DIS #2: The Right Ones

By TheMargauxDy

11.4K 592 256

DAYLIGHT IN SAN GUEVARRA SERIES BOOK 2 Payapa na ang buhay ni Badet. Nakapagtapos na siya ng pag-aaral at may... More

TRO
Kabanata 1
Kabanata 3
Kabanata 4
Kabanata 5
Kabanata 6

Kabanata 2

1.3K 97 43
By TheMargauxDy

KUNG saan-saan lumilipad ang tingin ni Bernadette. Hindi niya magawang i-focus ang mga mata kay Trent gawa ng naiilang siya rito. Kahit maluwang naman ang sasakyan ng lalaki, parang kinakapos siya ng hangin.

     "Is it too cold?" rinig niyang anas ni Trent.

      Mabilis niyang tinapunan ng tingin ang huli at saka tila napahiyang ibinaba ang mga braso. Yakap-yakap niya kasi ang sarili sa hindi malamang dahilan.

      "H-hindi," nauutal na sagot ni Bernadette. Kung mayroon mang dapat lamigin, si Trent iyon. Papaano'y topless ito! Basang-basa kasi ang dami nito at wala itong extra shirt na dala.

      Madalas naman siyang makakita ng mga pandesal sa TV at magazine, pero iba pala kapag personal na. May pagkamoreno si Trent kaya medyo tustado ang mga pandesal nito. Bahagya niyang inalog-alog ang ulo at lalo pang ibinaling ang mukha sa ibang direksyon. Hindi kaya ng konserbatibo niyang pagkatao. Pakiramdam niya, gumagawa siya ng isang malaking kasalanan sa tuwing dumadaplis ang tingin niya sa abs ni Trent.

      Lord, patawarin N'yo ho ako. Hindi ko sinasadyang makasaksi ng kasalanan, Lord, piping dasal ni Bernadette.

      Gusto raw siya kasi nitong kausapin. Pupuwede naman sana roon sa loob ng Bistro & Coffee, kaso nga'y natapunan niya ito ng malamig na juice. Hindi naman niya sinabing mag-ala bold star ang lalaki at hubarin ang pang-itaas nito, ngunit nanlalagkit daw ito. Napangiwi siya. Malagkit nga naman din kasi talaga ang orange juice. Maski ang likod niya'y nanlalagkit pa rin kahit nakapagpalit na siya ng damit. Kaya 'yon, pumayag siyang makipag-usap sa kotse nito kahit pa alam naman na niya kung bakit siya nito sinadya roon.

     "It's been years," rinig niyang panimula ni Trent matapos ang pagdaan ng ilang minutong katahimikan sa pagitan nila. Bumuntonghininga ito. Ramdam niya ang pagtitig nito sa kaniya kahit sa iba siya nakaharap. "I'm glad na nagkita tayo ulit. Nag-aaral ka pa yata noong huli kitang nakita."

      "O-oo nga . . . po." Bantulot niyang dinagdag ang "po". Halos pigilin din niya ang paghinga. Naamoy niya ang orange juice, pero mas nangingibabaw pa rin sa sasakyan ang amoy ng mukhang mamahalin nitong pabango.

      "Na-bore na ako sa Amerika kaya nag-decide akong umuwi na lang dito sa San Guevarra at dito ilipat ang negosyo ko. Lolo Alonzo seemed to be very pleased with my decision," patuloy nitong kuwento. "Matagal na kasi niyang gusto na makapiling ang halos lahat ng apo niya rito sa province. Brent and Lauren are here already . . . ako na lang."

     Hindi niya alam kung bakit nagkukuwento ito sa kaniya. Hindi naman sila close ng lalaki. Ni hindi nga niya alam kung may fiancée na ito o maski girlfriend. Basta ang alam niya, mapaglaro ito pagdating sa mga babae. Isa pa, sa hitsurang iyon ni Trent, walang magkakagusto? Lahat nga yata ng kababaihan sa San Guevarra ay nagkandarapa sa magkapatid na Esplana, sadyang naunahan lang ang mga ito ng ate niya kay Brent. Iba rin ang kultura sa Amerika kaya imposibleng wala itong nobya ngayon. Hindi na nga rin siya magugulat kung model, artista, o beauty queen ang girlfriend nito. Mukha naman din kasing mataas ang standards ng lalaki.

     E, ba't mo naman pinoproblema kung may karelasyon si Trent o wala? Labas ka na ro'n, ukil ng isang bahagi ng kaniyang isip.

     Totoo naman. Bakit ba niya iniisip iyon?

     Bahagyang umalog ang sasakyan, sunod niyang narinig ang pagbukas ng pinto sa driver's seat. Paglingon niya, nakita niya si Trent na confident na naglalakad, sa ilalim ng tirik na tirik na sikat ng araw, papunta sa . . . side niya?

     Kumunot ang noo ni Bernadette nang tumigil at dumukwang ito sa labas ng kotse nito. Marahan nitong kinatok ang salamin, nagtataka man sa trip ng lalaki ay ibinaba iyon ng dalaga. Tila shooting sa isang pelikula na natigil sa ginagawa ang mga tao upang panoorin si Trent. This man was indeed a sight. Hindi niya masisisi ang mga kababayan niya.

     "A-ano'ng ginagawa mo? M-mainit," hindi magkandautong saad ni Bernadette kay Trent. Nahihiya rin siya dahil mamaya ay mag-isip ng kung ano ang mga nakakakita sa kanila. Isipin pa ng mga ito na may namamagitan sa kanila lalo pa't lumabas na walang pang-itaas ang lalaki.

     Itinukod ni Trent ang magkabilang siko sa nakabukas na bintana ng passenger seat. "Kanina pa ako nagsasalita nang nagsasalita, pero dito ka lang nakatingin. Were you even listening to me? Ano ba meron dito sa side na 'to?" Bahagya itong lumayo at sinitsitan ang mga magsasakang nasa kabilang kalsada. Palayan kasi ang kaharap ng Bistro & Coffee. Pag-aari rin ng pamilya ng boss niya.

     "Señorito Trent, pumasok na po kayo," aniya, ngunit nagpatuloy ito sa pagtawag sa mga lalaking abala sa pag-aani.

     "Mga manong! Kuya, kuya!" Nang tumingin ang mga ito kay Trent ay itinuro siya nito. "Isa ba sa inyo ang boyfriend niya?"

     Nanlaki ang mga mata ni Bernadette. Parang sinilaban ang magkabila niyang pisngi. "H-hoy, Señorito! Ano bang pinagsasabi mo riyan? W-wala akong nobyo sa kanila!" Tinangka niyang hilahin ang binata, pero ni hindi ito natinag. "Pumasok na kayo rito, please."

     Sukat sa sinabi ni Trent ay nagsibabaan ang tingin ng mga lalaki sa kaniya. Kuntodo naman siksik si Bernadette sa backrest upang maitago ang sarili, ngunit ang magaling na Trent Esplana, gumilid pa para lalo siyang humantad sa mga ito. Ay, talaga naman! Kung kaya niya lang talaga itong tirisin, naku! Ilang taon itong nawala sa San Gueverra, 'tapos babalik nang ganito?

     "Ah, si Badet ho ba iyan?!" rinig niyang sigaw ng isa.  Malawak-lawak kasi ang kalsada kaya kinakailangang lakasan ang boses upang magkarinigan.

      "Oho, si Bernadette po. Bernadette Palma," ganti naman ni Trent. At talagang sinabi pa ang buo niyang pangalan? "Ayaw kasi ako kausapin, e. Sa inyo lang nakatingin. Girlfriend n'yo ho ba? O nililigawan ninyo?"

     "Ah, hindi ho, ser! Hindi ho!" sagot naman ng isa pa.

     Malakas na natawa ang isa pang kasama ng mga ito. "May mga asawa't pamilya na po kami, ser. Baka kulang lang po sa lambing iyang kapatid ni Ada!"

     Ibig nang lumubog ni Bernadette sa kinauupuan at magpakain sa lupa. Itinakip niya ang collar sa kalahati ng mukha kasehodang malagyan iyon ng lipstick—na para bang maitatago pa niyon kung sino siya.

     "Gelpren n'yo ba si Badet, ser?!"

     Nangatal ang buong pagkatao ni Bernadette nang marinig iyon. Hindi ba naisip ni Trent na maaring panimulan ng tsismis ang pinaggagagawa nito? Abnormal talaga! Iluluwa na sana ni Bernadette ang ulo sa bintana para sabihing mali ang iniisip ng mga ito, ngunit imbes na sagutin ang tanong, bumalik sa pagkakadukwang sa bintana si Trent. Tuloy ay napaurong siya dahil kamuntikan nang bumangga ang mukha niya rito. Muntik na niya itong mahalikan! Dios mio! Natutop niya ang bibig.

      Ngingiti-ngiting ginalaw-galaw nito ang mga kilay. "Are you my girlfriend daw ba?"

     Ipupusta niya ang lahat ng sira-sirang pantalon ni Ton-ton na singpula na siya ng kamatis nang mga sandaling iyon. Nilabas niya ang kamay sa binata at buong lakas na iginilid ang lalaki.

     "Aba'y iba nga rin talaga ang mga Palma, ano?" ang narinig niyang sinasabi ng isang magsasaka sa kasama nito.

     "Naku, mga manong, pasensya na ho! Hindi ho niya ako nobya! Hindi po. Wala akong nobyo, wala po!" paglilinaw ni Bernadette habang winawasiwas ang mga palad sa ere. "Wala po kaming relasyon o ano man ng lalaking 'to!"

     Laking pagsisisi talaga ni Bernadette na inamin niya noon kay Trent na crush niya ito. Pero bata-bata pa siya noon! Walang karanasan sa kahit ano, malay ba niya na dapat pala secret lang ang mga ganoong bagay. E, tinanong siya nito, e! E di umamin siya. Ang kaso, ang hudyo, matapos siyang paaminin ay tinawanan lang siya at sinabihan ng, "You're too young for my liking, Badet". Totoo naman. Walong taon ang agwat ng mga edad nila kung hindi siya nagkakamali, ngunit kung umakto ito, parang mas bata pa sa Ate Ada niya.

     Pero naka-move on naman na siya. Matagal na. Puppy love lang naman din iyon, e. Kaya ano'ng trip ng lalaki na 'to ngayon?

     "Señorito, pumasok na po kayo rito, please." Pinagdaop ni Bernadette ang dalawang palad at kuntodo makaawa na sa lalaki. Hiyang-hiya na talaga siya. Baka makarating na iyon sa inay niya.

     Sumeryoso ang anyo nito. "I don't like it when I'm talking to someone and they're not looking at me. Para akong nakikipag-usap sa hangin. So when I talk to you . . ."—lalo nitong ibinaba ang ulo para magpantay ang kanilang mga mukha—"wala kang ibang titingnan kundi ako, understand?"

     Sunod-sunod ang ginawang pagtango ni Bernadette. "Yes po, basta pumasok na po kayo, please? Kanina pa nila tayo pinagtitinginan."

     Bumalik ang pilyong ekspresyon ng mukha nito. Nakangising bumalik ito sa driver's seat. Gusto niya itong sapakin. Puwede naman nitong sabihin iyon sa kaniya, e. Bakit kailangan may ganoong pa-effect pa?

     Tumikhim ito. "So, where were we?"

     Napalunok siya. "P-puwede ba tayong umalis dito m-muna?"

     "Saan tayo pupunta?"

     "K-kahit saan, basta huwag muna rito. Hiyang-hiya na talaga ako," anas niya sabay yuko at takip ng dalawang palad sa mukha. Paniguradong laman na siya ng usapin ng mga kapitbahay nila bukas.

     Tila naaaliw namang tumawa si Trent, pero pinasibad din naman ang sasakyan. Dahil wala nga naman siyang sinabing lugar, dinala siya nito sa mansion ng pamilya nito.

     "Bakit dito?" nagtatakang tanong niya rito.

     "Sweetie,  I can't go around town half-naked. Unless you want me to?" Sinenyasan nito ang dalawang guard na nakabantay sa tila toreng gate ng mansion. "Good afternoon, Sirs."

     Napalabi si Bernadette. Muling gumapang ang init sa mga pisngi niya nang tawagin siya nitong "sweetie".

     Hoy, gaga! Normal lang ang ganiyang tawagan sa Amerika. Gumising ka, paalala niya sa sarili.  

     Nang mag-park ito, nakita niya ang kotse na ginamit nina Ada at Raye kanina. Ibig sabihin ay nakabalik na ang mga ito sa mansion. Kumabog ang dibdib niya. Hala, uy! Baka pag-isipan ako nang hindi maganda ni Ate!

     Naunang umibis ng sasakyan si Trent. Akmang bubuksan na sana ni Bernadette ang pinto nang maunahan siya nito. "After you."

     "Salamat," aniya, ngunit sa halos pabulong na boses. Baka mga daga lang ang nakarinig sa sinabi niya.

     Habang naglalakad sila papasok sa magarbong mansion ng mga Esplana, nananalangin na lang si Bernadette na kung sakali mang makita sila ng kapatid o ng kahit na sino ay may suot nang damit si Trent.

     Nanatiling nakatitig lang sa kremang marmol na sahig si Bernadette habang tahimik na sinusundan si Trent. Kahit ilang beses na siyang nakakapunta sa mansion, parati pa rin siyang nalulula sa laki niyon. Para siyang nasa isang palasyo. Pero lagi siya dapat nakadikit kay Ada o kaya kay Raye o sa kung sino man, kung hindi ay tiyak na maliligaw siya. Kailangan niya na yatang mag-request ng map sa ate niya.

     Nagsimula na siyang mag-isip ng mga sasabihin sa ate niya kung sakali mang masaktuhan sila nito sa ganoong tagpo. Dahil okupado ang isip, sumunod lang din siya kay Trent nang baybayin nito ang hagdan.

     "Sasama ka ba sa kuwarto ko?" kunot-noong tanong ni Trent sa kaniya. Kapagkuwa'y sumilay ang isang ngiti sa mga labi nito. "Puwede naman."

     Napaurong si Bernadette. "Ha? Hindi, hindi! A-ano, hindi k-ko lang kasi alam ang pasikot-sikot sa mansion." Napaurong siya nang ilang hakbang at akmang bababa na nang makita niya ate niya sa paanan ng hagdanan. Kasunod nito ang asawa na si Brent habang nasa likuran din ng mga ito si Raye na hawak-hawak naman sa kamay ang apat na taong gulang na si Addy.

     Impit na napatili si Raye. Saglit na nagpalipat-lipat sa kanila ni Trent ang tingin nito, pero nanlaki ang mga mata nito sa dibdib ng binata, tila sinisiguro kung tama ba ang nakikita na walang pang-itaas si Trent. Kapagkuwa'y nagmamadali nitong kinarga ang panganay nina Ada at Brent at saka tinakpan ang mga mata.

     "Ang programang ito ay Rated SPG. Striktong patnubay at gabay ng magulang ang kailangan. Maaaring may maseselang tema, lengguwahe, karanasan, sexual, horror, o droga na hindi angkop sa mga bata," paglilitanya ni Raye sa madalas nitong marinig sa mga telebisyon at radyo. Saglit siya nitong pinandilatan ng mga mata bago tuluyang umalis kasama si Addy.

     Halos liparin ni Ada ang malalaking mga baitang papunta sa kaniya. Tutop-tutop ang bibig na inangat nito ang hintuturo at inilipat-lipat sa kanila ni Trent. Halos higupin na rin nito ang hangin sa mansion dahil makailang ulit na suminghap ito.

     "A-anong ibig sabihin nito, Bernadette? Parang kanina lang nasa Bistro ka, ah? Kaya mo ba kami pinaaalis na?" anito nang makabawi. Pumamaywang ito't binalingan si Trent. "Kayo ba ng kapatid ko?"

     "Kuya, kakauwi mo lang dito sa San Guevarra noong isang araw, ah? Matagal na ba 'to? Sinasabi ko sa iyo, 'wag ang kapatid ni Ada," banta ni Brent kay Trent na nakaakyat na rin pala.

     "A-Ate! Para kayong baliw," pagitna ni Bernadette at saka hinila ang kapatid papalayo kay Trent. "W-walang something sa amin ni Señorito. Medyo mahabang kuwento lang kaya umuwi siyang ganiyan."

       "At nang kasama ka?" anang pa ng kaniyang kapatid. Pakiwari niya ay malapit na itong magbuga ng apoy. "Tingnan mo 'yang nguso mo, Bernadette. Tingnan mo."

     Napahaplos doon si Bernadette. "B-bakit, ano meron?"

     "Nakipagtukaan ka ba sa kuya ni Brent? Kalat-kalat ang lipstick mo! Homaygoodness!"

     Parang mababali na ang leeg ni Bernadette sa ginawang pag-iling. "Ate, hindi! Dahil lang iyon dito." Ipinakita niya ang collar na may mga marka rin, ngunit tila hindi iyon nakatulong. 

     Ito namang Trent na 'to, ginigisa na siya ng kapatid niya, tila nag-e-enjoy pa! Tatawa-tawa lang ang hudyo habang nakapamulsa. Tila amused na amused sa kanilang mag-ate. Hindi man lang ba siya tutulungan nito magpaliwanag kina Ada at Brent?

     "At talagang umabot na riyan sa dibdib mo?!" Lalong tumaas ang boses nito, talo pa ang mga nagbebenta ng penoy at balot sa gabi. "Aba't talaga naman." Sinapo nito ang ulo gamit ang magkabilang palad at saka muling pinalipat-lipat ang tingin sa kanila ni Trent. "Trent, alam kong nasa tamang edad ka na, pero puwede bang kasal muna bago chukchak at tukaan?"

     Inakbayan ni Brent si Trent. Tila ba wala na sa nangyayari ang focus nito kundi nasa ate niya na lang. Amused na amused na napahawak ito sa baba, ngingiti-ngiti. "Isn't my wife lovely, bro?"

     Tila yelong nalusaw ang kanina hindi maipintang ekspresyon ni Ada at napalitan ng kilig. Hinampas nito si Brent at saka pinandilatan ng mga mata. "Ano bah! Pere keng tenge, mahal. Mamaya mo na ako landiin, puwede? 'Kita mong pinagagalitan ko pa 'tong kapatid ko, e."

     "Ano'ng nangyayari rito?"

     Kilala niya ang makapangyarihang tinig na iyon. Tila nag-usap-usap na sabay-sabay silang pumihit paharap sa nagsalita, at hindi nga siya nagkakamali. Si Don Alonzo nga. Ang lolo nina Brent at Trent.

     Napatingin ito sa apo at saglit itong pinasadahan ng tingin. "Trent? Hijo, bakit ka nakahubad?" Pagkatapos ay sa kaniya. "Badet?"

     Patay.

ꕥ ꕥ ꕥ

Continue Reading

You'll Also Like

131K 2.7K 22
Duke & Izza
2.2M 87K 61
It all started with a facial hit by the outside spiker Roen Alejo to the rookie libero Kai Reyes.
7.8M 228K 55
Rogue Saavedra, the arrogant city's young billionaire, becomes stranded on an unknown island. There he meets an illiterate jungle woman, Jane, who is...
835K 38.9K 30
At age seven, Nina was adopted by a mysterious man she called 'daddy'. Surprisingly, 'daddy' is young billionaire Lion Foresteir, who adopted her at...