"RON!"
Agad akong lumingon sa likod ko nang marinig ko ang pangalan ko na tinatawag nang kung sino. Noong una ay panay lingon pa ako dahil hindi ko makita kung sino ang tumawag sa akin. Nalaman ko lang kung sino 'yon nang may tumapik sa likod ko.
Lumingon ako sa likod ko at malawak akong napangiti nang makita ko na si Cyrus iyon, ang tropa ko.
Nang magkaharap ay ginawa namin ang nakagawian naming gawin tuwing nagkikita kami, fist bump. Akala ko ay ganoon lang ang gagawin namin, pero nagulat na lang ako nang bigla ako nitong niyakap nang mahigpit. Natatawang tinapik ko na lang tuloy ang likod ni Cyrus bago ako nito binitawan.
"Naks! Mukhang na-miss mo ako ha?!" Malakas na saad ko sabay tawa nang malakas. Nasa bar kasi kami ngayon kaya kinailangan naming magsigawan sa sobrang lakas ng tugtugin, malikot din ang mga iba't ibang kulay na ilaw sa loob ng establisyimentong 'yon kaya naman medyo nahihilo na ako. Mukhang tinamaan na din ako ng Black Label na kanina ko pa kasama. Ilang bote na nga yata ang napatumba ko.
Napaamang na lang ako ng bigla akong binatukan nang malakas ni Cyrus. Akala ko ay mabubuwal ako. Mabuti na lang at nahawakan ko ang likod ng sofa na malapit sa kinatatayuan namin. Normal na naman sa amin ni Cyrus ang magkasakitan, pero iba ngayon dahil talagang tinamaan na ako ng lintik.
"Siraulo!" Tawa pa ni Cyrus kaya naman natawa na din ako. Nang humupa ang tawanan ay niyaya ko siya sa kung saan ako nakaupo kanina.
Ako lang ang mag-isang nagpunta ngayon dito sa paborito naming tambayang magtotropa. Busy sila sa kaniya-kaniyang buhay pag-ibig kaya naman hindi ko inaasahan na makikita dito si Cyrus.
Buhay pag-ibig? Hah! Wala kasi ako noon.
"Ano'ng ginagawa mo dito?" Tanong ko kay Cyrus nang makaupo kami sa isang sofa na pabilog at may sandalan, may kaunting siwang dito para makapasok kami. Sa gitna ng pabilog na sofa na iyon ay mayroon ding pabilog na lamesa na gawa naman sa kahoy, dito inilalagay ang mga inorder ng mga customer ng bar na iyon.
May VIP room din sila dito. Nasa ikalawang palapag ng bar na ito nakatayo iyon. May sarili itong speaker, karaoke machine, at stage sa loob nito. Sound proof ang kuwartong 'yon kaya hindi maririnig ang ingay na nagmumula dito sa baba. May kamahalan nga lang. Pero worth it naman kung 'yon ang ookupahan niyo, lalo na kung kasama mo ang buong tropa.
Tropang hindi ko kasama ngayon dahil may sari-sarili silang pinagkakaabalahan ngayon, at iyon ay ang mga girlfriend o asawa nila.
"We're just here to hang out dude! Kanina pa kami nandito nila Jena. Actually kasama namin 'yung mga kaibigan niya pati 'yung mga boyfriend nila." Explain ni Cyrus ngunit natigilan ako noong marinig ko ang pangalang iyon.
Pangalan na kahit kailan ay hindi ko na yata makakalimutan pa. Pangalan na hindi ko aakalaing mamimiss kong tawagin at marinig nang paulit-ulit. Pangalan na tumatak na sa isip ko, lalong-lalo na sa puso ko.
Mukhang hindi napansin ni Cyrus na natigilan ako kaya nagpatuloy pa ito sa pagkukuwento.
"You know? We just came back from New York! Grabe pre! Iba talaga 'yung feeling kapag kasama mo mag-travel 'yung babaeng mahal mo 'no? Hinding-hindi ka magsasawa at mapapagod na maglakbay nang paulit-ulit basta kasama mo siya. Kahit pa libutin niyo pa 'yung buong mundo. Makasama mo lang siya nang matagal. 'Yung kayong dalawa lang! Tangina pre! The best!" Kuwento pa ni Cyrus.
Habang nagsasalita ito at ay napatitig na lang ako sa mukha niya. Kitang-kita ang sobrang kasiyahang nararamdaman niya ngayon habang kinukuwento niya ang mga masasayang experience niya kasama ang girlfriend niya sa pag-travel, si Jena, ang ex ko.
YOU ARE READING
Hymn Of The Heart
General FictionListen. Some songs aren't just a song for someone. Careful, because a song can sometimes be a meaningful hymn for someone. A hymn in someone's heart. Date Published: September 25, 2019
