Kapitulo 10

117 10 0
                                    


Key

Tahimik lamang akong nakaupo sa sahig habang ang likod ko ay nakasandal doon sa kama. Niyapos ko ang dalawa kong binti saka mas lalong iniyukyok sa aking tuhod ang baba ko. Naroon lamang sa labas ng balkonahe ang aking tingin nakatuon. Hanggang ngayon ay iniisip ko parin ang mga nangyari. Hindi ko rin alam kung bakit hinayaan ko lang siyang ganunin ako kanina. Napabuga nalang ako ng hininga saka tumayo at nagpasyang lalabas. Siguro ay magpapahangin muna ako.

Nagpagpag ako ng damit nang tuluyan akong makatayo bago naglakad palabas ng kwarto. Naisipan kong sa tabing dagat nalang ako pupunta ngayon, tutal ay alas singko pa naman ng hapon may tsansa pa akong mapanood ang paglubog ng araw. Pababa ako ng hagdan ng mapatingin ako sa suot kong sandals, hindi ko pala ito nagawang palitan ng tsinelas. Kumibit balikat nalang ako at hinayaan ito. Hindi naman siguro ito masisira kapag nilalakad ko ito sa buhangin.

Sa bawat hakbang ko pababa ay siya namang dausdos nitong kamay kong inihawak ko sa barandilya ng hagdan. Nasa malapit na ako ng panghuling baitang noong bigla akong madulas. Naipikit ko na lang ang mata ko at hinintay ang pagbagsak ng sarili sa sahig pero dumaan na lang ang ilang segundong hindi ko naramdaman ang katawan ng sahig. Dahan-dahan kong idinilat ang kaliwang mata ko at ang mukha agad ni Zekeil ang nasilayan ko.

Sa gulat ay naidilat ko rin ang isa ko pang mata at agad na tumitig sa kaniya. Kapwa kaming dalawa na tahimik na nakatitig sa isa't isa. Ang kaniyang kanang braso ay naramdaman kong humigpit itong nakahawak sa aking baywang.

Seryoso at walang bahid ng kung anong emosiyon ang nakikita ko sa kaniyang gwapong mukha. Balak ko pa sanang patagalin ang pagtitig ko sa kaniya pero bigla nalang sumagi sa utak ko ang mukha ng kaniyang asawa at ang mga kaibigan niya, lalo na si Trievin. Baka makita nila akong ganito ang posisyon.

Dahil sa aking naisip at sa ilang na bigla nalang tumubo sa aking utak, gumalaw ako nang hindi iniisip ang magiging kahinatnan namin. Ramdam ko agad ang sakit sa aking katawan nang sabay kaming nahulog at dalawang beses pang gumulong sa hagdan bago naabot ang sahig. Napaigik ako nang maramdaman ko ang bigat ni Zekeil sa aking ibabaw. Noon ko lang natanto na nakadagan pala siya sa akin.

Medyo tumagal kami sa ganoong posisyon, mas inuna ko kasi ang kirot na nararamdaman kaysa ang tumayo at indain ang sakit. Nang maramdaman ko na parang nahihirapan na akong huminga ay saka ko lang naisip na itulak si Zekeil paalis sa ibabaw ko pero napangiwi ako ng hindi ko matinag ang bigat niya.

Inangat ko ang mukha ko para tingnan siya at doon ko lang napansin na nakatitig lang pala siya sa akin. Kunot-noo ko siyang muling tinulak kaso hindi ko alam kung bakit hindi parin siya matinag. Mas nailang ako nang maramdaman ko na dumiin ang katawan niya sa akin.

"Z-zekeil, alis na diyan," mahinang usal ko.

Pero imbes na pansinin ang sinabi ko ay iba ang ginawa niya. Nawalan ako ng kulay sa mukha ng haplosin niya ang kanang braso ko.

"Ayos ka lang ba?" Tanong niya, bakas sa kaniyang mukha ang matinding pag-alala.

Kumurap naman ako dahil baka namalikmata lang ako pero nang idilat ko ng muli ang mga mata ay doon ko lang natantong talagang hindi ako nagkamali sa nakita kong emosiyon sa mukha niya.

Anong nangyari at himala nagkaroon siya ng ganiyang emosiyon... at sa akin pa talaga pero hindi ko naman ipagkakaila na natutuwa ako ngayon, hindi dahil nahulog kaming dalawa kung hindi dahil kaya ko pala siyang paramdamin ng ganoon. Akala ko ay habang-buhay na siyang maging blangko ng ekspresiyon... hindi naman pala. Malakas ko siyang tinulak nang sumagi na naman sa aking alaala ang mukha ng asawa at kaibigan niya. Mabuti nalang at nagpagaan siya kaya nagawa ko siyang tinagin sa ibabaw ko.

Makakahinga na sana ako ng maluwag kung hindi ko lang narinig ang boses ni Trievin. Napakagat nalang ako ng mariin sa aking ibabang labi.

"Ano ang ibig-sabihin n'on? Don't deny it 'cause I saw it with my two eyes."

Uncontrollable ObsessionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon