"Dad, sa bahay na lang, please," pakiusap ng ina ni Macky sa basag na tinig pero mistulang walang narinig ang asawa nito.

Napatingin siya sa mga magulang. Nakita niya nang magkatinginan ang dalawa. Kilala niya ang uri ng tingingang iyon, alam niyang may napagpasyahan na ang mga magulang. Maging siya ay nakapagpasya na rin.

Kasabay ng awa, nakaramdam din siya ng pang-unawa para kay Macky. Ngayon niya naunawaan kung bakit gan'on ito sa labas ng bahay.

"Excuse me po," ani Cheryl.

Lumingon sa kanya ang mga naroroon, maging ang mga magulang niya ay nakatingin din sa kanya. Tinanguan niya ang mga ito at binigyan ng payak na ngiti, alam niyang nagkaunawaan na silang mag-anak. Hindi nila kailangang mag-usap. Tinginan pa lang ay alam na nila ang ang nasa puso ng bawat isa.

Tumingin siya sa ina ni Macky, "Maipapangako n'yo po ba na hindi na ako gagambalain ng anak ninyo?"

Tumango ang ginang sa kanya, nagpahid ito ng luha, biglang nabuhayan ang mukha.

"Lulumpuhin ko na 'yan kung sakaling gagawin ulit ang katarantaduhang ito," sagot naman ng ama nito.

"Hindi na po kami magsasapa ng kaso kung ganon," anang ama niya. "Pero aasahan ko ang pangako ninyo na hindi na lalapit kailan man ang anak n'yo sa anak namin."

"Hindi na talaga. Ipapatapon ko sa Baguio iyang tarantadong 'yan," anang ama nito matapos bigyan ng galit na sulyap ang anak. Si Macky naman ay nanaliting tahimik pero bakas ang galit sa mukha habang nakatitig sa ama.

"Salamat," anang ina ni Macky, lumapit ito sa kanya at hinawakan ang kamay niya. "Ako ang humihingi ng paumanhin sa ginawa ng anak ko." Pinahid nitong muli ang mga luhang naglandas sa pisngi.

Lumapit din ito sa mga magulang niya at nagpasalamat, muli rin itong humingi ng pasensya. Matapos maidokumento ang nagyari at magpirmahan ng kaukulang papel hinggil sa gulo kanina ay tumayo na silang mag-anak at lumabas ng silid. Paglabas nila sa pasilyo ay nadatnan nila roon si Marson, nakaupo sa bangko katabi si Euan. Bukod sa plaster sa may kanang kilay ay hindi mahahalatang napa-away ang binata, hindi katulad ni Macky na may pasa na sa may panga at sa gilid ng kaliwang mata.

“Salamat sa pagtulong mo sa anak ko,” anang ina niya.

“Wala pong ano man. Kahit sino naman po ang makakita noon ay sinisigurado kong gano’n din ang gagawin,” ani Marson matapos tumayo nang makalapit na sila.  Pagkatapos nitong tanggapin ang pakikipagkamay ng ama niya ay bumaling ang binata sa kanya at ngumiti.

Wala siyang maapuhap na sabihin dito kaya ngumiti na lang siya.

“Okay ka lang ba?” tanong ng binata sa kanya.

Huminga siya ng malalim bago tumango, “Salamat sa pagtulong kanina. At pasensya na rin kung nasugatan ka pa.”

“Kasama na napagkasunduan sa loob ang pagpapatingin mo sa ospital,” anang ama niya.

“Hindi na po. Malayo po ito sa bituka. At mas malala pa po rito ang inaabot ko kapag naaaksidente sa basketball. Simpleng sugat lang po ito.”

“Miss.”

Nilingon niya ang tumawag sa kanya, si Macky, pero hindi siya umalis sa pagitan ng mga magulang. Humakbang ito palapit, iniwan ang mga magulang na kasunod nitong lumabas sa silid.

“Sorry,” anito habang nakatingin sa mga mata niya. Kanina nang pumasok sila sa opisinang iyon ay blanko ang reaksyon nito, na napalitan ng galit nang dumating ang ama. Pero ngayon, napalitan iyon ng pagsisisi. At ang sincerity sa mga mata nito ay waring nagbigay ng ibang aura sa lalaki.

Hindi sumagot si Cheryl pero nginitian niya si Macky. Ilang minuto pa itong tumayo sa harapan niya, sa wari’y may kung anong gustong idagdag sa sinabi pero halata sa mukha ang pag-aalangan.

“Tayo na, Macky,” anang ama nito na dire-diretsong lumakad sa pasilyo matapos silang tanguan. Ang ina naman nito ay lumapit kay Marson at sinabing pupunta ito sa bahay nina Marson para humingi ng despensa at para masamahan na rin ito sa ospital.

“Pasensya na kung mali ang paraan ko para mapansin mo,” ani Macky bago tuluyang tumalikod sa kanya. Napakunot-noo naman si Cheryl dahil sa sinabi ng binata.

************************

Author's Note:

Please watch out sa kasunod na kwento ng story na ito. Trilogy po ito.

Ang kasunod na kwento ay:

SPICY SIZZLING LOVE (Book 3) - Sherwin and Aileen

Posted at completed na po ang Book 1 - My Sweet Surrender

You can also follow me on my Facebook Page:

DEANDRA PAIGE

My Savory Love (COMPLETED) Où les histoires vivent. Découvrez maintenant