Panimula

10 1 0
                                        

Naalala ko pa noong unang subok ko sa pagsakay sa bike. Medyo alam ko na kung paano mag-balanse pero mukhang nakalimutan ko yata 'yong preno. Basta tuloy-tuloy lang ang pedal ko at hindi ko agad napansin malapit na pala ako sa kanal. Hindi ko naman agad naisip na mag-preno. 

Aray! Hindi naman masyado masakit. Dalawang tuhod ko lang naman ang may gasgas at braso ko lang. Hindi naman ako umiyak, konti lang. Iyong tama lang para marinig ni mama. 

Siguro wala pang isang minuto, nakita kong lumabas si mama sa bakuran. May kasama. Ang best friend kong si Ha. Hanger. 

Aww! As usual na ginagawa ng mag-best friend. Nakipag-apir na naman sa puwit ko si Ha. Kung siguro sa ibang mag-kaibigan, okay na ang isang apir. Kami ni Ha, depende.

Hindi ko alam kung alin ang mas masakit, iyong best friend gestures namin ni Ha o 'yong sugat ko sa tuhod at braso.

'Pag kapasok ko sa bahay kinantyawan pa ako nina kuya. 

"Yan malabas ang barko dyan may kasamang pari." Takot pa sa akin nina Kuya.

Si mama galing kwarto dala-dala 'yong health kit noong kinder ako. Nilabas na ni mama 'yong bulak tapos isa ko pang best friend, si Al. Alcohol. Matapos mailagay ni mama 'yong alcohol dinampi agad nya sa tuhod ko.

"Ma! Masakit!" Sigaw ko pa sabay iyak ng malakas.

Sila kuya naman tawa nang tawa. Hindi man lang kumuha ng pamaypay at nang mabawas-bawasan man lang ang hapdi.

"Ikaw ang may kasalanan nyan. Sabi ko sa'yo kanina mag-recite ka na lang ng multiplication table at namang hina mo sa Math." Sermon pa sa'kin ni mama.

Ah! Mas gusto ko pa namang mag-bike kaysa mag-saulo ng multiplication table. Mas masakit pa sa sugat ko iyong pag-iisip ko kung anong sagot sa 6 times 7. Tapos magsisimula na akong mag-tara. Anim na pito tapos plus. Ay! Mag-bike na lang ako.

"Ma! Masakit! Dahan-dahan." Saad ko habang pinipigilan ang mariin na pagdampi ng bulak sa braso ko.

"Hay naku, neneng. Ang dami mo ng peklat 'di man lang nadala."

'Yong sermon pa naman ni mama kahit nadisgrasya lang ako sa bike ang usapan aabot na sa kung saan. 

"Hay naku, balak pa naman namin ikaw isali sa Miss Universe, papaano pa iyang napakarami mo ng peklat." Biro pa ni tatay sabay gulo sa buhok ko.

Napa-bunsangot na lang ako habang iniinda ang sakit. Si mama kung maka-pahid ng bulak parang gusto ng burahin 'yong tuhod ko. 

Naalala ko pa din dati. Naglalaro kami nung pinsan ko ng hanger. Inilalagay namin sa apoy. Syempre natutunaw. At kapag minamalas nga naman ako. Aksidenteng naitapon sa'kin ng pinsan ko 'yong hanger. 

Naramdaman ko na nag-init 'yong binti ko at humapid. Nagpakawala na naman ako ng malakas ng iyak. Nagkita na naman kami ni Ha.

Si mama talaga brutal. Iyong napaso kong binti, sabunin ko daw ng safeguard. Symepre masasabon ko ba iyon ng hindi hinahawakan man lang. Sa sobrang sakit hanggang ngayon alam ko pa rin kung anong kulay ng safeguard ang ginamit ko noon. Pink. 

"Ma, tama na po." Pagmamakaawa ko pa.

Sila kuya panay pa rin ang tawa, akala mo naman noong bata sila hindi nila naranasang magkasugat tapos gamutin ng brutal na kamay ni mama.

"Hay naku, Pedring. Huwag na huwag mong bilhan ng bike iyang si neneng. Pagka kuwa'y nadidisgrasya." Reklamo pa ni mama na nagpasalubong sa kilay ko.

"Aba'y di pupwede. Regalo ko iyon sa kaarawan nya." Agad namang sumilay ang matamis na ngiti sa labi ko. 

"Tingnan mo pa ma, ngingiti-ngiti pa. Parang hindi pa yata maayos pagkakalinis mo sa sugat nya. Isa pa daw ma." Asar pa nina kuya habang tumatawa. 

Aba! Iyong napakasakit ay ako ba'y magre-request pa ng round two kay mama. 

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Jan 06, 2021 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

BisikletaWhere stories live. Discover now