"Amy! Magpapakamatay daw si Eco kapag di mo siya sinagot! Maawa ka naman dito sa kaibigan ko oh! Tinigil na niya yung pagyoyosi at lahat ng bisyo niya para sayo! Sayo lang to nagkaganito! Hindi ko na siya maiintindihan! Nagkumukmok na dito! Sagutin mo na please??!" Pagmamakaawa ni Ced habang kausap ko sa telepono.
"Ha??!! Bakit?! Anong nangyari?!" Nag aalala kong sagot kay Ced.
"Sagutin mo na yung kaibigan ko please nagmamakaawa na ako sayo. Sinasaktan na niya yung sarili niya. Hindi ko na siya maintindihan!" Tugon ni Ced.
"Oo na sige na! Pasabi umayos na siya please." Pagmamakaawa at napilitan kong sambit habang nag aalala.
"Uyyy.. mukhang close na kayo ni Eco ah? Kayo na ba?" Pang-aasar ng aking matalik na kaibigan na si Mari.
Kami ay nasa pangalawang taon ng sekondaryang paaralan na isang sakay lamang dikalayuan sa aking tahanan. Karamihan sa aking mga kaeskwela ay nakatira din sa barangay na aking tinutuluyan at ang iilan dito ay dati ko ng kaeskwela noong kami ay nasa elementarya pa lamang at kabilang na dito sina Mari(matalik kong kaibigan) at si Eco na naging malapit na din sa akin.
"Hindi ah. Bff lang kami non." Patanggi kong sagot sa kanya. Magkaklase kaming tatlo kabilang na din ang kasintahan ni Mari na si Ced na siya namang matalik na kaibigan ni Eco. At dahil sa madalas kong kasama ang bff kong si Mari, nakakasama ko na din ang kasintahan nya at ang matalik na kaibigan nito. Matagal-tagal na kaming magkakilala ni Eco ngunit hindi kami malapit sa isa't isa kagaya ngayon.
Tuwing may mga aktibidad sa aming eskwelahan, sila ang grupo na aking laging kinabibilangan. Hanggang sa pag pasok at pag uwi, sila din ang aking nakakasabay dahilan sa magkakalapit ang aming mga bahay. Maging sa pagdedate ng dalawa eh palagi din kaming kasama kaya sa tuwing mag kausap ang magkasintahan, kami naman ni Eco ang nagkakaroon ng pagkakataon upang makapagkwentuhan.
Sa dalas ng pagsasama namin sa aking palagay ay nahulog na ang loob ko sa kanya. "May gusto na kaya ako?" Tanong ko sa sarili. Sa tuwing kami ay nagkakaroon ng pagkakataon na makapag-usap ng kaming dalawa lang eh gumagaan ang pakiramdam ko na tila bang palagi akong ligtas sa tuwing kasama ko siya. Madalas din ay magkatabi kami sa upuan ng aming silid-aralan. Nagkakasundo din kami sa mga awitin na aming pinakikinggan sa kadahilanan na parehas kaming mahilig sa musika. Sa katunayan eh madalas kaming kumakanta sa tuwing wala na kaming guro o klase. Dahil naging malapit na kami sa isa't isa, naging magulo ito para sa akin. Kinikilig ako na para bang... Ah! Ewan! Hindi ko maintindihan ang aking sarili sa aking nararamdaman. Nagsimula na din ang iba pa naming mga kaklase na kami ay tuksuhin.
"Yiiieee! Yung dalawa oh! Ang sweet! Baka langgamin na kayo diyan ah?!"
"Uyyyy ohhh! Kayo na ba???"
"Huwag kayong maingay hayaan niyo sila nagmomoment eh."
Ilan sa mga chismosa naming kaklase na walang magawa kundi pansinin lahat ng kinikilos namin.
Ang pagiging malapit sa isa't isa ay napalitan ng unti-unting paglayo at pagdududa sa aking tunay na nararamdaman. "Hindi maaari!" ani ko, mula sa naglalakbay na pag iisip. Nais ko lamang ay palaging nasa tabi niya at ipagpatuloy ang masaya naming samahan. Ngunit bakit ganito ang aking nararamdaman? At bakit ko siya nilalayuan? Dapat walang magbago upang hindi niya ito matunugan. Hindi niya dapat malaman ang tunay kong nararamdaman. Ayokong malayo sa kanya ngunit hindi ko na kaya. Hindi ko na maitago ang pagkagusto ko sa kaniya.
Natapos ang isang buong araw na iniwasan ko siya. Subalit hindi mapalagay ang aking kalooban hanggat hindi ko pa nasasabi sa kanya ang katotohanan. "Sasabihin ko na ba?" Muling tanong ko sa sarili habang nakatingin sa di kalayuan na walang kamalay-malay na si Eco. "Sasabihin ko na ba?"
Nawalan ako ng lakas ng loob para sabihin ito sa kaniya. Hanggang sa pag uwi ay nilayuan ko siya. Ngunit hindi ko akalain na nag aabang pala siya sa labas ng gate ng school para makipag usap sa akin. Nagulat ako nang makita ko siya. Akma akong umiwas ngunit humarang siya sa harapan ko at sinabing, "may problema ba?"
YOU ARE READING
Maghahanap? O mag-aantay sa TRUE LOVE?
Non-FictionWalang hinangad si Amy kundi matagpuan ang tunay na pagmamahal. Subalit sa tuwing siya ay nagmamahal, napupunta lang sa wala lahat ng kaniyang pinaghirapan. Bigo ngunit iba't ibang pagsubok ang kaniyang hinarap matagpuan lamang ang sa kaniya'y tunay...
