Save to Heart (Student Series...

By maysique

73.2K 3.2K 3.2K

Student Series 2: "Bahala Na" Attitude šœšØš¦š©š„šžš­šžš Manifesting a fatalistic attitude is nearly a norm... More

Save to Heart
Prologue
Chapter 1
Chapter 3
Chapter 4
Chapter 5
Chapter 6
Chapter 7
Chapter 8
Chapter 9
Chapter 10
Chapter 11
Chapter 12
Chapter 13
Chapter 14
Chapter 15
Chapter 16
Chapter 17
Chapter 18
Chapter 19
Chapter 20
Chapter 21
Chapter 22
Chapter 23
Chapter 24
Chapter 25
Chapter 26
Chapter 27
Chapter 28
Chapter 29
Chapter 30
Chapter 31
Chapter 32
Chapter 33
Chapter 34
Chapter 35
Chapter 36
Chapter 37
Chapter 38
Chapter 39
Chapter 40
Epilogue

Chapter 2

2.1K 103 170
By maysique

Chapter 2

Dinala ako sa customer service ng magulang ng batang lalaki. Kasama namin ang nakatatandang kapatid niyang babae. Kinausap muna ako ng mama nila na nagpakilalang Isha Asturias bago siya nakipag-usap sa mga empleyado rito sa mall.

Nakaupo lang kaming tatlo sa upuan. Nasa harap ko silang magkapatid. 'Yong lalaki ay nakatitig lang sa akin at ang kapatid niya namang may nakasubong lollipop ay kanina pa ako kinakausap. Naka-uniform din siya at siguro'y nasa iisang school lang silang dalawa.

"Grade 3 ka pa lang din pala. Pareho kayo nitong kapatid kong si Raghnall."

Ah... Raghnall pala ang pangalan nitong batang lalaki. Mas nauna ko pang nalaman ang pangalan ng kapatid niya kaysa sa kanya na nauna kong nakita kanina. Binigyan pa nga ako ng lollipop na Chupa Chups na kinakagat ko na ngayon.

"Ikaw po? Anong grade mo na, Ate Izzy?"

"Grade 5!" Ngumisi siya. "Three years ang tanda ko rito kay Ral—"

"It's not three years. It's just two years and six months, Ate," pagtatama ni Raghnall.

"Round off kasi!" iritadong sabi ni Ate Izzy pero agad ding ngumiti nang bumaling ulit sa akin. "Anyway, Asia. Kumain ka na ba? Maybe you want to eat something first while waiting for your guardian?"

"Ahm..."

"Aspasia," marahang tawag ng Mama nila sa akin.

Napatingin ako sa kanya nang lumapit siya sa akin. Ngumiti siya na nagpaaliwalas lalo ng kanyang mukha. Kaya siguro maganda at guwapo ang anak niya ay dahil maganda rin siya.

Umupo siya sa tabi ko at hinawakan ang kamay ko. "Kinausap ko na ang empleyado rito at ibinalita na hinahanap mo ang Ate mo. Just in case, tawagan na lang din natin ang guardian na nandito sa ID mo."

"Si Papa po? Nasa trabaho po si Papa ko."

"Subukan pa rin natin. Baka sumagot," aniya at inilabas ang kanyang telepono.

Pinanood ko siyang magtipa sa gadget na hawak habang tinitingnan din ang nakasulat sa likod ng ID ko. Narinig ko ang malakas na tunog galing sa telepono niya matapos bitiwan ang ID ko na nakakabit sa aking leeg.

"Hello? Sino po sila?" boses ni Papa ang narinig ko sa kabilang linya.

"Magandang hapon po. Si Mr. Esteban Zafe po ba ito?"

"Sino po sila?" ulit ni Papa sa kabilang linya.

"Si Papa ko po 'yan," sabi ko sa mahinang boses.

Tumingin sa akin ang Mama nina Raghnall at Ate Izzy bago iniabot sa akin ang telepono. Kinuha ko naman iyon at kinausap na si Papa. Hindi ko na sinabing iniwan ako ni Ate Cols. Ang sabi ko na lang ay nawala ako rito sa mall. Pauwi na raw siya at sinabing susunduin na lang din ako rito.

Pagkatapos kong kausapin si Papa ay kinausap din siya ni Mrs. Asturias bago nakipag-usap ulit doon sa isang empleyado at nakita kong may iniabot siya roon. Sa pagkakarinig ko ay business card iyon.

Business? Kunsabagay, kaya siguro mukha silang mayaman ay dahil may negosyo. Sana yumaman din ako tulad nila para makapagbigay rin ako ng business card. Parang ang cool kasi pakinggan at kapag meron nito.

"Asia, gusto mong mag-Jollibee muna para kumain? Kinausap ko naman ang Papa mo at sinabi kong doon na lang natin siya kitain dahil baka nagugutom ka na..."

Para akong nakakita ng star sa sinabi niya. "Jabilee po?"

Ngumiti siya at tumango. "Yes, Asia. Don't worry, kinausap ko na ang empleyado rito at sinabi rin ang pinag-usapan namin ng Papa mo."

Tinanggal ko ang stick ng lollipop sa bibig at tumulis ang nguso. "Pero... wala po akong pera pang-Jabilee."

"It's Jollibee, not Jabilee," singit ni Raghnall.

Hindi ko siya pinansin. Bahagyang natawa si Mrs. Asturias.

"Asia, hindi kita pagbabayarin, anak. Ako na ang bibili ng gusto mo."

"Libre po?"

Tumango siya ulit. Pumayag na lang ako kahit pa nasa isip ko, kakausapin ko na lang siguro si Papa para bayaran siya. Sana huwag lang magalit si Papa na nagpabili ako. Nakakahiya naman kasi.

Tumayo na ako sa inuupuan at kinuha ang bag sa tabi ko.

"Asia, mabigat yata 'yang bag mo. Ako na lang muna ang magbibitbit para sa 'yo," alok ni Mrs. Asturias at nakahawak na sa strap ng bag ko.

"Ay, hindi po. Okay lang po! Kaya ko naman pong buhatin."

"Sigurado ka ba? Mukhang maraming laman itong bag mo, anak."

Anak...pangalawang beses niya na akong tinawag na anak. Hindi ko alam kung bakit nakakataba ng puso iyon para sa akin. Dahil siguro... wala na akong Mama.

"Ayos lang po talaga. Sanay naman po ako."

Ngumiti naman si Ate Izzy at lumapit sa akin.

"Mahilig ka ba sa Jollibee, Asia?" tanong niya at hinawakan ako sa braso at nagsimulang maglakad.

"Opo. Lalo na 'yong Jolly spaghetti nila! Iyon lagi ang pinapabili ko kay Papa lalo na kapag natapos na ang kuhaan ng card namin!" excited kong sinabi.

"Hala, pareho tayo! I like their spaghetti, too. Pati 'yong chicken nila! Gusto mo, 'yon ang kainin natin? Spaghetti and chicken?"

Napawi ang ngiti ko. Ang malaking ngiti niya ay nakapaskil pa rin sa labi.

"Uhm..."

Pano ba 'to? Sabi kasi ni Papa, kung nagpumilit daw 'yong tao na ilibre ako, huwag daw akong pipili ng mahal o kaya marami. Kaya dapat, kung anong gusto nila para sa akin, makuntento na ako roon. Kaso nakakahiya pa rin lalo na at namamahalan na ako sa gusto ni Ate Izzy para sa akin.

"Why? You don't like their chicken?" si Ate Izzy na ngayon ay bahagyang nakataas ang kilay.

"Ah, ano po... kasi... okay na ako sa spaghetti," sabi ko at napakamot sa ulo. "Pero okay lang din kahit tubig na lang!"

"Tubig?"

Nagulat ako nang nasa kabilang gilid ko na rin si Raghnall. Nakapasok ang mga kamay niya sa bulsa ng kanyang shorts.

"Hindi ka naman namin sisingilin. Sabihin mo lang kung anong gusto mo."

"Oo nga, Asia," dagdag ni Ate Izzy at inilapit ang mukha sa may tainga ko. "Huwag kang mag-alala. Ako na bahala magdagdag ng order mo mamaya para hindi ka na mahiya. Basta hindi mawawala ang Jolly spaghetti," bulong niya at humagikgik.

Lumawak ang ngiti ko nang matanaw ko na si Jollibee. Hinila ako ni Ate Izzy para maunang pumasok doon sa loob.

"Hanap na tayong puwesto!"

Napalingon ako sa likod para tingnan si Mrs. Asturias at Raghnall. Nag-uusap silang dalawa at mukhang ayos lang naman na nauna kami rito kahit pa gusto ko sanang hintayin din sila. Kinakaladkad na rin ako ni Ate Izzy, e.

Doon kami pumuwesto sa kulay pula at pahabang upuan. Ipinatong ko ang bag sa pagitan ko at ng pader habang si Ate Izzy naman ay nakatayo sa gilid ng mesa, hinihintay ang mama at kapatid niya na makalapit.

Naupo si Raghnall sa harapan ko at humalukipkip habang nakatingin sa akin. Iniwas ko ang mga mata sa kanya at hinarap si Mrs. Asturias nang magtanong siya kung anong gusto namin.

"Sama ako sa counter, Ma," sabi ni Ate Izzy.

"Alright. Ral, dito ka lang. Huwag mong iwan dito si Asia," ani Mrs. Asturias sa anak.

"Don't worry, Ma. I'm not gonna leave her alone."

Nang naiwan na lang kaming dalawa roon ay tinitigan ko rin siya. Kanina pa kasi siya nakatingin sa akin, e. May dumi kaya sa mukha ko? Napapangitan ba siya sa akin o ano?

"Why are you staring at me?"

Hala, ayan na naman siya! Kapag sinagot ko siya ng english, magta-tagalog na naman siguro siya.

"Tinititigan mo kasi ako kaya tinititigan din kita," sagot ko na lang. "Ikaw? Ba't ka nakatitig sa akin?"

"My favorite shape is square," aniya, malayong-malayo sa tanong ko.

Tumagilid ang ulo ko. Mahina kaya siya pagdating sa listening comprehension?

Bigla niyang itinuro ang mukha ko. "Your face shape is square. Ang ganda mo."

Nanlaki ang mata ko at naramdamang uminit ang pisngi. Napahawak ako sa gilid ng mesa at bahagyang humilig.

"Nagagandahan ka sa akin dahil square ang mukha ko?"

Kumurap lang siya.

"E 'di crush mo 'ko?" gulat kong sinabi.

Nagsalubong ang kilay niya. "Crush?"

"Crush... hinahangaan, gano'n. Nagagandahan ka sa akin kaya crush mo ako!" Kinuyakoy ko ang mga binti sa ilalim ng mesa at ngumiti. "Huwag kang mag-alala, naku-kyutan din ako sa 'yo kaya crush na rin kita."

Nakatingin lang siya sa akin na para bang hindi niya pa rin naiintindihan ang sinasabi ko. Bumuntong hininga ako. Hindi bale na ngang mahina ang listening comprehension niya, kyut naman siya.

Yumuko siya at napahawak sa kanyang batok.

"Listen, Asia..." mahinahon niyang sambit.

"Ay! Wait, 'yong chess piece mo pala," putol ko at mabilis na kinuha ang tinutukoy mula sa bulsa ng palda ko.

Ngumiti ako nang nilahad iyon sa kanya. Dinilaan niya ang kanyang labi at tiningnan ang chess piece na nilagay ko sa harapan niya.

"Sorry. Nalaglag ko kanina pero ayos naman. Oh! Ibinabalik ko na."

"Why are you giving it back to me?"

"Eh, why did you give it to me in the first place?" Napa-english tuloy ako.

"'Cause I want you to keep it," giit niya. "Just keep it, Aspasia."

"Bakit ba? Mamaya importante 'to sa 'yo, e. Tapos binibigay mo lang sa akin. Mukhang mamahalin pa naman. Baka kapag nawala ko, bigla kang magpakita sa akin nang 'di sadya tapos hinanap mo. Pagbayarin mo pa ako."

"Tss..." Pinagkrus niyang muli ang mga braso sa tapat ng dibdib. "If you lose it, I'm not gonna marry you in the future."

"Ha?!"

Napatingin ako sa paligid dahil napalakas ang boses. Tinakpan ko ang bibig at bahagyang yumuko bago hinarap ulit si Raghnall na medyo nakangiti.

"Anong marry?" bulong ko. "Seven pa lang ako!"

"I said in the future, you bella. Not now."

"I'm not Bella. I'm Aspasia," nakasimangot kong sinabi. "At hindi kita pakakasalan."

Nawala ang kyut na ngiti niya sa labi at tumingin na lang sa ibang kumakain na malapit sa amin. Napakurap-kurap ako at biglang nakaramdam ng konsensiya sa sinabi kahit hindi ko alam kung bakit.

Naglabas ako ng papel at lapis sa bag para magsulat. Sumusulyap ako sa kanya pero hindi na siya tumingin ulit sa akin. Ngumuso ako at pinagpatuloy ang pagsusulat ng liham ng pasasalamat kay Mrs. Asturias bago iyon itinupi sa gitna. Ibibigay ko iyon mamaya sa kanya.

Nang ibalik ko iyon sa bag at tiningnan ulit ang kaharap, hindi pa rin siya tumitingin sa akin.

"Uy... Raghnall. Galit ka?"

Hindi niya ako sinagot. Galit na ba siya kasi 'di ako pumayag magpakasal sa kanya? E, ang bata pa kaya namin! Crush ko na nga lang siya, ayaw pa niya 'yon? Bakit ba kasal agad ang gusto niya? Magpapayaman pa nga ako.

"Psst, Raghnall," pangungulit ko. "Hindi na ba tayo bati?"

Hindi niya talaga ako kinakausap o tinitingnan man lang. Bumagsak ang balikat ko at napatingin sa chess piece sa harapan niya. Inabot ko iyon at ikinulong sa palad ko.

"Sige na nga... itatago ko na 'to," sabi ko at ibinulsa na ulit ang babasaging chess piece. "Huy..."

Napakamot ako sa ulo. Ano ba namang bata 'to, napakabilis magtampo. Kung hindi niya ako bati, e 'di huwag. Hindi ko naman siya kailangan.

Kaso nilibre nga pala ako ng nanay niya! Ugh! Isinubsob ko na lang ang pisngi ko sa malamig na mesa habang nagsusulat doon gamit ang daliri.

Inalis ko naman agad ang mukha sa mesa at hinarap siya ulit. Bahagya akong nakatungo at naniningkit ang mata sa kanya.

"Pakakasalan na kita," usal ko.

Nasampal ko ang bibig sa sinabi at parang gusto na lang magtago sa ilalim ng mesa noong tumingin na siya sa akin with matching ngiti pa. Humilig siya sa mesa habang nakapatong ang dalawang braso doon.

Lagot ako kay Papa! Hala! Anong sinabi ko? Budol yata 'tong kaharap ko, e!

"J-joke la—"

"I don't take jokes when I'm talking with someone about a serious subject. It's already a promise, Aspasia."

Umiling ako. "Hindi naman seryoso 'yon—"

"Asia!"

Nawala ang tingin ko kay Raghnall nang dumating na si Ate Izzy kasunod ang Mama nila na may dalang tray. Nang sulyapan ko ang kaharap, seryoso na ulit ang mukha niya.

Nagpasalamat ako kay Mrs. Asturias at kay Ate Izzy sa pagkain. Ang dami nilang binili at para sa aming apat daw iyon. Naghugas muna kami ng kamay bago kumain. Katabi ko si Ate Izzy na nilalagyan ng fries at ketchup ang burger bago iniabot sa akin iyon.

"Masarap 'yan! Nakalimutan ko 'yong peach mango pie. Masarap din 'yon na combination sa burger!"

"Puwede pala iganito 'to?"

"Oo naman! Puwede mo ring isawsaw 'yong fries sa sundae. Masarap 'yan. Promise!"

Tumango-tango ako sa kanya at sinubukan ang sinabi. Nakatingin siya sa akin at nag-aabang ng sasabihin ko kaya ngumiti ako.

"Masarap nga..."

Pumalakpak siya. "'Di ba? Sige, kumain ka lang diyan. Ubusin mo lahat 'yan, ah?"

Eh? Napatingin ako sa nasa harapan ko. Ang dami nito... mauubos ko kaya? Puwede kayang magtira para kay Papa saka kay Kuya Rey? Si Ate Coleen kaya, nakauwi na?

"Start eating..." malumanay na sinabi ni Raghnall sa harapan ko.

"Okay."

Kinuha ko na ang kubyertos at nagsimulang kumain. Chicken meal 'yong una kong nilantakan kaya inalis ko muna ang balat ng manok at itinabi sa gilid para mamaya kainin. Nasa meal box kasi 'yong spaghetti. Baka puwedeng ibigay ko na lang kay Papa kahit iyon ang paborito ko.

"You don't like chicken skin?" tanong ni Ate Izzy na nakatingin sa balat ng manok na nasa plato ko.

"Ate..." si Raghnall na masama agad ang tingin sa kapatid.

"Ah, gusto ko. Hinuhuli ko lang po lagi 'yong chicken skin kapag bumibili si Papa nito."

"Ay, okay." Humagikgik si Ate Izzy. "Sige, kain ka na."

Sa kalagitnaan ng pagkain at minsang pakikipag-usap ko kina Ate Izzy at Mrs. Asturias, natanaw ko si Papa na pumasok ng Jollibee at palingon-lingon sa paligid.

Sinabi ko iyon kay Mrs. Asturias bago ko tinawag si Papa. Nagliwanag ang mukha ni Papa nang makita akong kumakaway bago siya lumapit sa table namin. Tumayo naman sina Mrs. Asturias at Ate Izzy para batiin si Papa. Si Raghnall ay tumigil din sa pagkain para bumati rin habang nakaupo.

Ilang beses pang humingi ng paumanhin si Papa kay Mrs. Asturias dahil sa pag-aabala niyang tulungan ako at paulit-ulit ding nagpasalamat. Sumalo na rin si Papa sa amin kahit pa halata rin sa kanya na nahihiya sa pamilya ng tumulong sa akin.

Nag-usap ang dalawang matanda habang kumakain kaming lima pero binabantayan pa rin kami. Sa pananalita at ngiti pa lang ni Mrs. Asturias, halata nang mabait at mapagkumbaba. Si Ate Izzy naman ay madalas abala sa pagkain pero kinakausap din ako. Si Raghnall... wala, tahimik lang habang kumakain hanggang sa natapos kami.

"Maraming salamat po talaga, Ma'am Isha, sa pagsama rito sa anak ko. Kung hindi niyo siguro siya nakita ay baka umiyak na talaga ito at mahirapan pa akong hanapin," si Papa habang naglalakad kami palabas ng Jollibee.

Nakahawak na ako sa kamay niya at bitbit niya na rin ang bag ko at ang sa kanya na dinadala niya sa trabaho. Sa isang kamay ay hawak ko ang papel na para kay Mrs. Asturias.

Nang malapit na kami sa exit ay nagpasalamat ulit ako kay Mrs. Asturias saka iniabot na ang sulat sa kanya. Niyakap ako ni Ate Izzy bago nagpaalam. May sasakyan silang dala at inalok pa kaming ihatid na lang sa amin pero tumanggi na si Papa.

"Bye, bella," ani Raghnall habang nakatayo sa gilid ng Mama niya at may maliit na ngiti sa labi.

Lumabi ako. "Aspasia nga kasi."

"Keep the chess piece... and your promise."

Promise? May promise ba akong sinabi sa kanya?

Simula noong araw na iyon, hindi ko na siya nakita. Kahit si Ate Izzy at Mrs. Asturias. Noong gabing iyon ay hindi rin umuwi si Ate Coleen nang mahigit dalawang linggo. Nang bumalik, naroon ako sa kuwarto namin at narinig ko mula sa labas ang sigawan nilang dalawa ni Papa.

"Kinakausap kita, Coleen. Huwag mo akong iniikutan ng mata diyan. Bakit mo iniwan ang kapatid mo sa mall at hindi ka pa umuwi? Hindi ka rin pumasok?"

"Pa, puwede bang huwag niyo na lang akong kausapin kung pagagalitan niyo lang din ako tungkol kay Aspasia? Mabuti nga at umuwi pa ako!"

"Aba't!" Tumaas na ang boses ni Papa. "Iniwan mo noong nakaraan ang ading mo sa mall at hindi ka umuwi ng dalawang linggo tapos iyan ang sasabihin mo? Ano bang iniisip mo, Coleen? Ikaw, matanda ka na. Pero ang kapatid mo, bata pa 'yan tapos hinayaan mong mawala. Saan ka nagpunta sa loob ng dalawang linggo, ha? Pinag-aalala mo ang mga tao rito!"

"Matanda na nga ako, Pa! Kaya huwag niyo na akong pakialam sa gusto kong gawin! Kung ayaw niyong iwan ko ulit si Aspasia sa kung saan, 'wag niyo na akong utusan na samahan siya kahit kailan!"

Bumaba ang tingin ko sa hawak na libro. Ginagawa ko ang mga takdang-aralin pero dahil sa sigawan nila ay nawala ako sa focus.

"Tinatanong ko kung saan ka nagpunta sa loob ng dalawang linggo, Coleen. At bakit hindi ka na pumasok sa school mo? Sagutin mo ako nang maayos—"

"Ano bang pakialam niyo kung saan ako magpunta o kung hindi ako pumasok sa eskuwela? E 'di ba, paborito mo naman 'yang si Asia dahil ang galing galing ika mo sa school? Siya na lang ang pansinin mo lagi, Pa! Tutal, siya naman ang magaling, e. Pakialam mo ba kung bumagsak man o mag-drop out ako sa school dahil hindi na pumapasok?"

Binitiwan ko ang libro at nilingon ang pinto. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan nilang magsigawan? Tinatanong lang naman ni Papa si Ate kung saan siya nagpunta dahil nag-aalala kami sa kanya.

Masama ba iyon? Hindi ba dapat ganoon naman talaga? Mag-aalala sa taong mahal mo lalo na at pamilya? Bakit nagagalit pa si Ate?

"Coleen!" Halos manginig ang boses ni Papa at kahit hindi ko nakikita ay tingin ko'y sasabog na siya sa galit. "Ano ba 'yang pinagsasasabi mo? Malamang na may pakialam ako sa 'yo dahil anak kita—"

"Papa! Wala ka naman talagang pakialam sa akin! Kinakausap mo lang ako dahil ang concern mo pa rin ay si Aspasia kung bakit ko siya iniwan!" sigaw ni Ate at narinig ko na lang ang hagulgol niya.

"Ano bang..."

"Kung anong isinumbong sa 'yo ng bubwit na 'yon kung bakit ko siya iniwan, paniwalaan mo na lang, Papa!"

"Walang isinusumbong sa akin si Asia, Coleen. Ang sabi niya lang ay nawala siya sa mall. Paano naman siya mawawala—"

"Iniwan ko siya roon dahil gusto kong mawala na si Asia. Sana sa ibang lugar ko na lang pala siya iniwan para siguradong hindi na siya nahanap pa. Sana nawala na lang talaga siya nang tuluyan, Papa! O mas maganda, sana si Asia na lang ang namatay at hindi si Mama!" sigaw ni Ate na nagpadurog sa puso ko. 

Continue Reading

You'll Also Like

1.2M 49.7K 60
It all started with a facial hit by the outside spiker Roen Alejo to the rookie libero Kai Reyes.
107K 2.5K 34
Switching to a condo would be a huge shift in Eloise Danielle Madrigal's life, the Iska from UP Manila. From living in her aunt's home, she will inde...
132K 3.3K 80
G3 series #1 - an epistolary šœšØš¦š©š„šžš­šžš don't sleep on me, little girl.
7.2M 183K 29
Rogue Saavedra, the arrogant city's young billionaire, becomes stranded on an unknown island. There he meets an illiterate jungle woman, Jane, who is...