GABI

25 2 0
                                    

Ito na naman. Kinakain na naman ako ng kalungkutan. Hindi ko alam kung bakit pero sa tuwing sumasapit ang dilim, sa tuwing tanging katahimikan nalang ang nangingibabaw, sumasakit ang puso ko. Nakararamdam ako ng kakulangan. Parang may parteng nawawala. 'Yung tipo na gusto mo nalang umiyak kahit wala namang rason. Hindi ko masabi ang tamang salita. Ito'y kakaibang pakiramdam na nagbibigay ng hindi maipaliwanag na bigat sa puso.

Lagi nalang. Nakikita ko rin ang aking sarili na parang tinatangay ng hangin. Ipinapakita nito sa akin kung gaano kaganda ang Gabi. Ang dagat na tila handa akong saluhin sa oras na mawalan ako ng balanse sa aking paglipad. Ang liwanag ng buwan at bituin na tila nagsasabing ako'y gagabayan kahit saan man ako maglakbay.

Sa katahimikan ng Gabi, halos paniwalain ko ang aking sarili na ito'y totoo. Hindi. Nararamdaman kong ito talaga ay totoo. Ang paglalakbay, ang kakaibang pakiramdam, ang lahat ng ito, totoo. Ramdam ko pa ang kabasaan ng aking kamay nang subukan kong hawakan ang dagat habang ako'y inaakay ng hangin. Lumilipad ako. Kung makikita mo lang kung gaano kaganda ang gabi, marahil ay nanaisin mo ring maglakbay kasama ako.

Ngunit hindi pwede. Pilit ko mang hilingin na sana ay may kasama ako, tanging repleksiyon ko lang ang aking nakikita. Maganda nga ang gabi, ngunit ang aking paglalakbay ay parang nasa isa lamang malaking hawla. Ako'y bilanggo ng dilim. May humahabol sa akin. Hindi kailanman niya ako naabutan pero natatakot pa rin ako. Minsan lang ito mangyari pero natatakot ako sa tuwing mapupunta ako sa sitwasyon na 'yun. Anong mangyayari sa akin pag maabutan ako 'nun? Pakiramdam ko'y kahit saluhin man ako ng dagat sa oras na hindi na ako makalipad, hahabulin niya pa rin ako kahit sa kailaliman nito. Mas bumibigat lalo ang aking puso samantalang hindi ko naman matukoy kung ano o sino ang humahabol sa akin.

Hindi ako baliw. Alam kong hindi lang ako ang nakararanas nito. Madalas itong pagkamalan at tawaging Panaginip. Paano kung ngayon mangyari ito sayo? Magising ka pa kaya sa mundong inaakala't tinatawag mong reyalidad?

GABIWhere stories live. Discover now