Chapter 09

9.9K 179 39
                                    


Ava’s POV









ANO bang sinasabi ni Renzo na utang na loob ko sa kaniya ang buhay ko dahil dinala niya ako sa ospital? Siya nga itong dahilan kung bakit ako nandito ngayon. Habang hawak niya ang kamay ko at nangungusap ang mga mata niyang nakatingin sa akin ay hindi ko malaman ang aking mararamdaman.

“Please, Ava. Huwag mong sabihin sa mga pulis na ako ang may gawa niyan sa iyo. K-kapag nakulong ako, paano na kayo ni Eris? Paano kung hindi na ako makalaya? Si Eris… lalaki siya na walang ama. Isipin mo si Eris, Ava. Isipin mo ang kinabukasan niya.” Patuloy na pagmamakaawa niya sa akin. Hinahalik-halikan pa niya ang mga kamay ko.

Ano ba ang gagawin ko? Kung iisipin ay may punto ang sinabi ni Renzo. Ayokong lumaki si Eris na walang kinikilalang ama. Pero paano naman ang pang-aabuso ni Renzo sa akin? Hahayaan ko na lang ba ang lahat?

Ito na ang pagkakataon ko para isumbong siya sa mga pulis. Papalampasin ko pa ba?

Kapwa kami napatingin sa pinto nang bumukas iyon. Kitang-kita ko ang pamumutla ni Renzo nang may dalawang pulis na pumasok. Isang babae at isang lalaki. Naglakad sila palapit sa akin at nagpakilala. Sinabi nila na ini-report sa kanila ng ospital ang nangyari sa akin. Gusto lang daw nila akong hingan ng statement sa nangyari para maparusahan ang mga gumawa niyon.

Pinatabi muna ng mga pulis si Renzo upang makausap ako nang maayos.

“Mrs. Madriaga, totoo po ba na may humarang sa inyo na dalawang lalaki at pinagnakawan kayo tapos ay binugbog?” tanong ng babaeng pulis.

Nagtama ang mga mata namin ni Renzo. Bumubuka ang bibig niya pero hindi ko maintindihan ang sinasabi niya. Pero alam kong ang sinasabi niya ay huwag kong sasabihin ang totoo.

Naglaglagan na ang luha sa mata ko.

Naglalaban ang utak ko. Sasabihin ko ba ang totoo o hindi?

“Mrs. Madriaga?” untag sa akin ng lalaking pulis.

Napatingin ako sa dalawang alagad ng batas. Nanginginig ang buo kong katawan.

“Kailangan niyo pong sabihin sa amin ang totoo para maparusahan ang gumawa niyan sa inyo. Para hindi na rin maulit sa inyo o sa iba. Huwag po kayong matakot,” sabi ng babaeng pulis.

Muling nagtama ang mga mata namin ni Renzo. Kung kanina ay may pagmamakaawa doon, ngayon ay seryoso na siya. Para bang hinihintay na lang niya kung ano ang gagawin ko. May takot na lumukob sa akin. Natatakot ako sa pwede pang gawin ni Renzo sa akin kapag hindi ko sinunod ang gusto niya. Isa pa, si Eris. Siya talaga ang iniisip ko ngayon.

Pumikit ako at huminga nang malalim…

“Mrs. Madriaga?” Untag ulit ng lalaking pulis.

“Y-yes, sir…” sagot ko pagkabukas ng aking mata. “T-totoo po na hinarang ako ng dalawang lalaki t-tapos gusto nila akong pagnakawan. Nang manlaban ako ay binugbog nila ako at… at kinuha nila ang mga gamit ko.” Napaluha ako. Alam kong hindi ko na pwedeng bawiin ang nasabi ko dahil baka hindi na nila ako paniwalaan.

“Natatandaan niyo ba ang mukha ng dalawang lalaki, misis?”

Umiling ako. “H-hindi po. May nakasuot na maskara sa mukha nila.”

“Baka po kasi isa sa mga gang na pakalat-kalat dito sa lugar natin ang umatake sa inyo. Pero huwag po kayong mag-alala dahil magtatalaga kami ng pulis o tanod na magbabantay sa inyong lugar lalo na kapag gabi. Gagawan na rin namin ito ng police report, misis. Maraming salamat po!”

“Maraming salamat din po, sir…”

Nang makaalis na ang mga pulis ay nilapitan ako ni Renzo. Ang buong akala ko ay magiging mabait na siya pero nagkamali pala ako. Walang pag-iingat niyang sinaklit ang isa kong braso at mahigpit iyong pinisil.

CheatersTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon