Mula Jeju Island, sabi pa ng kanyang Seoulmate sa banyagang wika na tanging naiintindihan niya at nasasalita sa isang pambihirang syntax at accent na paglipas ng marami pang araw sa Seoul, inilarawan ng mga nakasalamuha niyang mga Arab, European, American, African bilang lyrical.  Lee-ri-kal. Sa bahaging ito, nakikita natin sila, ang ating bida at ang kanyang Seoulmate, naroon pa rin sa mesa na iyon sa ice cream house, at wala nang puno ng gingko sa labas ng salaming bintana, kundi ang abo at itim ng gabi, at ang mga ilaw ng mga gusali ng Myeongdong.

Nagkukuwento ang Seoulmate tungkol sa isang alamat ng lungkot ng mga Koreano.

3

Isang lola ang bida sa alamat na ito. Si Lola Seolmundae. Siya ang pinapaniwalaang nanay ng Isla ng Jeju. Makikita siya ngayon at ang kanyang 500 na anak na lalaki, mga heneral, sa Jeju Stone Park. Sila mismo ang mga dambuhalang bato. Nakahilera. Kapag bibisita kayo roon, sasabihin ng inyong tour guide na ito ang ‘Passage of the Legend.’ Daanan ng Alamat.

Naging bato sila dahil sa kanilang mga luha. Kung paano ito nangyari, heto ang kuwento. 

Isipin ninyo ang isang napakalakas na matandang Koreana. Ito si Lola Seolmundae.

Napakalakas niya na pitong pala lamang niya ng lupa at nalikha ang Bundok Halla. Bundok ng mga Diyos. Simbolo ng Jeju. Pinakamataas na bundok sa South Korea. Naaabot mula rito ang mga tala. Sobrang laki rin ni Lola Seolmundae. Natatabunan ng kanyang palda (isipin n’yo ang hanbok, ang kanilang tradisyonal na damit) ang bundok na ito. Ito ang kanyang unan kapag natutulog. Umaabot ang isa niyang paa sa silangan, saan naroon ang tinatawag nilang Sunrise Peak. Ang isa pang paa, sa maliit na isla sa norte, ang Gwatal. Kuwento pa na ang dumi na nahulog mula sa kanyang palda ang lumikha ng kakaibang 300 cone na nagmamarka sa isla. Ito ang mga tinatawag na oreum.

Fertile din si Lola Seolmundae kaya nagka-anak siya. 500. Puro lalaki.

Palaging mayroong ‘isang araw…’ sa mga alamat. At sa isang araw sa alamat na ito, umalis ang kanyang 500 na anak para mangaso. Naiwan siya. Naghanda ng sopas para sa kanilang pag-uwi. Isipin ninyo ang isang napakalaking kaldero. Dito nagluto si Lola Seolmundae ng sopas para sa kanyang 500 na anak. At tulad sa maraming kuwento, nangyari ang hindi inaasahan.

Nahulog si Lola Seolmundae sa dambuhalang kaldero ng niluluto niyang sopas!

Patay.

Umuwi ang kanyang 500 na anak sa gutom. Agad nilang kinain ang sopas sa dambuhalang kaldero. Nang maubos, doon at napansin nila na wala siya, ang kanilang ina. Agad din nilang napagtanto ang nangyari, at ang katotohanang naroon siya sa kanilang kinain na sopas.   

Bumaha ng luha mula sa 500 na anak ni Lola Seolmundae. Delubyo. Hanggang sa nasimot ang tubig sa kanilang katawan at nanigas sila’t naging mga bato.  Sila ngayon ang tinatawag na 500 Heneral ng Bundok Halla.

  

4

CURTAINS,naisip niya nang malasahan ang macademia nuts sa Häagen-Dazs na ice cream. There must be curtains. It should be curtains. Hindi na siya nananaginip. Nakatayo na siya ngayon sa sala ng 4-bedroom, 2-bathroom house ng kanyang Seoulmate, saan blinds sa bintana ang nagpi-filter ng liwanag ng araw ng Texas. May maliit na plorera ng bulaklak sa bilog na mesa na pang-kainan - plastic na sunflower. Bigla, hindi na siya nakakasiguro kung pag-ibig nga ba ang pinunta niya dito.

My Life Bilang KoreanobelaWhere stories live. Discover now