WG CAROLINE - Part 2

6K 141 2
                                    

"PAPA!" Napatayo pa si Caroline nang makita ang ama na siya mismong bumababa buhat sa truck. "Sumama pa kayo sa pagluwas? At kayo pa ang nagmaneho? Nasaan si Kuya Vic?"

Bihirang sumama si Mang Delfin sa pagbababa ng bulaklak. Karaniwan nang nasa farm lamang ito at siyang namamahala doon. Ang isa pa niyang kapatid na lalaki ang siyang nakatokang magluwas ng bulaklak. Dadalhin nito sa kanya ang order niya at ang iba pa ay ibabagsak naman sa mga puwesto ng bulaklak sa Dimasalang. Halos linggo-linggo ay nagbibiyahe ito mula sa kanilang farm.

"Paminsan-minsan lang naman ang ganito. Saka galing sa trangkaso si Vic. Baka mamaya mabinat pa kung magmamaneho nang malayo. Isa pa, kabuwanan na ng hipag mo. Mas mainam na nandoon lang siya. Si Megan?"

"Paparating na iyon. May iniutos lang ako sa Divisoria. Gutom na ba kayo, Pa? Magpapabili ako ng pagkain."

"Hindi ba kayo nagluluto dito?"

"Nagluluto. Kaya lang kapag ganitong may kasal kami kinabukasan, hindi na kami nag-aabala pang magluto. Mas mabilis kasi iyong bibili na lang sa labas. Pagkatapos naming kumain, trabaho na uli."

"Baka naman hindi kayo matunawan kapag ganyan."

Ngumiti siya at malambing na yumakap sa ama. "Kanino naman kaya kami nagmana ng pagka-workaholic? Hindi ba't sa inyo din? Ano, magpapabili na ako ng pagkain. Ayaw ninyo lang umamin pero pupusta ako, ang huling kain ninyo ay sa bandang Pangasinan pa. Iyon ay kung hindi kayo dumiretso ng biyahe. Kilala ko kayo. Madalas kaysa hindi, ini-straight ninyo ang biyahe mula Benguet hanggang Maynila."

"May baon naman akong thermos ng kape."

"Pagkain ba iyon, eh, pampaihi lang iyon. Ilan ang kargador ninyong kasama para maibilang na rin sa ibibili ng pagkain?"

"Dalawa lang. Mamaya ka na magpabili pagdating ni Megan para magkasabay-sabay na tayo sa pagkain."

"Pa, ikaw siguro makakatiis pa. Eh, iyong mga kargador mo? Baka nanghihina na sa gutom ang mga iyon, maibagsak pa ang mga bubuhating bulaklak. Paunahin na natin silang kumain."

"Bahala ka. Bakit hindi ka kumukuha ng katulong para may nag-aasikaso ng pagkain ninyo dito?"

"Pa, ganito lang kami kapag may kasal. Kapag pangkaraniwang araw, kayang-kaya naming asikasuhin ang sarili namin. Kumusta nga pala kayo ni Kuya? Hindi kami nakakadalaw dahil nagkasunod ang kasal na inayos namin. Next month, wala kaming tanggap na kasal. Baka makapag-stay kami ng ilang araw doon ni Megan."

"Malapit nang manganak ang Ate Mina ninyo. Kambal daw ang nakita sa ultrasound. Nakahalang daw ang posisyon ng isang bata kaya kapag hindi iyon umikot sa tamang posisyon, malamang na ma-caesarian siya. Sana nga, maging maayos para naman hindi masyadong magastos," tila may bahid na lungkot na sabi nito. "Mabuti naman kung uuwi kayo. Iba pa rin ang hangin doon. Sariwa."

"Akala ko ba'y most polluted area ang Baguio? Nabasa ko iyon sa diyaryo noong isang araw lang."

"Sa Baguio siguro. Iba naman ang lugar natin sa La Trinidad."

"Kunsabagay," sabi na lang niya at dinampot na ang telepono upang magpa-deliver ng pagkain. Pagkababa ng aparato, natanaw niyang dumating na si Megan. Lihim siyang nasiyahan nang makita ang ilang malaking plastic bag na naglalaman ng mga rolyo ng ribbon. At least, nabawi niya ang deposito niya.

"Papa!" excited na wika ni Megan nang makita ang ama. Ni hindi siya nito tinapunan ng tingin at hawak pa rin ang mga bitbit na nilapitan ang ama. Hindi naman niya masisisi ang kapatid palibhasa ay bunso ito. Kung hindi nga lang din sa kagustuhan ng papa nila, malamang ay hindi ito sumama sa kanya sa Maynila. Maka-ama si Megan. Lalo pa nang maulila sila sa ina three years ago.

Wedding Girls Series 14 - CarolineWhere stories live. Discover now