Simuli

45 3 1
                                    


Simuli

Tila ba natapos na ang simula,
Ang damdamin ay naitala,
Hindi mapigilan ang patak ng luha,
Hanggang dito na nga lamang ba talaga?

Akala ko ba ay walang hanggan,
Kahit na walang katiyakan ay patuloy na hahagkan...
Ang dulo man ay laging kinabukasan,
Bigla na nga lang bang napunta sa kawalan?

Hindi ko malaman ang nais na iparating,
Gusto ko lamang na sabihin,
Ako’y nasa tabi lang at nakatingin,
Sa iyong ganda at sa mga bituin,

Ikaw ang pinakamasayang nangyari sa buhay ko,
Bagamat alam ko na mayroong katapusan ito,
Hindi ko lubos maisip na ikaw ay wala sa aking mundo,
Hanggang ngayon, ikaw lang ang tinitibok nito,

Marahil ako na lang ang nakakaramdam nito,
Ngunit sa kabilang banda, batid kong makakausad ako,
Kailangan ng panahon, pero handa akong sumabay dito,
Dahil ito lamang ang solusyon na kakayanin ko,

Sa halip na piliting kalimutan ang damdamin,
Itutuon ang atensyon sa presensya ng hangin,
At sa mga bulong ng karagatan na patuloy na dinidiin,
Makikinig sa isip, isasantabi ang pusong ibinalik sa akin,

Susubukan ang sarili at sa tanawin ay hahanap ng sagot,
Dadamhin ang lamig, panonoorin ang mga punong takot,
Takot na maiwan ng mga ibong namahinga sa sanga nito’t
Takot na sa huli’y mag-isa na naman sila at malungkot.

Masaya naman ang mag-isa ka,
Subalit kapag may isang tao kang kasama,
Nagkakaroon ng buhay’t kulay ang mundong dating wala,
Naiintindihan ang tunay na pag-ibig dahil nakakaintindi ng halaga.

Ngunit kapag ito’y tuluyan na naglaho,
Ang mundong kasama siya ay guguho,
Wala na rin namang magagawa para maayos ‘to,
Sapagkat natapos na ang ating kuwento,

Hahayaan na maghilom ang pusong muling nasawi,
Tadhana lamang ang aking pilit na masisisi,
Dahil hinayaang mayroong masaktan sa huli,
Ang huling mensahe ko na lamang ay, “Hanggang sa muli.”

Gunita at HarayaWhere stories live. Discover now