Muntikan nang mapatili si Concepcion nang marinig ang tinig ni Esteban. Agad siyang lumingon sa pintuan ng kamalig at naroon nga ang lalaki, halatang takang-taka. Malamang na narinig nito ang kanyang sinasabi. Kadalasan, kapag naiistorbo ang kanyang isip sa ganoong pagkakataon ay nawawala ang mahiwagang lalaki. Pero hindi sa pagkakataong iyon. Nanatili ang lalaki na nakalublob sa tubig. Ngayon ay may hawak na itong baso na may lamang berdeng likido.

"This juice is quite embarrassing, but I'm on detox. I know, scientifically detoxes are bullshit but this is bullshit as well and yet here we are. This isn't supposed to be real but here we are. Maybe this fucking..." Tiningnan nito ang baso. "Hulk smoothie will do the trick, eh?"

Hindi naintindihan ni Concepcion kung ano ang sinasabi ng lalaki. Hindi na mahalaga sa ngayon dahil para siyang baliw kung tingnan ni Esteban.

"O-oo, ikaw ang kausap ko, Esteban," pagsisinungaling niya. Ano ang sasabihin niya sa lalaki, na mayroon siyang nakikitang lalaking hubad sa gitna ng kamalig? Na ilang ulit nang halos may mangyari sa kanila pero hindi niya nakikita ang mukha nito? Na kung hahalikan siya ng lalaki ay siguradong tutugon siya dahil mayroong kakaibang kapangyarihan ang lalaki sa kanya? Isang kapangyarihang hindi niya kayang ipaliwanag at malamang na hindi makayang ipaliwanag kailanman.

"Bakit parang nabigla ka kung ganoon? At bakit mo tinanong kung ano ang pangalan ko?" Naglakad palapit si Esteban at kusa niyang naihakbang paatras ang paa. Lalong kumunot ang noo nito. "Ano'ng problema?"

"Who is this jerk?" tanong ng lalaki sa lubluban.

"E-Esteban, puwede bang mamaya na lang tayo mag-usap?"

"Dahil may iba kang kausap na ikaw lang ang nakakakita?" kunot-noong sabi ni Esteban, kasabay ng isang buntong-hininga. "Matagal na akong nag-aalala sa 'yo. Bigla kang nagbago. Parang may itinatago ka, pero hindi ko maintindihan kung ano. Alam mong puwede mo akong pagkatiwalaan sa lahat ng bagay."

Gustong umiling ni Concepcion dahil hindi niya tiyak kung totoong mapagkakatiwalaan niya sa lahat si Esteban. Kung sakaling sabihin niya rito na mayroong isang lalaking walang mukha na hindi maalis sa kanyang isip, ano ang sasabihin ng lalaki? Maniniwala ba ito sa kanya? Baka magpatawag ito ng doktor o tawagin ang manggagamot ng kanilang bayan, isang matandang babaeng madaming langis at kung anu-anong halamang gamot na sa palagay ni Concepcion ay hindi makakatulong sa kanyang "sakit." Baka ipagdasal siya ng manggagamot, baka pausukan para tanggalin ang mga masasamang espiritung sumapi sa kanya. Alam niya kung paano "ginagamot" ang mga taong naghahalusinasyon. Alam din niya kung ano ang kapalarang naghihintay sa mga nabansagang baliw. Walang magandang kinabukasan ang naghihintay sa kanya kapag nalaman ng lahat ang totoong lagay ng pag-iisip niya.

"Tell me who this jerk is, honey. Your boyfriend?" patuloy ng lalaking hindi nakikita ang mukha. "He's short. Not bad-looking, but too short."

Gusto niyang singhalan ang lalaki, pero natigilan siya nang maunawaan na nakikita nito ang mukha ni Esteban. Gusto niya itong tanungin pero hindi niya magawa dahil naroon pa rin ang kanyang nobyo.

"Kailangan ko lang ng pahinga, Esteban," aniya. "Alam mong pagod na pagod ako sa trabaho. Alam mong malaki ang pangangailangan ko para matubos ang lupa. Alam mong ilang buwan na lang at maiilit na ito. Wala akong oras para sayangin. Kailangan kong ayusin ang mga imbak na puwedeng ibenta. Mamaya na tayo mag-usap."

"Puwede kitang tulugan," giit ni Esteban.

"Hindi ko kailangan ng tulong. Kaya ko ito." Muntikan na siyang mapapitlag nang mapalingon sa lalaki sa lubluban dahil umahon ito. Hubu't-hubad ang talipandas! Bigla niyang nabitiwan ang hawak na maliit na banga.

"Ano ba'ng nangyayari sa 'yo?" tanong ni Esteban habang isa-isang dinadampot ang piraso ng nabasag na banga.

Ang lalaking hubad ay patuloy na naglakad sa kalamig. Nakatalikod ito ngayon sa kanya, tinitingnan ang hilera ng mga banga at bote sa isang malaking estante sa kamalig. Tumitingala ito at parang tinitingnan ang mga nakasabit na pinatulong dahon, bawang, sibuyas, at tapa.

"This is fascinating. Why am I seeing all this?" sambit ng lalaking walang saplot.

Nabigla siya nang madama ang mga kamay ni Esteban sa kayang mga braso. Inalog siya ng lalaki. "Ano'ng nangyayari sa 'yo? Ano'ng tinitingnan mo?"

Labis na nabigla si Concepcion dahil namamasa ang mga mata ni Esteban, halatang matindi ang naging pag-aalala. Nagpatuloy ito, niyakap siya, "Hindi ka puwedeng bumigay sa ganitong panahon. Hindi kailanman. Alam kong mahirap ang sitwasyon mo. Alam kong nahihirapan ka na, na hindi ito ang pinangarap mong buhay. Pero maniwala ka sa akin, makakaya natin. Hindi kita iiwan."

"Oh, how sweet," anang hubad na lalaki. Hindi man lamang ito nahihiya kahit walang saplot.

"Esteban, wala kang dapat alalahanin sa akin," aniya.

"Pabayaan mo akong tumulong. Ako na ang magdadala ng mga kailangan mo. Sabihin mo lang kung ano. Magpahinga ka na muna sa bahay."

Gusto sana niyang tumutol pero parang desidido na ang lalaki. Isa pa ay ayaw niyang lalo itong mag-alala. Napatingin siya sa lalaking hubad. Hindi pa rin niya nakikita ang mukha nito, isang bagay na kakatwa dahil wala na yata siyang hindi pa nakikita sa lalaki.

"I'm coming with you," anito at naglakad kasabay niya hanggang sa pintuan ng kamalig. Pero hindi na ito nakahakbang pa palabas doon. "What's happening?" tanong nito.

Hindi rin alam ni Concepcion. Unti-unti ay naglaho ang lalaki sa kanyang paningin, parang abong tinangay ng hangin. Lumingon siya kay Esteban at nakitang nakatitig ang lalaki sa kanya, halatang nag-alala pa rin.

"Wala kang dapat alalahanin, Esteban."

Tumango ang lalaki, kahit parang hindi naniniwala.

Beyond TimeDonde viven las historias. Descúbrelo ahora