BALUT
(Warning: ang maikling istoryang ito ay may bahagyang nakakatakot na tema. H'wag basahin kung mahina ang iyong loob.)
Alas diyes na nang gabi at ako ay patuloy pa rin na nakatutok sa aking laptop sa aming study room sa ikalawang palapag ng aming tahanan upang tapusin ang aming research paper na ipapasa bago matapos ang linggo.
Sobrang stressed na ako dahil sa akin napunta ang isa sa mahirap na parte--ang re-typing at editing.
Tumayo ako sandali at nag-unat-unat dahil kanina pa talaga akong nakatutok at bahagyang nakatungo sa aking laptop.
Aking napagpasyahang buksan ang bintana na katapat ng mesang kaninang kinalalagyan ko upang makalanghap naman ng sariwang hangin sa labas, saka nagtungo sa mini ref ng silid na ito upang kumuha ng maiinom.
Nang ma-refresh na ang aking katawan at utak ay nagbalik ako sa aking pwesto upang ipagpatuloy ang naudlot na gawain.
Laking pasalamat ko na lamang talaga at may naitatago akong galing sa wikang ingles.
"Balut! Balut! Balut kayo riyan!" Rinig kong sigaw ng matandang lalaking nagtitinda ng balut.
Ako na lamang ang nag-iisang gising sa aming tahanan. Natitiyak ko ito pagkat walang sinumang nangangahas na pumasok upang sawayin ako.
Palapit nang palapit ang sigaw ng mangbabalut na s'yang ikinataka ko. Pero isinawalang-bahala ko na ito.
Maya-maya lamang ay may sumusutsot sa akin mula sa labas ng bintana kaya ito ay aking sinilip. Ang magbabalut ito, nakangiti ito sa akin. Nakakakilabot.
"Hija! Bili ka na ng balut! Masarap ito! May sitsaron pa, trenta na lang itong dalawa, sakto at muhkang kailangan mo ng mid-night snack!" Masiglang wika ni manong.
"A-ay! H-hindi ho manong, next time na lang po." Nakangiting tugon ko.
"Ah, ganoon ba? Sige hija. Salamat." Wika nito habang hindi pa rin naiaalis ang ngiti sa kanyang mukha habang naglalakad ito papalayo.
Biglang nanayo lahat ng balahibo ko sanhi ng reyalisasyon na...
Papaano akong nadungaw rito ng mangbabalut sa ikalawang palapag ng aming tahanan?
--PAGTATAPOS
