Chapter 1

98.1K 1.4K 51
                                    


MALAMIG na ang ihip ng hangin at nakadarama na ng pangangaligkig si Judy. Sa huling pagkakataon ay sinulyapan niya ang marmol sa paanan. Wala na siyang iiyak sa mga sandaling iyon. Sa loob ng apat na araw ay natuyo nang lahat ang mga luha niya.

Manuel Estrella, died February 20...

Isang buwan na halos ang nakararaan nang atakihin sa puso si Manuel Estrella, ang kanyang lolo. Nagtagal ito sa ICU nang mahigit isang buwan at namatay dm sa bandanghuli.

Nitong huling anim na taon ng buhay niya ay si Manuel ang kanyang kasa-kasama. Sa lungkot at ligaya ay katuwang niya si Manuel. Hindi naging sagabal ang layo ng agwat ng edad nilang dalawa.

Kung tutuusin, hindi lang anim na taon silang magkasama ni Manuel. Nang mamatay ang daddy niya, si Abelardo, noong katorse anyos pa lamang siya ay si Manuel na rin ang tumayong ama maliban pa sa pagiging lolo.

At ngayon nga ay malaking bahagi ng pagkatao niya ang nawala sa pagkamatay nito. Ngayon niya tunay na nadama na nag-iisa na lamang siyang tuluyan.

Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Judy bago humakbang palayo sa memorial lot, patungo sa segunda mano niyang kotse na nakaparada sa ilalim ng punong akasya. Bago siya pumasok ay malungkot na tinapunan ng huling tanaw ang kinahimlayan ng lolo. Mula sa sandaling iyon ay mag-isa na lamang siya.

Hindi sinasadyang napatingin siya sa kanang bahagi ng park. Kanina pa niya nararamdamang may nagmamasid sa kanya. At hindi siya nagkamali.

Isang lalaking nakasandal sa sasakyan nito ang nakatingin sa kanya. Hindi niya mamukhaan dahil may kalayuan pero alam niyang sa kanya ito nakatingin.

Gaano na ba ito katagal nagmamasid? May dinadalaw ba itong kamag-anak na namatay? Hindi marahil, sagot rin niya sa sarili. Nasa ilalim ng isang puno ang lalaki. Iniwas niya agad ang tingin dito at binilisan ang paghakbang patungo sa sariling sasakyan.

Mabilis niyang binuksan ang pinto at agad na ini-start ang ignition. Dalawa, tatlong ikot ng susi pero ayaw. Muling ini-start pero ayaw pa rin.

Napaungol ang dalaga.

"Huwag mong sabihing ngayon ka pa magloloko," usal niya. Bukod sa segunda mano niyang nabili ay 1989 model pa ang Toyota niyang iyon. Kung hindi sana malaki ang nagastos niya sa pagpapaospital sa lolo, disin sana'y nakabili siya ng bagong Honda Civic. Ganoon pa man ay hindi niya pinagsisisihan ang malaking halagang nagugol niya sa matanda. Utang niya rito ang kinalalagyan niya ngayon.

Pinag-aral siya ni Manuel sa pamamagitan ng pensiyon nito. Bukod doon ay isinanla nito sa bangko ang malaking solar nila at pinatayuan ng duplex upang paupahan, nang sa ganoon ay makadagdag sa pagkukunan nila at matustusan ang kanyang pag-aaral. Isang alambreng bakod lamang ang nakapagitan sa malaking bahay nilang tinitirhan at sa duplex.

Muli niyang itinuon ang pansin sa pagpapaandar ng kotse pero kahit na anong gawin niya'y talagang ayaw. Ang siste pa nito ay wala siyang alam sa kotse maliban sa mag-drive.

"Umandar ka naman, please. Dumidilim na at ako na lang mag-isa dito sa park."

Lumabas siya ng kotse upang tingnan ang makina kahit na wala siyang alam. Pag-angat niya ng mukha ay napuna niyang ang lalaking nakasandal sa sasakyan nito ay humakbang papalapit sa kinaroroonan niya.

Sa halip na buksan ang hood ay mabilis na nagbalik sa loob ng kotse si Judy, paano ay gabi na kasi. Ini-lock niya ang mga pinto ng kotse.

"Please, makisama ka naman, pangako, bukas na bukas din ay dadalhin kita sa primera klaseng talyer. At kahit lumabas lang tayo dito sa memorial park hanggang doon sa maraming tao..." maiiyak niyang usal.

Ganoon Kita Kamahal COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon