"Mark! Gumising ka na diyan!"

Napamulat ako ng aking mga mata nang madinig ko ang malakas na sigaw ni tita mula sa kung saan. Kasunod ay isang malalim na buntong-hininga ang aking pinakawalan. Ilang beses ko na bang napapanaginipan ang senaryong yun sa buhay ko? Halos gabi-gabi ay hindi ako pinapatahimik ng mga nakaraan ko. Tila isa itong bangungot na pilit humahabol sa akin kung saan hindi ako makakawala. Nakatatak na yun sa isip at kaluluwa ko.

Napatingin ako sa orasan at napansin na mahuhuli na ako sa lakad ko. Inayos ko muna ang higaan ko bago pumunta sa pwesto ni tita. Prente itong nakaupo habang hinihigop ang kape sa paborito niyang tasa.

"Huwag kukupad-kupad, Mark at baka malate ka sa trabaho mo." sabi nito at abala naman sa paglalagay ng peanut butter na palaman sa tig-dos na pandesal.

"Tita, mag-aapply pa lang po ako ng trabaho."

"Ewan ko sayo! Ganun na din yun." napangisi na lamang ako sa tinuran niya.

Matapos kong makapag-almusal ay naghanda na ako para maligo. Susubukan ko ulit maghanap ngayon ng trabaho upang makatulong na din sa gastusin dito sa bahay. Nakakahiya naman kasi kung puro lang si tita Emma ang gumagastos dito at wala man lang akong maiabot sa kanya kahit konting halaga.

Nakahanda na ang susuotin ko kagabi pa. Kaya naman pagkatapos kong maligo ay mabusisi ko na lamang na sinuot ang long sleeves na matagal ko nang tago-tago para sa mga ganitong lakad. Kailangan ay presentable at malinis ka iyong katawan dahil yun ang unang bagay na titingnan ng isang kompanya sa isang tulad ko na naghahanap ng trabaho. Pinagmasdan ko ang porma ko ngayon na masasabi ko namang nangibabaw ang kagwapuhan ko. Tsk! Hindi naman sa pagmamayabang pero gwapo talaga ako. Hindi ko lang talaga naaalagaan ang sarili ko dahil sa kahirapan. Tsaka wala akong panahon para sa ganyang bagay. Mas importante kasi ang mga mahahalagang bagay kaysa sa mga pansariling kagustuhan lamang.

Nagpaalam na ako kay tita nang sa tingin ko ay handa na ako. Kumaway lamang ito sa akin at hindi na nag-abalang tapunan ako ng tingin. Kahit kailan talaga si tita, kapag kausap ang soon-to-be-husband niya ay wala talagang pakialam sa paligid niya. Halos isang linggo na din ang nakalipas nang dumalaw si tito Romeo sa aming bahay. Simula noong araw na yun ay hindi na din nawala-wala sa isip ko ang pilit na bumabagabag sa akin. Hanggang ngayon ay wala pa din akong ideya sa bagay na yun.

Wala akong choice kundi ang sumakay sa padyak para hindi masira ang ayos ko. Kapag kasi naglakad pa ako ay baka abutin pa ako ng siyam-siyam at pagpawisan pa ako. Sayang naman ang pagpapaligo ng pabango ko kanina kung pagpapawisan lang ako. Diba?

"Tatawagan ka na lang namin."

"We'll call you after checking your files."

"I'm sorry pero may na-hire na kami regarding to that position."

Pagod akong napabuntong-hininga nang lumabas ako sa pintuan ng hindi ko na mabilang na kompanya na aking pinag-aapply'an. Pareho lang sila lahat na tatawagan na lang ako at sasabihin kung natanggap ba ako o hindi. Tsk! Sa panahon talaga ngayon kapag hindi ka nakapagtapos ng pag-aaral ay mahihirapan ka talagang maghanap ng trabaho. Sa kabilang banda naman, kahit graduate ka pa sa isang degree ay hindi pa din secured ang trabaho mo kapag nagkataon.

Ang hirap talaga ng buhay.

Saglit muna akong nagpahinga at kumain sa isang sikat na fastfood chain dito sa lugar. Tirik na tirik na naman ang araw dahilan para pagpawisan ako. Tanghaling-tapat na din at kumakalam na din ang sikmura ko. Kanina pa kasi ako naghahanap ng mapag-aapply'an pero bigo pa din akong matanggap.

The Playboy's Toy (Dangerous Man Series)Where stories live. Discover now