Sinanay na ako simula pagkabata kong paano dapat kumilos sa harap ng mga tao. Kilala kasi ang pamilya ko bilang isa sa pinaka-mayaman at pinaka-respetado sa probinsya ng Zaccarrio.

Zaccarrio... Ito ay pangalan ng probinsya namin na kinuha pa sa ama ni Lolo Zaccarriano na si Lolo Zaccarrio. Apo na ako sa tuhod ni Lolo Zaccarriano. Anak ni Lolo Zaccarriano si Lolo Zaccarrius at anak naman ni Lolo Zaccarrius si Daddy.

Si Lolo Zaccarrio diumano ang unang nagtatag ng probinsya Zaccarrio pagkatapos ng World War II. Siya din ang kauna-unahang Gobernador ng probinsya. Mula sa kanya ay pinasa na ito sa lahat ng lalaki ng mga Fuentabella hanggang kay Lolo Zaccarrius.

Bago may del Carmen at Amante, ang mga Fuentabella ang unang namuno sa Zaccarrio. Pero dahil sa hidwaan nina Luciano del Carmen at Avenido Amante na kapwa mahal na mga estudyante ni Lolo Zaccarriano ay pinatigil niya sa pagtakbo ang mga Fuentabella sa politika. Hanggang sa naipasa na nga ang Zaccarrio sa dalawang kilalang pamilya.

Bukod sa kilala ang aming pamilya sa mga nagawa at na establish namin dito sa probinsya ng Zaccarrio, kilala din kami bilang nagmamay-ari ng malawak na lupain. Bawat bayan ng Zaccarrio ay may pinanghahawakan na titulo ng lupa ang mga Fuentabella.

May dalawang anak si Lolo Zaccarriano, sina Lola Zaccarriana na ang buong pamilya ay nakatira na isa iba't-ibang panig ng mundo at may sarili ng mga pamilya at negosyo. Si Lolo Zaccarrius lang ang nanatili dito sa Zaccarrio.

Dalawa naman ang anak ni Lolo Zaccarrius at pawang mga lalaki. Si Daddy ang panganay at dalawa din kaming magkapatid, ako at si Kuya Zac. Ang kapatid naman ni Daddy ay si Tito Zaccarrius III at may dalawa naman siyang anak na puro mga lalaki. Lahat ng naging apo ni Lolo Zaccarriano at Lolo Zaccarrius ay puro lalaki at ako lang ang nag-iisang babae kaya doble ang pagbabantay sa'kin.

Maswerte ako dahil kailanman ay hindi ako nakaramdam ng hirap. Puro masasarap ang pagkaing nakakain ko araw-araw. Lahat ng gamit at damit ko ay mga mamahalin at imported. Daig ko pa ang isang prinsesa.

Pero sa likod ng karangyaan ng buhay ko, pakiramdam ko ay may kulang parin sa'kin. Hindi sa nagrereklamo pero lahat ng gusto ko ay nakukuha ko ng walang kahirap-hirap pero ang isang bagay na gustong-gusto ko ay tila isang bituin sa kalangitan na kay hirap abutin.

Kalayaan...

Dahil sa pagiging Fuentabella, maraming bagay akong hindi nagagawa. Katulad nalang ang makipagkaibigan. Ipinagbabawal sa'kin na makipagkaibigan sa kung sino maliban nalang kung aprobado nila Mommy, Daddy at Lolo Zaccarrius. Hindi din ako pwedeng makipaglaro sa putik o makipaglaro ng normal tulad ng ibang bata.

Dapat bawat kilos ko ay mahinhin at may diksyon. Ni hindi ako pwedeng dumura sa kung saan at kung tatawa man, dapat takpan ko ng panyo ang aking bibig.

Nasa twentieth century na ako pero para parin akong nasa panahon ng kastila kung mamuhay.

"Hija, halika rito at may ipapakilala kami sa'yo." malumanay na sabi ni Mommy pagkababa ko sa engradeng hagdan namin.

Ngumiti ako at tumakbo pero agad akong sininyasan ni Mommy na magdahan sa pagkilos. Ngumuso ako at naglakad ng maayos saka lumapit sa kanila ni Daddy.

"Iyan na ba ang unica hija niyo, Veronica?" tanong ng isang matanda na may kumikinang na kwentas ng diyamante sa leeg.

"Opo, Madam. Zaccary, bumati ka sa ating bisita, siya si Donya Heliria Amante." Ani Mommy.

Nag bow ako at ngumiti. "Magandang umaga po."

Marahang tumawa iyong matanda. Nilingon nito ang nasa likod at lumapit naman ang isang batang lalaki.

"Magandang umaga hija. Kay ganda mong bata. Batid ko na paglaki mo ay mas gaganda kang isang dilag." anang matanda.

With All MightWhere stories live. Discover now