Napabuntong-hininga siya habang naaalala ang ama. Isa itong mabuting tao, pero sa madaming pagkakataon ay ipinakitang hindi ito handa sa mga progresibong ideolohiya, malayong-malayo kay Concepcion. Dahil doon, gaano man niya kamahal ang ama, ay madami siyang lihim dito, lihim na kapag natuklasan ng matanda ay tiyak na ikagagalit nito.

Dati ay hindi ganoon ang relasyon nilang mag-ama dahil naging mas malapit silang lalo nang pumanaw ang kanyang ina sa isang aksidente noong siya ay walong taong gulang. Nag-iisang anak si Conception kaya naman ang oras ng kanyang ama ay nakalaan sa kanya at sa negosyo lamang. Mayroong malawak na asukarera ang kanyang ama sa Batangas at iyon ang kanyang nagisnang kabuhayan ng pamilya.

Pilit niyang inalis sa isip ang mga lihim sa ama. Ayaw na ayaw sana niya na mayroong lihim dito, pero ano ang kanyang magagawa kung sadyang may mga bagay na mas maiging huwag nang malaman ng amang konserbatibo. Nangarap na lang siya nang gising, iniisip ang isang mundo kung saan mas magaan ang buhay at hindi mahalaga kung ano ang mayroon ang isang tao.

Mayamaya ay tumunog ang sirena ng barko, indikasyon na padaong na sila sa pier. Hindi siya nagmadali kahit sabik ding makauwi sa kanila. Nang sa tingin niya ay maluwag na ang daan ay hinanap na niya ang kinontratang tauhan ng barko para tulungan siya. Naghihintay na ito sa kanya, may kasamang mga estibidor. Nang makababa siya ng barko ay nakita niya ang pamilyar na mukha ng katiwala ng kanyang ama, si Ginoong* Castro at ang anak nitong si Esteban.

Mayroong pag-alon ang puso ni Concepcion nang makita si Esteban. Labis-labis ang pangungulila niya sa lalaki. Kung maaari lang ay sasalubungin niya ito ng yakap, ngunit hindi iyon uubra. Ano na lamang ang sasabihin ng mga makakakita sa kanila? Lalong ano ang sasabihin ng ama nito?

Siguradong kapag nalaman ni Ginoong Castro ang kanyang damdamin para sa nag-iisa nitong anak ay isusumbong nito sa ama ni Concepcion. Tapat ang matanda sa don noong-noon pa. Alam nitong mababa ang istasyon ng mga ito sa lipunan at hindi nararapat para sa isang tulad niya. Iyon ang malaking dahilan kung bakit may mga bagay siyang kailangang ilihim sa kanyang ama, at maging sa ama iba pang kaanak ni Esteban. Kung alam lang ng mga itong napakahirap noong tanggapin para sa isang tulad niya.

Mayroong munting ngiti sa guwapong mukha ni Esteban nang magtama ang kanilang mga mata. Bakas sa mga mata ng lalaki ang matinding kasiyahan sa kanilang muling pagkikita. Napakabait na binata ni Esteban, kasabayan niyang lumaki sa hacienda. Noon pa mang sila ay bata, natuto na siyang mahalin ito. Noon pa mang siya ay tumuntong sa edad na disisais, kung kailan madaming kadalagahan ay lumalagay na sa tahimik, ay wala siyang ibang gustong mapang-asawa kundi si Esteban.

Pero higit pa sa pag-aasawa ang gusto niyang gawin sa buhay. Alam niyang hindi iyon ang gusto ng kanyang ama. Alam niyang kung ang kanyang ama lamang ang masusunod ay ipapakasal na siya nito sa isang mayamang hacendero para lumawak ang kanilang ari-arian. Pero noon pa man ay isa lang ang pakiusap ni Concepcion sa ama—ang payagan siyang magkaroon ng buhay na hindi tradisyonal. Awa ng Diyos, pumayag naman ito, kahit pa nga madalas na hinaing ang kawalan ng apo. Matanda na raw ito at kailan daw ba niya bibigyan ng apo. Kahit noong nasa Inglatera siya ay nagpadala itong sulat na mayroong kaparehong mensahe.

Paano niya sasabihin sa ama na isa lang ang nais niyang makasama sa habang panahon, ang nais niyang maging kabiyak, ang nais niyang makatulong sa pagpapalago ng asukarera, at iyon ay walang iba kundi si Esteban, ang binatang nagbukas ng kanyang mga mata sa totoong nangyayari sa bayan.

Lingid sa kaalaman ng ama ni Concepcion na mayroong hindi magandang saloobin si Esteban tungkol sa mga Kastila. Lalong hindi nito alam, gayondin ng mismong ama ni Esteban, na kasama ang lalaki sa grupo ng mga taong handang makipaglaban sa gobyernong kolonyal. Sawa na silang maging alipin sa sariling bayan, o ang mabigyan man ng magandang bansag at posisyon sa pamahalaan ay pagbabayarin naman ng napakalaking buwis at hindi bibigyan ng pondo para maisaayos ang komunidad. Ang mga abusadong praile ay nararapat ding may kalagyan, tulad ng mga mapuputi ang balat na ang turing sa mga kayumanggi ay maliit, mababa. Nasaan ang hustisya na ang lupaing kanila at inangkin ng mga Kastila at sila ay hindi na nakapag-aral o nagkaroon ng kaunting puhunan sa buhay.

Dahil kay Esteban, nakilala ni Concepcion ang mga tulad niyang principalia, babae man o lalaki, na handang mag-aklas sa mga Kastila. Mayroong tatag sa bilang. Mayroong tatag sa pagkakaisa ng mga taong mayroong iisang adhikain.

"Magandang umaga, Senyora," ani Ginoong Castro, bahagyang yumukod.

"Magandang umaga, Senyora," si Esteban, tulad ng ama ay bahagyang yumukod, tanda ng paggalang sa amo. "Kumusta ang inyong pagbiyahe?"

"Matagal," aniya. Napakatagal. Ayoko nang umalis kung hindi ka kasama, Esteban.

"Bueno, pagkatapos naming maikarga ang makinarya sa karwahe ay tutulak na tayo patungong hacienda, Senyora. Si Ginang Rosita ay may binili lamang saglit at babalik din. Makakasama mo siya sa kalesa, Senyora," ani Ginoong Castro.

Tumango si Concepcion, pilit pinaglabanan ang kagustuhang hawakan ang kamay ng lalaking iniirog.

___

Don't forget to vote and comment. You may also like my page:

facebook.com/vanessachubby

facebook.com/theromancetribe

Thanks!

Beyond TimeWhere stories live. Discover now