Prologue

29.8K 640 31
                                    

Prologue

Hindi mapigilan ni Isagani ang pag-iyak habang nasa loob ng lumang kubeta. Ikinulong siya doon ni Miss Vergel, ang katiwala ng La Casa de Amor, ang bahay-ampunan na naging tahanan na niya sa loob ng tatlong buwan. Napunta siya sa bahay-ampunan na iyon nang pumanaw ang kanyang ama. Wala na siyang ibang mapupuntahan dahil wala na siyang iba pang kamag-anak.

Ang kanyang ina ay nauna na raw sa heaven, ang sabi ng kanyang ama. Kailangan daw kasi nitong mag-save ng upuan, dagdag nito. Kakaunti lang daw kasi ang upuan doon at ayaw daw ng kanyang ina na kapag nakarating sila doon ay tatayo sila. Naisip niya noon na ang bait-bait ng nanay niya dahil siya, sa eskuwela noong nag-aaral pa, ay walang kaklaseng nagse-save sa kanya ng upuan. Kulang ng upuan sa silid-aralan niya at parati na'y sa sahig siya nakaupo dahil matangkad naman daw siya, sabi ng teacher.

Lumakas ang kanyang pag-iyak. Gusto na niyang bumalik sa school. Kahit naman kadalasan siya sa sahig ay masaya naman siya doon. Nakakapaglaro siya ng basketball kapag uwian, o kaya misan ay siyato at five-tens-one-two-three. Ngayon, ni hindi niya mahawakan ang kanyang basketball na regalo ng tatay niya. Iyon nga ang dahilan kung bakit siya ikinulong ni Miss Vergel sa kubeta. Kinuha niya ang basketball niya mula sa silid nito, ipinuslit. Hindi naman niya alam na makikita siya ng babae. Pero nakita nga siya nito at ikinulong.

At takot na takot siya dahil napakadilim doon at may mga ipis pa. Takot siya sa ipis. Ang sabi ng kanyang ama, kaya daw nauna na sa heaven ang nanay niya ay dahil sa sakit na nakuha nito sa ipis. Ang bahay nilang mag-ama noon ay parating malinis na malinis. Araw-araw, nauunang gumising ito sa kanya upang magwalis doon, maglampaso, magbunot. Saka pa lamang siya nito ihahatid sa eskuwelahan at saka papasada ng tricycle. Iyon ang trabaho nito, ang pamamasada ng tricycle.

Pinilit niya ang sariling huwag manginig sa takot sa ipis. Nangangamba siyang baka matulad siya sa kanyang ina. Ilang buwan daw itong nasa kama lamang noon dahil sa sakit nito. Kapag ganoon ang mangyayari sa kanya ay hindi niya kaya. Ayaw na ayaw niyang magkakasakit siya dahil hindi siya nakakapaglaro. Hilig niya ang paglalaro ng kahit na ano, pero ang pinakapaborito niya ay ang basketball.

Ang sabi ng kanyang ama noon sa kanya ay siya raw ang pinakamagaling na mag-basketball na nakita nito. Madalas sila nitong maglaro sa dulo ng eskinita nila, doon ay mayroong half-court.

"Tatay, ayoko na po dito..." umiiyak na bulong niya. "Bakit po kasi hindi kayo umiwas sa trak? Bakit po kasi salbahe ang driver at binangga kayo?" Iyak siya nang iyak.

Noong una siyang makarating sa LCA ay hindi naman niya inakalang hindi niya magugustuhan doon. Minsan nang nasabi ng kanyang ama sa kanya na ang buhay daw ng tao ay maganda, pero mas masaya pa rin ang buhay sa heaven. Kaya nang pumanaw ito, nalungkot man siya at umiyak ay naisip din niyang masaya naman ito sa heaven, kasama ng kanyang ina. Isa na lang ang sine-save na upuan ng nanay niya.

Na-imagine niyang noong nagkita nang muli ang mga ito ay may magiging katabi na ang nanay niya sa dalawang bakanteng upuan sa magkabilang tabi nito. At siguro, kapag gusto na ng babaeng maglakad-lakad ay masasabi nito sa kanyang ama na ito naman ang magbantay sa nai-save na upuan. O kung hindi naman ay maaaring makahanap ng kung anong gamit ang mga ito na pang-save sa upuan.

Na-imagine niya na may mga laruan na doon para sa kanya at maaaring ang mga laruang iyon ang gawing pang-save ng mga ito habang naglalakad-lakad doon sa maulap na kapaligiran. Ang sabi rin kasi sa kanya ng kanyang ama ay wala daw mahirap sa heaven. Ibig niyong sabihin, sa heaven ay maibibili na siya nito ng lahat ng laruang gusto niya. At siguro, mayroon nang mga laruang naghihintay sa kanya doon. At masaya na siya sa kaalamang iyon. At habang nasa lupa pa siya, kailangan niyang maging masaya. Masaya naman daw kasi sa LCA, marami daw siyang makakalaro, sabi ng social worker na nagdala sa kanya doon.

La Casa de Amor: Gunny, the Sports Superstar (COMPLETE)Where stories live. Discover now