Sa theatro, ang ating unang tagpo.
Bago lang ako sa team at ikaw ang unang nagbigay nang napakatamis na ngiti sa akin. Ang ngiti mong abot mata, ang ngiti mong nakakasilaw naman talaga. Sobrang bait mo pa, alam mo ba? Kaya hindi nakakapagtaka na andami mong tagahanga.
Sa theatro, laging tayo ang mag-kapareho.
Lagi nilang sinasabi na sobrang bagay tayo. Ngi-ngiti ka lang sa mga naririnig mo habang ako naman ay kinikilig nang patago.
Naalala ko, nung kailangan nating umarte na magka-ibigan at kailangan din nating maghalikan; hindi ko alam kung paano o anong gagawin ko. Sobra ang kaba ko pero dahil sa tulong mo, naging komportable ako. Sobrang galing mo! Ni minsan hindi lumaki ang iyong ulo kaya naman mas lalong lumalim ang paghanga ko sayo.
Saksi ang theatro sa nararamdaman ko sayo. Sinasabi nilang ang natural nang pag-arte ko pero hindi nila alam na may hugot lahat ng mga salitang binibigkas ko.
Dahil sa sining na ito, malaya kong naipapakita ang mga nadarama.
Sa theatro kung saan parang may ikaw at ako, kung saan malaya akong maramdaman na parang may tayo…
“Hindi ka ba talaga niligawan?” Tipid ang ngiti ko sa tanong ng kasama. Umiling ako bilang sagot sa tanong niya.
“Weh? Imposible. Sa ganda mong yan? Ni minsan hindi talaga nag-paramdam?” Umiling ulit ako at napatawa sa mga pahabol na tanong niya.
“Hindi talaga.” sagot ko, ngumiti ulit at nag-ligpit ng mga gamit.
“Baka naman nagparamdaman pero hindi mo lang napansin kaya tumigil?” pangungulit ulit nito. Tumawa ulit ako at umiling bilang sagot at pinagpatuloy na ang pagliligpit.
Sa theatro, maraming nagtataka at nagtatanong kung naging tayo ba o tayo talaga. Ngingiti lang tayo at sasagot nang hindi. Yun naman kasi talaga ang totoo, kahit hindi bawal pero wala.
Lahat ng manliligaw ay inayawan ko, iba kasi ang gusto ko. Gusto ko kasi na kapag dumating yung araw na ikaw ay manligaw ay walang sabit…walang mangungulit.
“Ayan na siya!” excited na sabi nang katabi ko. Napangiti ako.
Napangiti ako sa mga tsokolate at rosas na dala mo. Lumapad ang ngiti mo, ang ngiting laging nagpapaganda ng araw ko.
Lahat ng tao sa theatro ay nakatingin sayo, lalo na ako. Saksi ako sa pagkinang ng mga mata mo, kinilig ang lahat sa surpresang ginawa mo.
Napa-iyak ang ating magaling na manunulat sabay sagot ng ‘oo’ sayo.
Siya lang talaga ang gusto mo kahit maraming ayaw sa inyo.
Kahit pa gaano ka-bagay ang dalawang bida sa isang pelikula, kahit andaming umaasa na sana sila nalang dalawa… pero kung may iba naman talagang itinadhana para sa kanila; wala kang magagawa kung hindi tanggapin ang katotohanan at supportahan ang kanilang mga nararamdaman.
Kaya heto ako, bilang isa sa mga tagahanga mo at isa rin sa mga umasang sana naging tayo; ay magiging masaya para sayo.
Sa dami ng storya na ating na e-kuwento at minsa’y pinangarp kong magkatotoo… Nakalimot ako…
Nakalimutan ko na tayo pala ang gumagawa ng sarili nating storya.
Nakalimutan kong e-kuwento ang sarili ko… nakalimtuan kong gumawa ng sariling kong kuwento.
Hindi ko napigilan at laging ikaw ang pamagat… laging ikaw ang gustong alayan ng mga sulat.
Kaya naman sa paborito kong kanta, sa paborito kong tula, sa paborito kong linya at mga salita…
Huli na ‘to, dito, sa theatro… hanggang dito nalang talaga tayo, ako.
