By Michael Juha
fb: Michael Juha Full
Philippine Copyright 2009 / By: Michael Juha / ISBN No. 978-971-011-022-3
All rights reserved
----------------------------
M
agsi-second year college ako noon, 18 years old lang noong inilipat ng mommy sa probinsya upang doon na mag-aral. Sa Maynila kasi, kahit magagaling ang mga eskwelahan ay halos wala ding nangyayari sa pag-aaral ko, dahil sa bisyo at barkada. Siguro nakita niya na kapag ipinagpatuloy ko pa sa Maynila ang pag-aaral, wala rin itong patutunguhan dahil na imbes ang mga subjects ang ipasa, kung anu-anong bisyo nalang ang natututunan.
Nag-iisang anak lang ako. Noong paslit pa lamang ay namatay na ang daddy kong kano, kaya't mom ko na lang ang nag-alaga sa akin. Hindi naman mahina ang ulo ko. Ang totoo, nasa gifted level ang IQ. Sadya lang talagang ayokong mag-aral at ewan ko rin ba, parang may malaking kulang; may kung anong hindi ko matagpu-tagpuan sa aking buhay. Pakiramdam ko, wala akong kakampi. At dahil sa kahit na anong bagay at luho ay naibibigay ng magulang, hindi ko naranasang maghirap. Sa pakiwari ko ay napaka-boring ng mundo; walang ka challenge-challenge. Iyan ang naisiksik sa utak ko simula noong bata pa lamang. Kaya ang aking panahon ay naibaling ko sa barkada, at sa bisyong sugal, droga, at kung anu-ano pang katarantaduhan.
Siguro ay masasabi ko ring ang lahat ng bagay na inaasam-asam ng marami, ay nasa akin na – hitsura, tangkad, at kaginhawahan. Ngunit ang lahat nang ito ay hindi ko binigyang-pansin, hindi naa-appreciate, o ni binigyang-halaga. Parang may iba akong hinahanap-hanap na di ko alam kung ano at kung saan ito matatagpuan. Kaya noong nagdisisyon ang mommy na sa probinsya na ako mag-aaral, pumayag na rin ako. "Ok lang, baka doon ko pa mahanap ang kung ano man iyong gusto ko sa buhay", sabi ko sa sarili.
Hindi kalakihan ang bago kong eskuwelahan; marahil ay nasa mahigit limang daan lamang ang population ng mga estudyante sa buong college department. Isa itong sectarian na pag-aari ng mga madre. Kahit nasa probinsya siya, kumpleto at state-of-the-art ang mga facilities. Malinis at nasa ayos ang lahat. At ang nagustuhan ko rin ay ang malalaking puno ng kahoy sa loob at paligid ng campus na nakapagbibigay ng lilim at sariwang hangin.
Dahil sa hindi kalakihang population, halos magkakakilala ang mga estudyante rito. Alam nila ang mga transferees, ang mga pamatay sa honor's list, ang pabalik-balik sa subjects, kung sino ang may ganitong topak, body odor, ugali, karanasan, drama sa buhay, habit, etc. Kaya noong pinaka unang araw ko ng pasukan, sa akin nakatutok ang tingin ng karamihang mga kapwa estudyante. Kumbaga, center of attraction. At marami kaagad akong naging kaibigan.
Simple lang ang paniniwala ko sa buhay; ang lahat ay nakukuha sa pera. Kung hindi man sa pera, sa ibang diskarte kagaya ng pagpapa-cute, pambobola, panliligaw, pagpapa-impress, o sa simpleng pagparamdam na nand'yan lang ako sa tabi, handang magbigay sa kung ano man ang gusto noong tao sa akin, kapalit ng gusto ko. At kapag ayaw pa ring bumigay at masyadong masaktan ang ego, puwede na ang pamatay kong sandata – blackmail. Kumbaga, wala sa bokabularyo ko ang santong dasalan; lahat ay nakukuha sa santong paspasan.
Wala akong problema sa mga estudyante at kaibigan. Unang impression pa lang nila sa akin ay "cool" kaagad; friendly daw ako, mabait, palabiro, at sa tingin ko lang, marami ring chicks ang kinilig. Sa dami ngang nakikipagkaibigan sa akin ay baka kung tumakbo akong presidente ng student council, mananalo kaagad ako nang walang kahirap-hirap.
Ngunit may isa akong problema; ang professor ko sa Sociology – si Sir James.
Si Sir James ay 23 years old lang; matalino, magaling magturo, at non-traditional ang approach niya sa klase. Kung hindi nga lang siya naka-upo sa teacher's desk sa harap ng classroom ay masasabi mo na talagang isa siya sa mga estudyante sa klase. Matangkad, moreno, guwapo, at estudyanteng-estudyante ang porma sa pananamit at pagdadala. Nakikipag-bonding sa mga estudyante, nakikipagbiruan, nakikipaglaro ng basketball at iba pang sport, at malapit ang loob sa kanila.
