Kabanata 16

80 59 7
                                    

Malayo man ngunit alam kong natatanaw niya ako. Hindi ko na lang siya pinansin at pumasok sa loob ng mansion. Halos atakihin ako sa puso nang makasalubong ko sa bungad ng pintuan si prinsipe Daniel. Napahawak ako sa dibdib kong napakalakas ng kalabog dahil sa gulat.

"Oh para kang nakakita ng multo." Natatawang sabi niya.

Magpinsan ba naman ang gugulat sa'yo.

Hinabol niya ako at hinawakan sa braso kaya nilingon ko siya at kinunutan ng noo.

"May kailangan ka, prince Daniel?"

Alam ko na kung saan patungo ang usapan kaya kung maaari ay kailangan kong umiwas.

Dahan dahan niyang binitiwan ang braso ko. Isang minuto na ang nakalipas ngunit nakatitig lang siya sa akin. Bumuka ang kaniyang bibig ngunit kaagad din niya itong sinara. Parang may gusto siyang sabihin ngunit nagdadalawang isip siya kung itutuloy niya ba.

"Kung wala ay aalis na ako." Paalam ko at dali-daling iniwan siya roon na nakatingin pa rin sa akin.

Ilang araw na akong umiiwas sa kanila dahil hanggang ngayon ay naduduwag pa rin ako sa katotohanan. Mabuti na lang dahil matapos ang ilang araw kong pag-titiis ay umalis na rin sa wakas si Daniel kasama ang kanilang pinuno. Tulad ng plano nila ay pumunta sila ng Canada para sa isang kasunduan.

Buo na ang desisyon ko, iyon ay ang tumakas sa magulong mundong ito. Hindi ko na kaya pang mag-stay dito. Wala naman akong dahilan pa para mag-stay kaya mas mabuting umalis na lang.

Mahigpit pa rin ang pagbabantay sa akin ngunit dahil wala na ang pinuno ay maaari akong gumawa ng paraan para tumakas.

Napabuntong hininga ako habang nakatanaw sa bintana. Malalim na ang gabi at nagkalat na ang mga guwardiyang bampira. Kumunot ang noo ko nang matanaw ko sina Hans at Zed na nag-uusap. Saka ko lang napagtantong nag-aaway sila nang sampalin ni Hans ang nobyo.

Walang nakakapansin sa kanila dahil nasa madilim at tagong parte sila ng kakahuyan. Nakikita ko lang sila sa tulong ng buwan. Kalahati lang ito ngunit sapat na ang liwanag nito para masaksihan ko ang pag aaway ng dalawa. Wala ring masyadong guwardiya ang naglilibot doon kaya walang makakaabala sa kanila.

Masakit para sa aking nakikita silang nag aaway at alam kong ako ang dahilan ng away nila. Ayoko nang saktan pa lalo ang sarili ko kaya sinara ko na lang ang bintana.

Inayos ko na ang mga damit ko at kinuha ang kwintas na minsan ko lang ginamit. Tinignan ko iyon. Umiilaw na naman ito. Ngumiwi ako nang napaso ako noong hinawakan ko. Hindi na ito bago sa akin pero hindi ko pa rin maintindihan ang ibig nitong sabihin. Minsan ay nakakapaso, minsan ay hindi at umiilaw lang ito. Tatanungin ko na lang si Lola tungkol dito.

Bumagsak ang mga balikat ko nang maalala ko ang pamilya ko. Hindi ko pala namalayang isang buwan na akong nandito kaya kailangan ko nang makaalis sa lalong madaling panahon. May mga naghihintay sa akin at alam kong sobra na ang pag-aalala nila sa akin ngayon. May pasok na rin pala kami at natatakot akong mahuli sa klase dahil kahit hindi halata ay may pakialam pa rin ako sa grades ko.

Malayo ang lalakbayin ko kung tatakas ako ngayon ngunit alam kong nasa Pilipinas pa lang kami. Kahit hindi ko gaanong alam ang mga lugar sa sariling bansa ngunit kaya kong umuwi. Madali lang ding mag-report sa pulis kaya hindi ako mahihirapang makauwi.

Hindi ko namalayang nakatulog na pala ako kakaisip. Naalimpungatan lang ako noong maramdaman ang isang pares ng mga matang nakatitig sa akin.

Bumalikwas ako ng bangon at nakita ko siya. Nakatayo siya at nakasandal sa tabi ng bintana ko. Para siyang nasa isang commercial dahil bahagya pang umaalon ang kurtina dahil sa hangin. Nakahalukipkip siya at ang mga mata niya ay nasa akin lang.

Yazmin (COMPLETED)Where stories live. Discover now