Ang aking Espesyal na Araw
Kahit malalim na ang gabi ay gising na gising pa rin ang aking diwa. Tila hindi matago ang sabik na aking nararamdaman sapagkat bukas na ang aking ika-18 kaarawan. Ako’y tumayo sa aking maliit na silid at kinuha ang aking alkansya. Umabot sa ₱2,534.21 ang laman nito na aking lubos na ikinagalak. Bunga ito ng aking sipag at tiyaga bilang isang kargador sa aming bayan. Matapos mabilang ang perang nalikom ay agad ko itong itinagong muli sapagkat maaaring kuhain ito ng aking mga magulang. Hindi ko maitatanggi na sila ay mahilig magsugal at palaging kinukuha ang aking kinikita upang gamitin lamang dito. Sa kabila ng lahat ng ito, mahal na mahal ko pa rin sila at naniniwala akong balang araw, matututunan din nila akong mahalin pabalik. Dahil sa antok ay tuluyan na akong nakatulog sa aking banig.
Kinabukasan, maaga akong nagising at ginawa ang lahat ng mga gawaing bahay saamin. Naglaba, nagwalis, naglampaso, at nagluto muna bago ko inayusan ang aking sarili.
“Saan ka nanaman pupunta ha?!” Pasigaw na sabi ng aking itay bago siya humikab.
“Bibili lang po sana ako ng makakain natin mamaya dahil kaara---” Bago ko pa matapos ang aking sasabihin ay bigla akong kurutin ng aking inay.
“Lalakuwatsa ka nanaman ni hindi mo ka pa nakakatapos sa mga gawaing bahay!”
“Inay kanina ko pa po ako tapos.” Mangiyak-ngiyak kong sabi.
Inirapan nalang ako ni inay at dumiretso na sa hapag-kainan. Nagpaalam na ako sa kanila ngunit wala akong natanggap na sagot mula sakanila. Pinunasan ko ang aking luhang kanina pa nagpupumilit na pumatak dahil sa sakit ng kurot.
Nakakita ako ng maingay at nagtatawanan na mga magkakaibigan na labis ko ikinalungkot. Kagabi ay inaya ko silang gumala at ipagdiwang ang aking kaarawan ngunit hindi raw sila makakapunta sapagkat may iba’-iba silang pupuntahan.
Nang makarating na sa bayan, pinilit kong ngumiti at inisip sa aking sarili na dapat masaya ako sa aking araw. Habang nag-iikot-ikot ako, may narinig akong nagtatawanan at tila pamilyar ang mga boses nito. Nakita ko sa may kabilang kanto ang aking mga kaibigan, kumpleto sila, nagtatawanan at nakikipag-usap sa isa’t-isa. Tila nadurog ang aking puso. Ang buong akala ko ay kasama nila kani-kanilang mga pamilya pero bakit ganito? Bakit hindi man lang nila ako inaya sa kanilang gala? Tumakbo ako palayo sa lugar na iyon dahil baka makita pa nila akong umiiyak.
Umuwi nalang ako dahil sa pagsikip ng aking dibdib. Alam kong pinag-uusapan na ako ng mga katabi ko dito sa jeep, ngunit tila hindi ko mapigil ang pagpatak ng aking mga luha. Ako ay pinagpapawisan dahil sa pagtakbo kanina ngunit tila kay lamig ng aking nararamdaman.
Hindi muna ako umuwi sa aming bahay sapagkat lalo lang akong mapapagalitan ng aking mga magulang kapag nakita akong umiiyak. Nagtungo ako sa aking sikretong lugar. Ito ay katabi lamang ng isang talon at dito ko lagi ibinubuhos ang lahat ng aking sama ng loob.
“Arghhhh! Bakit ba hindi niyo man lang ako mabati? Anak niyo ba talaga ako???” sigaw ko ngunit alam kong walang makaririnig nito.
“Mga kaibigan ko kayo diba? Kaibigan ko nga ba talaga kayo o ako lang ang nag-iisip na magkaibigan tayo??” sigaw ko mula sa kailaliman ng aking puso na aking nasisiguro na hinding-hindi ko masasabi sa kanilang mga harapan.
Andaming katanungan pa ang naglalaro sa aking isipan na nais kong makakuha ng kasagutan ngunit alam kong mananatili itong patlang. Hindi ko na namalayan ang oras at inabutan na ako ng dilim dahil sa kakaiyak. Agad akong nag-ayos ng sarili at nagpunas ng luha bago ako umalis.
Dahan-dahan kong binuksan ang aming pintuan dahil baka magising ko sila inay at itay at alam kong mapapagalitan ako dahil ginabi na ako ng uwi.
“Buti naisipan mo pang umuwi.” Sambit ng aking inay na may hawak na dos por dos.
“Ayan na gamit mo, ako na nag-impake para sayo. Gustong-gusto mo na talagang umalis dito eh.” sabay bato saakin ni itay ng aking mga damit.
Akala ko’y naubos na ang aking luha kakaiyak kanina pero patuloy pa rin itong pumapatak. Napakasakit, mismong sa mga magulang ko pa naramdaman ito. Tila hindi ko na kakayanin pa.
“Aba’y hindi ka patalaga aalis” sabay hampas ng kahoy sa aking binti.
Pinilit kong tumayo kahit namimilipit na ako sa sakit dahil alam kong masusundan pa ito kung hindi pa ako aalis. Paika-ika akong naglalakad sa aming lugar, hindi alam kung saan pupunta. Wala na akong makita dahil sa pamamaga ng aking mga mata ngunit patuloy na tumutulo pa rin ang aking mga luha.
Namalayan ko na lamang na nasa gitna ako ng daan. Isang ngiti ang namuo sa aking mga labi sa pagkakataong ito. Pakiramdam ko ay magiging malaya na ako mula sa sakit na aking nararamdaman maya-maya lamang. Pumikit na lamang ako habang nakangiti at sinasambit ang mga katagang---
“Maligayang kaarawan saakin…”
YOU ARE READING
My Special Day
Short StoryI am hurt from inside and out but I'll still smile until I don't have any strength to hide my pain
