I

15 0 0
                                        

Naririnig ko pa rin sila.

Tuwing kumukulimlim at naitatago ng makakapal na ulap ang liwanag, senyales na ito na parating na sila. Sa ganitong okasyon ay humahanap na agad ako ng maaaring tuluyan pansamantala, kung saan mayroong telebisyon na babasag sa aking tainga sa lakas ng volume nito. O 'di kaya'y isinisiksik ko ang sarili sa pulo-pulong mga tao, sa paraang ito'y makaiiwas ako sa pagdating nila.

Ngunit may mga araw na dumarating sila ng walang pasabi. Kahit tirik na tirik ang araw. Kahit sandamakmak ang dala kong agimat. O kahit mismong si Pedro Penduko pa ang kasama. Kapag ninais nilang dumalaw, ay walang pinipiling panahon. Biglang bubulaga na lamang ang mga ito, iyon nga yata ang paborito nilang estilo. Hindi nila hilig ang pagkatok sa pintuan.

Ang malas pa ay kung sabay-sabay nilang napagpasiyahang manalasa. Nakahahanap pa ako ng pangkontra sa kanila kapag isa-isa lamang sila nananalasa. Iba ang taglay nilang lakas kapag nagsasama silang lahat, mahirap pigilan. Talagang bumubulusok at nag-aamok.

Sinubukan ko na ring tumagpo ng mga kayang magpalayas sa tulad nila. Ngunit, lalo lang silang humilig sa pagbagabag. Bumubulong pa rin sila. At may mga pagkakataong sobrang lakas para baliwalain. Tulad ng gabing ito.

Binisita na naman nila ako, namiminsala na naman. Binabagyo na naman ang kwarto ko kahit mayroon itong kisame, nahanap na naman nila ako para bulabugin.

Kapiling ko na naman silang tatlo – sina Kalungkutan, Pagsisisi, at Pagkabigo.

Binubulong ka pa rin nila.

LiteraturaStories to obsess over. Discover now