Prologue

7 0 0
                                        

Tahimik ang sasakyan habang nakaparada kami sa gilid ng burol, sa paborito naming spot. Wala masyadong ilaw, tanging buwan at mga bituin lang ang liwanag. Malamig ang gabi, at may kakaibang katahimikan sa paligid-parang lahat ng tanong na bumabagabag sa akin ay pansamantalang napatahimik.

Si Jeth, nasa driver's seat, pero nakasandal siya ngayon sa upuan, nakatingala sa kalangitan. May hawak siyang maliit na pakete ng mint candy-'yung paborito niyang brand na may kulay teal na wrapper.

Tahimik niya iyong binuksan.

Inabot niya sa akin ang isa. "Gusto mo?"

Tumingin ako sa kanya. "Alam mong hindi ko 'yan gusto, 'di ba?"

Ngumiti siya. "Alam ko. Pero 'pag pinilit mong tikman ngayon, baka maalala mo ako balang-araw sa ganitong lasa. 'Yung lamig. 'Yung tapang. 'Yung matagal bago tuluyang matunaw."

Kinuha ko ang mint. Tinitigan ko lang. Hindi ko alam kung dahil sa lasa o sa sinabi niya, pero may biglang kirot sa dibdib ko. Parang ang dami niyang sinasabi sa simpleng alok.

"Emery..." bulong niya.

Napalingon ako. Hindi siya nakatingin sa akin, pero alam kong para sa akin ang mga salitang kasunod.

"Kung sakaling... dumating ang araw na hindi mo na ako maalala... kung sakaling mawala ako sa mga gabing ganito-gusto kong tandaan mo, kahit isang beses lang, na minahal kita. Hindi dahil kailangan. Hindi dahil madali. Kundi dahil totoo."

Humigpit ang hawak ko sa mint.

"Hindi ko nakakalimutan, Jeth," sagot ko, mahina ang tinig pero sigurado. "Kahit 'yung gusto kong limutin, nananatili pa rin."

Napalingon siya sa akin. Sa ilalim ng malamlam na liwanag, nakita ko ang mga mata niyang punô ng damdamin. Hindi na niya kailangang magsalita pa. Nandoon lahat-ang pagsisisi, ang pag-asa, ang hindi nawala.

At bago pa ako makaiwas, dahan-dahan siyang lumapit. Wala kaming sinabing paalam. Wala ring tanong kung pwede bang muli. Basta sa pagitan ng mint na natunaw sa dila ko at ng hiningang sabay kaming humugot, hinagkan niya ako.

Hindi mapusok. Hindi rin masakit.

At nang magdikit ang labi namin sa ilalim ng madilim na kalangitan, hindi ko alam na iyon na pala ang huling halik bago ako gumising sa mundong hindi ko na siya kilala.

At doon nagsimula ang lahat:
Sa isang halik.
Sa isang mint.
Sa isang pangakong pilit na binubuo mula sa mga piraso ng isang nakaraang sinira ng katotohanan.



Even the Skies ForgotStories to obsess over. Discover now