Kasarian
Isang hapon, sa loob ng classroom na mayroong mga estudyanteng walang ginagawa dahil walang guro, nakatitig sa magkaibigang bakla (Melo) at babae (Tatin) si Raya. Nakapangalumbaba pa ito habang kinikilatis ang lahat ng galaw ni Melo. Sa bawat pagselfie ng dalawa ay umaarteng poging lalaki si Melo at may pagakbay pa kay Tatin. Mapapailing sya at biglang naisip "Hindi 'to bakla. "
Ang hapon na iyon ay madali ring nakalimutan hanggang sa makalipas ang ilang buwan, naging magkagrupo sa isang proyekto si Melo at Raya. Mapreskong simoy ng hangin ang humahampas sa buhok ni Raya habang nakaupo sila sa bakuran ng bahay ng isang kaklase kung saan nila ginawa ang proyekto.
"Ang ganda mo nakakainis ka! "
Biglang sabi ni Melo. Natawa na lamang si Raya at hindi na muli pang pinansin ang sinabi nito. Sa halip,
"May mga girl crush ako. Sila Tatin, at yung iba pang magaganda sa room. Hindi naman yun romantically. Humahanga lang ako kasi ang ganda nila, magaling magdala ng damit, seksi at laging nakaayos. "
"Ako never akong nagkacrush sa Babae. Kadiri. "
Napatigil si Raya at marami pang gustong itanong ngunit pinigilan ang sarili. Gusto nyang itanong kung sigurado ba talagang bakla sya. Na may boyfriend ba sya? Ilang beses na sya nagkaboyfriend? Ang gwapo kasi nito at ayos lalaki pa rin. Yun nga lang, laging nakapressed powder!
Pauwi nang hindi nakayanan ni Raya ang antok sa bus na sinasakyan. Isang oras lang ang byahe nila ni Melo pero mukhang magiging dalawang oras sa tindi ng traffic. Ilang ulit na lumalaylay ang kanyang ulo ngunit aayos syang muli tska babalik sa pagtulog. Ilang sandali ay naramdaman nyang maingat na inilagay ni Melo ang ulo nya sa balikat nito. Hinahawakan pa nito ang ulo nya upang huwag mahulog sa pagkakasandal sa balikat at minsanan pa'y inaayos pa ang buhok nya.
Nakapikit pa rin ngunit mabilis na nagising ang diwa ni Raya. Bumilis ang tibok ng puso nya. Bakit ganito? Bakit ang gentleman ng baklang to? Pagbaba ng bus, hinawakan nito ang kamay nya at inalalayan syang bumaba. Hindi nakatingin sa kanya si Melo at parang normal na gawain lang ang ginagawa nito. Pero bakit kinikilig sya? Aba tangina.
Sa eskwela hindi na nito laging nakakasama si Tatin. Naging irregular student kasi ang babae dahil sa trabaho. Naging malapit na magkaibigan na rin si Raya at Melo. Palagi silang magkasama, nagtutulungan, nagdadamayan.
Pagkatapos ng graduation nila ay nagpasya ang buong block na magkaroon ng outing. Nag inuman, nagkasiyahan. Paglalim ng gabi, sa loob ng kwartong nirentahan, habang nakahiga at matutulog na sana ay naramdaman ni Raya ang dalawang matang nakatitig sa kanya. Inaayos ang buhok nyang magulong nakaharang sa kanyang mukha. Antok na antok pa sya dahil sa dami ng alak na nainom. Iminulat nya ang kanyang mga mata at natagpuan si Melo na nakahiga sa tabi nya at nakatitig sa kanya. Hinawakan nya ang pisngi nito.
"Hindi ka bakla. "
Nanlaki ang mga mata nito at akmang lalayo pero hinila ni Raya ang mukha nito at inilapat ang labi nya sa labi nito.
Isa.
Dalawa.
Tatlo.
Sumagot ang lalaki sa halik nya.
Apat.
Limang segundo bago umakyat ang lahat ng kinain nya sa kanyang lalamunan. Madapa dapa syang tumakbo papunta sa cr at doon iniluwal lahat ng mapait nyang nararamdaman. Sumunod din sa likod nya si Melo at inalalayan sya.
"You bitch. Hindi mo maaalala bukas ang pinaggagawa mo ngayon dahil sa kalasingan mo. "
Di totoo yun! Kinaumagahan naalala nya lahat. Yung limang segundo na yun malinaw na malinaw sa isipan nya. Kasi lintik yun sumama sa kirot ng ulo nya hanggang pababa ng pababa... Kumalat yung sakit hanggang dibdib ng nalaman nya na naunang umuwi si Melo. Umalis ng di nagpapaalam sa kanya. Hindi nya na naramdaman ang presensya nito. Hindi lang ng araw na yun kundi lumipas na ang ilang taon, wala pa rin si Melo.
Reunion nang magkita sila ulit. Nasa isang lamesa nakaupo ito nang naabutan nya. Napalingon ito sa kanya nang excited na nagsitayuan ang mga kaibigan nyang babae para salubungin sya at batiin. Walang nagbago. Ayos lalaki pa rin sya. Hindi nya ito pinansin kahit ang bakanteng upuan na lamang ay ang nasa tabi nito at no choice syang doon umupo.
"Kamusta ka na? " pagbasag nito sa katahimikan na bumalot sa kanilang dalawa nang maiwan sila at sumayaw sa dancefloor ang dating mga kaklase nila.
"Okay lang" ngumiti si Raya.
"Sorry"
Napalingon si Raya. Kahit alam nya kung tungkol saan yun, tinanong nya pa rin "Para saan? "
"Nung huli tayong nagkita. "
Nabalot muli sila ng katahimikan. Hindi na nakayanan, tumayo si Raya. Naglakad sya hanggang balcony, nagsindi ng yosi at ibinuga ang usok paitaas habang nakatingin sa mga bituin.
"Kailan ka natuto magyosi? " Sinundan pala sya nito.
"Nung nasa pinakaworst phase ako ng buhay ko. Sarap pala nito kapag stressed ka. "
Nagsindi rin ito ng sariling yosi at ginaya ang pwesto nya.
"Naaalala mo pa ba yung nangyari ng gabing yun?"Tanong ni Melo. Natawa ng bahagya si Raya. Hindi sumagot. "Di ko alam ano nangyari sakin eh. "
"Ano ka na ba ngayon? Lalaki ka na ba? " tanong ni Raya. Ito naman ang hindi sumagot. "O bakla pa rin? Maging totoo ka na. "
"Ayaw kitang masaktan. "
"Hindi naman importante dito yung nararamdaman ko. Kahit hindi ko makalimutan yung gabing yun hindi na rin mahalaga yun. Ang maganda lang dun natulungan kitang marealize mo kung ano ka talaga."
"Bakla ako. " buong tapang na hinarap ni Melo si Raya. Tumango lang ang babae. Ngumiti kahit nasasaktan. Huling tingin sa lalaki at pumihit na sya patalikod.
"Sige una na ako. " Handa nang umalis at magsimula ulit -- magmove on sa gabing ito.
"Pero mahal kita. "
Kapalit ng tatlong salitang iyon, bumuhos ang luha ni Raya.
