Chapter Two

111 8 2
  • Dedicat lui Andrea Nicole Paulino Rivera
                                    

“INAY, harap-harapan na niya tayong binastos tapos tatanggapin niyo pa rin siya?” mahina ngunit galit na wika ni MJ nang makapag-solo ito at ang ina nito sa salas.

“MJ, anak, nag-sorry na si Diana sa akin. Naunawaan ko siya. Hindi siya sanay sa ganitong buhay. Sana siya unawain mo rin siya,” wika ni Ruby sa mahina ring boses.

Hindi nilalakasan ng mga ito ang pag-uusap upang hindi marinig ni Diana. Kasalukuyan siya ngayong namamahinga sa kuwarto ni MJ. Subali’t rinig pa rin niya ang pagtatalo ng mag-ina dahil manipis lamang ang dingding sa pagitan ng salas at kuwarto. Medyo nagi-guilty siya sa mga naririnig.

“Nay, kahit na. Unat sila! Mababa ang pagtingin nila sa ating mga Aeta! At kung di niyo napapansin, ang isang unat na kinutya tayo ay siya niyo pang pinapatuloy,” sagot ni MJ.

“Anak, hindi lahat ng mga unat ay mababa ang pagtingin sa atin. Hindi lahat ng mga unat ay katulad ng unat na pumatay sa tatay mo,” ani Ruby.

Ikinagulat ni Diana ang nalamang iyon. Nagkaroon ng saglit na katahimikan sa salas bago muling nagsalita si Aling Ruby.

“Dito ka muna sa salas matulog. Pinatulog ko si Diana sa kuwarto mo.”

Kahit na hindi nakikita ni Diana, dama niya na tila gusto magreklamo ni MJ. Pakiramdam niya pa nga ay tila nagdadabog ito habang inaayos ang tutulugan nito sa salas.

Di siya gaanong nakatulog nang gabing iyon dala ng pagka-guilty.

KINABUKASAN ng umaga, napansin ni Diana na may nakahain sa mesa na mainit na kape, sinangag, at dalawang itlog. Tiningnan niya muna iyon nang matagal. Siya namang pagpasok ni MJ mula sa likod-bahay. Naka-puting sando ito at pawisan. Palagay ni Diana ay nagsibak ito ng kahoy dahil may dala itong tabak nang pumasok. Nagkatinginan sila ni MJ pansumandali. Pagdaka’y nagsalita ang binata.

“Almusal mo pala. Sana ngayon magustuhan mo na ang inihain sa’yo,” may himig ng galit na wika nito. Pagkatapos ay nilagay nito ang tabak na hawak sa itaas ng isang cupboard.

Umupo si Diana at nagsimulang kumain. Si MJ nama’y nagtimpla ng sariling kape nito at lalabas na sana papuntang likod-bahay dala ang kapeng tinimpla nang kausapin niya ito.

“Hindi mo ba ako sasaluhan man lang?” wika ni Diana.

Inasahan niya na hindi siya papansinin ng binata. Ngunit nabigla siya nang lumapit ito sa mesa at umupo sa katapat niyang upuan at sinimulan ang pag-inom ng kape. Pero hindi naman siya kinikibo ni MJ. Si Diana na ang unang nagsalita para basagin ang katahimikan.

“Sina Aling Ruby at Otep, nasaan?”

“Nasa klinika si Nanay. Si Otep naglalaro sa labas,” sagot ni MJ. Naalala ni Diana na nurse pala si Aling Ruby.

“Tungkol nga pala sa nasabi ko kahapon, sana mapatawad mo na ko. I know I reacted irrationally yesterday that had hurt you,” sinsero niyang paumanhin.

“Hindi lang naman kasi ako ang nasaktan mo. Nasaktan din ako para sa mga kapwa ko Aeta dahil sa sinabi mo at ng kaibigan mo kahapon,” may pagtitimpi ng galit na wika ni MJ.

“I promise I will make up sa mga nasabi ko at nagawang bad sa inyo,” nakangiting wika ni Diana. “And I’ll also promise na makikibagay na ako sa pamumuhay niyo rito,” dagdag pa niya upang makumbinsi si MJ.

Ngunit mukhang hindi ito kumbinsido sa sinabi niya dahil pansin ni Diana na tila may bahid ng pagdududa sa mukha nito. Naisip niya na natural ay magduda pa rin ito sa kanya dahil sa tindi ng ginawa niyang panlalait. Ngunit handa siyang patunayan kay MJ na kaya niyang tuparin ang pangako na makibagay.

Jobus at PulbosUnde poveștirile trăiesc. Descoperă acum