Simula: Ang Sagradong Hiling

288 98 74
                                    

Umihip ang malakas na hangin na siyang bumalot sa kaniyang katawan. Hindi sapat ang manipis na telang tumatabing sa nanlalamig niyang balat. Nanginginig ang kaniyang mga labi dahil sa lamig at takot.

"M-mahal ko," nanginginig na bulong niya sa hangin kasabay ng paglandas ng luha sa kaniyang mga mata. Sabay niyang ipinikit ang kaniyang mga mata. Alam niyang sa pagtawag niya rito ay agad siya nitong dadaluhan dahil sa isang kondisyon.

Muling umihip ang malakas na hangin at tiyak niyang naririto na ito sa kaniyang harapan, napangiti siya dahil doon at natigil na rin ang kaniyang pagtangis.

Masaya niyang iminulat ang kaniyang mga mata nang may pagnanasa ngunit bahagyang nanlaki ang mga ito dahil hindi niya inaasahan ang natagpuan.

Hindi niya kilala ang taong nasa kaniyang harapan!

Hindi niya inaasahang isang estrangherong lalaki ang makikita niya sa pagmulat ng kaniyang paningin.

"Alam mong hindi nararapat ang pag-iibigan ninyong dalawa Analiza," usal ng estranghero at nagitla siya nang malamang alam nito ang ngalan niya. Labis na kinutuban si Analiza at kasabay 'nun ang pasisitaasan ng balahibo sa kaniyang mga braso.

"S-sino k-ka, nasaan si Emanuel?" tanong ni Analiza na labis nang kinakabahan. Hindi niya
alam ang gagawin, animo'y sasabog ang puso niya sa sobrang pag-iingay nito.

Sa kalagitnaan ng malalim na gabi ay nakarinig ng mga huni ng uwak ang dalaga. Sumikip ang dibdib niya dahil sa masamang pangitain na kaniyang naramdaman.

"Kailangan ka nang mawala," wika nito habang nakatingin ng deretso sa kanya. Walang mababakas na emosyon sa mukha ng estranghero. Parehas namang nanlaki ang mga mata ni Analiza.

"Ano ang iyong ibig sabihin?"
nangangatal na tanong niya rito.
At halos humiwalay ang kanyang
kaluluwa sa kanyang katawan nang sumigaw ito. Gulat siyang napaatras sa kinatatayuan.

"Manahimik ka!" nakakakilabot na sigaw nito.

Mabilis na iwinagayway ng estranghero ang mga kamay nito at unti-unting nagkaroon ng liwanag mula rito. Agad na napahawak si Analiza sa kaniyang leeg at napaubo ng sunod-sunod dahil pawang may sumasakal sa kaniya.

Ilang sandali pa ay naramdaman na ni Analiza ang mga paa niyang nakalutang sa hangin. Kusang pumatak ang kaniyang mga luha, sunod-sunod at walang tigil. Walang tigil rin ang kaniyang pag-ubo dahil pawang may nakabara sa kaniyang lalamunan.

Muli siyang napaubo at ngayon ay sariwang dugo na ang lumabas sa mga bibig ni Analiza.

Ganon pa man ay kahit na nanghihina siya ay pinilit niya paring ibinuka ang duguang bibig.

"M-mahal ko... h-hinihiling ko na sana... sana'y iligtas mo ako," nanghihina niyang utas. Sa pagkakataong 'yon ay isang malakas na hangin ang dumating. Parang isang ipo-ipo na halos tangayin na siya sa himpapawid.

"Analiza."

Ginhawa ang naramdaman niya nang marinig ang tinig na kay tagal niyang nais mairinig.

Napangiti ang nangingitim niyang mga labi.

Sa wakas... ako ay ligtas na.

Sa isang iglap ay biglang napigtas ang pawang tanikalang pumipigil sa kaniyang hininga. Bumulusok din agad ang dalaga pababa ngunit sa kabila ng lahat ay saya ang mapipinta sa kaniyang mukha.

Dahan-dahan siyang napapikit nang maramdaman ang pamilyar na mga bisig na mahigpit na nakayakap sa kaniya.

Nanghihina niyang ipinalupot ang mga braso sa makinis na leeg ng binatang kaniyang sinisinta.

The Last Wish (Under Revision)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon