"G U N I T A"
Tinahak na daana'y aking tinanaw
Isipa'y lunod sa lumipas na araw
Mga alaala ng ligaya't lumbay
Ang lahat ng ito'y ginto sa'king buhay
Muli ay natunton ang dating baybayin
Tinangay ng alon ang mga buhangin
At aking puso'y nilisang humihiling
Sa iyong pagidlip, minsang gunitain
Kung tanawin itong kalangitang bughaw
At doo'y masumpungan, bilog na buwan
Maalaala kaya at 'di pumanaw?
Kung ang handog ko'y ibinaon sa hukay
Suklian pa kaya ng ngiting malapad?
Bagamat kahapo'y binura ng oras?
At katulad ng agilang lumilipad
Ang tulin nitong panahon kung umusad
Nakaraang nanahan sa bawat lugar
Ito kailanman ay hindi papanaw
Kung sa bawat akap ay sadyang pagbitaw
Katumbas ng pagbati, ay 'sang paalam
Mayroong liwanag at bahagyang dilim
Oras ng buwan at ng mga batuin
Galak sa bawat simula ng awitin
At luha sa wakas ng kinathang saliw
Yakapin mo ako sa gabing malamig
Paghilumin ang pumanaw na pag-ibig
Sa huling sandali'y pakinggan ang awit
Na hapis at sakit ang tanging hiwatig
Pagkatapos ay bitawan mong tuluyan
Itong aking pusong nawalan ng buhay
Sampu nang ika'y humalik ng paalam
At tila naging gabi maging ang araw
May ngiting nilisan ang dating baybayin
Hindi na nagbalik ang dating buhangin
Naulinigan kaya ang aking hiling?
Memento mei, huwag sanang limutin.
»»»»»»»»»
ESTÁS LEYENDO
INIPONG TINIG
PoesíaAng mga tulang naririto ay hindi perpekto. Subalit malaya ang mga mambabasa na bigyan ng sariling interpretasyon ang bawat tula, huwag lamang kukunin at kokopyahin ang damdaming naisaletra. Maligayang pagbasa! @leiblossom
