January For August - Chapter 1

2K 75 1
                                    


KULANG na lang ay lundagin ni January ang isandaang metrong layo ng bahay nila mula sa kalyeng nilalakaran. Pagod na pagod na siya at gusto nang magpahinga. Pero alam niya, pagkauwi ay aasikasuhin pa niya ang kakainin nila. Beinte-siyete anyos lang siya pero pakiramdam niya ay malapit na siyang mag-fifty years old.

Tatlong taon na mula nang mamatay sa isang aksidente ang kanyang ina. Dahil din sa aksidenteng iyon ay nalumpo ang kanyang ama. Kaya wala siyang choice kundi ang tumayong tagapagtaguyod ng mga kapatid niya. Konsolasyon na lang na kahit nalumpo ang kanyang ama ay malinaw ang isip nito at nakakapagdisiplina pa rin sa tatlo pa niyang kapatid. Iyon nga lang, madalas ay hindi ito pinapakinggan, lalo na ni Charlie na mahirap mang aminin ay maituturing na black sheep ng pamilya.

"Ate, dalian mo!" anang kapatid niyang si Janet na nakasungaw sa maliit na gate ng kanilang bahay.

Kasabay ng pagbilis ng mga hakbang ni January ay ang pagkunot ng kanyang noo. "Napaano si Tatay?" tanong agad niya. Palaging ang ama ang inaalala niya. Mula kasi nang malumpo ito ay naging sakitin na rin; may diabetes na ay may kung anu-anong komplikasyon pa. At ang kinatatakutan niya sa lahat ay ang sakit nito sa puso. Pinaalalahanan na siya ng doktor na traidor ang sakit sa puso kaya dapat nilang ingatan ang emosyonal na kalagayan ng kanilang ama. Makakasama rito ang magalit o ang magkaroon ng sama ng loob.

"Okay lang si Tatay. Si Kuya Charlie ang problema, as usual." Nasa boses nito ang pagkayamot. At hindi niya masisisi ang kapatid kung parang nawawalan na ito ng respeto kay Charlie kahit mas bata ito nang dalawang taon. Mula pa noon ay problema na ang dinadala sa kanila ng kaisa-isa nilang kapatid na lalaki.

"Bakit na naman?" tanong niyang parang natriple na ang nararamdamang pagod.

"Tatlong beses nang tumatawag, hinahanap ka. Napa-trouble daw siya." Pinaikot nito ang mga mata. "Na para bang ngayon lang siya napa-trouble."

Napailing si January. "Alam ba ni Tatay?"

"Hindi. Halos pabulong na nga akong makipag-usap sa kanya sa telepono kanina. Alam kong mas mahihirapan si Tatay kung malalaman niya. Isa pa, made-depress lang siya. Lagi kasi niyang sinasabi na hindi na niya mapanindigan ang pagiging ama sa atin."

"Tama na iyan," saway ni January sa kapatid. Magtu-twenty years old pa lang ito pero kung magsalita minsan ay daig pa siya. Palibhasa ay parang dito na niya ipinapasa ang pagiging panganay kapag wala siya at busy sa kung anu-anong trabaho.

"Tatawag daw uli si Kuya Char—"

Noon umalingawangaw ang tunog ng telepono.

"Malamang siya na iyan. Ikaw na ang sumagot."

Pumasok na si January sa bahay at nginitian ang ama na nanonood ng TV. "Sasagutin ko lang muna itong phone, 'Tay," aniya, saka dinampot ang aparato. "Hello?"

"Ate, mabuti naman at dumating ka na. I-rescue mo ako, ngayon na," ani Charlie sa kabilang linya.

Kumunot ang kanyang noo kahit inaasahan na ang narinig. "Anong kalokohan na naman ang pinasukan mo?" mahina pero mariing tanong niya.

"Ate naman, mamaya ka na magsermon. Pumunta ka rito, magdala ka ng pera."

"Charlie?!"

"Alam nating pareho ang pangalan ko, Ate," pilosopong sagot nito. "Pumunta ka na rito. Magdala ka ng three thousand five hundred."

"Wala akong pera!" nanggigigil na sagot niya pero hindi makasigaw dahil baka marinig siya ng ama.

"Ate, kapag hindi ka naglabas ngayon ng pera, lalong lalaki ang gastos. Sige na, pumunta ka na rito. Habang nagtatagal, lalong mamahal ang sisingilin sa akin dito."

Class Picture Series 4 - January For AugustWhere stories live. Discover now