamay. Inilapag ni Ambrosio sa tabi niya ang kuneho saka dumungaw sa ilalim ng mahabang silya.

"Anong ginagawa mo riyan, binibini?" Nagtatakang tanong ni Ambrosio. Agad lumabas ang dalaga mula sa pagtatago sa ilalim ng silya. Tumayo rin si Ambrosio habang hawak ang itim na kuneho.

"Sa iyo ito, binibini?" Tanong ni Ambrosio. Akmang aakyat ang dalaga sa ikalawang palapag nang humarang muli si Ambrosio, "Ikaw ay naninilbihan dito?" Habol niya, hindi malaman ni Ambrosio kung bakit sinisikap pa rin niyang marinig ang sagot ng dalaga sa sunod-sunod niyang tanong.

Sandaling bumagal ang paligid habang nakatitig siya sa babaeng kaharap na ngayon lang niya nakita. Nangingibabaw sa hitsura nito ang parehong tsokolateng kulay ng mga mata at buhok. Hindi niya maunawaan kung bakit hindi niya magawang kumurap habang nakatingin din ito nang deretso sa kaniya.

"Handa na ang iyong tsaa, ibig mo bang lagyan ko ng asukal?" Tanong ni Manang Sita mula sa kusina dahilan upang matauhan siya. Lumingon sa kusina si Ambrosio upang sagutin ang matanda ngunit laking-gulat niya nang biglang kunin ng dalaga sa kamay niya ang kuneho at mabilis itong kumaripas ng takbo papalabas sa dormitoryo.

Akmang hahabulin sana ni Ambrosio ang dalaga ngunit dumungaw na si Manang Sita sa pintuan ng kusina, "Lagyan ko ba ng asukal ang iyong tsaa?" Ulit ni Manang Sita sa pag-aakalang hindi lang siya narinig ni Ambrosio.

Hindi nakasagot si Ambrosio sa gulat. Animo'y may nakuha sa kaniya ang dalaga na tila ba isang kawatan. "Ano 'yan?!" Gulat na sigaw ni Manang Sita nang makita ang puting kuneho na pababa ng hagdan.

Napatingala sa ikalawang palapag si Ambrosio kung saan nakita niya ang isang maliit na butas na maaaring pinagmulan ng mga kuneho na pinaghihinalaan niyang pagmamay-ari ng dalaga.

PASADO alas-dos ng hapon. Nakatayo lang si Socorro sa tabi ng tindahan ng mga tela na limang tindahan lang ang layo sa dormitoryo ni Manang Sita. Pilit niyang tinatanaw ang mga tumitigil na kalesa sa dormitoryo at ang mga dumadating na estudyante sa pag-asang makikita si Jacinto o Cristobal.

Hindi siya mapakali habang hinihimas ang itim na kuneho. Kinakabahan siya dahil maaaring magsumbong ang estudyanteng nakakakita sa kaniya sa dormitoryo. Tiyak na mapapagalitan sina Jacinto at Cristobal.

Animo'y nabuhay ang diwa ni Socorro nang makita ang itim na karwahe na pagmamay-ari ni Cristobal, hindi rin siya nagkamali dahil nakita niya si Mang Carding na siyang kutsero niyon. Agad tumakbo si Socorro at sinundan ang karwahe hanggang sa tumigil ito sa tapat ng dormitoryo.

Napatigil si Socorro sa tabi ng pintuan ng dormitoryo saka iniharang sa mukha niya ang itim na kuneho na ngumunguya-nguya kahit wala itong kinakain. Sinitsitan niya si Cristobal nang makababa ito sa karwahe. Napalingon si Cristobal sa pinagmulan ng pagsitsit at laking-pagtataka niya nang makita ang itim na kuneho na siyang ulo ng isang babae.

Napailing siya sapagkat hindi niya dapat nakikita sa paligid ang mga bagay na may kinalaman kay Socorro. Tuluyang napatigil si Cristobal nang sumilip si Socorro mula sa likod ng hawak nitong kuneho na ipinangharang sa sariling mukha.

Bago pa makapagsalita si Cristobal ay mabilis na tumakbo si Socorro patungo sa kabilang pinto ng karwahe at sumakay doon. Naramdaman ni Mang Carding ang paggalaw ng karwahe, "May nakaligtaan kayo Señor?" Dumungaw si Mang Carding sa likod at laking gulat niya nang makita si Cristobal sa baba ng karwahe.

Laking-gulat ni Mang Carding nang makita si Socorro sa loob ng kalesa habang nakakandong ang itim na kuneho. Tumikhim si Cristobal, "Mang Carding, inyo pong patakbuhin sandali ang kabayo." Wika ni Cristobal na agad sumakay muli sa kalesa.

Hindi nakapagsalita si Mang Carding, hindi niya alam kung namalik-mata lang siya ngunit ang sabi ni Jacinto ay pumasok na sa kumbento si Socorro.

"S-saan ho tayo magtutungo?" Tanong ni Mang Carding.

"Kahit saan po, ngunit huwag po tayong lalabas ng Intramuros." Tugon ni Cristobal na hindi sanay sa mga pabigla-bigla at pabago-bago ng plano. Ngunit ng dahil kay Socorro ay nakatitiyak siyang dapat na siyang masanay sa mga surpresang hatid nito.

BUONG sikap na sinusundan ni Cristobal ang pagsasalaysay ni Socorro sa nangyari. May mga pagkakataon na mabilis itong magsalita na simahan pa ng matinding emosyon tulad ng kung paano nito inilalarawan ang maliliit na detalye ng pagkukuwento.

"Mabuti na lamang dahil nakuha ko si Felipe," pagsasalaysay ni Socorro saka hinimas ang itim na kuneho. Napatingin si Cristobal sa kuneho na pinangalanan ni Socorro.

"Ako'y nangangamba sa kalagayan ngayon ni Paloma na naiwan doon." Patuloy ni Socorro, sandaling napatigil si Cristobal. Ngayon niya lang nalaman na Felipe at Paloma ang pangalan ng dalawang kunehong alaga ni Socorro. Iyon din ang pangalan ng tulang ginamit ng nagpadala sa kaniya ng liham. Sina Felipe at Paloma na siyang mga pangunahing tauhan sa nobela ni Palabras.

"Nasaan pala si kuya?" Tanong ni Socorro dahilan upang matauhan siya.

"Sa iyo nanggaling ang liham?" Maging si Cristobal ay nagulat sa kaniyang sinabi. Sa tindi ng pagtatalo ng kaniyang isipan kung si Socorro ba talaga ang nagpadala ng liham pag-ibig mula sa Sariaya ay iyon na ang deretsong lumabas sa kaniyang bibig.

Hindi naunawaan ni Socorro ang sinabi ni Cristobal na malayo sa kaniyang tanong. "A-ang ibig kong sabihin ay... nagtungo sa koreo si Jacinto upang ipadala ang liham na isinulat niya para sa inyong ina." Mabilis na bawi ni Cristobal. Hindi niya mawari kung bakit kumakabog ang kaniyang dibdib. Ang katotohanang si Socorro ang nasa likod ng liham ay nagdudulot ng kuryente sa kaniyang katawan at panlalamig ng kaniyang palad.

Totoo ang sinabi ni Cristobal, hindi sumabay si Jacinto sa pag-uwi dahil nagsulat pa siya ng liham kay Doña Marcela. Bagaman totoo naman ang sinabi niya ay hindi maunawaan ni Cristobal kung bakit siya nauutal.

Hindi umimik si Socorro, sa katanuyan ay hindi niya pa ibig pag-usapan ang tungkol sa kaniyang mga magulang. Lalo na ang kagustuhan ng mga ito na maikasal siya sa pamilya Sanchez. Sandaling naghari ang katahimikan. Nanatiling nakatingin si Cristobal kay Socorro, pilit niyang hinahanap sa sarili ang lakas ng loob upang malinaw na itanong sa dalaga kung ito ba ang nagpadala ng liham pag-ibig.

Samantala, piniling umiwas ni Socorro ng tingin kay Cristobal sa takot na buksan nito ang usapin tungkol sa kaniyang mga magulang. Naalala niya ang sinabi ni Cristobal na nagbigay sa kaniya ng bagong pananaw, iyong alalahanin din ang mga taong nag-aalala sa iyong kalagayan. Ang pangarap na iyong ibig makamit, kasama dapat doon ang iyong pamilya.

Lumipas ang halos kalahating oras na katahimikan. Hindi na malaman ni Mang Carding kung hanggang anong oras sila magpapaikot-ikot sa loob ng Intramuros. Dumungaw na siya sa loob, "Señor, kailangan ko na rin po pagpahingahin ang kabayo."

Natauhan sina Cristobal at Socorro, "Anong gagawin mo ngayon? Saan ka magtutungo?" Nag-aalalang tanong ni Cristobal. Higit na mahalaga sa kaniya ang malaman kung ano ba ang gustong mangyari ni Socorro bago siya magdesisyon kung sasang-ayon ba siya o hindi lalo na dahil kapakanan nito ang kanilang pinag-uusapan.

Tumingin si Socorro kay Cristobal, sa unang pagkakataon ay hindi niya alam ang kaniyang isasagot. "Mang Carding, dumaan po tayo sa tindahan ng mga tela." Wika ni Cristobal bagay na ipinagtaka ni Socorro.

Hindi nagtagal ay narating na nila ang tindahan ng mga tela na pagmamay-ari ni Aling Maria. "May paupahan si Aling Maria sa itaas ng kaniyang tindahan. Sa aking pagkakaalam ay tanging mga babae lamang ang tinatanggap niyang mangungupahan." Wika ni Cristobal, ang totoo ay marami pang silid na paupahan sa kalakhang Maynila ngunit pinili niya ang pinakamalapit upang hindi malayo sa paningin nila si Socorro. Nababatid ni Cristobal na iyon din ang gagawin ni Jacinto.

Nang marating nila ang pintuan ng tindahan ay agad silang sinalubong ng isang babaeng nasa edad apatnapu. "Magandang hapon po, nais po sana naming makausap si Aling Maria," Panimula ni Cristobal, maliit na babae na payat ang pangangatawan babaeng kaharap nila.

"Ako iyon. Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo?" Tanong ni Aling Maria na nagtataka kung ano ang sadya ng dalawa. Nagtatahi rin sila ng mga traje de boda ngunit hindi niya maunawaan kung bakit walang ibang kasamang nakakatanda ang dalawa kung tungkol sa kasal ang paghahandaan ng mga ito.

"May bakante pa po kayong silid-paupahan?" Tanong ni Socorro, napatingin si Aling Maria sa yakap nitong kuneho. Muli niyang ibinalik ang tingin kay Socorro at Cristobal. Sa tindig ng binata ay nakasisiguro siya na isa itong estudyante na nagmula sa may kayang pamilya.

Samantala, hindi siya nakasisiguro sa antas ng buhay ng babaeng kasama nito. Mestiza ang dalaga ngunit ang damit nito ay karaniwan lamang. "Babae lang ang aking tinatanggap na mangungupahan." Tugon ng ale na nagsisimula nang maghinala.

Napatingin si Socorro kay Cristobal nang maalala niya ang ganitong pangyayari sa bapor, "Ah, ako lang po ang uupa ng silid. Sinamahan lang ako ng aking... kaibigan." Paliwanag ni Socorro, minabuti niyang unahan na ang ale bago pa ito mag-isip ng kung ano.

Napatingin si Cristobal kay Socorro, hindi niya akalain na maririnig niya itinuturing na siya nitong kaibigan. "Magkaibigan?" Kuwestiyon ng ale sabay halukipkip. Ang tono ng pananalita nito ay may bahid ng paghihinala habang tumatawa.

Parehong hindi nakasagot sina Socorro at Cristobal. Nang magtama ang kanilang paningin ay pareho nilang binawi iyon.

"Kapatid siya ng..." Hindi na natapos ni Cristobal ang sasabihin nang magkasabay sila ni Socorro.

"Pinsan ko siya." Tugon ni Socorro sabay tingin kay Cristobal dahil magkaiba pa ang kanilang sagot.

Nagtaka ang hitsura ng ale. Tumikhim si Socorro. Sa mga ganitong sitwasyon ay sanay siyang magsinunggaling, "Kapatid po siya ng aking pinsan." Sagot ni Socorro na puno ng kumpyansa, animo'y hindi malalaman ng kausap na siya ay may tinatago.

Mas lalong nagtaka ang hitsura ng ale, maging si Cristobal ay nagtaka sa sagot ni Socorro, "Kung kapatid siya ng iyong pinsan... hindi ba't dapat pinsan mo rin siya?" Tanong ng ale na ang hangad lang ay malinawan.

Humalakhak si Socorro na sinabayan niya pa ng pagpalakpak, "Iyon nga po, magpinsan kaming tunay," tawa ni Socorro saka pasimpleng sinagi si Cristobal upang makitawa rin ito. Sa halip na matawa ay napatingin si Cristobal kay Socorro dahil sa pagtama ng kanilang mga braso.

"Ako'y naguluhan sa iyong sinabi, hija." Tawa ng ale, napagtanto ni Socorro na dapat na niyang samantalahin ang pagkakataon na tuluyang mawala ang paghihinala ng ale sa relasyon nila ni Cristobal. Wala na siyang oras upang intindihin ang isa na namang problema sa oras na may kumalat na usap-usapan tungkol sa kanilang dalawa.

"Nais ko lang po kayong bigyan ng bugtong." Ngiti ni Socorro nang anyayahan na sila ni Aling Maria na pumasok sa loob. Ang totoo ay lihim na natawa si Cristobal kung paano nalusutan ni Socorro ang nangyari.

Nakasunod siya kina Aling Maria at Socorro hanggang sa marating nila ang ikatlong palapag. Mababa ang bubong sa ikatlong palapag, kailangan pang yumuko upang makapasok. "Dati itong imbakan ng mga lumang makinarya. Dito rin namin dinadala ang ilan sa mga gamit sa pananahi." Paliwanag ni Aling Maria na naunang makaakyat sa silid.

Malinis ang loob ng maliit na silid, may isang bintana na nakaharap sa kalsada. Napangiti si Socorro nang makita ang maliit na mesa na siyang sulatan. Iyon ang pinakakailangan niya sa lahat. Nakita ni Cristobal kung gaano kasaya si Socorro habang inuusisa ang maliit na mesa.

Inilapag ni Socorro sa ibabaw ng mesa ang kuneho saka tiningnan ang mga lagayan nito. "Saan po ang palikuran at kusina?" Tanong ni Cristobal kay Aling Mara habang pinapaliwanag nito na mayroon siyang maipapahiram na makapal na sapin at kumot na siyang higaan dahil kung lalagyan ng kama ay sisikip na ang silid.

"Sa baba ang palikuran at kusina, tanging silid lang ang bakante rito." Tugon ng ale saka pinagmasdan ang binata. Tila pamilyar sa kaniya ang binata lalo na ang hitsura nito. Hindi lang niya maalala kung saan niya ito nakita noon.

"Magkano po ang upa?" Tanong ni Socorro na animo'y handa na agad magbayad.

"Sampung piso kada buwan, hija."

"Maaari po bang limang piso na lamang?" Hirit ni Socorro, nakangiting umiling-iling si Aling Maria. "Hindi ka na makakahanap ng mas mura pang mauupahan dito sa Maynila, hija."

Humalukipkip si Socorro saka nagsimulang maglakad-lakad sa loob ng silid. "Ngunit sa halagang sampung piso ay akin pong haharapin ang napakainit na umaga at napakalamig na gabi." Wika ni Socorro sabay turo sa manipis na bubong.

"O'siya, walong piso."

"Sasaluhin ko rin po ang mga ulan na makakapasok mula roon." Patuloy ni Socorro sabay turo muli sa bahagi ng bubong kung saan may butas na siyang tinatagusan ng sinag ng araw.

Napatikhim si Aling Maria, "O'siya, pitong piso." Bakas sa mukha nito na sa oras na humirit pa ng tawad si Socorro ay hindi na niya ibibigay ang silid.

"Akin din pong napansin ang matarik na hagdan na maaaring..." Hindi na natapos ni Socorro ang sasabihin dahil pumagitna na si Cristobal. "Sapat na po ang pitong piso. Maraming salamat, Aling Maria." Napangiti ang ale dahil natapos na ang paghirit ng tawad.

"O'siya, maaari ka ng lumipat dito hija ngayong araw din. Ituturo ko sa iyo mamaya kung nasaan ang palikuran at kusina." Ngiti ng ale, matagal na ring walang umuupa sa bakanteng silid ng kaniyang tindahan. Kahit papaano ay makakatulong ito sa kaniyang kita.

Magsasalita sana si Socorro ngunit umiling na si Cristobal dahilan upang tumingin na lang siya sa bintana. Balak pa sana niyang tawaran hanggang dalawang piso dahil iyon lang ang magkakasya sa kaniyang ipon sa ngayon.

Naunang bumaba si Aling Maria, humakbang si Cristobal papalapit sa bintana kung saan nakatingin si Socorro, "Ako na ang bahala sa kulang. Mahalaga sa ngayon na nakahanap agad tayo ng iyong tutuluyan." Wika ni Cristobal na animo'y nagpapaliwanag at sinusuyo siya.

Napakagat si Socorro sa kaniyang ibabang labi, ang totoo ay nahihiya na siya sa dami ng itinulong ni Cristobal. "S-sisikapin kong mabayaran sa 'yo lahat sa oras na makaipon na ako."

Tumango si Cristobal, bagaman hindi na niya ibig pabayarin pa si Socorro ngunit nararamdaman niyang mamasamain ito ng dalaga sa oras na tumanggi siya sa pagtanaw nito ng utang na loob. Hindi niya rin malaman kung bakit handa rin siyang tumulong kay Socorro na hindi naman niya ugali noon sa ibang tao bukod kay Jacinto at sa mga taong malapit sa kaniya.

Ngayon ay masasabi na niya na itinuturing na rin niyang malapit sa kaniya si Socorro gaya ng handang gawin ng magkaibigan sa isa't isa.

"Ako'y naniniwala na hindi dapat natin sinasayang ang pagkakataon. Ang hirap at pagtitiis na ito ay nakikita kong simula patungo sa aking mga pangarap." Patuloy ni Socorro na ngumiti nang kaunti saka pinagmasdan ang asul na langit.

Nanatiling nakatingin si Cristobal kay Socorro, naalala niya ang liham pag-ibig na kaniyang natanggap. Mas lalong tumitibay ang hinala niya kay Socorro dahil sa mga sinasabi nito na kapareho ng nilalaman ng liham.

Mas lalong naging malinaw sa kaniyang paningin ang tsokolateng mata at buhok ni Socorro dahil sa liwanag ng araw. Animo'y katabi niya ngayon si Paloma na laman ng puso't isipan ni Felipe.

"Salamat dahil sinamahan mo ako sa simulang ito." Wika ni Socorro sabay tingin kay Cristobal. Gustuhin man itanong ni Socorro kay Cristobal kung bakit naging trahedya ang wakas ng isinulat nitong kuwento ngunit pinili niyang huwag ituloy. Hindi man si Felipe ang naging wakas ni Paloma, higit pa rin niyang pinahahalagahan ang alaala ng kanilang simula.

ALAS-KUWATRO na nang makauwi si Cristobal. Agad niyang pinakiramdaman ang tensyon nang makapasok siya sa salas ng dormitoryo. Nagtataka siyang napatingin sa ibang mga estudyante na tulad ng dati ay naglilibang sa salas. Naririnig niya rin sa itaas ang mga kantyawan at tawanan na para bang walang nakatuklas sa babaeng itinago nila sa dormitoryo.

Paakyat na sana si Cristobal sa ikalawang palapag nang makita siya ni Manang Sita. "Señor Cristobal, maaari ba kitang makausap?" Napalunok si Cristobal nang makita ang seryosong hitsura ng matanda. Natahimik ang mga mag-aaral. Ngayon ay naramdaman na niya ang tensyon na may nalalaman nga ang mga ito sa gulo na kaniya ring kinasasangkutan.

Dinala siya ni Manang Sita sa kusina, kumukulo na ang sinaing ngunit hindi ito pinapansin ng matanda. "Ngayon ay malinaw na sa akin kung bakit may kutob ako sa dala niyong maleta ni Señor Jacinto." Panimula ng matanda. Hindi nakapagsalita si Cristobal. Nagsimula namang kumulo ang tubig na pinapakuluan ng matanda.

Para kay Cristobal ay mas lalo lang humahaba ang tensyon dahil sa pagkulo ng sinaing at tubig. Agad inasikaso ni Manang Sita ang kaniyang mga niluluto saka muling hinarap ang binata. "Ano ang aking mahigpit na bilin tungkol sa mga pinagbabawal na gamit, pananalita, at kilos sa tahanang ito?"

Hindi magawang tumingin ni Cristobal sa matanda. Hindi rin tama na ipaglaban niya ang mali at pagsuway sa patakaran ng dormitoryo. "Inamin na rin ni Señor Jacinto kanina na kaniya ang kunehong isinilid niyo sa maleta. Hindi ba't aking kabilin-bilinan na hindi kayo maaaring mag-alaga ng hayop sa tahanang ito?" Dismayadong saad ni Manang Sita. Napatingin si Cristobal sa matanda, sa reaksyon nito ay tila ba wala itong ideya tungkol kay Socorro.

"Bukas na bukas ay kailangan niyong ng ipamigay ang kunehong iyon. Isang linggo rin kayong tutulong sa hugasin." Wika ni Manang Sita. Nagtaka ang matanda dahil ngumiti si Cristobal na para bang masaya ito sa nalaman.

"Salamat at pasensiya na po, Manang Sita." Wika ni Cristobal matapos yumukod ay masayang tumalikod at umakyat sa ikalawang palapag. Hindi maunawaan ni Manang Sita kung bakit naging ganoon ang reaksyon ni Cristobal.

Dali-daling binuksan ni Cristobal ang pinto ng kanilang silid, "Jacinto!" Wika niya ngunit isang lalaking estranghero ang naabutan niya sa loob ng silid. Nakaupo ito sa bakanteng kama na tinulugan ni Socorro habang isa-isang nilalabas ang mga damit at gamit sa maleta.

"Marahil ay ikaw si Cristobal?" Ngiti ng lalaki sabay tayo upang makipag-kamay. "Ako nga pala si Ambrosio Del Rosario, ang bago niyong kasama ni Jacinto." Hinawakan ni Cristobal ang kamay ng lalaki upang tanggapin ang pagbati nito.

"Cristobal Salcedo." Mas lalong lumaki ang ngiti ni Ambrosio. "Ang anak ni Don Rufino Salcedo? Hindi ko akalain na makakasama kita rito. Ang tanging alam ko lang ay dito ka sa dormitoryong ito naninirahan. Nagagalak akong makilala ka, madalas na mabanggit ni ama noon na mahusay ang iyong ama sa klase at madalas silang dalawa ang nagtatalo sa debate." Tawa ni Ambrosio na muling naupo sa kama at nagpatuloy sa pag-aayo ng gamit.

Tumango at ngumiti nang kaunti si Cristobal saka naupo sa gitnang kama upang hubarin ang kaniyang sapatos. Nagsimulang magkuwento si Ambrosio tungkol sa kursong kinukuha niya at ang paglipat niya sa Letran. Nauna nang nalaman ni Ambrosio na nag-aaral din sa Letran sina Jacinto at Cristobal kung kaya't mas lalo siyang nasasabik na pumasok.

Ilang sandali pa ay dumating na si Jacinto, bakas ang pag-aalala sa mukha nito. Agad tumayo si Cristobal, kanina niya pa hinihintay si Jacinto upang ipagbigay-alam ang kinaroroonan ni Socorro. Mabuti na lang dahil nagtungo sa palikuran si Ambrosio upang magpalit na ng damit.

"Nakakuha kami ng mauupahang silid malapit dito." Wika ni Cristobal dahilan upang magliwanag ang hitsura ni Jacinto na kanina pa naghahanap sa kapatid.

"Iyong nababatid kung nasaan si Socorro?" Pagkumpirma ni Jacinto, tumango si Cristobal. Napahawak si Jacinto sa tapat ng kaniyang puso, "Ang akala ko ay tinakasan na naman niya tayo." Napansin ni Cristobal na may pagkakapareho ang reaksyon nina Jacinto at Don Epifanio.

Ipinagtapat ni Cristobal ang nangyari at kung saan kasalukuyang nakatira si Socorro. "Mabuti na lang dahil kuneho lang ang nadatnan ni Aling Maria sa ating silid." Wika ni Jacinto nang ito naman ang magkuwento kung anong nangyari sa dormitoryo.

"Nabanggit ni Socorro na may nakakita raw sa kaniya na isa sa mga estudyante." Wika ni Cristobal, naupo si Jacinto sa kama, ngayon ay makakakain na siya nang walang iniisip na alalahanin.

"Huwag ka maniwala roon. Mahilig magdagdag sa kuwento 'yang kapatid kong 'yan. Marahil ay ibig niya lang makaalis agad sa dormitoryo. Paano... hindi siya makalabas." Saad ni Jacinto na sanay na sanay na sa mga gulong kinasasangkutan ng kapatid. Ang totoo ay ganoon din siya, gumagawa rin siya ng dahilan para maging pabor sa kaniya ang sitwasyon.

Magsasalita pa sana si Jacinto nang may kumatok sa pinto ng kanilang silid at dumungaw mula roon si Emmanuel. "Señor Jacinto, nasa labas po ang kalesa ng iyong ama. Pinapasundo po niya kayo ngayong hapunan." Nais na sanang humiga ni Jacinto sa kama ngunit kailangan niyang harapin ang kaniyang ama.

"Siya nga pala, nakilala mo na ang bago nating kasama rito sa silid?" Tanong ni Jacinto, tumango si Cristobal. "Mag-iingat ka, ang lalaking iyon ang anak ni Don Amorsolo na naging mahigpit na katunggali ng iyong ama bilang punonghukom noon."

MAG-ISANG nagtungo si Cristobal sa tindahan ni Aling Maria. Bitbit niya ang bakol na tulugan ng mga kuneho. Dala niya rin ang puting kuneho. Nagdala rin siya ng pagkain, prutas, kumot, at unan. Balak niya pa sanang bigyan ng babasahing libro si Socorro ngunit baka kung ano na ang isipin nito sa pagtulong niya.

Nadaanan ni Cristobal ang isang batang lalaki na naglalako ng bulaklak na gumamela. Nalagpasan na ni Cristobal ang batang lalaki, napatigil siya saka muling nilingon ang mga bulaklak. Muli siyang bumalik at tinawag ang bata.

"Magkano ang isa?" Tanong ni Cristobal.

"Alin po rito, Señor?" Pinakita ng bata ang mga napitas an gumamela at ang dalawa na nasa paso pa. May kulay rosas, pula, at dilaw.

"Ito sana," tugon ni Cristobal sa pulang gumamela na nasa paso.

Ngumiti ang bata saka maingat na inabot kay Cristobal ang bulaklak na nasa paso. "Sampung centimos lang po, Señor."

Magiliw na nagpasalamat ang batang lalaki kay Cristobal saka nagpatuloy sa paglalakad pauwi. Narating na ni Cristobal ang tindahan ni Aling Maria, naghahanda na rin ito na isara ang tindahan kasama ang mga katiwala.

"Tumuloy ka na, hijo." Wika ni Aling Maria na abala sa pagbibilang ng pera. Inilapag ni Cristobal ang pambayad sa upa. Dala niya rin ang gamit ni Socorro at ang salaping ipon nito.

"Salamat, hijo. Tawagin mo na rin ang iyong pinsan, hindi pa iyon nag-memerienda." Wika ni Aling Maria nang hindi tumitingin sa kaniya habang nagbibilang ng kita ngayong araw.

Umakyat na sa hagdan si Cristobal. Kumatok siya sa silid ni Socorro ngunit wala siyang narinig na tugon. Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto, naabutan niyang wala roon si Socorro. Payuko siyang pumasok at maingat na inilapag ang mga gamit nito.

Napangiti siya nang makitang tumakbo papalapit sa isa't isa sina Felipe at Paloma. Na animo'y tuwang-tuwa dahil muli silang nagkasama.

Tumayo si Cristobal at inilapag sa maliit na mesa ang gumamela na nasa paso. Sandali siyang napatingin sa bulaklak, naguguluhan na rin siya sa sarili kung bakit siya bumili ng bulaklak. Baka kung ano pa ang isipan ni Socorro.

Napailing si Cristobal. Kinumbinse niya ang sarili na hindi dapat siya nag-iisip nang ganoon. Ang mga ganoong kaisipan ay hindi makakatulong. Iniangat ni Cristobal ang paso upang alisin ang isang papel na hindi niya napansin.

Ilalapag na sana niya muli ang papel sa tabing-mesa ngunit napatigil siya nang mapansin ang pamilyar na sulat-kamay.

Mahal kong Ina,

Ako'y humihingi ng panumanhin dahil ngayon lang ako nakapagsulat sa inyo. Bukod doon ay humihingi rin ako ng paumanhin sa nangyari...

Tinitigang mabuti ni Cristobal ang sulat-kamay ni Socorro. Matalas ang kaniyang memorya lalo na sa mga istruktura, hugis, at anyo na kanilang pinag-aaralan.

"Paloma!" Masayang sigaw ni Socorro nang sumalubong sa kaniya ang puting kuneho pagbukas niya ng pinto. Gulat na napalingon si Cristobal kay Socorro na ngumiti rin nang makita siya. "Salamat sa paghatid kay Paloma... Cristobal."

Tuluyan nang hindi nakakilos si Cristobal. Ngayon ay isang daang porysento siyang nakatitiyak na si Socorro ang nagpadala sa kaniya ng liham pag-ibig mula sa Sariaya.

******************

#SocorroWP

Featured Song: "Di Bale Na Lang" by Jericho Rosales

Continue Reading

You'll Also Like

1.7M 90.2K 71
Wattys 2019 Winner in Historical Fiction Category Dahil sa isang pagkakamali, out of nowhere ay bumalik sa taong 1855 si Choleng. Nalayo man nang tul...
3.2M 167K 37
"I'm sorry, I love you." Married to a man who hates her family to death, Agnes Romero Salazar is in vain as she discovered her husband's secret affai...
153K 8.6K 26
DESPEDIDA GONE WRONG. What's supposed to be a memorable send-off party ends up in tragedy as the celebrant drops dead after making a toast. Of all th...
15.1M 677K 75
(FHS#1) Braylee wants to make her friends happy, Denver wants to get some sleep. She's hell-bent on making the world a better place while he's desper...