Ang Ulan, Ikaw, at S'ya.

10 2 0
                                        

***

Mga kuliglig. Ang una kong narinig ay ingay na gawa ng mga kuliglig. Humuhuni sa iba't ibang dako ng madilim na paligid. Ito'y humihina at lumalakas ngunit hindi nakasisira sa katahimikan ng gabi. Mas ingay ko pa ngang maituturing ang tawanan at pag-uusap sa silid sa 'king likuran, dahilan din para saglit muna akong umalis doon at pumarito. Dito sa maliit na bakuran. Muli kong narinig ang awit ng mga kuliglig at sa dahilang 'yon ay kumalma ako. Naramdaman ko ang panatag na takbo ng puso at ang tila magulong tagpo sa 'king isip ay nagkaroon ng maayos na daloy. Sumilay ang ngiti sa 'king mga labi, hindi inakalang kailangan ko rin ng mumunting tunog sa paligid para maging kalmado. Huminga ako.

Tinanaw ko ang langit. Hinanap ang buwan, ngunit nabigo ako. Sunod ay sinubukang makipag-taguan sa kislap ng mga bituin ngunit bigo rin—hindi pala! Mayroong isa, subalit madali itong tinakpan ng maitim na ulap. Sandali akong napaisip, uulan kaya? Siguro? bumuga ako ng hangin, sana. Ilang saglit pa'y dumating ang malamig na simoy ng hangin, dahilan para ako'y mapayakap sa sarili. Marahang sumayaw ang mga halaman sa maliit na lote, gumawa ng ingay ang pagbangga ng kanilang mga dahon sa isa't isa. Napansin kong hindi na lumakas ang awit ng mga kuliglig sa 'king pandinig.

Sandali akong natigilan nang marinig ang pagbukas ng pinto sa 'king likuran. Bumaling ang aking tingin sa liwanag na madaling kumawala sa loob at hindi sinasadyang mapakinggan ang ilang salita sa pagitan ng pag-uusap. "...samahan...sa labas..." mga katagang nahuli ng aking tenga. At ito'y galing sa pamilyar na boses. Mula sa kanya. Muli'y huminga ako.

Humakbang ako patagilid para bigyan s'ya ng daan. Nang s'ya ay nakatayo na sa 'king gilid, agad kong naramdaman ang titig ng mga mata n'ya. Tila nakakapaso sa 'king balat. Nahihiya ako. Ang kabog sa dibdib ko'y muling bumilis, at ang saglit na katahimikang natamasa ng aking isip ay unti-unting gumuho. Sa ilang minuto ay naging tahimik kaming dalawa, walang kumibo, walang nagsimulang maglabas ng pag-uusapan. Ako'y pinanuod ulit ang mabagal na pagsayaw ng mga halaman sa maliit na hardin at s'ya, mabuti at hindi ko na ramdam ang titig sa 'kin. Sa 'di kalayuan umingay ang langit, sunod-sunod na pati s'ya ay napansin na rin.

"Uulan siguro," sambit n'ya. Ang tingin n'ya ay saglit na tumama sa 'kin at lumipad na sa madilim na ulap.

Hindi ko na ulit narinig ang mga kuliglig at mas lumamig na rin ang hangin na dala ng gabi. Mayamaya pa nga ay ilang butil na ng ulan ang bumagsak. Umuulan na. Napakurap ako sa unang patak sa 'king balat, 'di inasahan ang lamig nito. Dahil sa pagbagsak ng ulan naging malabo ang mga boses at tawanan sa silid. Ngunit hindi naging dahilan 'yon para 'di ko marinig ulit ang tinig n'ya at ang salitang kanyang sinambit.

"Kumusta?" bati n'ya. Natigilan ako.

"O-okay lang," sagot ko, pinilit maging kalamado ang tono ng boses. Hindi ko alam kung nagawa ko pero saglit s'yang napangisi.

Napatingin ako sa kanya, biglaan. Walang pagtatalo sa 'king isip kung tama bang gawin 'yon. Nahuli n'ya ang aking tingin. Saglit kong napagmasdan ang ngiti sa kanyang mga labi. May kirot akong naramdaman sa puso, mabilis akong umiwas ng tingin. Ito ang unang pagkakataong humarap ako sa kanya ngayong gabi. Dahil ang ginawa ko sa buong oras na ako'y nasa silid ay makipagsabayan sa tawanan, kwentuhan, at inuman. Kasama na rin ang pagsubok na iwasan ang kanyang mga mata. Akala ko ngayong gabi'y magtatagumpay ako. Pero heto ako ngayon, at s'ya, sa gitna ang ulan.

"Mabuti naman," tugon n'ya. "Tungkol pala sa nangyari kagabi..." bumilis ang kabog sa 'king dibdib.

Huminga ako. Madaling inalala ang maaring naganap sa nakaraang gabi. Ano na nga bang nangyari? Hindi ko na masyadong matandaan, o baka ako 'yong pinilit na itong kalimutan. Ang tagpong isa sa mga bagay na pagsisisihan ko. Sa kadahilanang nagpadala ako sa 'king damdamin, naging makasarili ako dahil lang sa isang bagay sa 'king isip na hindi ko mapiligilang isipin. Kaya nang magkaroon ako ng pagkakataon kagabi, habang kami'y naglalakad pauwi kasabay ang ingay ng mga sasakyan.

Nagtapat ako.

Halos sabay kaming napaatras sa paglapit ng ulan sa aming mga katawan. May maliit na bubong na nakadikit sa pinto na s'yang naging silong namin. Maraming patak na ang ginagawa ng ulan sa paligid at tumindi na rin ang lamig ng gabi.

"Ano nga ba 'yong sasabihin mo?" usisa n'ya.

Sa tanong n'yang 'yon tila nagbalik sa 'kin ang kaba sa natapos na gabi. Gano'n din ang pag-urong ng aking dila. Oo nga pala, hindi ko nasabi ang mga katagang balak kong sabihin no'ng mga oras na 'yon. Mga salitang hindi ko batid kung kailangan n'ya bang marinig mula sa 'kin. Naalala kong tumigil ako sa pagsasalita, madaling kumapit ang takot sa 'kin habang papalit na sa parte ng pagtatapat ng aking nararamdaman. Ang kulay mula sa mga sasakyan ay lumabo sa 'king paningin, sa 'di inasahang pag-init ng aking mga mata. Pero bago pa man n'ya makita ang unang pagbagsak ng luha ay mabilis akong kumilos, tumakbo palayo sa kanya.

Naduwag ako.

Ngunit ngayon. Bakit ngayon, nandito kaming dalawa at muling malapit sa isa't isa. Isang malakas na pagtambol ang nagmula sa langit, dahil sa kulog na 'yon  napaatras ako kasabay ng pagtalon ng aking puso. Napayuko ako, hindi dahil sa nangyari kundi dahil sa pagkalas ng takot sa 'kin. Nagsimulang mag-init ang aking mga mata ngunit pilit ko 'yong nilabanan, pati na rin ang paglunok sa kung anong naramdaman nakabara sa lalamunan ko. Ayoko, hindi ako luluha ngayon.

Muli'y huminga ako. Isang singhap sa hangin sabay buga. Tinuon ko ang tingin sa mga halamang tumigil na sa pagsayaw dahil sa basa ng ulan.

"Gusto mo bang marinig?" Napakuyom ako ng palad sa 'king tanong.

"Sana," tugon n'ya.

Bago bumukas ang aking bibig, unang napuna ng aking tenga ang isang bagay. Ang pagsisimula na naman ng ingay sa itaas, nag-iipon ulit ng galit ang langit. Mistulang naglalabas ito ng damdamin. Katulad ko ngayon, na sa pangalawang pagkakataon ay ilalabas ang kung anong nakatago sa madilim na bahagi ng puso at isip.

Naisip kong sabayan ang langit.

Kaya nang muling marinig ang malakas na hampas sa kalangitan, kasama ang  nakakasilaw na liwanag ng kidlat. Buong tapang ko s'yang hinarap, at muling sinambit ang aking pagtatapat.

***

Salamat sa pagbabasa! Sana ay nasa mabuti kang kalagayan ngayon. Laging mag-ingat.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: May 28, 2020 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Ang Ulan, Ikaw, at SiyaStories to obsess over. Discover now