𝖫𝗂𝗌𝗍𝖾𝗇 𝗍𝗈 𝖫𝗂𝖿𝖾𝗍𝗂𝗆𝖾 𝖻𝗒 𝖡𝖾𝗇 & 𝖡𝖾𝗇 .
“Hindi daw po muna pwedeng lumabas. Malakas ang bagyo sa labas at mamaya lang dadagsa na yung mga turista dito.” anunsyo ng tagapamahala ng rest house na tinutuluyan ko. “Sinabihan po tayo ng owner ng rest house na ito na hanggaʼt hindi pa lumalabas ang bagyo sa PAR, wala pong magche-check out,” aniya at kaagad siyang umalis sa harap namin, sunud-sunod na reklamo ang narinig ko dahil ang iba ay napilitan lang naman mag-stay in dito dahil sa bagyo na maaring tumagal pa ng isang linggo.
Malaki at malawak ang rest house, umaabot ito hanggang third floor, sa ground floor naman ay nandito ang cafeteria kung saan sabay-sabay na kumakain ang mga naka-check in na costumers. Kasulukuyan akong naka-check in sa 2nd floor, room 205. Kagaya ng iba, napilitan lang din akong mag-check in dito dahil masyadong mahaba ang byahe ko at baka madisgrasya pa ako papuntang probinsya. Nasa Albay ako, at ang uuwian ko ay nasa Sorsogon pa. At mula dito sa rest house na ito, tanaw-tanaw ko ang Mayom Volcano, ang landmark ng Bicol.
Totoo nga yung sinabi ng manager, maya-maya lang ay marami nang dumagsang mga bisita dito kasabay ng malakas na pag-buhos ng ulan. Lahat sila ay parehas na nagrereklamo, naiinis, at basang-basa sa ulan dala-dala ang mga bagahe nila. Wala akong ibang ginawa kundi magkulong na lang sa loob ng kwarto ko.
Kinabukasan pagkatapos ng morning routine ko, kaagad akong bumaba sa cafeteria para bumili ng makakakain ko. Pumili rin ako ng table na malapit sa glass window para matanaw ko kung anong nangyayari sa labas.... mahangin, walang katao-tao, makulimlim, at sobrang tahimik.
Nag-order ako ng itlog, sinangag at bacon, pati ng mainit na kape at tahimik na kumain sa tabi. Kung kahapon ay kaunti pa lang ang tao, ngayon, medyo dumami na. Saka nabalitaan ko na lang na hindi na tumatanggap ng mga costumer ang rest house dahil overloaded na ito.
Habang kumakain ako, napatingala ako sa TV kung saan nagre-report na ang news caster tungkol sa kasulukuyang kaganapan sa bawat sulok ng Pilipinas. Babalik na sana ako sa pag-kain nang may mahagilap akong isang pamilyar na tao—mula sa nakaraan ko.
Biglang bumalik ang pamilyar na pagtibok ng puso ko.
Akala ko tapos na, akala ko wala na—pero nang makita ko ang kayumanggi niyang mga mata na nagpapaalala sa akin ng Malandok (Mars), nang makita ko ang mga labi niyang dati kong tinitingnan, nang makita ko ang bisig niya na dati ako pa ang yakap-yakap.... biglang bumalik ang lahat ng alaala. Sakit, pighati, paninibugho, saya. Lahat.
Mukhang naghahanap rin siya ng mauupuan. May hawak-hawak siyang tray na lulan ang mga pagkaing binili niya. Mukhang na-stranded din siya sa rest house na ito.
Yuyuko na sana ako para hindi niya ako mamukhaan pero huli na ang lahat. Ang mga mata niya ay napunta sa kinauupuan ko, at nakangiti siyang lumapit sa akin.
“Hello...” aniya. Tumaas ang balahibo ko dahil ngayon ko lang ulit napakinggan ang boses niya pagkatapos ng limang taon. “Pwede ba akong maki-upo dito? Mukhang occupied na ang lahat ng upuan eh.”
Unti-unti ko siyang tiningala at mas lalong bumilis ang tibok ng puso ko. “Oh, Richard.” pambungad ko.
“Itʼs nice to see you, again,” sagot niya, malaki ang ngiti na nagsasabing hinahagilap niya rin ang presensiya ko.
“Pwede k–kang umupo dito sa harap ko...” sagot ko, pinipigilang mautal dahil sa kakaiba niyang presensiya.
“So, stranded ka rin dito?” tanong niya.
“Oo, kakarating ko lang noong isang araw. Ikaw ba?” tanong ko, nagpatuloy na ako sa pag-kain samantalang siya ay nagpapahid pa lang ng strawberry jam sa tinapay niya—his all time favorite.
