Kabanata 5: Tsismis

21.4K 448 27
                                    

"MACARIA! Bakit mo 'ko iniwan? Ano pa ang silbi ng aking buhay kung wala?ka? Macaria! Hindi ko 'to kaya, isama mo na lang ako sa iyong pupuntahan. Macaria!"

"Nakupo, itay!"

"Hesusmaryosep, si Mang Delfin!"

"Paano na kami ngayon, inay? Inay!"

"Dalian n'yo, si Gina rin!"

Nakamasid lang sa isang gilid si Domeng. Lahat ng nagaganap t'wing may ililibing sa loob ng sementeryong pinagha-hanapbuhayan ay tahimik lang n'yang pinanonood.

Mga nag-iiyakan, nagsisigawan, hinihimatay at kung anu-anong eksena ang pamilyar na sa kanya t'wing may isusuot na bangkay sa loob ng parihabang batong bagong tirahan ng mga ito. Pangkaraniwan na lang sa kanya ang gan'ong mga tanawin. Hindi na bago ika nga, dahil nakasanayan na n'ya. Lahat naman ng taong isinilang ay sa pagkamatay mauuwi. Ang lahat ay hindi makaliligtas kapag ang kalawit ni Kamatayan ay nakadikit na sa bawat leeg ninuman dahil dumating na ang hangganan ng hiram na buhay

"Kapag patay na ang isang tao ay wala na s'yang mararamdamang sakit. Hindi na masasaktan ang damdamin at mahihirapan. Pero dito sa lupa lang, kasi haharapin n'ya naman ang kabilang buhay. Narinig ko ang sabi ng isang lalaking nangangaral noon, ang pagkakaintindi ko kapag namatay na raw ang isang tao ay nakapahinga pa lang s'ya. At pagdating daw ng araw ng paghuhukom saka pa lang hahatulan ng Panginoon sa kanyang mga nagawa. Ang paniniwala naman ng iba, kapag namatay raw ang isang taong mabuti ay sa langit ang diretso niya, at kung masama naman ay sa impyerno raw ang tuloy. Kung ako ang tatanungin, narito rin sa lupa ang langit at ang impyerno. Kung masaya ang buhay, payapa kasama ng mga mahal sa buhay, at walang sakit ng ulo e 'yon ang langit. Kung tatad ng mga problema at puro paghihirap ang buhay, 'yon naman ang impyerno."

Malalim na buntung-hininga ang pinawalan niya mula sa naninikip na dibdib. Hindi s'ya takot sa mga patay subalit maisip pa lang na s'ya na ang patay ay sinisigilahan ng takot ang buo n'yang sistema. Sanay s'ya sa paghawak ng iba't ibang klase ng ataul na may lamang bangkay, ngunit kapag naiisip na paano kung s'ya na ang nakahiga sa loob niyon ay nangangalisag na ang mga balahibo n'ya sa mga braso. Ordinaryong gawain na lang sa kanya ang maglibing sa mga ito. Matapang na ang kanyang sikmura, subalit kapag naiisip naman niya kung sino kaya ang maglilibing sa kanya ay nanghihina na ang kanyang mga tuhod at nanlalaki ang kanyang ulo.

"Mahirap nga ang buhay pero masarap pa rin ang mabuhay. Ayos lang basta't 'di sumasala sa oras at walang malalang sakit. 'Yong makaraos sa bawat araw e malaking pasalamat na sa Diyos. Sabi nga, habang may buhay, may pag-asa," pagpapalakas loob niya sa sarili.

Matapos ang mga pagsisigawan at paghagulgol ng pamilya at malalapit na mga kamag-anak, kaibigan at ilang naiiyak dahil nadadala na rin sa nakikitang pananangis ng iba ay isinusunod naman ang pagtawid ng mga bata sa ibabaw ng ataul. Pinaniniwalaang sa paggawa ng gan'on ay hindi raw dadalawin o magpapakita ang kaluluwa ng namatay sa mga hahakbang sa bangkay ng namatay.

Hindi n'ya alam kung kanino nagmula ang paniniwalang 'yon o kung totoo nga ang ritwal na 'yon dahil bata pa lang s'ya ay nakikita na n'yang ginagawa ang gan'on. Pero dahil nakasanayan na gawin ay nagpatuloy na lang. Marahil ay may pamahiing sinusunod ang mga matatanda. Kunsabagay ay wala namang masama kung gawin at wala rin namang mawawala. Kanya-kanyang paniniwala lang naman at dapat irespeto ng iba.

Pagkatapos maisuot ang ataul sa loob ng nitso kasunod ng mga bulaklak na karamihan ay lanta na, ginawa na n'ya ang kanyang trabaho. Itinuloy na n'ya ang pagsasara sa butas niyon. Nagawa na n'ya ang mga dapat gawin kung kaya lumayo na s'ya at nagtuloy sa isang bahagi ng sementeryong tambayan n'ya at doon sandaling nagpahinga. Nang mag-alisan na ang mga taong nakipaglibing ay nag-umpisa na s'yang linisan ang paligid. Pinulot n'ya ang pwedeng pakinabangan para sa kaibigang napangakuan at inilagay ang mga iyon sa isang malaking plastik. Madilim na nang matapos n'ya ang mga dapat gawin.

Bakanteng NitsoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon