Malamig ang simoy ng hangin sa labas, tuluyan nang nilamon ng kadiliman ang buong kapaligiran at nagbunga ito ng nakabibinging katahimikan. Ngunit sa mga sandaling ito, nangingibabaw ang liwanag na nagmumula sa loob ng isang bukas na tindahan. Sa loob nito, naroon ang dalawang babae. Ang kahera at ang nag-iisang kostomer ng hindi kilalang convenience store. Ang huli ay nakaupo at nasa libro na kaniyang hawak ang buong atensyon. Wala itong pakialam sa kapaligiran. Isa pa, ang pagbabasa sa hating-gabi ang madalas niyang gawin sapagkat gusto niya ang katahimikan at ang katotohanang mas masarap humigop ng kape sa kalagitnaan ng gabi.
Sa kabilang banda, naroon sa labas ang isang lalaking tila mala-leon sa pagmamatyag ng kawawang tupa, hindi kalayuan sa tinatayuan ng establisyamento. Sinindihan nito ang itim na Marlboro habang iniinda ang matigas at malamig ng dingding na sinasandalan niya katapat ng isang tindahan, nakapako ang kaniyang mga mata sa isang pigura. Matapos tantyahin ang kaniyang magiging hakbang, sinuot nito ang itim na sumbrero at tinapon sa daan ang sigarilyo bago dahan-dahang pinasok ang establisyamento.
Hinila nito ang pintuan at tumunog, hudyat na may bagong dating. Binati siya ng kahera na mayroong latinig sa parehas nitong tainga at tinapunan nang makahulugang tingin ngunit hindi niya ito pinansin. Hindi siya ang pakay nito. Umikot ang kaniyang mata sa loob at tumagal ang tingin sa isa pang babae. Ang mga mata ng babae ay mariing napako sa hawak nitong libro. Hindi alintana ang mapang-angking presensya ng lalaki. Ngumisi siya bago humakbang papalapit sa babae at hinila ang upuan sa tapat nito. Naghintay siya ng ilang segundo bago napagpasyahang basagin ang katahimikan.
"Mahilig kang magbasa ng nobela?" Tanong niya. Ngunit sinalubong siya ng nakabibinging katahimikan. "Nakita ko nga." Bulong niya sa sarili. Gumalaw ang dalawang daliri ng babae at nilipat ang pahina. Nagpatuloy sa pagbabasa na tila walang estranghero ang kumakausap sa kaniya. Sa pag-aakalang tatahimik na ito, nagsalita ulit ang estrangherong lalaki gamit ang malalim na boses. "Hindi masusustansya ang mga kinakain mo." Sabi nito habang pinagmamasdan ang mga nagkalat na lalagyan ng ubos na ramyum at chichirya sa mesa. Nasa mesa rin ang mga
botilya ng inumin na naubos na niya. Mahigit sampung oras na siya nakaupo sa kinaroroonan niya upang tapusin ang kaniyang pinal na papel sa isang asignatura. Sa sobrang pagod ay napagpasiyahan niyang magbasa muna ng libro.
Dito nag-angat ng tingin ang babae at walang ekspresyon itong tumingin sa lalaki. "Anong pakialam mo? Sino ka ba?"
"Sino ako? Hindi na mahalaga iyon." Umirap ang babae at hindi na balak dugtungan pa ang unang tanong. Pakiramdam niya ay wala nang patutunguhan ang kanilang usapan at binalik na niya ang tingin sa libro. Ngunit ang buong atensyon ay wala na rito. Tila nabasa ng estrangherong lalaki ang ang kaniyang isip at nilahad nito ang kanang kamay.
"Ako si Nicholas." Kaniyang pagpapakilala ngunit para itong kumakausap muli ng hangin. Ibinaba ang kanang kamay habang hindi makapaniwalang tinitigan ang babae. Inilipat muli ng babae ang pahina at sunod na hinigop ang kape ngunit nadismaya nang mapagtantong malamig na ito. Umiling-iling na lamang siya bago binaba sa mesa ang tasa at sinusubakang ibalik ang atensyon sa librong hawak. Sa pangalawang pagkakataon, bigo muli siya. Sa kabilang banda, mariing nakatingin sa kaniya ang lalaki. Natatawa sa hindi inaasahang senaryo. Ilang beses na ba niya napinta sa isipan ang magiging hitsura ng una nilang paghaharap? Sa mga imaheng iyon, wala man lang tumugma kahit isa. Naputol siya sa pag-iisip nang magsalita ang babae. Malamig ang boses nito tila nagpadagdag sa lamig na iniinda ni Nicholas.
"Hindi ako nagtitiwala sa estrangherong katulad mo." Nangibabaw ang boses nito sa kapaligiran. Ngunit hindi ito ang nagpagulat kay Nicholas, kung hindi ang mga mata nitong nanlilisik sa kaniya na tila hinihila siya sa kawalan. Itim na itim tila kulay ng kalangitan sa kalilaman ng gabi. "Mabuti. Hindi mo dapat ako pagkatiwalaan." Makahulugan nitong tinig.
