when you disappeared at midni...

By niickblack

9.1K 508 66

"Gusto ko na lang lunurin ang sarili ko sa paraan ng pagkanta niya ngayong hating gabi, pero umaasa ako na is... More

Disclaimer
When You Disappeared At Midnight
Prologue
1. Pagbabanda
2. Tumindig
3. Alas-dose
4. Sira Ako
5. Pangalan
6. Walang Takas
7. Anino
8. Ilalaan
9. Takot
10. Naunahan
11. Kutob
12. Sino Siya?
13. Huwag Sabihin
14. Pagpayag
15. Ikumpara
16. Gubat
17. Isipin
18. Misyon
19. Puso ng Gubat
20. Ideya
21. Nasanay
22. Ibang Kanta
23. Kapalpakan
24. Bumalik
25. Ipinarinig
26. Sa Likod ng Pagbabanda
27. Kusina
28. Hinala
30. Ngayong Gabi
31. Hindi Mapakali
32. Huwag Ngayon
33. Muntikan
34. Paano Ka?
35. Kabado
36. Kaniyang Kamay
37. Ikaw ang Hating-Gabi ko
38. Hindi Ako 'Yon
39. Mga Kantang Para Sa iyo
40. Alaala
41. Kompetisyon
42. Binago
43. Bilib
44. Proyekto
45. Uuwi
46. Nalaman
47. Kinatatakutan
48. Nagmamakaawa
Last Chapter
Epilogue
WYDM Playlist
Nick's Note

29. Naiintindihan Ko Na

142 11 2
By niickblack

Chapter 29: Naiintindihan Ko Na

Erin

Hawak-hawak ko ang puwitan ko nang makarating ako ng kuwarto. Masama yata talaga ang pagkahulog ko sa hagdan. Tahimik lang si Mando na nakasunod sa akin hanggang makaupo ako sa may gitna ng kama at kinuha ang phone. Tumalikod ako dahil sa kaunting liwanag na maaaring tumapat sa kaniya galing sa screen, baka aksidente ko pa siyang masilayan. Ramdam kong naupo rin ito sa paanan ng kama at halata pa rin na may iniisip siya. Hindi ako sigurado kung tungkol pa rin ba 'yon sa kalagayan ni Peter.

Pagkabukas ko ng phone, isang lunok agad ang nagawa ko dahil biglang gumala sa buong katawan ko ang kaba. Nag-reply si Peter at hindi na ako nag-aksaya ng minuto para basahin ito.

Peter:
Oo nga, eh. Congrats! : )

Gumuhit ang ngiti sa labi ko. Natuwa ako dahil kahit nagtatampo siya sa akin ay pinansin niya pa rin ako at kung gaano siya kabilis mag-reply noon, ganoon pa rin ngayon base sa oras na nakalagay. Kung hindi, lilipad na naman ang isipan ko nito. Alam kong hindi niya rin ako matiis at maiwasan. Sa totoo lang, matagal ko na siyang gustong i-message at kahit matagal ko nang naipon ang lakas-loob ko, sadyang nauuhan ako ng pangamba at takot. Ngayon lang ako nagkaroon ng maayos na dahilan para i-text siya. Kahit 'yon lang ang reply niya sa akin, sapat na 'yon. Ang mahalaga, sigurado na akong pinapansin niya na ako.

Ngunit nagkaroon ng sariling isip ang daliri ko at hindi sumang-ayon sa nais ng utak ko na huwag na siyang reply-an pa. Mas kinabahan tuloy ako.

Erin:
Kumusta na?

Peter:
Ayos naman. Naglilibang-libang lang. Madalas akong gumala gamit ang bike. Routine ko tuwing umaga at hapon. Haha. Alam mo 'yon? Para pang-unwind lang.

Erin:
Sorry.

Peter:
Saan?

Nag-ipon ako ng hangin sa katawan bago sinend ang reply ko. Wala nang atrasan 'to, paninindigan ko ang sinend ko. Hindi pa ako nakakapag-sorry.

Erin:
'Yong tungkol sa kanta at 'yong mga nasabi ko sa iyo, hindi ko sinasadya. Hindi ganoon ang tingin ko sa 'yo.

Peter:
Hayaan mo na. Matagal na iyon. Wala na 'yon.

Erin:
Itutuloy pa ba natin ang pagsali? Paano 'yong trauma mo? Concern lang ako.

Peter:
Haha

Peter:
Pasok na tayo sa top 40. Aatras pa? Pangarap natin 'to. Huwag mo akong intindihan, nag-iinarte lang ako. Mas mahalaga ang banda natin kaysa sa sariling kababawan ko. Ayaw kong magwatak-watak tayo nang ganoon na lang. Ayaw kong masayang ang oportunity na 'to. Pagsisisihan ko ang lahat ng 'to.

Natanggap ko na ang sagot na bumabagabag sa akin. May parte sa akin na natuwa dahil itutuloy namin ang pagsali, para tuloy akong mas na-excite pero hindi maalis sa akin ang pag-aalala para sa kaniya. Naubusan na ako ng mga sasabihin. Hindi ko gusto ang sinabi niyang nag-iinarte lang siya dahil kahit kailan, hindi matatawag na kaartehan ang trauma. Hindi biro iyon. Pero hindi ko na alam kung ano ang dapat i-reply ko. Sa gitna ng pag-iisip, muli siyang nag-text. Text na nagpalaki ng nga mata ko.

Peter:
Tamang-tama, ite-text na rin sana kita kanina, naunahan mo lang ako. Tanda mo 'yong sinabi ko sa iyong gusto kitang ipakilala sa mga magulang ko? Free raw sila bukas, baka puwedeng sumama ka sa dinner namin? Sunduin kita diyan sa bahay ninyo. Suot ka ng dress.

Nalaglag ang panga ko dahil sa gulat. Dalawang beses ko pa ito binasa para ilagay sa utak ko.

"Shucks," bulong ko at wari ko'y nakuha ko ang atensyon ng katabi ko dahil ramdam kong lumingon si Mando sa akin.

Hindi ba puwedeng maghanda muna? Bukas agad? Hindi pa nga ako sigurado kung handa na siyang harapin ulit ako, ipapaharap niya agad ako sa mga magulang niya?

Parang hindi ko yata kakayanin 'yon. May bahagi sa akin na gustong tumanggi pero nakakahiya naman kung gagawin ko iyon dahil sa mga nagawa ko noon sa kaniya. Baka mas lalo lang mawala ang loob niya sa akin, dadagdagan ko pa ang pagtatampo niya.

Natagalan akong sumagot. Mariin akong pumikit. Ang bilis ng tibok ng puso ko.

Erin:
Okay. Hintayin kita.

Peter:
Ang bilis mong pumayag? Bago 'yan, ah? Haha

Napakagat ako ng labi. Kung ito lang ang magiging daan para maging malinaw sa akin kung maayos na talaga kami, ayaw ko nang palagpasin pa 'to at gumawa ng palusot dahil gusto ko na rin naman kaming bumalik gaya ng dati. 'Yong bawat tawanan at bonding namin sa studio, nami-miss ko lahat ng iyon. Ilan linggo na rin akong hindi dumadalaw roon. School at bahay lang ako nitong nakalipas na araw. Wala na akong magagawa kun'di ang pumayag.

"Bakit ka pumayag?!" Agad kong itinago ang phone ko nang inis na boses ni Mando ang nagsalita malapit sa tainga ko pero huli na, dahil hindi ko namamalayang nasa may likuran ko na pala siya. At pasimpleng nasilip sa phone ko para mabasa ang convo namin ni Peter.

"Nakakagulat ka naman!" Pinatay ko ang phone ko at humarap sa kaniya.

"Dapat hindi ka pumayag!" ulit niya pero mas madiin na. Gusto kong kuwestyunin ang reaksyon niya.

Bakit nagtataas agad siya ng boses?

"Dapat hindi ka nakikibasa! Privacy naman, Mando," may diin ko ring buwelta.

"Kung hindi ko nabasa, wala kang balak sabihin sa akin."

Napakunot ako ng noo. "Natural. Kailangan ba magpaalam pa ako sa iyo? Ano kita? Si Papa?"

Bakit ba bigla-bigla na lang siya nagagalit? Porket pumayag ako, sisigawan na niya agad ako? Anong meron? Hindi ko siya maintindihan.

"Siyempre! Tang*na!" galit niyang sagot. Napagitla ako dahil sa biglang pagmumura niya. Huli kong narinig 'yon no'ng una kaming nagkakilala. Sa isang iglap, parang bumabalik 'yong Mando noon na napakamapanganib ang lumalabas na boses. Nag-iba ang tono ng pananalita niya kaysa kanina. "Magkasama tayo dito sa bahay, kailangan kong malaman kung saan ka nagpupupunta."

"Ano?!"

"Akala ko ba, tutulungan mo ako? Bakit ka pumayag?! Dapat sa akin ka lang. Sa akin lang ang oras mo! Nangako ka sa akin. Ikaw lang ang maasahan namin, huwag mo akong balewalain! Huwag mo nang patagalin pa 'to."

Napaawang ako ng bibig. "Anong connect? Anong klaseng reaksyon 'yan?! Tinutulungan naman kita, ah? Kung makasumbat ka naman! Ang babaw mo!" sabat ko, hindi ko na rin maiwasang hindi magtaas ng boses. Hindi ko alam na ganoon na pala siya kalala. "Isang gabi lang 'yon. Doon lang ako maghahapunan, bakit parang apektadong-apektado ka? Masama bang makilala magulang niya? Magulang ni Percy? May atraso kasi ako kay Peter. Nakakahiya naman kung tatanggihan ko. Kailangan kong bumawi. Bakit ba ganyan ka?" apila ko.

"Kahit na! Dapat hindi!" Kanina pa ako nalilito sa reaksyon niya. Wala akong ideya. "Huwag kang makipagkita sa mga magulang no'n! Tang*na! Sumunod ka na lang sa akin. Dito ka lang sa bahay!" pagmamaktol niya. Hindi ko alam kung saan nanggagaling ang mga sinasabi niya. Gulong-gulo na ang utak ko.

"Ang labo mo! Bakit ba ayaw mo?" mabilis kong tanong sabay inis na napahilamos ng mukha.

Ramdam kong bumuntong-hininga siya.

"Narinig ko 'yon, para saan 'yon?" ganti ko tulad ng sinabi niya kanina.

Natagalan siyang sumagot. "Hindi ko alam. Basta, huwag kang makipagkita sa kanila," huminahon na ang kaniyang boses dahil humina ito. Gusto kong malaman kung ano ang tumatakbo sa utak niya ngayon.

Napabuga ako ng hangin at napabagsak ng balikat. Sumasakit ang ulo ko dahil sa sagot na ayaw niyang idiretsong ibigay sa akin. "Bakit ka ba bothered? Hindi mo naman kilala si Peter at mas lalong hindi mo kilala ang mga magulang niya, anong problema? Bakit ganyan ka? Tinutulungan naman kita."

Tumahimik siya. Maya-maya, naramdaman ko ang bahagya niyang paggalaw at napagtanto kong lumapit siya sa akin nang igapang niya ang mga kamay niya papunta sa mga kamay ko, hinawakan niya ako. Nanginginig ang mga kamay niya. "Please, dito ka lang. Hindi mo pa sila kailangang makilala," halos kainin na niya ang boses niya.

"Bakit nga?"

"Kasi . . ." Naghintay ako. ". . . Search mo na lang sa internet ang meaning ng 'rawr' sa isang dinosour." Mas lalong nagkasalubong ang kilay ko. Bumitaw siya sa akin at mabilis nilisan ang silid.

Naiwan akong walang kaalam-alam sa pag-iiba niya. Anong pakialam ko sa pag-rawr ng dinasour? Bakit kailangan niyang isingit iyon? Mas lalo akong nalito.

Napapailing na lang ako. Kahit saang sulok, hindi ko siya maintindihan.

-

Kinabukasan, kahit tutol si Mando, pagkauwi ko galing School, pumili agad ako ng maganda at presentableng damit na maaaring suotin mamaya. Pagkaalis niya kagabi, hindi na siya bumalik pa. Hinintay ko pa siya, nagbabakasakaling bumalik at linawin sa akin kung ano ba talaga ang problema pero hinayaan ko na lang ang sariling makatulog. Hindi ko inakalang dahil lang sa pagpayag ko kay Peter, nagkaroon kami ng mainit na sagutan. Sinubukan ko na lang na huwag siyang intindihin buong maghapon.

Habang umaandar ang oras, mas lalo akong hindi mapakali. Pero habang nagsusuot ako ng sandals dito sa salas, napalingon ako sa pintuan nang marinig kong may tumikhim. Hinaluan ulit ng kaba ang dugo ko sa buong katawan nang magtama ang mga mata namin. Isang tao lang ang mahilig gawin iyan para mapunta sa kaniya ang atensyon ko. Nandiyan na si Peter. Nakasilid ang mga kamay sa loob ng bulsa ng kaniyang pantalon. 'Yong kilos niya, ganoon pa rin. Parang walang bahid ng pagtatampo, maski ang ekspresyon ng mukha niya.

Itinaas-baba niya ang kaniyang kilay. "Tara na?" tanong niya gamit ang baritonong boses pero nakangiti ito.

Ngumiti muna ako na hindi labas ang mga ngipin. "Saglit lang." Ibinalik ko muli ang paningin ko sa pagsusuot ng sandals. Pinanood niya na lang muna ako sa ginagawa ko habang naghihintay. Hindi ko maiwasang hindi mailang at isipin ang mga nagawa ko noon.

Nakakahiya.

Pagkatapos kong gumayak, agad na akong tumayo at pinatay ang ilaw dito sa salas. Nagulat na lang ako na pagkalabas namin ng bahay, kinuha niya agad ang isang kong kamay. Bumaling ako sa kaniya para tanungin sana kung para saan iyon, pero agad niyang nakuha ang nais ipahiwatig ng mukha ko dahil ngiti ang isinagot niya sa akin. Mas lumawak ang ngiti niya nang ngumiti rin ako pabalik at kumapit din sa kamay niya. Hayaan ko na lang na pagbigyan siya sa gabing ito. Kailangan ko talagang bumawi.

Tahimik lang kaming naglalakad hanggang makarating kami ng waiting shed para mag-abang ng taxi. Sa pagsakay namin, wala pa rin nagsasalita hanggang ako na ang kusang bumigay.

"'Y-Yong tungkol sa nasabi ko noon, s-sorr—"

"Huwag mo nang isipin iyon kahit ngayong gabi lang."

Napalunok ako ng laway. Pero napatango na lang ako ng ulo bilang pagtanggap sa nais niya. Mukhang ayaw niyang pag-usapan ang naging sagutan namin noon. Napagdesiyunan kong iikot na lang ang paningin sa bintana pero agad ko siyang narinig na nagsalita.

"Pogi ba ako?"

Humarap ako sa kaniya at pinigilan ang sarili na matawa. Ngayon lang ako nagkaroon ng pagkakaton na pagmasdan siya, nakasuot kasi ito ng white na t-shirt at khaki pants. Napakasimple lang pero aaminin ko, ang lakas ng dating niya. Aakalaing parang hindi siya naghanda pero agaw pansin ang magaan niyang awra dahil nagpagupit ito ng buhok. Meron din nakasabit na silver na kuwintas sa leeg niya. "Puwede na."

Napasimangot ito nang lumingon siya sa akin. "Ang daya naman. Ikaw nga, maganda pero pagdating sa akin, puwede na? 'Yon lang?"

Natawa ako sa naging reaksyon niya. Nakasuot ako ngayon ng french square collar dress. Nagtugma pa ang suot namin dahil cream ito at hinayaan kong nakalugay ang aking mahabang buhok.

Sa isang sandali pa, napagtanto kong sa isang restaurant niya ako dinala. Hindi ako pamilyar sa lugar pero medyo malapit lang ito sa bahay. Pagkapasok namin, unang sumalubong sa amin ay ang nagkakaisang ingay ng nagbabanggaan na kutsara't tinidor at acoustic na music sa paligid. Sobra-sobra ang kabog ng dibdib ko nang agad kaming lumapit sa isang table na kung nasaan ang kaniyang mga magulang. Kung anu-ano ang nagsisilitawan sa utak ko. Naabutan namin silang nagkukuwentuhan at nagtatawanan. Halos gusto ko mang maihi dahil sa kaba. Hawak pa rin ni Peter ang kamay ko at batid kong ramdam niyang sasabog na ang dibdib ko dahil panay kasi siyang pisil ng kamay ko.

"'Pa, 'Ma," pagkuha ni Peter sa pansin ng dalawa.

Humarap sila sa amin at sabay na magiliw na ngumiti. Alanganin akong ngumiti. Pero parang unti-unting nalusaw ang kaba ko dahil sa mga ngiti nila. Ang gaan ng mga iyon at wala akong nababasang kahit anong negatibo rito. Hindi ko maiwasang hindi mapaisip na mga magulang ni Percy ay kaharap ko na ngayon. Pero ang pinagkaiba, hindi si Percy ang nagpakilala sa akin ng mga magulang niya, kun'di ang kapatid niya.

Hindi sa pagiging rude kay Peter pero mas gusto ko si Percy.

"Good evening po," magalang kong bati. Lumapit sa akin ang nanay ni Peter at hinawakan ang balikat ko para makapagbeso kami. Bumitaw na ako sa pagkakahawak ko kay Peter.

"Good evening din, hija. Nice to meet you. Iba rin pala humanap ng babae itong si Peter." Mapang-asar na tingin at ngiti ang ipinukol niya sa kaniyang anak. Bumaling ulit siya sa akin. "Nanginginig ka ba? Huwag kang kabahan. Hindi kami masasamang tao," pagbibiro niya at natatawa pa. Bahagya niyang hinimas ang braso ko at inilapit ako sa kaniya. Marahil napansin niyang kanina pa akong parang namumutla at hindi mapakali. "Huwag ka rin mahihiyang tawagin kaming Tita at Tito, okay?" Tumango ako. "Matagal na kaming pinipilit nitong ni Peter na makilala ka kaso, madalas kaming busy kaya sobrang saya namin na naging libre kami ngayon at nakapunta ka."

Ngumiti ako. Sunod, nakipag-kamay ako sa tatay ni Peter. "Tara na. Upo na tayo," pagyaya nito.

Tumabi ako sa tabi ni Peter na halos hindi mabura-bura ang mga ngiti.

"Gusto ka nila," bulong niya sa akin pero pilit na ngiti ang isinukli ko.

May tinawag ang Papa niya na waiter para sabihing dalhin na sa aming lamesa ang kanilang in-order kanina habang wala kami. Ramdam ko na welcome ako sa pamilya nila. Habang naghihintay, tinanong nila ako ng iba't ibang bagay para makilala pa nila ako nang husto. Nalaman ko rin na ako palang pala ang unang babaeng iniharap ni Peter sa mga magulang niya, bagay na mas dumagdag pa sa hiya ko. Pakiramdam ko, ako lang ang nag-iisang babaeng malapit ang loob sa kanilang anak. Hindi ko maiwaang hindi sila pagmasdan. Tulad ni Peter, simple lang sila. Hindi pormang-porma si Tito at wala rin make-up si Tita. Pero halatang mataas ang kanilang pinag-aralan base sa kung paano sila kahusay magsalita at gumalaw.

"Hija, balita ko nag-aaral ka pa rin daw?" tanong sa akin ni Tita.

Marahan akong tumango. "Opo. Malapit na rin po ako makapagtapos."

"Mabuti 'yon. Anong kurso kinuha mo?"

"Dentistry po."

Napaawang ang bibig ni Tita na nauwi sa isang ngiti. Nagkaroon ng liwanag ang mukha niya. Parang hindi siya makapaniwala sa sinabi ko. "That's great!" Bumaling siya sa kaniyang asawa. "Tando, pareho sila ng course ni Percy noon." Parang kuminang pareho ang mga mata nila ng kaniyang asawa nang banggitin nito ang pangalan ni Percy.

Ngumiti ako. "Actually, kaklase ko po siya." Nabahagiran din nila ako ng kaliwanagan ng mukha.

Idiniretso niya sa akin ang paningin niya nang sabihin ko 'yon. "Oh! Kumusta naman anak namin bilang kaklase mo? Maayos lang ba siya? Hindi naman siya basagulero? Tell me!" excited niyang sunod-sunod na tanong. Maging ako, nakaramdaman ng pagkasabik na magkuwento ng mga magagandang bagay tungkol kay Percy.

"Hindi po, siyempre!" kaagad kong sagot. "Kung alam niyo lang po, kung makakasama niyo po siya sa klase namin. Responsable, maasahan, matalino, mabait, palagiti at matulungin po siya."

Pansin kong halos nasa kalahati na agad ng baso ang tubig na iniinom ni Peter.

Mas lumawak ang ngiti ni Tita. "I'm happy to hear those adjectives."

"At balita ko, nagbabanda ka rin daw?" tugon naman ni Tito.

Tumingin ako sa kaniya. "Opo. Doon po kami nagkakilala ni Peter." Aksidente kong nasulyapan si Peter, doon ko nakitang seryoso na pala ang kaniyang mukha pero nang makita niya ako bahagya ko siyang sinilayan, ngumiti siya agad.

"Ang galing. Ang dami niyong similarity ng anak ko. Para kang si Percy. Pareho ang pangarap ninyong dalawa," masayang komento ni Tita. Kung alam lang nila, dahil sa magandang pagpapalaki nila sa anak nilang si Percy, nahulog ang loob ko rito.

Dumating na ang mga order namin. Hindi ko maintindihan kung bakit ang tahimik lang ni Peter. Habang kumakain, kinukuwentuhan nila akong mag-asawa tungkol kay Percy. Oo, tungkol kay Percy. Magmula no'ng nalaman nilang naging kaklase ko ito, hindi sila naubusan ng ikukuwento tungkol dito. Mula pagkabata pero hindi isinama kung paano ito namatay. Hindi na ako masyadong nagsasalita, tanging tango at simpleng salita ang mga naisasambit ko. Aaminin ko, gusto ko rin marinig ang mga bagay tungkol kay Percy, nagiging interesado rin ako pero sa tingin ko, hindi ito ang tamang oras na pag-usapan namin siya. Marahil hindi ko maintindihan kung bakit hindi sila nagkukuwento tungkol kay Peter, gayon ito ang dahilan kung bakit ako nandito ngayon.

"Maayos 'tong si Erin, Peter. Halatang hindi basta babae lang. Malayo ang mararating mo, hija." Parang hinaplos ang puso ko nang sabihin ni Tita iyon.

"Salamat po."

"Kaya ikaw, umayos ka. Matinong babae si Erin kaya dapat ikaw rin, matino. Tulad ni Percy, matino rin." Nakaturo ito kay Peter habang pinapangaralanan.

Tipid na tango at ngiti lang ang iginanti ng katabi ko. Pansin kong parang wala siyang kagana-ganang kumain.

"Sabi sa akin ni Peter, may sinalihan daw kayong malakihang competition ng mga kabanda ninyo. Magandang simula no'ng nakapasok kayo sa Top 40 kaya sana magtuloy-tuloy na," panimulang topic ni Tito.

"Sana nga po. Matagal na po namin pangarap iyon. Nakakakaba po," sambit ko.

"Kung buhay pa si Percy, hindi ka kakabahan."

Nagtataka akong lumingon kay Tita nang sabihin niya iyon. Tinitinidor nito ang broccoli na gulay sa plato niya. "Bakit po?"

Ngumiti siya sa akin. "Tulad ng sabi mo, magaling siya sa lahat ng bagay. Kung siya ang nagle-lead sa banda ninyo, siguradong kahit sa maliliit na competition sa school ninyo, mananalo kayo. Baka mas lalo kayong sumikat at hindi nalalaos gaya ngayon. Sobra kaming proud sa anak namin dahil sa dami niyang achievements. Matalino na nga, magaling pa."

Mula sa peripheral view ko, nakita ko ang kamao ni Peter na unti-unting kumukuyom sa ibabaw ng lamesa. Bumibigat din ang bawat paghinga niya. Sa isang iglap, nag-iba ang ihip ng hangin sa aming apat.

"Banyo lang po ako," bigla niyang sabat. Uminom muna siya at hindi na hinayaang sumagot ang mga magulang dahil umalis din siya agad sa lamesa. Sinundan ko pa siya ng tingin, malalaki ang bawat hakbang niya. Gusto ko siyang sundan para kausapin.

"Sayang. Ang dami niyang gustong marating sa buhay," pagtutuloy niya. "Kung nandito lang siya, habang buhay namin siya ipagmamalaki. Hindi kasi siya kagaya ni Peter, nasa gitna lang." Napakunot ako ng noo dahil sa lumabas sa bibig niya. "Hindi magaling, hindi mahina, marunong lang sa lahat ng bagay. 'Di hamak na mas maraming mararating si Percy. Dahil si Percy, magaling sa lahat ng bagay. Ewan ko ba naman diyan kay Peter, siya ang panganay pero mas nagalingan pa ni Percy. Paulit-ulit namin siyang sinasabihan na dapat lagpasan o pantayan manlang niya si Percy para hindi naman siya nakakahiya sa ibang tao pero wala pa rin siyang talab. Wala akong nakikitang improvement kaya parang wala siyang future. At naging talunan pa kayo no'ng siya ang naging leader ng banda niyo kaya malaki talaga epekto ang pagkawala ni Percy. Sayang talaga kayo."

Napaawang ako ng bibig. Hindi ako si Peter, pero ang sakit marinig ng mg salitang iyon.

Ngayon, alam ko na. Naiintindihan ko na kung bakit madalas napagkukumpara ni Peter ang sarili niya sa kapatid niya dahil maski mga magulang niya, ipinaparamdam ito sa kaniya. Ang dami ko nang napunang magagandang impression sa kanila, pero dahil mga sinabi ni Tita, nabahiran iyon. Dito pala nanggagaling si Peter. Hindi ko sukat akalain na hindi nila pinapansin na naapektuhan si Peter sa tuwing naririnig niya 'yong mga 'yon mula sa kanila. Hindi ko alam kung paano nakakayanan buhatin ni Peter ang mga masasakit na salita mula mismo sa mga magulang niya.

Nag-ipon ako ng hangin para mapalakas ang loob ko. "Kung alam niyo rin po, kahit hindi kami nananalo, napakaseryoso ni Peter dahil importante sa kaniya ang bagay na ginagawa namin. Saksi ako kung paano siya nagpupursigi, kung paano niya pinipilit maging mahusay, kung paano siya nagpupuyat, kung paano siya naghihirap." Pareho sila napalingon sa akin. "Minsan nakakalimutan niyang maging masaya. Dahil sa pinanghahawakan niyang isang bagay, 'yon ay maipagmalaki niyo siya bilang anak ninyo. Ang laking effort ang ibinibigay ni Peter para lang maramdaman niya iyon. Sana ma-appreciate niyo manlang siya kasi siya mismo, hirap-hirap siya kung paano niya ma-apppreciate ang sarili niya," matapang kong lintaya.

--------

Continue Reading

You'll Also Like

649 142 60
Daneliah Gian Perez was in the process of moving on from her ex-boyfriend when she got a message from an unknown number that contained a confession o...
22.5K 679 182
an epistolary collaboration ¦ completed 🎸 Musical instruments wield a powerful domination in one's life, especially for those who loves playing with...
Akala By zan

Teen Fiction

386 139 16
Miguel Aiman Kye Sarmiento o mas kilala bilang Mak ay isang binata na ang hangad lamang niya ay mapansin siya ng kanyang napupusuang dalaga na si Kei...
2.7K 164 59
an epistolary ; migo & dionne