Legend of Divine God [Vol 7:...

By GinoongOso

364K 66.7K 6.6K

Synopsis: Nagsulputan na ang mga bagong kalaban. Ang mga sikreto ay isa-isa nang naglalabasan. Hindi pa rin n... More

Legend of Divine God [Vol 7: Continental War]
Chapter I
Chapter II
Chapter III
Chapter IV
Chapter V
Chapter VI
Chapter VIII
Chapter IX
Chapter X
Chapter XI
Chapter XII
Chapter XIII
Chapter XIV
Chapter XV
Chapter XVI
Chapter XVII
Chapter XVIII
Chapter XIX
Chapter XX
Chapter XXI
Chapter XXII
Chapter XXIII
Chapter XXIV
Chapter XXV
Chapter XXVI
Chapter XXVII
Chapter XXVIII
Chapter XXIX
Chapter XXX
Chapter XXXI
Chaptet XXXII
Chapter XXXIII
Chapter XXXIV
Chapter XXXV
Chapter XXXVI
Chapter XXXVII
Chapter XXXVIII
Chapter XXXIX
Chapter XL
Chapter XLI
Chapter XLII
Chapter XLIII
Chapter XLIV
Chapter XLV
Chapter XLVI
Chapter XLVII
Chapter XLVIII
Chapter XLIX
Chapter L
Chapter LI
Chapter LII
Chapter LIII
Chapter LIV
Chapter LV
Chapter LVI
Chapter LVII
Chapter LVIII
Chapter LIX
Chapter LX
NOTE

Chapter VII

6.2K 991 112
By GinoongOso

Chapter VII: Arriving at the Beastman Kingdom(Part 1)

Payapa at tahimik ang karagatan habang ang «Raven» ay naglalayag patungo sa Beastman Kingdom. Maaliwalas ang paligid, malamig ang simoy ng hangin at mahihina ang alon ng karagatan; walang nagbabadyang bagyo at walang malakas na vicious beast ang humaharang sa kanila na maaaring makasagabal sa kanilang paglalakbay sa karagatan.

Mag-iisang linggo na mula nang lisanin nina Finn ang isla. Ilang araw na lang ay mararating na nila ang kaharian ng mga beastman.

Bago umalis sa isla, binigyan din ni Finn ng regalo sina Marayon, Monroe at Tortol. Binigyan niya ng mga Foundation Arts at Heaven Armaments ang mga ito gaya ng ginawa niya sa kaharian ng mga beastman. Kailangan niya ng malalakas na kakampi, pero, gaya ng kanyang paalala kina Eregor, pinaalalahanan niya rin ang mga ito na huwag abusuhin ang Foundation Arts at mga kayamanang ibinigay niya sa kanila.

Binigyan din ng binata ang grupo nina Meryan at Reiyan ng Foundation Arts at mga kayamanan. Kakailanganin niya rin ang lakas ng mga ito, at isa pa, nangako siyang hindi niya tatratuhin ng masama ang kanyang mga kasama sa paglalakbay.

Samantala, sa kasalukuyan, ang ilan sa kanila ay nasa ibabaw ng «Raven», lumalasap ng sariwang hangin habang ang iba naman ay nagkakasiyahan, nagbabantay at nagsasanay.

Sina Gris at Gin ay nagsasanay sa loob ng silid pagsasanay. Sina Madison at Elena ay nasa salas habang abala sa kanilang pagninilaynilay. Sina Seventh, Zivalgo at ang grupo ni Meryan ay nagbabantay sa paligid ng «Raven» upang abangan kung mayroong nalalapit na panganib habang ang grupo nina Reiyan ay nag-aaral pa rin ng tamang paraan ng pagpapanday.

Tungkol kina Mason, Zed, Crypt at Grey, wala na silang ginawa kung hindi kumain ng mga pagkaing niluluto ni Python. Gumagaling na si Python sa pagluluto, at sumasarap na rin ang kanyang mga luto kaya naman tuwang-tuwa ang ibang miyembro ng Dark Crow.

Sa kabilang banda, si Finn ay taimtim na pinagmamasdan ang karagatan. Mapapansin na malalim siyang nag-iisip, at kitang-kita iyon sa kanyang mga mata.

Dahil sa kanyang pagtitig sa kawalan, hindi niya napansin na umahon na sina Emilia at Melissa mula sa karagatan. Nagtatawanan ang magkaibigan habang sila ay masayang lumalangoy at sumasabay sa pag-andar ng «Raven».

Napatigil lang sila sa pagtatawanan nang mapansin nila ang katahimikan at ekspresyon ni Finn. Nagkatinginan ang dalawa at agad silang lumipad at tumabi sa binata.

Sumandal din si Melissa katabi ni Finn habang si Emilia ay lumulutang lang sa tabi niya. Pinagmasdan ng dalawa ang mukha ng binata, at medyo nagulat sila dahil napagtanto nilang hindi man lamang sila napansin nito.

“Kung aatakihin pala kita nang palihim, hindi mo mamamalayan,” pabirong sabi ni Melissa upang makuha niya ang atensyon ng binata.

Natigilan si Finn, napahinto siya sa malalim na pag-iisip at napatingin siya sa dalawa na kasalukuyang nakatitig sa kanya. Napakamot na lang ang binata sa likod ng kanyang ulo at nahihiyang ngumiti.

“Nariyan na pala kayo,” natatawang sabi ni Finn. Muli siyang bumaling sa karagatan at nagtanong, “Mayroon bang nalalapit na panganib sa atin?”

Umiling si Melissa at tumingin muli sa karagatan, “Wala naman. Tsaka hindi mo na kailangang mag-alala pa. Napapalibutan tayo ngayon ng mga vicious beast na kaibigan namin ni Emilia. Walang aatake sa atin lalo na’t pinoprotektahan nila tayo mula sa ilalim.”

Tumango si Emilia bilang pagsang-ayon at nagtungo siya sa kanan ni Finn.

“Ang kailangan na lang nating bantayan ay ang mga vicious beast sa itaas. Pero, mukhang wala rin naman silang balak na umatake dahil sa aura na nakapalibot sa atin. Mukhang natatakot sila sa presensya natin,” dagdag pa ni Emilia.

Tumango na lang ang binata at muling natahimik. Hindi na nakayanan ng dalawa ang kanilang kuryusidad. Nagkatinginan sila at agad na tinanong ang binata.

“Mukhang malalim ang iniisip mo… mayroon ka bang problema, Finn?” tanong ni Emilia.

Hindi sila sanay sa ganitong katahimikan ng binata. Nakararamdam sila ng pag-alala kaya hindi nila mapigilang tanungin si Finn tungkol dito.

Bahagyang ngumiti si Finn kay Emilia at bumuntong-hininga, “Wala naman. Naiisip ko lang ang aking mga magulang sa Ancestral Continent. Mag-dadalawang taon na mula nang huli ko silang makita, at gusto ko na silang makita upang malaman kung ayos lang ba ang kanilang kalagayan.”

Huminga ng malalim si Melissa at matamis na ngumiti, “Sigurado akong ayos lang sila. Walang sinuman sa kontinenteng iyon ang mangangahas na saktan o kalabanin ang iyong pamilya lalo na’t protektado kayo ng Adventurers Guild doon at ng iyong dalawang protektor.”

“Sigurado akong maunlad na ang inyong Craftsman Alliance at marami nang may utang na loob sa inyo.”

Sinulyapan ni Finn si Melissa, at bahagya siyang tumango. Tiwala siya kina Leonel at Loen. Alam niyang walang makapapantay sa lakas ng mga magulang ni Eon sa Ancestral Continent, pero, bilang malayo siya sa kanila, hindi niya pa rin mapigilang mag-alala.

“Salamat,” giit na lang ni Finn.

Tumango sina Emilia at Melissa. Napansin nila na kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam ng binata. Natuwa sila kaya naman matamis silang napangiti.

“Pagkatapos nating talunin ang Imperyo ng Rowan at Holy Church, makababalik ka na sa iyong pamilya,” sabi ni Melissa at ngumiti.

Mas naging determinado ang ekspresyon ng binata at tumango siya, “Magiging matagumpay tayo. Ang ating hangarin ay magtatagumpay. Hindi na rin ako makapaghintay na matapos ito dahil marami pa akong nais gawin at planuhin pagkatapos nito.”

Tumango-tango ang dalawa bilang pagsang-ayon. Gaya ng binata mayroon din silang pinaplano, ganoon pa man, hindi pa buo ang kanilang loob dahil nag-aalinlangan pa sila. Sa ngayon, itutuon muna nila ang kanilang atensyon sa malaking gulo na kanilang papasukin. Kailangan nilang makidigma, pero, kailangan din nilang mabuhay upang makasama pa nila ang kani-kanilang magulang at pamilya.

“Bakit hindi natin bisitahin muna sina Python? Siguradong hanggang ngayon ay nagkakasiyahan pa rin sila,” alok ni Finn sa dalawa.

Nagkasundo ang tatlo kaya agad din silang nagtungo sa kinaroroonan nina Python. Nang makarating sila, nadatnan nila ang mga ito na kumakain pa rin. Wala na roon si Crypt at ang natira na lang ay sina Python, Zed, Mason at Grey.

“Akala ko kasama n’yo si Crypt kanina? Asan na siya?” tanong ni Melissa sa apat.

Nagpatuloy sa pagkain sina Zed, Grey at Python habang si Mason lang ang bumaling kay Melissa. Ibinaba niya ang mangkok niyang hawak at tumugon, “Gusto niyang hamunin sa isang duelo sina Kapitan at Second. Tinukso kasi siya nina Zed at Grey na hindi siya makatatagal kina Kapitan at Second kapag kinalaban niya ang sinuman sa dalawa.”

Kunot-noong tiningnan ni Melissa sina Zed at Grey na abala pa rin sa pagkain. Hindi siya pinapansin ng mga ito na para bang isa lang siyang hangin.

Hindi na rin pinagtuunan pa ni Melissa ng pansin ang dalawa. Nasanay na rin siya sa mga ito, at kilala niya na rin si Crypt. Alam niyang hindi hinamon ni Crypt sina Gin at Gris sa laban dahil gusto nitong higitan ang mga ito, gusto lang nitong alamin ang kasalukuyan niyang lakas.

Napabaling na lang si Melissa kay Finn na kasalukuyang nakatingin sa isang putahe na kinakain nina Zed. Napansin niyang nakakunot ang noo ng binata. Ang pagkaing tinitingnan ng binata ay isang sinabawang asul na kabute. Pamilyar kay Melissa ang kabuteng iyon, pero, hindi niya alam kung ano ang tawag dito at kung ano iyon. Ang alam lang niya, maraming ganoon sa ilalim ng karagatan. Kinakain nila ang kabuteng iyon at nasasarapan sila sa lasa noon.

Noong magtatanong na sana si Melissa kung ano ang problema, naunahan siya ng binata na magsalita.

“Sandali lang… Hindi ba’t Seawater Mushroom ang inyong kinakain..?” nakangiwing tanong ni Finn sa tatlo.

Agad na bumaling si Python kay Finn. Dinalhan niya ang binata ng isang mangkok at sabik na sabik siyang nagsalita, “Sss. Hindi ko alam ang tawag dito, pero, ibinigay ito sa amin ng mga batang merfolk bilang regalo. Sss.. Niluto ko lang siya ngayon, at ang masasabi ko lang ay talagang napakasarap nito. Subukan mo, Finn!”

Agad na tumango sina Grey, Zed at Mason. Makikita ang pagsang-ayon sa mukha ng tatlo habang si Finn naman ay nakangiwi pa rin at komplikado ang tingin sa asul na kabuteng lumulutang sa sabaw sa mangkok.

Agad-agad na umiling ang binata at tinanggihan ang pag-aalok ni Python. Huminga siya ng malalim at nakangiwi pa rin siya noong tumingin siya kina Zed.

“Hindi dapat kayo kumakain ng mga bagay na hindi n’yo pa alam kung ano… lalo na kayong tatlo, Grey, Zed at Mason,” sabi ni Finn habang umiiling-iling. Bigla na lang natawa si Finn. Pinagmasdan niya ang naguguluhang ekspresyon ng tatlo at umiling-iling.

Nagpatuloy pa rin sa pagkain sina Grey at Zed habang si Mason ay hindi na itinuloy ang pagkain. Nakaramdam siya ng kaba kaya naman agad niyang tinanong si Finn.

“Bakit, Finn? Mayroon bang problema sa pagkain ng ah… Seawater Mushroom? Sabi ng mga batang merfolk ay hindi lason ang mga ito at ito ang kanilang kinakain noon,” giit ni Mason.

Huminto si Finn sa pagtawa. Umiling-iling pa rin siya at nagsimulang nagpaliwanag, “Sa mga merfolk, ang kabute na ‘yan ay hindi lason. Pero, sa gaya nating mga tao, lason ang mga iyan. At sa nakikita ko, mukhang marami kayong kinain kaya kailangan n’yong maghanda sa epekto niyan.”

Natigilan sina Zed at Grey sa pagkain. Muli silang napatingin kay Finn at napaluwa nila ang kanilang nginunguyang kabute. Agad nilang ibinaba ang hawak nilang mangkok. Nakaramdam sila ng kaba dahil sa mga sinabi ni Finn.

“A-Ano’ng ibig mong sabihin, Kaibigang Finn..? Sa tingin mo ba ay maniniwala kami sa’yo na lason ito gayong tumatawa ka?” nagmamatapang ngunit nangangambang hayag ni Zed. Bumakas ang pagmamalaki sa ekspresyon ni Zed at nagpatuloy, “Isa pa, mga Heaven Rank kami, hindi na kami tatablan ng ganitong uri ng lason!”

“Oo nga! Hindi kami pipitsuging adventurer lamang kaya wala nang talab ang kung ano mang lason na ito sa amin!” pagsang-ayon ni Grey pero kahit siya ay kinakabahan na rin.

Nang-aasar na tiningnan ni Finn ang dalawa at muling nagpaliwanag, “Iyon ang dahilan kung bakit ako natatawa. Mga Heaven Rank na kayo kaya hindi na masyadong malala ang epekto sa inyo ng lason na iyan.”

“Alam naman natin na bawat pagkaing kinakain natin ay nagiging enerhiya, at ang dumi nito ay inilalabas ng ating katawan. Bilang adventurer na may mataas na antas, hindi na natin kailangang dumumi kahit kumakain pa tayo ng marami dahil madali na lang sa atin na gawing enerhiya iyon. Hindi sinusunod ng katawan natin ang katawan ng mga ordinaryong tao o nilalang.”

“Pero, mayroon pa ring ilang sirkumstansya kung saan kahit ang mga katulad nating Heaven Rank adventurer ay nakararanas ng pagdudumi—at isa na roon ang pagkain ng lason. Normal na pagkain lamang iyan sa mga merfolk, habang si Python na may dugo ng ahas ay hindi gaanong tatablan niyan.”

“Pero, sa sitwasyon n’yo, maaapektuhan pa rin kayo ng lason na iyan na maaaring maging dahilan ng—”

Growl!

Biglang napahinto si Finn sa pagsasalita. Narinig niya ang pag-atungal ng tiyan ni Grey, at napansin niyang pinagpapawisan na ito. Nakaramdam siya ng pangamba kaya agad niyang tinakpan ang kanyang ilong.

Pfffft!

Pagkatapos ng nakaruruming tunog, isa namang nakamamatay na amoy ang umalingasaw sa lugar. Namula sina Emilia at Melissa. Agad silang tumalon at sumisid sa tubig upang makaiwas mula sa nakakasukang amoy.

Kumaripas naman ng takbo si Grey, at habang siya ay tumatakbo pababa sa «Raven», nag-iiwan siya ng nakakasulasok na amoy na daig pa ang amoy ng naaagnas na bangkay. Sumunod kay Grey sina Zed at Mason na parehong nakahawak sa kanilang puwetan. Sobrang putla na ng kanilang mukha, at sobra na silang namamawis habang nag-iiwan din sila ng nakakasulasok na amoy.

Gustong humalakhak ni Finn sa kanyang mga nasaksihan, pero, hindi siya makahinga at ang magagawa niya na lang ay takpan ang kanyang ilong at bibig habang ipinapapaypay ang libre niyang kamay. Ganoon din ang ginagawa ni Python na naiwan kasama ang binata.

Nakaramdam siya ng hiya at pangamba. Sigurado siyang pag-iinitan siya ng tatlo pagkatapos ng kanilang pagdurusa.

Nakaramdam si Finn ng awa sa tatlo, siguradong ilalabas nila ang lahat ng kanilang kinain, at siguradong hindi maganda ang magiging pakiramdam nila pagkatapos.

Napabaling si Finn kay Python, at nakita niyang nagmamakaawa ang mga mata nito.

“Sss.. Finn… may paraan ka ba para agad na gumaling ang tatlong iyon..?” halos pabulong na tanong ni Python.

Napabuntong-hininga si Finn at agad na naglabas ng cauldron. Ibinuka niya ang kanyang bibig at nagwika, “Ano pa nga ba? Malapit na tayo sa kaharian ninyo, at hindi naman kaaya-aya kung may kasama tayong nasa ganoong sitwasyon.”

Napatawa na lang si Finn at tinapik niya sa likod si Python, “Bilang Soul Chef, dapat inaalam mo muna ang bawat sangkap na iyong ginagamit sa pagluluto. Masuwerte tayo dahil malalakas na kayo… pero kung nasa Sky Rank lang kayo tapos gano’n karami ang nakain nila, marahil hindi na sila makaaabot sa inyong kaharian.”

Natahimik si Python at nakaramdam siya ng pagsisisi. Ganoon pa man, natawa rin siya sa loob-loob niya dahil sa nangyari sa tatlo. Pero, siyempre, hindi pa rin mawawala ang pag-aalala niya. Siya ang dahilan kung bakit umabot sa ganoon ang tatlo, at siguradong babawiian siya ng mga ito.

“At oo nga pala,” muling nagsalita si Finn. Inilabas niya ang kanyang alchemy flame at makahulugang nagwika, “Babayaran mo ang lahat ng sangkap na magagamit ko pero h’wag kang mag-alala, hindi na kita sisingilin para sa aking serbisyo.”

Napatitig si Python kay Finn. Mas lalo siyang nanlumo ganoong bukod sa kayamanang ibinigay sa kanya ng binata, kakaunting kayamanan lamang ang personal niyang pag-aari. Para bang nadurog ang kanyang puso habang iniisip na maaaring masimot ang kanyang natitirang mga kayamanan.

Makalipas ang ilang araw…

Sa malaki at kaisa-isang daungan sa kaharian ng mga beastman, biglang na-alerto ang mga kawal nang may mamataan silang pigura ng barko na patungo sa kanilang daungan.

“Isang barkong pandigma sa hilaga ang aking namataan na papalapit sa daungan! Inuulit ko, isang barkong pandigma sa hilaga ang aking namataan na papalapit sa daungan!” sabi ng animo’y taong-agila na nasa taas ng tore.

Narinig ng mga kawal sa baba ang sinabi ng taong-agila. Agad silang pumwesto habang ang isang taong-gorilya ay inihahanay ang mga kawal na may hawak ng pana at palaso. Mayroon ding malalaking crossbow ang inihanda, at lahat sila ay nakatutok sa hilaga kung saan itinuturo ng taong-agila.

Bumaba ang taong-agila mula sa tore at tumabi sa taong-gorilya. Seryoso ang kanilang ekspresyon at naghanda sila sa mga mangyayari.

“Maaari kayang ang taong tinutukoy ng Kamahalan ang nasa barkong pandigma na ‘yan?” tanong ni Resun, ang taong-agila.

“Marahil oo, marahil hindi,” sagot naman ni Osuar. “Noong tinipon kami ng Kamahalan, pinaalalahanan niya kaming maaaring magmula sa lupa, himpapawid o karagatan ang taong nagngangalang Finn Doria. Mahigpit na ipinag-uutos ng Kamahalan na sa oras na may mapadpad sa ating binabantayan, h’wag tayong aatake agad hangga’t hindi natin nalalaman ang kanilang hangarin sa ating kaharian.”

“Sa makatuwid, kailangan pa rin nating mag-ingat dahil may posibilidad pa rin na mga kalaban ang nakasakay sa barkong pandigma na ‘yan,” seryosong dagdag ni Osuar.

Tumango si Resun at matalim na tumitig sa barkong may layo pa ng ilang kilometro sa kanila. Naghintay sila sandali, at nagulat na lang sila nang bigla na lamang may lumitaw na binata sa ilang metro ang layo sa kanila.

Hindi sila makapaniwala at hindi nila lubos na maintindihan kung paanong nangyari na lumitaw ang binata sa kanilang harapan. Napakabilis ng pangyayari, at hindi na sila nakakilos noong bigla na lamang itong nagpakita sa kanila.

Agad na naglabas si Resun ng crossbow at itinutok niya ito sa binata, pero, agad siyang pinahinto ni Osuar.

“Sandali!” sigaw ni Osuar upang pigilan ang iba pa na itutok ang kanilang mga armas sa binata. Pinagmasdang mabuti ni Osuar ang hitsura ng binata, at naglabas siya ng isang naka-rolyong papel na naglalaman ng larawan ni Finn.

Napatitig muli siya sa binatang nakangiti sa kanyang harapan, at napabaling din siya sa larawan na nasa papel.

Itinago ni Osuar ang papel at bahagyang yumuko, “Ginoong Finn Doria, hinihintay na ng Kamahalan ang inyong pagdating.”

Nakahinga ng maluwag si Finn at nagsalita, “Akala ko ay kailangan ko pang ipaliwanag ang aking sarili. Pero, mukhang hindi na pala kailangan.”

“Mayroon akong kasamang mga kaibigan, at nais naming makausap si Haring Eregor tungkol sa mahahalagang bagay, maaari ba ‘yun, mga Ginoo?” nakangiting tanong ni Finn sa dalawa.

--

Continue Reading

You'll Also Like

375K 72.9K 62
Dahil sa pagkapanalo ng New Order Alliance sa malaking digmaan, ang Dark Continent ay nakatakda nang mabago at magkaisa. Tapos na ang misyon ni Finn...
871K 58.5K 33
Discovering an abandoned town in the middle of a forest, Odeth is transported to a time when the ghost town was alive, but as someone else--Olivia Va...
137K 9.4K 48
COMPLETED [Volume 1] Mythical Hero: Age of Wonder | Ang Paglalakbay sa Hilaga Sa mundo kung saan ang mga malalakas lamang ang tanging nabibigyan ng p...
933K 91.9K 102
Tapos na ang kaguluhan sa Ancestral Continent. Pero, hindi ibig sabihin nito ay tapos na ang pakikipagsapalaran ni Finn Doria. Simula pa lang ito ng...