By: AJMartinez
Aking minamasdan ang pulang kalangitan,
Ibon sa himpapawid ay nagsisiliparan,
Haring araw ay lumulubog sa kanluran,
Takipsilim, ang kagandahan niya'y aking nasilayan.
Sa paglisan ng liwanag kumalat ang dilim,
Bawat bagay ay naging lingid, parang isang lihim,
Ako ay pumikit at huminga ng malalim,
Inihanda ang sarili sa paparating na lagim.
Umihip nang ubod lakas ang hangin,
Na sa dalwang mata ko'y nakapuwing,
Hanging hindi ko alam kung saan nanggaling,
Waring nagnanais na ako ay patumbahin.
Isang puting liwanag ang sa langit ay gumuhit,
Kay ganda sa paningin ngunit may ibayong lupit.
Biningi ako ng dagundong na mula sa langit,
Na tila nga ba sa akin ay nagngangalit.
Bumuhos nang bigla ang malakas na ulan,
Patak na malaki't mabigat ang sa aki'y pumasan,
Animo'y karayom na tumutusok sa'king kalamnan,
Nagbigay ng lamig sa aking buong katauhan.
Niyakap ko ang aking sarili at pumikit ng mariin,
Batid kong wala akong magagawa kundi ito'y indahin,
Hindi maglalaon at ito ay lilisan sa akin,
Sa pagsapit naman ng bukas liwanag ay mamamalas din.
