Pagtila
by: aeslayer
Nakaupo lang sa isang sulok habang nakatingin sa malayo. Dinadama ang malamig na ihip ng hangin galing sa bintana kung saan bahagyang umaampiyas ang ulan. Alas kwatro y medya na ng hapon. Naghihintay nalang para sa oras ng uwian.
"Class dismiss." nakangiting paalam ng professor.
Tumayo ako at sandaling nagkamot ng ulo. Inayos ang mga gamit. Notebook, crumpled papers at ballpen kong paubos nadin ang tinta. Tumingin muli sa bintana bago nagmamadaling tumakbo palabas.
"Wala nga pala akong payong." mahinang bulong ko. Inalis ang pagkakasabit ng bag sa balikat tsaka iyon nilagay sa ulo ko. Desidido na ako sa pagtakbo. Susuungin ang malakas na ulan- nang biglang may bumukas na payong.
Nilingon kita at nginitian. "Pwedeng maki-sabay?" nahihiyang tanong ko. Nauna kang lumakad kaya naman sumabay ako. Bawat hakbang ng paa mo, mula kanan at kaliwa. Hindi alintana ang tubig na tumatalsik sa mukhang kabibili mo lang na puting sapatos. Walang nagsasalita kaya rinig na rinig ang patak ng ulan na sinabayan ng kulog at kidlat. Humigpit pa nga ang hawak mo sa payong ng sandaling humangin ng malakas.
"Salamat" nakangiti muling sabi ko ng huminto tayo sa tapat ng guard house. Hindi ka sumagot pero nilingon mo ako. Seryoso ang mukha mo, maamo at totoong napaka ganda. Napangisi ako sa sariling naisip. Tinanaw ulit kita habang nag aabang ng jeep. Ang liit mo lang pala. Maputi at singkit ang mata.
Hanggang sa makauwi ay malakas parin ang ulan. Tila walang katapusan kaya't nagmamadali akong tumakbo papasok sa bahay. Sinalubong naman ako ng kadiliman batid ko'y nawalan ng kuryente sa buong lugar, dala ng ulan.
Kinabukasan. Isang normal na araw lang, para sa katulad kong estudyante. Daily routine, gigising nang maaga para pumasok sa eskwela.
Nag-aabang na ako noon ng jeep nang may makisilong na estudyante. Nakaupo ako sa may waiting shed dahil malakas na naman ang ulan. Di tulad kahapon, ngayon ay may dala na akong payong.
Malakas man ang hangin at malamig, nakakaaliw paring pagmasdan ang bawat patak ng ulan. Nakakagaan sa pakiramdam. Hindi ko tuloy namalayaan pero bigla nalang akong napangiti, lumingon sa may gawi mo at nakakabiglang ikaw pala ang katabi ko.
"Ang lakas na naman ng ulan no?" mahinang sabi ko kaya lang ay iniwas mo ang tingin mo. Tsaka ko lang naisip na bakit ang feeling close ko? Alam kong schoolmates tayo pero hindi naman ibig sabihin noon ay okay lang kung kausapin kita sa kabila ng hindi naman tayo magkakilala.
Maya-maya'y huminto ang jeep kung saan pareho nating inaabangan. Dali-dali akong tumayo at dahan-dahang binuksan ang payong.
"G-Gusto mo bang sumabay na?" nauutal na tanong ko. Hindi ka sumagot ngunit ngiti ang iginawad mo. Napayuko ako at patagong ngumiti rin.
Halos kalahating oras ang tinagal ng byahe. Siksikan, maingay dahil puno ng estudyante. Hindi ko hinayaang mawala ka sa paningin ko. Nauna kang bumaba kaya naiwan ako.
Sinubukan kong habulin ka, pero pagbaba ko'y hindi na kita makita. Katulad ng ulang tumila na pala.
Lumipas ang ilan pang mga araw. Nakakatuwa dahil palagi nalang tayong nagkakasabay. Sa jeep man o sa paglabas ng gate, minsan nga ay sa corridor ng school kung saan madalas maraming dumaraan, ngunit mas maraming pagkakataon na tayo lang dalawa. Napaka swerte nga talaga.
Hindi kaya pinagtagpo talaga tayo ng tadhana? Hindi, biro lang.
Katulad nga kanina. Nagmamadali ako sa paglalakad dahil malelate na ako sa first subject ko. Ang dami kong dala. Libro, bag, tumbler at payong. Sa sobrang pagmamadali at bilis ng lakad ko hindi sinasadyang may mabangga ako. Pagtingin ko, para akong nakakita ng anghel dahil sa perpektong ayos ng mukha mo. Ngumiti ako bilang paghingi ng paumanhin, ngunit katulad ng dati ay iniwas mo lang ulit ang iyong tingin.
