Excerpt

6K 116 6
                                    


MATAMLAY na ibinaba ni Joanna Marie ang grocery bag sa mesa. Tiningnan niya ang laman ng kaldero bago siya pumasok sa kuwarto. Maliit lang ang apartment na inuupahan niya, palibhasa first floor lang iyon.

Hindi niya kayang upahan pati ang second floor kaya isinara na lang iyon ng may-ari at pinaupahan sa iba. Siya na lang ang gumawa ng kurtinang dibisyon para may masabing privacy sa pinakakuwarto.

"Mama, hindi kayo kumain," malumanay pero mahihimigan ng inis na sabi niya.

"Bakit pa ba kakain, mamamatay rin naman?" mapait na sagot ng payat na bultong nakahiga sa luma nang kama.

"Huwag kayong magsalita ng ganyan. Sandali, iiinit ko ang sabaw. Susubuan ko kayo kung gusto ninyo."

"May uwi ka bang gamot, Joanna Marie? Iyong pampatanggal ng kirot?"

"Mayroon kaya lang kailangang kumain muna kayo." Bumalik siya sa kusina at naghanda ng pagkain. Nasa tray na iyon nang dalhin uli niya sa silid. "Kain na, Mama. Nag-merienda na ako sa labas. Nakita ko iyong dati kong kaklase. Inilibre niya ako."

"Sinong kaklase?" Inagaw nito sa kanya ang kutsara at sumubong mag-isa.

"Si Amor."

"Amor," ulit nito at mukhang nag-isip kung sino ang pangalang binanggit niya. "Amor Calderon? Iyong anak ng teacher? Taga-Sierra Carmela iyon, 'di ba?"

"Oho. Pero diyan na raw siya sa Ugong nakatira. Ihahatid pa nga sana ako rito kaso nahiya naman ako."

"Ah, nakakahiya talaga," patuyang sagot nito. "Ang alam nila ay nasa Amerika tayo, hindi sa squatter na ito."

"Mama, hindi naman tayo squatter dito. Disente naman 'tong apartment kahit maliit lang."

Umungol lang ang kanyang ina. "Ano, nanggaling ka ba sa doktor? May ibang gamot bang ibinigay?"

"Iyong para sa kirot. Mama, dialysis talaga ang solusyon sa sakit ninyo. Iyong naitabi kong pera dito, puwede nang pang-umpisa. Bahala na lang akong gumawa ng paraan para may maipampa-dialysis tayo sa mga susunod na session."

Bumagsik ang tingin nito sa kanya.

"Tumigil ka, Joanna Marie. Bakit, may nabalitaan ka na bang na-dialysis na gumaling? Habang nagpapa-dialysis, lalong nadadali ang buhay. Gastos pa. Hayaan mo na lang na unti-unti akong mamatay."

"Mama, kaya nga nagtitipid ako sa lahat ng bagay, gusto kong gumaling kayo. L-lumapit na nga rin ako sa mayor dito. Binigyan ako ng referral sa DSWD, saka sa PCSO. Nilakad ko na rin iyon. Ang pangako sa akin, iyong first two session, ii-sponsor-an nila."

Mariing umiling ang mama niya. "Kung peperahin na lang nila ang tulong nila, baka ikatuwa ko pa. Sabihin mo nga sa doktor, 'yong gamot na ibibigay sa akin sa susunod, eh, 'yong hindi na ako magigising. At 'pag patay na ako, huwag mo na akong iburol. Mapapagastos ka pa sa pagpapakape sa mga kapitbahay. Ipalibing mo na agad ako."

"Mama, ano ba kayo?" masama ang loob na sabi ni Joanna Marie. "Kayo na lang ang pamilya ko. Kapag nawala kayo, mag-isa na lang ako dito sa mundo."

Suminga ang mama niya. "Magkasama nga tayo ngayon, pasanin mo naman ako. Mabuti pang mamatay na ako. Buwisit na buhay ito. Kahit nga pala pagkamatay ay gastos pa rin. Ni wala tayong lupa para paglibingan mo sa akin. Mabuti pa siguro, i-donate mo na lang ang bangkay ko sa medical school para hindi ka na mamroblema sa pagpapalibing sa akin."

"Mama, please. Huwag kayong magsalita nang ganyan," naghihinanakit at naiiyak na pakiusap ni Joanna Marie.

Umismid ang mama niya at inabot na ang tubig at isang capsule na inihanda niya. "Ilabas mo na iyan. Matutulog na ako."

Class Pictures Series 3 - High School FlameWhere stories live. Discover now