"Hindi kami ang pumatay sa lola mo."


"Hindi man ikaw, dugo mo pa rin ang pumatay sa kanya." galit nitong akusa.


"May dahilan kung bakit kailangang gawin iyon ng mga ninuno ko."


Halos manlisik ang mga mata ni Aymi. "Anong dahilan?" singhal nito. "Nainggit ang mga ninuno mo kay Lola Aurora! Dahil mas makapangyarihan siya kaysa sa kanilang apat! Gusto nilang maging sa kanila ang Siquijor kaya pinagbintangan nilang mangkukulam ang lolo at loka ko!"


"Hindi nga ba?" kalmadong tanong niya. "Hindi ba't kinulam niya ang pamilya namin na hindi magkakamit ng kaligayahan at pagmamahal? Isang bihasang mangkukulam lang--"


"Babaylan ang mga ninuno ko!" sigaw ng babae bago siya nilundag. Napaatras siya pero imbis na mabangga at mahawakan siya ni Aymi, lumampas lamang ito sa kanya na tila ba gawa sila pareho sa hangin. Mabilis niya itong hinarap. Muli siyang sinubukang sampalin ng babae pero dumaan lamang sa kanyang pisngi ang kamay nito. Ni hindi niya iyon naramdaman.


Suminghal ito. "Hindi lang ikaw ang may abilidad, Verona." Gunawang garalgal ng galit ang tinig nito. Nang ngumiti ito, halos mag-apoy ang magkahalong kasamaan at pagkabaliw sa mga mata nito. "Sa tingin mo hindi ko alam kung anong nangyari sayo noong bata ka pa? Na hindi ka makalabas sa sarili mong isip? Kaya kitang ikulong dito, Verona, sa sarili mong pag-iisip. Sa labas, hindi ka gagalaw, hindi ka kakain, hanggang sa bumigay ang katawan mo."


"Hindi kaya yon ng kapangyarihan mo."


"Sigurado ka?" pangungutya nito habang parang ibong mandaragit na umiikot kay Ron. Hindi niya hinayaang mawala ito sa paningin niya kahit pa hindi siya nito pisikal na masasaktan. "Hindi mo alam yon. Paano kung kaya ko? At paano," nakangisi nitong saad, "kung sabihin ko sayong dahil konektado kayo ng mahal mong si Erik, makukulong rin siya sa sarili niyang pag-iisip?" Doon nakadama ng takot si Verona. Marahil nahalata iyon ng babae dahil lumawak ang ngisi nito. "Kukunin sa inyo ng dahas ang mga lalaking mahal ninyo, gaya ng pagkuha ninyo sa lalaking mahal ng lola ko." paalala nito. Muli itong ngumisi bago ito naglaho.



"Erik," bulong niya bago niilingon ang paligid.


Naroon pa rin siya sa bangin kasama ang langit at dagat. Pamilyar iyon hindi dahil napuntahan na niya ang lugar kundi dahil halos ganoon ang hitsura ng nagng kulungan niya sa kanyang isip nang mamatay ang mga magulang. Kung saan madili, malamig at nag-iisa siya.


Nagsimula siyang maglakad. Kailangan niyang makalabas doon. Alam na niya kung paano protektahan ang kanyang isip, hindi ba? Alam na niya kung paano paganahin ang sarili niyang abilidad?


Pero kahit pa naglalakad na siya, parang hindi siya lumalayo sa dagat. Tila gumagalaw lang ang damuhan sa ilalim ng kanyang mga paa pero nananatili siya sa kung saan siya nakatayo. Nagsimula siyang tumakbo. Kailangan niyang mahanap ang daan palabas. Kailangan niyang bumalik sa katotohanan. At kailangan niyang putulin ang ugnayan nila ni Erik kung gusto niya itong iligtas.


'Lola Veoncia,' tawag niya sa matagal nang yumaong abuela. 'Lola, tulungan nyo ako. Anong gagawin ko? Anong gagawin ko?'

Stay With MeWhere stories live. Discover now