I KISSED A GIRL 6

10.9K 476 47
                                    

"Saan ka na naman bang nanggaling na bata ka? Hindi mo ba alam na alalang alala na ako sa'yo?!" sigaw agad sa akin ni Mama pagdating ko sa bahay.

Inihatid ako ni Lothur dito sa 'min. Balak ko pa sana siyang papasukin ng bahay pero agad naman niya akong tinanggihan. May bagay pa daw siyang aasikasuhin. Ano naman kayang gagawin niya nang ganitong oras? Gabing gabi na, ah. Sabagay ano nga namang pakialam ko.

"Nakikinig ka ba?"

Nagulat ako nang sumigaw ulit si Mama sa harap ko.

"O-opo!" agad kong sagot.

"Pinapasakit mo naman ang ulo ko eh." Umupo si Mama at humawak sa kaniyang sintido. Namumula at namamasa na ang kaniyang mga mata.

Ngayon ko lang nakitang ganoon si Mama kaya hindi ko maiwasang pangiliran ng luha. Nagulat ako nang bigla niya akong yakapin. Walang alinlangan ko itong ginantihan. Dinig ko ang paghagulgol niya sa aking balikat. Habang tumatagal ay mas lumalakas ito. "Pagpasensiyahan mo na si Mama ah. Natatakot lang akong baka pati ikaw mawala din sa'kin."

Paulit-ulit niyang hinahaplos ang likod ng ulo ko habang napakahigpit ng pagkakayakap niya sa'kin.

"Ma, hindi iyon mangyayari," bulong ko.

"Sana hindi ko na lang kayo iniwan noon. Pinagsisisihan kong umalis ako at nag-abroad. Edi sana hindi na nangyari sa inyo ang mga bagay na iyon. Edi sana magkakasama pa'rin tayo ngayon."

Paulit-ulit siyang humingi ng tawad.

"Wala kang kasalanan Mama, ginawa mo lang ang alam mong tama noon. Walang ibang pwedeng sisihin kundi ang hayop na ama kong 'yun."

Tumango-tango na lang si Mama habang patuloy pa rin akong yakap.

---

Pagkapasok ko kinabukasan sa school ay kitang kita ko ang gulat na hitsura ni Meagan.

"P-pumasok ka?" agad niyang tanong sa akin pagpasok ko ng classroom.

Hindi ko na lang siya pinansin at diretso akong umupo sa upuan ko. Tumabi naman agad sa'kin si Jane.

"Pigilan mo 'ko, Miko, makakatikim talaga sa 'kin iyang si Meagan," bulong sa akin ni Jane.

"Ano na naman ba yun?" tanong ko.

"Nakalimutan mo na ba yung ginawa ng babaeng iyan sa'yo kagabi?"

"Hayaan mo na lang," bulong ko rin sa kaniya.

As much as possible ayoko nang palakihin pa. Ayaw ko ng gulo.

"Tss, kung ikaw kaya mong manahimik pwes ako hindi," sabi ni Jane saka tumayo.

"Meagan! Hindi ka man lang ba magso-sorry dito kay Miko?" sigaw ni Jane kay Meagan. Ikinagulat ng mga kaklase namin ang pagsigaw ni Jane kaya lahat sila ay nasa amin na ang atensyon.

"Chill, it's just a prank." Ngumisi si Meagan at para bang pinipigilan pang matawa sa mga nakikita niya.

"Prank? Prank pala, ah. Sige, sasabunutan kita saka ko sasabihing prank lang yun!" Sumugod agad si Jane kay Meagan.

Wala akong nagawa kundi panoorin na lamang si Jane at Meagan na mag-away. Ibang-iba ang Jane na nakikita ko ngayon sa Jane na kilala ko. O baka hindi ko lang talaga siya lubusang kilala?

Ibang-iba siya sa paningin ko. Hindi ito ang Jane na nagustuhan ko. Hindi na siya yung babaeng mahinhin at hindi makabasag-pinggan.

Kahit may nag-aawat ay pilit lang na nagsasabunutan ang dalawa. Ang hirap nilang awatin. Maya-maya ay may teacher na na dumating para patigilin sila. Nagulat ako nang pakyuan ni Jane si Meagan habang pareho silang pinaglalayo.

Nagulat ako dahil doon. Ibang Jane talaga ang nakikita ko at hindi ako natutuwa dito.

Nalaman ko na lamang na parehas na silang suspended ni Meagan. Marami kasi silang nasirang gamit sa classroom tapos madaming teachers and students ang naabala dahil sa pag-aaway nila.

Napabuntong hininga ako.

Kailangan kong kausapin si Jane at sabihin ang mga napapansin ko sa kaniya. Kaibigan niya pa rin ako at kailangang gabayan ko siya at itama kung may nakikita akong mali sa kaniya.

Hanggang sa pagkain ng lunch ay siya pa rin ang iniisip ko. Naguguluhan talaga ako. Ibang-iba talaga ang Jane na kasama ko kanina.

"Mikay! Tol!"

Nabuga ko ang iniinom kong tubig nang makita ko si Lothur. Kumakaway ito sa akin sa labas ng canteen. Agad kong pinunasan ang bibig ko at inis na lumingon sa kaniya.

"Sa susunod huwag mo 'kong gugulatin ng ganoon! Balak mo bang patayin ako sa sakit sa puso?" inis kong bwelta sa kaniya.

"Ito naman ang OA."

Inaya ko siyang maupo sa tabi ko habang inaayos ko ang lunchbox ko. "Seryoso ano nga ginagawa mo dito?"

Kumuha ako ng saging sa bag ko, kakagat na sana ako doon pero bigla naman itong inagaw ni Lothur. "Ito naman, hindi ba pwedeng maging masaya ka na lang kasi nandito ako?" namumuwalan nitong tanong.

"Ewan ko sa'yo," inis kong sabi saka kumuha pa ng isang saging sa bag ko. Pero tulad kanina ay inagaw ulit ito sa akin ng kumag kong kausap.

Sa inis ko ay ibinigay ko sa kaniya lahat ng saging na mayroon ako. "Oh! Maging unggoy ka sana!" inis kong sabi habang iniaabot ko ang mga saging.

"Si Jane pala nasaan?" tanong niya habang nagpapalinga linga at kumakain pa rin ng saging.

"Bakit sa 'kin mo tinatanong? Hanapan ba ako ng nawawala?"

"Akala ko ba best friends kayo?"

Inabutan ko siya ng mineral water dahil mukhang kailangan niya. Tss. Ginagawa naman akong yaya ng kumag na 'to. "Di naman porke bestfriend ko siya alam ko na kung nasaan siya palagi," pambabara ko sa kaniya.

"Teka, ang sungit mo, ah. Kanina ka pa pagdating ko. May kasalanan ba ako sa'yo?"

Napabuntong hininga ako. "W-wala." Umiwas ako ng tingin.

"Ano nga 'yun? Ito naman parang di tropa." Umakbay ito sa akin.

Uminit bigla ang ulo ko kaya inis ko siyang tiningnan. Agad kong tinanggal ang braso niya sa balikat ko. "Huwag ka ngang akbay nang akbay sa'kin baka may makakita sa'tin tapos kung ano isipin."

Hindi na siya umimik at pinagpatuloy na lang ang pagkain ng saging kong ibinigay sa kaniya.

"Nasuspend si Jane," Bigla kong nasabi out of the blue.

"Oh? Bakit daw?" agad na tanong ni Lothur. Patuloy lang siya sa pagkain at parang di nagulat sa sinabi ko.

"Bakit parang okay lang sa'yo?"

"Siyempre hindi 'no! Bakit magiging okay 'yun? Oh, eh bakit nga na-suspend?"

"Inaway niya kasi 'yung isa naming kaklase."

Hindi umimik si Lothur at patuloy lang sa ginagawa niyang paglantak sa mga binigay ko. Nakakagulat nga na naubos niya eh ang dami ng saging na 'yun. Unggoy nga yata 'tong kumag na 'to.

"Parang ibang Jane yung nakita ko kanina. Parang di ko siya kilala," tulala kong sabi.

Napansin ko ang pagbuntong hininga ni Lothur. Uminom siya sa bote ng mineral water at saka tumingin sa kaniyang orasan. "May klase ka pa ata, bibisita na lang ulit ako. Salamat sa saging ah!"

Wala akong nagawa kundi tumango. Nagulat naman ako nang bigla niyang guluhin ang buhok ko. Napanguso ako dahil doon.

"Bye miss!" sigaw ni Lothur mula sa di kalayuan. Nag-flying kiss siya sa akin na natatawa ko namang inilagan.

Sa kabila ng mga nangyaring nakakalungkot ngayon hindi ko alam kung bakit tila nabura ni Lothur lahat ng 'yun. Maski ang mga ngiti sa aking labi ay hindi na rin mapawi.

~

FOLLOW
VOTE
COMMENT

I KISSED A GIRL | COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon