“MJ, tingin mo ba basta-basta na lang kitang mapapatawad sa ginawa mo sa akin? Hindi ganoon kadali yun. Sinaktan mo ko...” mahina ngunit matigas na wika ni Diana. Pinipigilan niya rin ang sarili na maluha. Gusto niyang ipakita kay MJ na matatag siya.

“Hindi ko ginusto ang ginawa kong pakikipaghiwalay sa’yo, ngunit kinailangan kong gawin. Ayun ang malaki kong kasalanan, hindi kita naipaglaban... dahil... dahil...” hindi matuloy ni MJ ang sasabihin.

“Dahil ano? Dahil naduwag ka? Dahil sumuko ka? Dahil niloko mo lang ako at si Sarah talaga ang mahal mo? Ano, sabihin mo?!” pasigaw na wika ni Diana.

“Dahil kay Tito Danilo!” Si Brenda na ang sumagot.

            “Brenda...” usal ni MJ. Bakas ang gulat sa mukha nito.

“Diana, nagpunta kami ni Daddy sa Sitio Monicayo ilang linggo na ang nakakaraan. Nakausap ko si MJ noon at tinanong kung bakit ka niya hiniwalayan. Hindi rin masabi ni MJ ang dahilan noon, pero ang sabi lang ni MJ ay mahal ka niya,” panimulang kuwento ni Brenda.

“Bago kami umalis ng sitio ay napansin kong wala na ang tarpaulin ng Dolores Paradise Resort kaya tinanong ko kay Daddy kung hindi na itutuloy ni Tito Danilo ang resort project. Um-oo si Daddy at nagtataka rin siya kung bakit biglang nagbago ng isip si Tito Danilo,” patuloy pa ni Brenda.

“Kuya MJ, sinimulan ko na ang paliwanag. Ituloy mo na, para sa’yo mismo malaman ni Diana ang dahilan kung bakit kailangan mo siyang masaktan kahit labag sa loob mo,” wika ni Brenda.

“Kuya? Kailan mo pa siya tinawag na Kuya?” nagtatakang tanong ni Diana.

“Magkapatid kami ni MJ, Diana. Half-brother ko siya kay Daddy. Anak niya kay Aling Ruby,” ani Brenda. “Kaya Kuya MJ, simulan mo nang bawiin puso ngayon ni Diana.”

GULAT na gulat si MJ dahil sa mga sinabi ni Brenda. Hindi niya inaakalang mapagtatanto ni Brenda ang lahat-lahat ng nangyari sa pagitan nila ni Mr. Sandoval sa simpleng obserbasyon lamang. Napansin niya rin na gulat na gulat pa rin si Diana sa nalamang kapatid niya si Brenda.

Magsasalita na sana si MJ nang maglakad palapit sa kanila si Mr. Sandoval. Nakaramdam siya ng takot ngunit mas nanaig ang nag-uumapaw na pag-ibig niya kay Diana.

“Diana, kung kailangang ligawan kita nang paulit-ulit, tulad ng ginagawa ko ngayon, para mapaibig kang muli, gagawin ko,” wika ni MJ. “Ngayon din ang kasal ko kay Sarah, ngunit umatras ako dahil hindi ko maaatim na ipakasal sa taong hindi itinitibok ng puso ko.”

Tiningnan ni MJ si Nathan at winika, “Pare, humihingi ako ng dispensa sa’yo at ginulo ko ang kasal ninyo. Pero nagawa ko ito dahil mahal ko si Diana at hindi ko rin maaatim na ikasal sa iba ang taong itinitibok naman ng puso ko.”

Pagkatapos ay binalingan ni MJ ang ama ni Diana at sinabi, “Mr. Sandoval, itong pagpapaputi kong ito gamit ang pulbos, ginawa ko upang pagbabakasakali na matanggap ninyo ako. Hindi man ninyo ako matanggap bilang Aeta, matanggap ninyo sana ako bilang nagmama-Tisoy. Ginawa ko ito para malaman ninyo kung paano ko hahamakin ang lahat, para kay Diana.”

“At hinamak mo nga ang lahat para sa anak ko,” wika ni Mr. Sandoval.

Natigilan si MJ sa sinabing iyon ng ama ni Diana.

“MJ, patawarin mo ako sa nagawa ko sa iyo at sa buong komunidad ninyong mga Aeta. Lahat na ng alam kong paraan ginawa ko na upang mapaglayo kayo ni Diana, pero sadyang matibay ang pag-ibig mo sa kanya. Napatunayan mo ngayon sa akin na mahal mo ngang talaga ang anak ko,” seryosong wika ni Mr. Sandoval.

“Papa, ano ang ibig mong sabihin?” naguguluhang tanong ni Diana.

“Diana, anak, mapatawad mo sana ako sa sasabihin ko. Kaya nakipaghiwalay sa’yo si MJ ay dahil pinapili ko siya kung ikaw ba o ang lupang tinitirhan nilang mga Aeta sa Sitio Monicayo. Iniurong ko ang pagpapatayo ng resort sa sitio kapalit ng pakikipaghiwalay niya sa’yo.”

Jobus at PulbosWhere stories live. Discover now