Alam kong bawal akong tumapak dito sa pamamahay ng mga Abaricia pero hindi ko naman gagawin ito kung hindi kinakailangan.

Napalunok siya kasabay ng paglikot ng kaniyang mga mata. "M-Ma'am kasi ano. . ."

Kumalabog ang aking dibdib.

"A-Ate, nasaan si Lucas?" Doon na tuluyang nabasag ang boses ko at kung hindi lamang ako inalalayan ni Bluie ay malamang na kanina pa ako napaupo sa labis na panghihina.

"Ate, gusto lang namin kung nandiyan si Lucas. Gaano ba kahirap sagutin ang tanong namin?" dagdag pa ng kaibigan ko at mababakas ang pag-irita sa kaniyang boses.

Umiling lamang ang katulong at akmang sasaraduhan na iyong gate ngunit sinubukan kong pumasok papasok sa loob. Hindi pa man ako nakakahakbang ay buong pwersa na akong tinulak ng kasambahay, dahilan para mapaupo ako sa malamig na semento.

Napasinghap ako sa sakit at pagkabigla.

"Ayan po kasi, ang kulit ninyo! Bawal po talaga kayong pumasok dito kaya umuwi na lang kayo. Pasensya na po."

"Tang ina naman! Manang-mana ka sa amo mo!" sigaw ni Bluie sa babae na may kasama pang panduduro bago ako dinaluhan at inalalayang tumayo. "Sabihin mo na lang kung nasaan si Luke at Lucas! Ina ka rin, 'di ba? Kaya sana maintindihan mo 'yong nararamdaman ng kaibigan ko—"

"Umalis na po sila! Lumipad na po silang lahat papuntang America kahapon pa!" naiiyak na pag-amin ng katulong na siyang ikinagimbal ng mundo ko.

Nahigit ko ang hininga ko at tila nanlambot sa mga salitang narinig. Awang ang labi kong tumitig sa katulong, umaasang babawiin niya iyong sinabi niya, ngunit umiwas lang siya ng tingin sa akin. Tumalikod siya at akmang isasarado na ang gate nang pigilan ko ulit siya.

"Ma'am Rose, ano na naman po ba 'yon? Nasabi ko na po sa inyo—" I gripped her shoulders tightly.

Pilit ko siyang hinaharap sa akin, walang pakialam sa naging pagdaing niya.

"Aray, Ate! Nasasaktan ako!" Sinubukan niyang magpumiglas ngunit hinawakan din siya ni Bluie.

"A-Ate. . . Ate, makinig ka sa 'kin." My voice was starting to shake now. "Alam kong umalis sina Tito at Tita. Ang hinahanap ko ay iyong anak ko na hiniram sa akin noong ama niya. Ate please, sabihin mo sa 'kin ang totoo. Nasaan ang anak ko?" Hindi na napigilan ang pagbagsak ng aking mga luha habang iniisip pa lang na totoo ngang inilayo sa akin ni Luke ang anak naming dalawa. "Ate parang awa mo na, oh. Nasaan 'ang mag ama ko?" umiiyak kong muli na pakikiusap.

Hindi pa ako roon nakuntento dahil unti-unti akong lumuhod sa harapan niya.

"Rosemarie, tumayo ka nga riyan!" pigil sa akin ni Bluie ngunit hindi ako nagpatinag.

Panay pa rin ang hikbi at pag-agos ng luha ko nang tingilain ko ang katulong. Pinagsalikop ko ang mga kamay ko bilang pagmamakaawa.

"Ma'am. . ." she called between her sobs. "Ma'am, totoo po 'yong sinasabi ko. Umalis na po kahapon ang mga Abaricia kasama po ang anak nyo. Hindi ko po alam kung kailan sila babalik. Wala pong nakakaalam."

Ang mga salita niyang iyon ang naging hudyat upang tuluyan na akong mapahagulhol ng iyak. "Hindi totoo 'yan! Hindi 'yan totoo! Ilabas nyo ang anak ko!" Nagpumilit akong pumasok at sa pagkakataong ito ay wala nang pumigil pa sa akin.

Malalaki ang hakbang kong tinahak ang bahay at binuksan ang double doors. Nasa likod ko lamang si Bluie na tahimik na umiiyak at nakasunod sa akin. Bumungad sa amin ang tahimik na paligid at ang mga gamit ay may tulakbong na puting tela. Nilibot ko ang buong sulok ng bahay nina Luke. Ang salas, kusina, ang mga kwarto, maging ang CR ay pinuntahan ko na rin, ngunit ni anino ng anak ko ay hindi ko natagpuan.

Just Your Liability (Accounting Series #2)Where stories live. Discover now